Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 1/12 p. 10-13
  • Panloloko sa Internet—Posible Bang Mabiktima Ka?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panloloko sa Internet—Posible Bang Mabiktima Ka?
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paano Nila Ginagawa Iyon?
  • Ang Puwede Mong Gawin
  • Mga Serbisyo at Pinagkukunan ng Impormasyon ng Internet
    Gumising!—1997
  • Cyberattack!
    Gumising!—2012
  • Mga Bata at Internet—Ang Dapat Malaman ng mga Magulang
    Gumising!—2008
  • Paano Ko Maiiwasan ang mga Panganib sa Internet?
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—2012
g 1/12 p. 10-13

Panloloko sa Internet​—Posible Bang Mabiktima Ka?

Si William, isang retiradong guro sa Florida, E.U.A., ay nakatanggap ng e-mail na inakala niyang galing sa kaniyang Internet service provider. Ayon sa e-mail, nawala ang billing information niya. Pinunan ni William ang kalakip na form at ipinadala iyon. Wala siyang kamalay-malay na ang ipinadala niya ay napunta kay Shiva, isang manggagantso sa Queens, New York. Kinabukasan, ginamit ni Shiva ang credit card ni William para bumili sa Internet ng isang photo ID printer. Ang e-mail na natanggap ni William ay isa lang sa 100,000 na ipinadala ni Shiva. Ayon sa mga imbestigador, mga sandaan katao ang sumagot sa e-mail at nagantso.

Isang 56-anyos na babae sa Queensland, Australia, ang nakipag-boyfriend sa Internet sa isang lalaki na akala niya’y isang inhinyerong taga-Britanya. Napadalhan na niya ito ng $47,000 bago niya nadiskubre na isa itong 27-anyos na manggagantso sa Nigeria.a

NAKALULUNGKOT, pangkaraniwan na lang ang panloloko sa Internet. Sa kanilang “State of the Net 2010,” ang Consumer Reports ay nagsabi: “Napakabilis ng pagdami ng panganib sa Internet, anupat bilyun-bilyon ang halagang nawawala sa mga consumer. Malaki ang itinaas ng bilang ng mga na-virus na computer mula noong nagdaang taon, na nakaapekto sa 40 porsiyento ng mga sambahayang gumagamit ng Internet sa Estados Unidos. At hindi lang isang problema ang inireport ng ilang sambahayan.” Bago alamin kung paano mo mapoprotektahan ang iyong sarili sa ganiyang panloloko, tingnan muna natin ang ilan sa kanilang mga pamamaraan.

Paano Nila Ginagawa Iyon?

Maraming panloloko sa Internet ang nagagawa sa pamamagitan ng e-mail. Ang e-mail na ipinadala kay William ay tinatawag na phishing e-mail. Gaya ng pain sa isda, iyon ay nagsasabi sa pinadalhan na ibigay ang kaniyang password, credit card number, o bank account information sa isang mukhang tunay pero pekeng Web site. Maaaring makuha ng mga manggagantso ang e-mail address mo gamit ang isang program na tinatawag na e-mail extractor.

Ang ilan sa gayong phishing e-mail ay puwedeng makakuha ng impormasyon tungkol sa iyo kahit hindi mo iyon ibigay. Maaaring may makapagpasok ng spy software sa computer mo kapag nagbukas ka ng isang e-mail. Maaaring irekord ng mga program na ito ang mga ginagawa mo sa computer. May mga program na nagrerekord ng mga pinipindot mo sa keyboard para makuha ang iyong mga password at personal na impormasyon. Puwede ka namang dalhin ng ibang program sa isang pekeng site. Paano mo mapoprotektahan ang iyong sarili?

Ang Puwede Mong Gawin

Mag-ingat sa mga e-mail na may mga kahina-hinalang link. Kung bubuksan ang mga link na ito, puwedeng ma-access ng masasamang tao ang computer mo sa pamamagitan ng isang Trojan horse, o Trojan, anupat posibleng makuha ang iyong personal na impormasyon. Puwede rin silang magpunta sa mga forum, pornographic site, Web site na nag-aalok ng software na hindi alam kung saan nanggaling, at mga social networking site para makakuha ng mahahalagang impormasyon at makapaglagay ng mga spy program. Huwag na huwag ding sasagutin ang mga e-mail na nangangako ng napakalaking tubo na hindi kapani-paniwala.

