Ang Kanilang Paghahanap sa Tamang Relihiyon
SAPOL sa pagkabata ang ilang tao ay naghahanap na ng kasiya-siyang mga sagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa buhay. Nang nasa kabataan pa, marahil ay nakadalo sila sa mga serbisyong relihiyoso. Subalit nasumpungan ng marami sa kanila na kahit ang mga sagot na ibinigay ni ang ritwal ng simbahan ay hindi nakatulong sa kanila upang mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay.
Baka sabihin nila na sila ay kabilang pa rin sa relihiyon ng kanilang mga magulang, bagaman bihira silang dumalo sa mga serbisyong relihiyoso. Ayon sa isang obispo ng Church of England, ang kanila ay isang tirá-tirahang pananampalataya. Ang relihiyon ay inilagay nila sa isang tabi. Ang iba naman, palibhasa’y nayayamot na sa pagpapaimbabaw na nakikita nila sa mga grupong relihiyoso, ay lubusan nang nagtakwil sa relihiyon. Gayunpaman, nananatili pa rin ang kanilang mga katanungan tungkol sa buhay.
Kung Bakit ang Ilan ay May Malulubhang Pag-aalinlangan
Alam ng karamihan ng tao na maraming iglesya ang may mga ahensiya upang tumulong sa mga walang tahanan, mamahagi ng pagkain sa mga kapus-palad, o tumangkilik sa mga pagdiriwang na pangkultura. Subalit halos araw-araw sila’y nakakabalita rin ng tungkol sa karahasan at pagdanak ng dugo na nag-uugat sa relihiyon hindi lamang sa mga di-Kristiyano kundi pati na rin sa mga nag-aangking Kristiyano. Kataka-taka ba kung sila’y nag-aalinlangan na ang mga grupong kasangkot sa gayong mga karahasan ay nagsasagawa ng tamang relihiyon?
Marami na pinalaking may relihiyon ay naniniwala na ang mga bahay-ampunan na itinataguyod ng mga simbahan ay isang mainam na bagay. Gayunman, noong nakaraang mga taon, sila’y nangilabot samantalang ang mga pari sa sunud-sunod na mga lugar ay inakusahan ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata na ipinagkatiwala sa kanila. Sa simula ay inakala ng mga tao na kakaunti lamang na mga pari ang dapat sisihin. Ngayon ang ilan sa kanila ay nag-iisip kung mayroon kayang malaking pagkakamali sa iglesya mismo.
Ang ilan, tulad ni Eugenia, ay dating masigasig sa kanilang relihiyon. Bilang isang kabataan sa Argentina, siya ay kabilang sa mga naglalakbay upang sumamba sa Birhen ng Itatí. Namuhay siya sa kumbento bilang isang madre nang may 14 na taon. Pagkatapos ay lumabas siya upang maging bahagi ng isang internasyonal na grupong relihiyoso at pulitikal na nagtaguyod ng madalian, radikal na pagbabago ng panlipunan at pangkabuhayang kaayusan ng lipunan sa pamamagitan ng rebolusyon. Bilang resulta ng kaniyang nasaksihan at naranasan, siya’y nawalan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos. Siya’y hindi talagang humahanap ng isang relihiyon na kaniyang mapaniniwalaan. Ang ibig niya ay isang paraan na magdadala ng katarungan sa mga dukha—oo, at isang kaibigan na kaniyang mapagkakatiwalaan.
Napapansin ng iba kung ano ang nangyayari sa mga iglesya kung kaya sila ay lumalayo. Isang ateyista na ang mga paniwala ay nalathala noong 1991 sa magasing Sputnik ang prangkahang nagsabi: “Wala akong makitang anumang mahalagang pagkakaiba ng mga katangian sa pagitan ng pagano at ng Kristiyanong mitolohiya.” Bilang isang halimbawa, inilarawan niya ang isang prusisyon sa mga lansangan ng Moscow na doon dahan-dahang binubuhat ng mga pari na nakasuot ng mahahabang damit na may ginintuang burda ang isang kabaong na may isang embalsamadong bangkay. Iyon ay bangkay ng “isang Orthodox na santong Kristiyano” na inililipat buhat sa isang museo tungo sa isang simbahan, at ipinagunita nito sa manunulat ang mga pari at mga bangkay sa sinaunang Ehipto. Nagunita rin niya, na samantalang yaong mga nakikibahagi sa prusisyon sa Moscow ay naniniwala sa “Kristiyanong Trinidad,” ang mga Ehipsiyo ay sumamba rin sa isang trinidad ng mga diyos—sina Osiris, Isis, at si Horus.
Ang manunulat ding iyan ay tumukoy sa Kristiyanong idea ng pag-ibig—“ang Diyos ay pag-ibig,” at “ibigin mo ang iyong kapuwa”—na nasumpungang walang katumbas sa paganong Ehipto. Subalit sinabi niya: “Ang pag-ibig pangkapatid ay hindi nagtagumpay sa daigdig, maging sa bahagi man nito na ang tawag sa kaniyang sarili ay Kristiyanong daigdig.” At sinundan niya iyan ng mga komento tungkol sa masasamang bunga buhat sa pagpupumilit ng relihiyon na mapasangkot sa mga gawain ng Estado. Ang kaniyang nakita ay hindi nag-udyok sa kaniya na madamang ang kaniyang hinahanap ay iniaalok ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
Sa kabaligtaran, ang iba ay nakasumpong ng kasiya-siyang mga kasagutan ngunit hindi sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan.
