Ano ang Dapat Mabago?
“Hindi ang gobyerno ang solusyon sa ating problema; ang gobyerno mismo ang problema.”—Ronald W. Reagan, sa pahayag niya sa kaniyang inagurasyon bilang ika-40 presidente ng Estados Unidos.
MAHIGIT tatlong dekada na ang lumipas mula nang sabihin iyan ni Ronald Reagan. Ang Estados Unidos noon ay nakaharap sa napakabigat na hamon—“isang napakatinding krisis sa ekonomiya,” ayon kay Reagan. “Nararanasan natin ang pinakamatagal at isa sa pinakamatinding implasyon sa kasaysayan ng ating bansa,” ang paliwanag niya. “Sa nakalipas na mga dekada, nagkapatung-patong ang ating pagkakautang, anupat isinusugal ang kinabukasan natin at ng ating mga anak para sa pansamantalang ginhawa. Kung magpapatuloy ito, tiyak na susundan ito ng napakalaking kaguluhan sa lipunan, kultura, pulitika, at ekonomiya.”
Sa kabila ng gayong pananaw, hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Reagan. Sinabi niya: “Ang mga problema natin sa ekonomiya ay naipon sa loob ng ilang dekada. Hindi malulunasan ang mga ito sa loob ng ilang araw, linggo, o buwan, pero malulunasan naman.”—Amin ang italiko.
Ano na ba ang sitwasyon ngayon? Sinabi sa isang report ng U.S. Department of Housing and Urban Development noong 2009 na dumaraming tao ang maaaring maapektuhan ng makalumang mga sistemang pangkalusugan at ng kakulangan ng imprastraktura at pabahay. Idinagdag pa ng report: “Sa katunayan, inaasahan ng UN-HABITAT [isang ahensiya ng United Nations] na sa loob ng tatlong dekada, isa sa bawat tatlo katao ang mamumuhay nang miserable—walang sanitasyon at malinis na tubig, walang proteksiyon sa mga epekto ng pagbabago ng klima, anupat magbubunga ito ng pagkalat ng sakit at maging ng mga epidemya.”
Problema sa Buong Daigdig
Saan ka man nakatira, pag-isipan ang sumusunod na mga tanong:
● Mas nakadarama ka ba ng pinansiyal na seguridad ngayon kumpara sa kalagayan mo sampung taon na ang nakararaan?
● Kontento ka ba at ang pamilya mo sa tinatanggap ninyong pangangalaga sa kalusugan?
● Mas malinis ba at mas maayos ang kapaligiran ngayon?
● Inaasahan mo bang bubuti ang mga kalagayan pagkaraan ng 10, 20, o 30 taon?
Kontratang Panlipunan
Maraming gobyerno ang may tinatawag na kontratang panlipunan—isang nakasulat o di-nakasulat na kasunduan sa pagitan ng mga tagapamahala at ng mga mamamayan hinggil sa kani-kanilang karapatan at tungkulin. Halimbawa, ang mga mamamayan ay inaasahang susunod sa mga batas ng bansa, magbabayad ng buwis, at makikipagtulungan para maging ligtas ang komunidad. Ang mga tagapamahala naman ang maglalaan ng mga bagay gaya ng sapat na pangangalaga sa kalusugan, pagkakapantay-pantay, at matatag na kabuhayan.
Nailalaan ba ng mga gobyerno ang mga nabanggit? Isaalang-alang ang mga ebidensiya sa sumusunod na tatlong pahina.
Sapat na Pangangalaga sa Kalusugan
Ang gustong makita ng mga tao: Abot-kaya at epektibong paggamot.
Ang nangyayari ngayon:
● Ayon sa isang report ng World Bank tungkol sa sanitasyon at kalinisan, “6,000 bata ang namamatay araw-araw dahil sa mga sakit na nauugnay sa kakulangan ng sanitasyon at kalinisan, at sa maruming tubig. Ang diarrhea lamang ay pumapatay na ng isang bata kada 20 segundo.”