Sa pag-i-Internet, posibleng nakatanggap ka na ng message na nagsasabi: “Your computer is at risk! Click here to protect your computer!” O kaya, “Free Screensavers. Click Here.” Isang click lang doon, puwede na itong mag-activate ng spy software.

Kung naghahanap ka ng trabaho sa Internet, mag-ingat ka. May mga manggagantso na gumagamit ng mga pekeng site para humingi ng “registration fee” at maging ng iyong pinansiyal na impormasyon.

Naa-access na ngayon ng mga hacker ang database ng mga kompanya o pinansiyal na institusyon para magnakaw ng impormasyon. Noong Enero 2007, napasok ng mga hacker ang computer system ng isang department store chain sa Estados Unidos at na-access ang rekord ng milyun-milyong kostumer, pati na ang kanilang credit card information. Sa Nigeria, napasok ng mga manggagantso ang mga database ng ilang bangko at nakapagnakaw ng 1.5 milyong personal identification number (PIN) anupat nakapag-withdraw ng pera mula sa mga ATM machine. Mayroon na ngayong lumalaking black market sa Internet kung saan ibinebenta ng salbaheng mga empleado at hacker ang nakaw na mga credit card information at maging ang kumpletong identity ng mga tao.

[Talababa]

a Ang Gumising! ay nagbababala tungkol sa panganib ng pakikipag-date sa Internet. Tingnan ang mga isyu ng Abril 22, 2005, pahina 16-18, at Mayo 22, 2005, pahina 12-14.

[Kahon sa pahina 11]

Phishing e-mail: Isang e-mail na nagsasabi sa pinadalhan na ibigay ang kaniyang password, credit card number, o bank account information sa isang mukhang tunay pero pekeng Web site

Spy software: Isang program na nagrerekord ng mga ginagawa mo sa computer

Trojan horse: Isang program na dinisenyong sumira sa security ng computer system habang gumagawa ito ng isang tila kapaki-pakinabang na function

[Kahon/Mga larawan sa pahina 12, 13]

Huwag Magpabiktima

PARA MAIWASANG MABIKTIMA NG PANLOLOKO SA INTERNET, GAWIN ANG SUMUSUNOD:

1 Tiyaking laging naka-on ang iyong computer firewall at regular na naa-update ang iyong operating system, mga application, at antivirus software.

2 Regular na gumawa ng backup ng iyong mga file, at ingatang mabuti ang mga kopya nito.

3 Gamitin ang iyong common sense. Huwag basta-basta magbibigay ng impormasyon sa Internet. Ayon sa Kawikaan 14:15: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”

4 Huwag maging gahaman. (Lucas 12:15) Mag-ingat sa mga iniaalok na “free” o sa mga Web site na nagbebenta ng mga produktong napakamura. Posibleng pain iyon ng mga manggagantso.

5 Mag-ingat sa mga e-mail mula sa mga di-kakilala o sa mga instant message, lalo na kung ito ay may mga link o humihingi ng personal na impormasyon, halimbawa’y bine-verify ang password mo.​—Kawikaan 11:15.

6 Gumamit ng mga password na mahirap mahulaan. Sa pana-panahon, palitan ang mga password mo sa Internet, at huwag gumamit ng iisang password para sa iba’t ibang account.

7 Ibigay lang ang impormasyon ng iyong credit card o bank account sa mga mapagkakatiwalaan at secured na Web site.

8 Tiyaking tama ang itina-type mong Web address, lalo na para sa mga pinansiyal na institusyon. Isang pagkakamali lang sa ispeling, puwede ka nang mapunta sa pekeng Web site.

9 Gumamit ng encrypted na koneksiyon sa pagpapadala ng maseselan na impormasyon, gaya ng mga detalye ng credit card, at mag-log off sa Web site kapag tapos ka na.

10 Imonitor ang mga transaksiyon sa iyong credit card at bank statement. Kapag may napansin kang transaksiyon na hindi mo matandaan, kontakin agad ang kompanya.

11 Mag-ingat sa paggamit ng mga koneksiyong wireless (Wi-Fi) na walang password dahil puwede kang manakawan ng personal na impormasyon at maikonekta sa isang pekeng Web site.

12 Kapag lumitaw ang tanong na “Remember this password?,” sagutin iyon ng “No.” Puwede kasing makuha ng mga program na Trojan ang mga password mo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share