Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/09 p. 12-15
  • Tapat sa Diyos Nang Mahigit 70 Taon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tapat sa Diyos Nang Mahigit 70 Taon
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Masigasig na Nangaral
  • Pagsubok sa Panahon ng Digmaan
  • Higit Pang mga Pagsubok sa Pananampalataya
  • Ipinangaral ang Tunay na Kalayaan
  • Muling Ipinagbawal
  • Napakasayang Buhay!
  • Isang Payunir na Malakas ang Loob
    2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Posible Bang Maging Tapat sa Isang Tiwaling Daigdig?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Ang Kanilang Paghahanap sa Tamang Relihiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Gumagawa ng “Mga Himala” ang Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Gumising!—2009
g 9/09 p. 12-15

Tapat sa Diyos Nang Mahigit 70 Taon

Ayon sa salaysay ni Josephine Elias

“Huwag kang mag-alala,” ang bulong ng asawa ko habang nasa likod ng rehas na bakal. “Patayin man nila ako o palayain, mananatili akong tapat kay Jehova.” Ako rin ay determinadong manatiling tapat. Ganiyan pa rin ang damdamin ko ngayon.

ISINILANG ako noong 1916 sa Sukabumi, isang maliit na lunsod sa bulubunduking rehiyon ng Kanlurang Java, Indonesia. Tsino ang mga magulang ko. Tan Gim Hok ang pangalan ni Tatay at Kang Nio naman si Nanay. Mayaman sila, nakatira sa malaking bahay, at may mga katulong. May lima akong kapatid na lalaki, tatlong nakatatanda at dalawang nakababata. Nag-iisa lang akong babae kaya kilos lalaki ako. Umaakyat ako ng bubong at mahilig ako sa isports. Pero may isang bagay akong kinakatakutan.

Takót akong masunog sa impiyerno. Sabi ng mga titser ko, napupunta raw sa impiyerno ang makukulit na bata. At dahil makulit ako, inisip kong doon ako mapupunta. Nang maghaiskul ako sa Jakarta (Batavia noon), nagkasakit ako. Akala ng doktor, mamamatay na ako, kaya para hindi ako matakot, sinabi ng kasera namin na malapit na akong mapunta sa langit. Pero inisip ko pa rin na sa impiyerno ako mapupunta.

Sumugod sa Jakarta si Nanay at si Kuya Dodo para sunduin ako. Habang nasa biyahe, tinanong ako ni Kuya, “Alam mo bang hindi itinuturo ng Bibliya ang impiyerno?”

“Paano mo nalaman?” ang tanong ko. Binasa ni Nanay ang mga teksto sa Bibliya na nagpapakitang ang mga patay ay walang nalalaman at naghihintay ng pagkabuhay-muli. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29) “Mga Saksi ni Jehova ang nagturo sa amin,” ang paliwanag nila. Binigyan nila ako ng maliit na buklet na may pamagat na Saan Naroon ang mga Patay? (Where Are the Dead?) at binasa ko agad iyon.a Bago pa makarating ng bahay, nasabi ko, “Ito ang katotohanan!”

Masigasig na Nangaral

Nang panahong iyon, lumipat na ang pamilya namin sa Bandung, isang malaking lunsod sa Kanlurang Java. Doon ako nagpagaling. Noong Marso 1937, dinalaw kami ni Clem Deschamp, isang Saksing Australiano na naglilingkod sa Jakarta. Nang panahong iyon, nagpabautismo ako, ang nanay ko, pati ang mga kuya ko​—sina Kuya Felix, Kuya Dodo, at Kuya Peng​—bilang sagisag ng aming pag-aalay sa Diyos. Di-nagtagal, naging mga Saksi rin ang dalawa ko pang kapatid na sina Hartanto at Jusak pati na ang tatay ko.b

Pagkatapos naming mabautismuhan, sumama kami kay Clem sa siyam-na-araw na espesyal na kampanya ng pangangaral. Tinuruan niya kami kung paano mangaral gamit ang testimony card na naglalaman ng simpleng mensahe ng Bibliya sa tatlong wika. Nagpatotoo rin kami nang di-pormal sa mga kamag-anak at kaibigan. Di-nagtagal, ang maliit na grupo namin sa Bandung ay naging kongregasyon, ang ikalawa sa Indonesia.

