Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 10/09 p. 18-21
  • Wasák na Tahanan—Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Tin-edyer

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Wasák na Tahanan—Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Tin-edyer
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maling Akala sa Diborsiyo
  • Epekto ng Diborsiyo sa mga Tin-edyer
  • Wala Na ba Talagang Pag-asa?
  • Itinatag ng Diyos
  • Ang Diborsiyo ay May mga Biktima
    Gumising!—1991
  • Apat na Bagay na Dapat Mong Malaman Tungkol sa Diborsiyo
    Gumising!—2010
  • Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Anak
    Tulong Para sa Pamilya
  • Diborsiyo—Ang Mapait na Bunga Nito
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—2009
g 10/09 p. 18-21

Wasák na Tahanan​—Ang Epekto ng Diborsiyo sa mga Tin-edyer

‘KARAPATAN ninyong maging maligaya.’ Ganiyan ang payo noon ng mga eksperto sa mga mag-asawang nagkakaproblema. Dagdag pa nila: ‘Huwag ninyong alalahanin ang mga bata. Kayang-kaya nila ’yan. Mas makabubuti sa kanila kung maghihiwalay ang kanilang mga magulang na hindi magkasundo!’

Pero iba na ang hihip ng hangin. ‘Ang diborsiyo ay parang labanan,’ ang sabi ng ilang tagapayo na dating pabor sa diborsiyo. ‘Lahat ay nasasaktan, pati na ang mga bata.’

Maling Akala sa Diborsiyo

Pinalilitaw sa ilang palabas sa TV na simpleng solusyon ang diborsiyo. Halimbawa, may mga eksenang nagdiborsiyo ang mag-asawa. Napunta sa poder ng ina ang mga anak. Pagkatapos, nag-asawa siya ng isang biyudong mayroon ding mga anak. Patung-patong ang kanilang problema. Pero nalulutas agad ang mga ito.

Ipinakikita ng ganiyang eksena na simpleng bagay lang ang diborsiyo. Pero ang totoo, hindi biru-biro ang pagdidiborsiyo. Ganito ang isinulat ni M. Gary Neuman sa kaniyang aklat na Emotional Infidelity: “Sa proseso ng diborsiyo, may naghahabla, may inihahabla. Kapag nakipagdiborsiyo ka, ipinauubaya mo na ang anak mo, ang pera mo, at marahil pati ang bahay mo. Maaaring madaan sa usapan ang mga bagay-bagay, pero hindi ka pa rin tiyak. Ang masakit nito, ang hukom na hindi naman nakakakilala sa pamilya mo ang siyang magdidikta kung gaano mo kadalas makikita ang iyong anak at kung gaano kalaking pera ang matitira sa iyo. Ang masaklap pa nito, magkaiba ang takbo ng isip ninyo.”

Kadalasan nang hindi nawawala ang problema kapag nagdiborsiyo ang mag-asawa. Sa katunayan, baka nga maging problema pa nila ang mga bagay na gaya ng tirahan at kabuhayan. Bukod diyan, apektado rin ng diborsiyo ang mga bata.

Epekto ng Diborsiyo sa mga Tin-edyer

Kawawa ang mga bata, anuman ang edad nila, kapag nagdiborsiyo ang kanilang mga magulang. Sinasabi ng ilan na mas makakayanan ito ng mga tin-edyer. Tutal, may-isip na sila at malapit nang magsarili. Pero natuklasan ng mga mananaliksik na dahil sa mismong mga bagay na ito, mas matindi ang epekto ng diborsiyo sa mga tin-edyer.a Pansinin ang sumusunod:

◼ Habang nagkakaedad ang mga tin-edyer, mas madali silang naaapektuhan ng mga bagay-bagay kaysa noong bata sila. Huwag mong isipin na kaya na nilang magsarili. Ngayong tin-edyer na sila, higit nilang kailangan ang isang matatag na pamilya.

◼ Sa panahong ito natututo ang mga tin-edyer na maging malapít sa iba. Pero dahil sa diborsiyo, nag-aalangan na silang magtiwala, magmahal, at maging tapat sa iba.

◼ Karaniwan na, kapag nasasaktan ang mga bata​—anuman ang kanilang edad​—madali itong makikita sa kanila. Pero sa kaso ng ilang tin-edyer, hindi, dahil idinadaan nila ito sa pagrerebelde​—pagiging delingkuwente, at pagkalulong sa alak at droga.