Natutuhan Niya ang Katotohanan Tungkol sa mga Patay
Si Magdalena, na 37 taóng gulang na ngayon, ay naninirahan sa Bulgaria. Pagkamatay ng kaniyang biyenang lalaki noong 1991, siya’y lubhang nasiraan ng loob. Paulit-ulit niyang tinanong ang kaniyang sarili, ‘Saan kaya nagtutungo ang mga patay? Nasaan kaya ang aking biyenang lalaki?’ Siya’y nagsimba, at nanalangin siya sa harap ng isang imahen sa tahanan, subalit hindi niya nakamit ang mga sagot.
Ngunit isang araw isang kapitbahay ang tumilepono upang anyayahan siya sa kaniyang tahanan. Isang kabataang lalaki na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang dumadalaw sa kapitbahay na iyon. Siya’y nakinig samantalang ang lalaki ay nagpapaliwanag tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa Kaniyang layunin na gawing isang paraiso ang lupa na kung saan ang mga tao ay makapamumuhay magpakailanman sa kaligayahan. Sa ibabaw ng mesa ay naroon ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Habang ginagamit ito, ibinaling ng kabataang lalaki ang pansin ng babae sa teksto sa Bibliya sa Eclesiastes 9:5, na nagsasabi: “Kung tungkol sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman.” Nagbasa pa siya ng higit nang gabing iyon. Nalaman niya na ang mga patay ay hindi nagpupunta sa kabilang buhay sa langit o sa impiyerno; sila’y walang malay, na para bang natutulog nang mahimbing. Malugod niyang tinanggap ang paanyaya na dumalo sa isang pulong ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng pulong siya ay pumayag sa isang regular na pag-aaral ng Bibliya. Palibhasa’y napansin niya sa pulong kung papaano ang pananalangin kay Jehova, siya ay nagsimula ring manalangin kay Jehova upang tulungan siya na madaig ang isang kahinaan na matagal na niyang taglay. Nang sagutin ang kaniyang panalangin, batid niya na nasumpungan na niya ang tamang relihiyon.
Nasumpungan Nila ang Buhay na May Kabuluhan
Si André ay lumaki sa isang tahanang saradong Katoliko sa Belgium at naging sakristan ng pari sa kanilang lugar. Gayunman, nang panahong iyon, nasaksihan niya ang mga bagay na sumira sa kaniyang paggalang sa simbahan. Bunga nito, siya’y Katoliko sa pangalan lamang.
Siya’y propesyonal na manlalaro ng soccer sa loob ng 15 taon. Minsan nang ang kaniyang koponan ay naglaro sa isang kompetisyon sa Italia, sila’y inanyayahang makipagkita sa papa. Walang anumang nakapagpapatibay sa espirituwal tungkol sa pagdalaw na iyon, at nakabalisa kay André ang makasanlibutang kayamanang nakapalibot sa papa. Lalong tumindi ang kaniyang mga pag-aalinlangan tungkol sa simbahan. Hindi maligaya ang kaniyang sariling buhay dahilan sa dalawang ulit na bigong pag-aasawa. Nakasiphayo sa kaniya ang kalagayan ng daigdig. Noong 1989 siya ay sumulat sa kaniyang taláarawán: ‘Ano ba ang kahulugan ng lahat ng kahangalang nagaganap sa paligid natin?’ Hindi siya nakasumpong ng mga kasagutan buhat sa kaniyang relihiyon.
Noong 1990, nang si André ay nagtatrabaho bilang isang coach ng soccer sa Iceland, siya’y nakilala ni Iiris, isang misyonera ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y tumanggap ng literatura at inanyayahan ang misyonera na bumalik. Siya naman ay bumalik kasama ang kaniyang asawa, si Kjell. Nang sa wakas ay makaupo na sila at makausap si André, maliwanag na siya’y totoong interesado na maunawaan ang Bibliya. Interesado rin ang kaniyang maybahay na si Ásta. Kapag tanghaling-tapat, mayroon siyang tatlong oras bago siya magtrabaho bilang coach, at sila’y nagpasiyang gamitin ang panahong iyon para sa pag-aaral ng Bibliya. “Ako’y higit na nagiginhawahan sa pag-aaral ng Bibliya kaysa basta pamamahinga,” aniya. Unti-unting nasagot ng Bibliya ang kanilang mga tanong. Unti-unting lumaki ang kanilang pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Ang maluwalhating mga pangako ng Bibliya ng isang mapayapang bagong sanlibutan, isang sanlibutang malaya buhat sa “lahat ng kahangalang nagaganap sa paligid,” ay naging tunay sa kanila. Kapuwa sina André at Ásta ay nagbabalita ngayon sa iba ng kanilang bagong katutuklas na pananampalataya.
Sina Magdalena, André, at Ásta ay nagtitiwala na sa wakas ay nasumpungan din nila ang tamang relihiyon. Pagkatapos na sikaping lutasin ang mga suliranin sa daigdig sa pamamagitan ng makapulitikang mga paraan, sa wakas ay nasumpungan din ni Eugenia sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ang relihiyon na waring sa kaniya ay tama. Subalit ano nga ba ang talagang batayan upang malaman kung ang isang relihiyon ang tama? Pakisuyong tingnan ang susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 7]
Ang regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ay nakakatulong sa mahigit na limang milyong katao sa kanilang paghahanap ng kasiya-siyang mga kasagutan