Nang maglaon nang taóng iyon, lumipat ang pamilya namin sa Jakarta para mangaral sa 80,000 Tsinong nakatira roon. Kami ni Nanay at Kuya Felix ay naglingkod nang buong-panahon bilang mga Kristiyanong ministrong payunir. Nangaral din ako sa Bandung, Surabaya, at iba pang lugar. Madalas na wala akong kasama. Bata pa ako noon, malakas, at masayang naglilingkod sa Diyos. Pero may nagbabantang digmaan, at malalagay sa pagsubok ang aking pananampalataya.

Pagsubok sa Panahon ng Digmaan

Noong Disyembre 1941, sumabak ang Asia sa Digmaang Pandaigdig II. Kinontrol ng Imperial Japanese Army ang Indonesia. Ipinagbawal ang aming mga literatura sa Bibliya, at hindi kami makapangaral nang malaya. Nagdadala ako ng chessboard kapag dumadalaw sa mga interesadong tao sa kanilang bahay para isipin ng mga nakakakita na naglalaro lang kami.

Noong 1943, kinasal kami ni André, isang payunir na malakas ang loob at may awtoridad kapag nagsalita. Palihim kaming nagpapasok ni André ng mga literatura sa Bibliya para sa mga Saksi sa buong Java. Kapag nahuli, tiyak na pahihirapan kami at papatayin. Ilang beses na kaming muntik mahuli.

Minsan, nang pasakay na kami ni André ng tren sa Sukabumi, kinompronta kami ng Kempeitai, ang kinatatakutang pulis militar ng Hapon. May dala akong ipinagbabawal na literatura sa bag ko. “Ano ang laman ng bag n’yo?” ang tanong ng isang pulis.

“Mga damit po,” ang sagot ni André.

“Ano ang nasa ilalim ng mga damit?” ang tanong niya.

“Damit din po,” ang sabi ni André.

“Yung nasa pinakailalim?” ang tanong ng pulis. Kinabahan ako at nanalangin nang tahimik kay Jehova. “Tingnan n’yo na lang po,” ang sagot ni André.

Kinapa ng kasama ng pulis ang ilalim ng bag. Mayamaya, bigla siyang napasigaw sabay labas ng kaniyang kamay sa bag. Natusok siya ng pin. Sa hiya ng opisyal, ipinasara niya agad ang bag at pinasakay na kami sa tren.

Sa isa namang biyahe papuntang Sukabumi, nakilala ng Kempeitai na isa akong Saksi kaya pinapunta ako sa kanilang himpilan. Sinamahan ako ni André at ni Kuya Felix. Si André ang una nilang pinagtatanong. “Ano ba ang mga Saksi ni Jehova? Kalaban ba kayo ng gobyerno ng Hapon? Espiya ka ba?”

“Lingkod po kami ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at wala kaming ginagawang masama,” ang sagot ni André. Kinuha ng kumandanteng opisyal ang samurai na nasa dingding sabay amba.

“Kung patayin kita ngayon?” ang sigaw niya. Ipinatong ni André ang ulo niya sa mesa at nanalangin nang tahimik. Nagkaroon ng mahabang katahimikan. Pagkatapos, biglang nagtawanan ang mga opisyal. “Ang tapang mo!” ang sabi ng opisyal. Pinalabas niya si André at kami naman ni Kuya Felix ang tinawag. Nang makita nilang pare-pareho ang sagot naming tatlo, sumigaw ang opisyal: “Hindi kayo mga espiya. Umalis na kayo!”

