Karapatan ng Pasyente na Pumili
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
◼ Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapasalin ng dugo. Ito’y bilang pagsunod sa mga utos ng Bibliya, na ang kauna-unahan sa mga ito ay nagsasabi: “Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin.” Sa mga Kristiyano noong unang siglo, ito ang sinabi: “Patuloy na umiwas . . . sa dugo.”—Genesis 9:4; Gawa 15:29; Levitico 17:14.
Sa Monterenzio, Italya, ang mga estudyante sa ikaanim hanggang ikawalong grado ay sinabihang sumulat ng sanaysay tungkol sa kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo. Ganito ang isinulat ng estudyanteng si Benedetta, na isang Saksi ni Jehova:
“Alam ng marami na hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova bilang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, pero hindi naman ibig sabihin nito na tinatanggihan din nila ang iba pang paraan ng paggamot. Sa katunayan, mahalaga sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang kalusugan. Sinisikap nilang humanap ng pinakamahusay na paraan ng paggamot para sa kanila at sa kanilang mga anak. Handa silang makipagtulungan sa mga doktor, hangga’t iginagalang ng mga ito ang kanilang mga paniniwala.”
Isinulat pa ni Benedetta: “Bawat pasyente ay may karapatang pumili ng paggamot na sa palagay niya’y pinakamabuti para sa kaniya, karapatang igalang, at karapatang malaman ang mga panganib at kapakinabangan ng pinili niyang paraan ng paggamot.”
Binigyan ng premyo ng sangay ng AVIS (Asosasyon ng mga Donor ng Dugo sa Italya) sa Monterenzio ang mga estudyanteng gumawa ng mahusay na sanaysay. Ayon sa ulat na inilathala sa magasing Monterenzio Vivace: “Pinuri si Benedetta Barbi sa kaniyang sanaysay na naiiba sa opinyon ng nakararami—ibang-iba sa pananaw ng AVIS—pero naipahayag ng estudyante sa sanaysay na iyon ang kaniyang mga paniniwala sa timbang at magalang na paraan.”
Kahit “naiiba sa opinyon ng nakararami” ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa dugo, nakikita na ngayon ng maraming doktor ang kahalagahan ng kanilang paniniwala. Ang paninindigan ng mga Saksi ang nagtulak sa mga doktor na humanap ng bagong mga paraan para mabawasan ang pagdurugo sa panahon ng operasyon. Kapuwa mga pasyenteng Saksi at hindi Saksi ang nakikinabang dito. Pero ang pangunahing dahilan kung bakit hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova ay ang paninindigan nila sa turo ng Bibliya, gaya ng ipinaliwanag sa pasimula.
Sa susunod na may makausap kang mga Saksi ni Jehova, puwede mo silang tanungin tungkol sa pangmalas ng Diyos sa dugo. Gusto nila itong ipaliwanag sa iyo nang may “matinding paggalang.”—1 Pedro 3:15.
[Kahon/Larawan sa pahina 30]
KARAGDAGANG IMPORMASYON
Sa tulong ng maraming kilalang eksperto, inihaharap ng DVD na Transfusion Alternatives ang mga prinsipyo sa medisina, batas, at etika tungkol sa mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Makakakuha ka nito sa mga Saksi ni Jehova.