Ang Pangmalas ng Bibliya
Paano Ka Makikipagpayapaan sa Iba?
SINASABI ng Bibliya tungkol sa mga tao: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Dahil hindi perpekto ang mahigit pitong bilyong tao sa daigdig, talagang magkakaroon ng di-pagkakaunawaan. Kapag nangyari iyon, paano tayo makikipagpayapaan sa ating kapuwa?
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mahusay na payo. Sinasabi nito na ang Maylalang, si Jehova, ay “Diyos ng kapayapaan.” (Hebreo 13:20; Awit 83:18) Gusto ng Diyos na ang kaniyang mga anak sa lupa ay magkaroon ng mapayapang ugnayan sa isa’t isa. At nagpakita siya ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Nang magkasala sa Diyos ang unang mag-asawa, na sumira sa kanilang mapayapang ugnayan, kaagad siyang kumilos para maipagkasundo sa kaniya ang mga tao. (2 Corinto 5:19) Isaalang-alang ang tatlong bagay na puwede mong gawin para makipagpayapaan sa iba.
Lubusang Magpatawad
Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Colosas 3:13.
Ano ang hamon? Baka makatuwiran naman ang iyong “dahilan sa pagrereklamo” at sa palagay mo’y tama lang na putulin ang kaugnayan mo sa nagkasala. Baka iniisip mo rin na dapat muna siyang magsori. Pero kung hindi niya alam na may nagawa siyang mali, o iniisip niyang ikaw ang nagkamali, malamang na hindi malulutas ang problema ninyo.
Ano ang puwede mong gawin? Sundin ang payo ng Bibliya na lubusang patawarin ang nagkasala, lalo na kung maliit lang ang problema. Tandaan na kung bibilangin ng Diyos ang mga pagkakamali natin, imposibleng maging malinis tayo sa harap niya. (Awit 130:3) Sinasabi ng Bibliya na “si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.”—Awit 103:8, 14.
Pag-isipan din ang isang kawikaan sa Bibliya: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Nakatutulong ang kaunawaan para maintindihan natin ang buong sitwasyon, kung bakit nasabi o nagawa ng isang tao ang isang bagay. Kaya tanungin ang sarili, ‘Ang nagkasala ba sa akin ay pagód, may sakit, o nai-stress?’ Kung mauunawaan mo ang tunay na motibo, damdamin, at kalagayan ng iba, mababawasan ang iyong galit at mapalalampas mo ang kanilang pagkakamali.
Makipag-usap
Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Kung ang kapatid mo ay magkasala, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung makinig siya sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid.”—Mateo 18:15.
Ano ang hamon? Dahil sa negatibong damdamin gaya ng takot, galit, at hiya, baka mag-atubili kang lumapit sa iyong kapuwa para lutasin ang problema. Baka matukso ka ring sabihin sa iba ang problema para makuha ang simpatiya nila, na posibleng makapagpalala ng sitwasyon.
Ano ang puwede mong gawin? Kapag seryoso ang problema at pakiramdam mo’y hindi mo iyon mapalalampas, kausapin mo ang nagkasala. Subukan ang mga sumusunod:
(1) Makipag-usap agad: Huwag ipagpaliban ang pakikipag-usap. Kung hindi ka kikilos agad, baka lalo lang lumubha ang problema. Subukang sundin ang payo ni Jesus: “Kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mateo 5:23, 24.
(2) Makipag-usap nang pribado: Paglabanan ang tuksong itsismis sa iba ang problema. “Ipangatuwiran mo ang iyong sariling usapin sa iyong kapuwa, at huwag mong isiwalat ang lihim na usapan ng iba.”—Kawikaan 25:9.
(3) Makipag-usap nang mapayapa: Iwasan ang tendensiyang igiit kung sino ang tama at kung sino ang mali. Ang tunguhin mo ay makipagpayapaan, hindi ang manalo sa argumento. Sikaping gamitin ang salitang “ako” sa halip na “ikaw.” Baka mas mabuting sabihin, “Nasaktan ako dahil . . .” sa halip na, “Nasaktan mo ako!” Ang sabi ng Bibliya: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.”—Roma 14:19.
Maging Matiisin
Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kundi, ‘kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom.’”—Roma 12:17, 20.
Ano ang hamon? Kung ayaw pa rin niyang makipagkasundo sa kabila ng mga pagsisikap mo, baka sumuko ka na.
Ano ang puwede mong gawin? Maging matiisin. Ang mga tao ay magkakaiba ng ugali at antas ng pagkamaygulang. May ilan na matagal humupa ang galit; ang iba naman ay ngayon pa lang natututong magpakita ng makadiyos na mga katangian. Patuloy na magpakita sa kanila ng kabaitan at pag-ibig. “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama,” ang sabi ng Bibliya.—Roma 12:21.
Sa pakikipagpayapaan sa iba, kailangan nating maging mapagpakumbaba, maunawain, matiisin, at maibigin. Pero sulit ang anumang pagsisikap para sa mapayapang ugnayan!
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ano ang makatutulong sa iyo para lubusang mapatawad ang iba?—Colosas 3:13.
● Ano ang makatutulong sa iyo para lumapit sa isang tao at makipag-ayos?—Mateo 5:23, 24.
● Ano ang puwede mong gawin kung ayaw pa ring makipagkasundo ng isa sa kabila ng mga pagsisikap mo?—Roma 12:17-21.
[Blurb sa pahina 11]
“Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.”—KAWIKAAN 19:11