Umuwi kaming tatlo na masayang pumupuri kay Jehova. Wala kaming kamalay-malay na mas mahihirap pang pagsubok ang darating sa amin.

Higit Pang mga Pagsubok sa Pananampalataya

Makalipas ang ilang buwan, inakusahan si André ng “mga bulaang kapatid” at ikinulong siya ng Kempeitai. (2 Corinto 11:26) Dinalaw ko siya sa bilangguan. Payat na siya at nanghihina. Para lang may makain, namumulot siya ng mumo sa kanal ng selda. Hindi nagtagumpay ang mga tagapagbilanggo na sirain ang kaniyang katapatan. Gaya ng binanggit sa pasimula, bumulong siya sa akin sa likod ng mga rehas na bakal: “Huwag kang mag-alala. Patayin man nila ako o palayain, mananatili akong tapat kay Jehova. Mailalabas nila ako na isang bangkay, pero hindi isang traidor.”

Makalipas ang anim na buwan sa bilangguan, nilitis si André sa Mataas na Hukuman ng Jakarta. Siksikan sa silid-hukuman sa dami ng kapamilya at kamag-anak naming naroroon. Punô ng tensiyon ang paligid.

“Bakit hindi ka sumasali sa hukbong Hapones?” ang tanong ng hukom.

“Isa po akong sundalo para sa Kaharian ng Diyos,” ang sagot ni André, “at ang isang sundalo ay hindi makapaglilingkod nang sabay sa dalawang hukbo.”

“Hihikayatin mo ba ang iba na huwag sumali sa hukbo?” ang tanong ng hukom.

“Hindi po,” ang sabi ni André, “nasa kanila ang pagpapasiya.”

Ipinagpatuloy ni André ang pagtatanggol sa sarili sa pamamagitan ng maraming teksto sa Bibliya. Humanga ang hukom na isang debotong Muslim. “Sabihin na nating magkaiba ang ating mga paniniwala, pero hindi ko pipilitin ang isang tao na gawin ang isang bagay na labag sa kaniyang konsiyensiya,” ang sabi ng hukom. “Malaya ka na.”

Lumundag ang puso ko sa tuwa at nakahinga kami nang maluwag. Nilapitan ako ni André at hinawakan ang aking kamay. Binati rin kami ng mga kapamilya at kaibigan namin na tuwang-tuwa sa nangyari.

Ipinangaral ang Tunay na Kalayaan

Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, sumiklab naman sa Indonesia ang apat-na-taóng rebolusyon laban sa pananakop ng mga Olandes. Libu-libo ang namatay, at halos lahat ng residente sa mga nayon ay nagsilikas. Pinilit kami ng mga taong makabayan na sumigaw ng “Merdeka,” na nangangahulugang “Kalayaan.” Pero sinabi namin sa kanila na neutral kami pagdating sa pulitika.

Sa kabila ng karahasan, ipinagpatuloy namin ang aming pangangaral sa bahay-bahay. Ginamit namin ang lumang mga testimony card at mga literaturang naitago namin bago magkaroon ng digmaan. Noong Mayo 1948, nang humupa ang karahasan, nagpayunir uli kami ni André, at kami lang ang payunir sa Indonesia noon. Pagkalipas ng tatlong taon, tuwang-tuwa kami sa pagdating sa Jakarta ng 14 na Saksing nagsipagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead sa hilaga ng New York, sa Estados Unidos. Dahil sinanay nila kami, lalo kaming naging handa na tumanggap ng higit pang mga responsibilidad.

Noong Hunyo 1952, tinanggap namin ni André ang atas na maglingkod bilang special pioneer sa Semarang, sa sentro ng Java. Nang sumunod na taon, nakasama kami sa ika-22 klase ng Gilead. Matapos ang gradwasyon, bumalik kami sa Indonesia at inatasan kami sa Kupang, Timor. Pagkatapos, inatasan kami sa Timog Sulawesi at Hilagang Sulawesi. Doon, napaharap kami sa mas marami pang pagsubok sa pananampalataya.