Hindi ibig sabihin na hindi na maaaring magkaroon ng mabuting kaugnayan sa iba o magandang kinabukasan ang mga tin-edyer na nagdiborsiyo ang mga magulang. Maaari silang magtagumpay, lalo na kung malapít sila sa kanilang mga magulang.b Pero hindi tamang isipin na, gaya ng sinasabi ng ilan, laging ‘makabubuti sa mga bata’ o mawawala na ang problema ng mag-asawa kung magdidiborsiyo sila. Sa katunayan, natuklasan ng iba na kahit magkahiwalay na sila, naroroon pa rin ang problema at mas malala pa nga. Nariyan ang mas mabibigat na isyu tulad ng sustento o kung kanino mapupunta ang bata. Kaya hindi talaga inaalis ng diborsiyo ang mga problema ng pamilya. Inililipat lang nito ang mga problema sa korte.

Wala Na ba Talagang Pag-asa?

Paano kung nagkakaproblema kayo at naisip ninyong magdiborsiyo? Gaya ng tinalakay sa artikulong ito, may matitibay na dahilan para pag-isipan muna itong mabuti. Hindi diborsiyo ang solusyon sa lahat ng problema ng mag-asawa.

Pero hindi naman ibig sabihin nito na basta pagtiisan na lamang ang isang magulong pagsasama. May iba pang opsyon​—Kung nagkakaproblema kayong mag-asawa, bakit hindi ninyo pagsikapang lutasin ito? Huwag agad isipin na wala nang pag-asang maaayos pa ang mga problema ninyo. Tanungin ang iyong sarili:

◼ ‘Anu-anong katangian ang nagustuhan ko sa kaniya noon? Taglay pa rin ba niya ang mga ito?’​—Kawikaan 31:10, 29.

◼ ‘Maibabalik ko pa ba ang dati kong pagtingin sa kaniya noong magkasintahan kami?’​—Awit ni Solomon 2:2; 4:7.

◼ ‘Sa kabila ng mga nagawa ng asawa ko, paano ko masusunod ang mga mungkahi sa pahina 3 hanggang 9 ng magasing ito?’​—Roma 12:18.

◼ ‘Maipaliliwanag ko ba sa aking asawa (nang harapan o sa pamamagitan ng sulat) kung ano ang gusto kong mangyari para bumuti ang aming pagsasama?’​—Job 10:1.

◼ ‘Makakatulong kaya kung lalapit kami sa isang may-gulang na kaibigan para malaman ang puwede naming gawin upang maging maayos ang aming pagsasama?’​—Kawikaan 27:17.

Sinasabi ng Bibliya: “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Makakatulong ang simulaing iyan hindi lamang sa isa na pumipili ng mapapangasawa kundi pati na rin sa mag-asawang nagkakaproblema sa kanilang pagsasama. Oo, gaya ng binabanggit sa pahina 9 ng magasing ito, nagkakaproblema rin kahit ang maliligayang pamilya​—ang kaibahan lang ay kung paano nila hinaharap ang mga problema.

Bilang paglalarawan: Ipagpalagay nang naglalakbay ka sakay ng kotse. Tiyak na magkakaproblema ka sa daan. Nariyan ang di-magandang panahon, buhul-buhol na trapiko, at saradong daan. Baka nga magkaligaw-ligaw ka pa. Ano ang gagawin mo? Babalik ka na lang ba o gagawa ka ng paraan? Ganiyan din sa pag-aasawa. Tiyak na hindi madali ang “paglalakbay” na ito dahil sinasabi ng Bibliya na “may problema ang buhay may-asawa.” (1 Corinto 7:28, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Ang isyu ay hindi kung magkakaproblema kayo kundi kung paano ninyo haharapin ang mga ito. Baka naman may magagawa kayo para malutas ang mga problema at patuloy na magsama. Kung sa tingin ninyo ay wala nang pag-asa ang inyong pagsasama, makabubuting humingi ng tulong.​—Santiago 5:14.

Itinatag ng Diyos

Diyos ang nagtatag sa pag-aasawa kaya isa itong napakaseryosong bagay. (Genesis 2:24) Kung waring patung-patong na ang problema ninyong mag-asawa, tandaan ang mga puntong tinalakay sa artikulong ito.

1. Sikaping ibalik ang pagmamahal na dati mong nadama.​—Awit ni Solomon 8:6.

2. Isipin kung ano ang magagawa mo para bumuti ang inyong pagsasama, at gawin iyon.​—Santiago 1:22.

3. Sa malinaw at magalang na paraan, sabihin sa iyong asawa​—nang harapan o sa pamamagitan ng sulat​—kung ano sa tingin mo ang makabubuti sa inyong pagsasama.​—Job 7:11.

4. Humingi ng tulong. Hindi mo kailangang solohin ang paglutas sa problema!

[Mga talababa]

a Ipinakikita ng artikulong ito na apektado ng diborsiyo ang mga tin-edyer, pero apektado rin nito ang mga bata. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, isyu ng Disyembre 8, 1997, pahina 3-12, at Abril 22, 1991, pahina 3-11.

b Totoo, hindi ito laging posible, lalo na kung inabandona ng magulang ang kaniyang pamilya o napakairesponsable niya o kaya’y nananakit pa nga.​—1 Timoteo 5:8.

