Musika—Isang Regalo
PAANO na kaya ang buhay kung walang musika? Walang lullaby na panghele sa mga bata, walang romantikong mga awitin, walang masisiglang pop song, walang nakaaantig na mga symphony, at walang nakaka-inspire na mga tugtugin. Napaka-boring ng buhay kung ganiyan.
Oo, ang musika ay nakaaapekto sa ating emosyon sa iba’t ibang paraan. Maaari tayong pakalmahin nito o pasiglahin at pukawin. Maaari tayong pasayahin nito o paiyakin. Ang musika ay mapuwersa at kaya nitong antigin ang ating puso. Bakit? Simple lang ang sagot: Ang musika ay isang napakagandang kaloob o regalo mula sa Diyos. (Santiago 1:17) Kaya naman dapat itong pahalagahan, at dapat na ito ay kaayaaya at para sa lahat—bata man o matanda.
Nakikinig na sa musika ang mga tao mula pa noong sinaunang panahon. Halimbawa, ipinakikita ng mga tuklas sa arkeolohiya na maraming siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang mga tribo sa Aprika ay gumagamit na ng mga tambol, tambuli, at kuliling. Ang sinaunang mga Tsino naman ay may panpipe at isang klase ng harmonika. Ang mga tao sa Ehipto, India, Israel, at Mesopotamia ay gumamit ng alpa. Marahil ang isa sa pinakaespesipikong pagtukoy sa musika sa kasaysayan ay nasa Bibliya sa Genesis 4:21. Sinasabi roon na isang nagngangalang Jubal ang ‘nagpasimula ng lahat niyaong humahawak ng alpa at ng pipa.’ Pagkaraan ng maraming siglo, si Haring Solomon ng Israel ay nahilig sa musika at umangkat ng pinakamagagandang kahoy para sa paggawa ng alpa at iba pang mga panugtog na de-kuwerdas.—1 Hari 10:11, 12.
Siyempre pa, para makarinig ka noon ng musika, kailangang marunong kang tumugtog ng instrumento o kailangan mong makinig sa pagtugtog ng iba. Pero ngayon, nakakapakinig ng musika ang milyun-milyon sa isang pindot lang sa player o isang click sa mouse. Oo, lahat ng uri ng musika ay puwedeng irekord o i-download at patugtugin sa mga gadyet na kasya sa bulsa mo. Ipinakikita ng surbey sa Estados Unidos noong 2009 na mahigit dalawang oras bawat araw ang ginugugol ng mga kabataang 8 hanggang 18 anyos sa pakikinig sa musika at iba pang rekording.
Ang kausuhang ito sa ngayon ang dahilan kung bakit ang musika at ang modernong mga teknolohiya na ginagamit sa musika ay mabentang-mabenta. Oo, malaking negosyo ang musika. Pero naisip mo na ba kung paano nagiging hit ang isang kanta?
[Kahon/Larawan sa pahina 3]
Musika sa Internet
PAGDA-DOWNLOAD: Kadalasan nang nagbabayad ang mga user para sa idina-download nilang mga music file, na nagiging pag-aari na nila. Ang iba naman ay nagbabayad ng subscription—kadalasan nang kasama sa kontrata sa cellphone o iba pang produkto—para makapag-download ng music file at makapagpatugtog nito sa panahong saklaw ng kontrata.
STREAMING: Digital music na mapakikinggan kahit hindi i-save ang file. Karamihan sa streamed music ay libre, pero ang ilan ay mapakikinggan lang kung may subscription.
[Chart/Mga larawan sa pahina 3]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mahahalagang Pangyayari sa Kasaysayan ng Pagrerekord
1880’s
Phonograph record
1890’s
Steel wire
1940’s
Reel-to-reel tape
1960’s
Compact cassette tape
1980’s
Compact disc (CD)
1990’s
Digital audio file (MP3, AAC, WAV, atbp.)