Muling Ipinagbawal

Noong 1965, daan-daang libo katao ang namatay dahil sa tangkang kudeta. Nakisangkot ang ilang klero ng Sangkakristiyanuhan at sinabi nilang Komunista raw ang mga Saksi ni Jehova. Mabuti na lang, hindi sila pinaniwalaan ng mga awtoridad. Pero hindi tumigil ang klero sa paninira sa mga Saksi. Kaya noong Disyembre 25, 1976, ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova.

Di-nagtagal matapos ideklara ang pagbabawal, ipinatawag si André ng district attorney sa Manado. “Alam mo bang bawal na ang mga Saksi ni Jehova?” ang tanong niya.

“Opo,” ang sagot ni André.

“Magbabago ka na ba ng relihiyon?” ang tanong ng abogado.

Bahagyang lumapit si André at kinalabog ang kaniyang dibdib. “Dukutin man ninyo ang puso ko, hindi ninyo ako mapipilit na baguhin ang aking relihiyon,” ang sabi niya sa malakas na tinig.

Nagulat ang abogado at nagtanong, “Ano ang isusulat ko dito sa report?”

“Isulat po ninyong Saksi ni Jehova pa rin ako at wala akong ginawang masama,” ang sagot ni André.

“Kukumpiskahin ko ang mga literatura ninyo,” ang sabi ng abogado.

Nang gabing iyon, kinuha ng mga kabataang Saksi ang mga literatura sa bahay namin, at mga karton lang ang iniwan. Nagpatuloy kami sa pangangaral, gamit ang Bibliya. Hindi na kami uli ginambala ng district attorney.

Napakasayang Buhay!

Nang maglaon, nagpayunir kami ni André sa Surabaya (sa isla ng Java) at sa Bangka (isang isla sa timog-silangan ng Sumatra). Pero noong 1982, napilitan kaming bumalik sa Jakarta dahil sa mahinang kalusugan. Noong 2000, namatay si André sa edad na 85. Naging masigasig siya sa pagpapayunir hanggang sa kaniyang kamatayan. Nang sumunod na taon, inalis ang pagbabawal sa mga Saksi.

Napakasaya ng buhay ko! Ngayon, 93 anyos na ako at mahigit 70 taon nang naglilingkod bilang ministrong payunir. Noong 1937, nang mabautismuhan ako, 25 lamang ang mga Saksi ni Jehova sa Indonesia. Sa ngayon, halos 22,000 na. Masayang-masaya ako dahil nakatulong ako sa pagsulong na iyon! Pero simula pa lamang ito. Gusto kong maglingkod nang tapat sa Diyos magpakailanman.

[Mga talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

b Nanatiling tapat kay Jehova ang buong pamilyang ito. Sina Josephine at Jusak na lamang ang natitirang buháy at masigasig pa ring naglilingkod kay Jehova sa Jakarta.

[Blurb sa pahina 13]

“Isa po akong sundalo para sa Kaharian ng Diyos, at ang isang sundalo ay hindi makapaglilingkod nang sabay sa dalawang hukbo”

[Blurb sa pahina 14]

“Dukutin man ninyo ang puso ko, hindi ninyo ako mapipilit na baguhin ang aking relihiyon”

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga lugar na tinirhan at pinangaralan namin

INDONESIA

Sulawesi

Manado

Sumatra

Bangka

Java

JAKARTA

Sukabumi

Bandung

Semarang

Surabaya

Timor

Kupang

[Larawan sa pahina 15]

Kasama si André noong dekada ng 1970

[Mga larawan sa pahina 15]

Noong 15 anyos ako, nakatulong sa akin ang buklet na “Where Are the Dead?” para malaman ang katotohanan sa Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share