Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Ina Salamat sa magandang serye na “Ang Tungkulin ng mga Ina Bilang Tagapagturo.” (Pebrero 22, 2005) Talagang naantig ako nito, at naudyukan akong tawagan agad ang aking ina pagkabasa ko nito. Ang aking ina ang nagpalaki sa amin ng kuya ko. Nag-aral siya sa sarili niyang pagsisikap upang mapaglaanan kami. Tiniyak niyang regular kami sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryo. Sulit ang pagpapagal niya. Salamat sa pagpapaalaala sa akin sa napakainam niyang halimbawa.
M. S., Estados Unidos
Naalaala ko ang mapagsakripisyong pagsisikap ng aking ina na turuan ako sa espirituwal at moral. Bagaman wala siyang emosyonal at pinansiyal na suporta mula sa aking ama, tinuruan niya akong ibigin si Jehova. Pinasigla rin niya akong maging buong-panahong ebanghelisador. Sa pakiwari ko’y hindi ko gaanong pinahalagahan ang pagpapagal ng aking ina, ngunit gaya ng iminungkahi ng serye, karapat-dapat siyang papurihan. Tinawagan ko siya kahit nasa malayo siya upang magpasalamat!
C.H.K., Republika ng Korea
Hindi namin kapananampalataya ang aking ama. Ang aking ina ang nagpalaki sa akin “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Hindi naging madali iyon para sa kaniya, lalo na dahil sa ugaling ipinakikita ko kung minsan. Ako ngayon ay 24 na taóng gulang na, at nagpapasalamat ako na hindi siya sumuko kundi nagtiyaga sa pagkikintal sa aking puso ng katotohanan sa Bibliya.
D. M., Italya
DNA Gustung-gusto ko ang artikulong “‘Basurang’ DNA?” (Pebrero 22, 2005) Kumuha ako ng kurso sa molecular biology ilang taon na rin ang nakalilipas. Yamot na yamot ako sa aklat-aralin, yamang tinawag nitong basura ang 95 porsiyento ng ating DNA! Gumamit ng pagkagagandang ilustrasyon ang awtor upang ipaliwanag kung paano gumagana ang DNA, at biglang-bigla, sinabi niyang bunga ito ng ebolusyon. Kaya mauunawaan ninyo kung gaano ako kaligaya nang mabasa ko sa Gumising! ang tungkol sa tinatawag na basurang DNA.
J. C., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Naantig ako sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Kaya Makokontrol ang Aking Damdamin?” (Pebrero 22, 2005) Ako ay 31 taóng gulang at pinalaki bilang Kristiyano, pero malayo pa ako sa pagiging may-gulang. May mga pagkakataon nitong kamakailan nang magsiklab ako sa galit, na ikinagulat ko mismo. Nakatulong ang payo ng aking ina at isa pang kapatid na babaing Kristiyano. Saka naman dumating ang artikulong ito—sa tamang panahon. Dalawang beses ko na itong nabasa at iingatan ko ito para matutuhan kong kontrolin ang aking damdamin.
I. B., Alemanya
Wikang Pasenyas Ipinagtataka ko ang madalas na pagbanggit hinggil sa pagiging bingi, ang pinakahuli ay nasa “Pagmamasid sa Daigdig” tungkol sa “Internet Sign Language.” (Pebrero 8, 2005) Isa akong Saksi ni Jehova, at aktibo ako sa ministeryo sa loob ng maraming taon na. Pero wala pa akong natatagpuang bingi sa buong panahong nangangaral ako! Talaga bang maraming bingi?
Hindi ibinigay ang pangalan, Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Ayon sa isang pag-aaral, mga 8,000,000 katao na mahigit limang taóng gulang ang may problema sa pandinig sa Estados Unidos pa lamang—kahit na mayroon silang gamit na “hearing aid.” Mga 1,000,000 sa bilang na ito ang nakikipagtalastasan sa pamamagitan ng wikang pasenyas. Isa pang pag-aaral sa bansa ring ito ang nagsabi na mga 28,000,000 indibiduwal (anuman ang edad) ang may problema sa pandinig ngunit hindi gumagamit ng “hearing aid.” Posible namang makatagpo ng mga taong bingi nang hindi ito napapansin, yamang malamang na hindi nga ito mapansin ng mga nagmamasid. Bukod dito, kapag ang mga bingi ay may kasama sa bahay na taong nakaririnig, madalas na ang taong nakaririnig ang nagbubukas ng pinto.