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

‘SIGURADO NA ’TO NGAYON’

Ipinakikita ng pag-aaral na hindi nawawala ang problema at mas lumalala pa nga kapag nakipagdiborsiyo ang isa at muling nag-asawa​—kahit ilang ulit pa. May isang dahilang binanggit si M. Gary Neuman sa kaniyang aklat na Emotional Infidelity. “Kung nagkaproblema kayo ng una mong asawa,” ang sabi niya, “hindi iyon dahil sa mali ang napili mong asawa. Nasa iyo ang diperensiya. Minahal mo siya. Anuman ang kalagayan ninyo ngayon, ikaw​—pati na ang iyong asawa​—ang gumawa nito.” Ang konklusyon ni Neuman? “Mas mabuting tapusin ang problema at patuloy na magsama, kaysa tapusin ang pagsasama pero patuloy pa rin ang problema.”

[Kahon sa pahina 21]

KAPAG NAGDIBORSIYO ANG MAG-ASAWA

Ipinakikita ng Bibliya na may mga pagkakataong ang pagsasama ay nauuwi sa diborsiyo.c Kung mangyari ito sa iyong pamilya, paano mo matutulungan ang iyong mga anak na tin-edyer na makayanan ito?

Sabihin sa iyong anak na tin-edyer ang nangyayari. Hangga’t maaari, ang dalawang magulang ang dapat gumawa nito. Ipaalam ninyo na hindi na mababago ang pasiya ninyong magdiborsiyo. Tiyakin sa kaniya na wala siyang kasalanan at mahal n’yo pa rin siya kahit na ano ang mangyari.

Tama na​—tapos na ang laban. May ilan na kahit nagdiborsiyo na, away pa rin nang away. Gaya ng sinabi ng isang eksperto, nagdiborsiyo na sila pero ayaw pa ring magpaawat. Dahil dito, napagkakaitan ang kanilang mga anak ng panahon at pagmamahal, yamang lagi silang nagtatalo kahit sa maliliit na bagay. Bukod diyan, maaari pa ngang gamitin ng mga bata ang hindi pagkakasundo ng kanilang mga magulang para makuha ang gusto nila. Halimbawa, maaaring sabihin ng bata sa kaniyang ina: “Si Itay nga pinapayagan akong magpagabi. Bakit kayo, ayaw n’yo?” Papayag naman itong nanay, palibhasa’y ayaw niyang kumampi ang bata sa dati niyang asawa.

Hayaan ang tin-edyer na magsabi ng kaniyang nadarama. Maaaring ikatuwiran ng mga tin-edyer, ‘Kung hindi na nila mahal ang isa’t isa, baka hindi na rin nila ako mahal,’ o ‘Kung sila nga hindi sumusunod, bakit ako susunod?’ Para mawala ang pangamba ng bata at maituwid ang kaniyang maling kaisipan, hayaan siyang magbuhos ng kaniyang niloloob. Pero tandaan: Ikaw ang magulang. Ikaw ang magbibigay ng emosyonal na suporta sa iyong anak, hindi ang kabaligtaran.

Pasiglahin ang tin-edyer na maging malapít sa dati mong asawa. Magulang pa rin siya ng iyong anak. Makakasamâ kung sisiraan mo siya. Ganito ang sabi ng aklat na Teens in Turmoil​—A Path to Change for Parents, Adolescents, and Their Families: “Kung gagamitin ng mga magulang ang kanilang mga anak bilang depensa sa korte, ihanda nila ang sarili nila sa magiging epekto nito.”

Huwag mong pabayaan ang sarili mo. Kung minsan, madarama mong parang hindi mo na kaya. Pero huwag kang susuko. Maging abala sa makabuluhang mga gawain. Kung isa kang Kristiyano, patuloy kang maging abala sa espirituwal na mga gawain. Makakatulong ito sa iyo at sa anak mong tin-edyer na manatiling timbang.​—Awit 18:2; Mateo 28:19, 20; Hebreo 10:24, 25.

[Talababa]

c Sinasabi ng Bibliya na ang seksuwal na pakikipagrelasyon sa iba ang tanging dahilan para putulin na ang pagsasama. Sa kasong ito, puwedeng mag-asawa uli. (Mateo 19:9) Kapag nangyari ito, ang asawang pinagkasalahan​—hindi ang kapamilya niya o ibang tao​—ang magpapasiya kung pagdidiborsiyo ang pinakamabuting gawin.​—Galacia 6:5.

[Larawan sa pahina 20]

Sikaping maging tapat sa iyong panata

[Larawan sa pahina 21]

Pasiglahin ang iyong anak na tin-edyer na maging malapít sa dati mong asawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share