● Sa isinagawang pagsusuri ng World Health Organization (WHO) noong 2008 hinggil sa pangangalaga sa kalusugan sa “mayayaman at mahihirap na bansa,” nakita nilang ito’y “hindi talaga patas” at “hindi nakatutugon sa inaasahang medikal na pangangalaga na abot-kaya, patas, epektibo, at nakatuon sa mga kailangan ng tao.”
Pagkaraan ng dalawang taon, natuklasan ng WHO na “ang mga gobyerno sa buong daigdig ay nahihirapang magbayad para sa pangangalaga sa kalusugan. Habang dumarami ang tumatanda, mas marami ang nagkakasakit nang malubha, at habang may natutuklasang bago at mas mahal na paraan ng paggamot, mas lumalaki ang gastos.”
● Heto ang isa pang malaking problema: Ang tinatawag na mga miracle drug ay baka hindi na maging mabisa. Ang mga impeksiyon na pumapatay noon ng milyun-milyon, gaya ng ketong at tuberkulosis, ay nagagamot ng mga antibiyotiko, na unang ginamit noong dekada ’40. Pero ngayon, ayon sa report na World Health Day 2011 ng WHO, “ang mga mikrobyo na hindi napapatay ng gamot ay mabilis na dumarami at kumakalat. Parami nang parami sa matatagal nang mga gamot ang hindi na mabisa. Paunti nang paunti ang mga gamot na kayang lumaban sa mga sakit.”
Ang dapat mabago: Gusto nating matupad ang hula ng Bibliya na nagsasabing sa hinaharap, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
Katarungan at Pagkakapantay-pantay
Ang gustong makita ng mga tao: Mawala ang diskriminasyon laban sa mga grupong minorya at ang kalupitan sa mga babae; pantay-pantay na kabuhayan—walang napakayaman, walang napakahirap.
Ang nangyayari ngayon:
● Isang report ng Leadership Conference on Civil Rights Education Fund ang nagsabi: “Ang karahasan laban sa mga indibiduwal, mga gusali ng pagsamba, at mga institusyong pangkomunidad dahil sa diskriminasyong salig sa lahi, relihiyon, seksuwal na oryentasyon, o pinagmulang bansa ay napakarami pa rin at isang malubhang problema sa Amerika hanggang ngayon.”
● “Milyun-milyong babae sa buong daigdig ang biktima ng kawalang-katarungan, karahasan at di-patas na pakikitungo sa loob ng tahanan, sa lugar ng trabaho, at sa publiko,” ang sabi sa isang pahayag ng United Nations batay sa report na Progress of the World’s Women: In Pursuit of Justice. Halimbawa, sa Afghanistan, mga 85 porsiyento ng mga babae ang hindi tumatanggap ng medikal na tulong sa panahon ng panganganak. Sa Yemen, walang batas laban sa karahasan sa loob ng pamilya. Sa Democratic Republic of the Congo, sa average na bilang, mahigit 1,000 babae ang ginagahasa bawat araw.
● Noong Oktubre 2011, ang Secretary-General ng UN na si Ban Ki-moon ay nagsabi: “Kakatwa ang mga nangyayari sa ating daigdig. Maraming pagkain pero isang bilyon katao ang nagugutom. Napakarangya ng pamumuhay ng ilan, samantalang naghihirap ang napakaraming tao. Malaki ang pagsulong sa medisina pero maraming ina ang namamatay araw-araw dahil sa panganganak . . . Bilyun-bilyon ang ginagastos sa mga sandata para pumatay ng mga tao sa halip na protektahan sila.”
Ang dapat mabago: Gusto nating maging patas ang pakikitungo sa mga grupong minorya at sa mga babae at mawala ang mga taong ‘umaagaw sa katarungan mula sa mga napipighati.’—Isaias 10:1, 2.
Matatag na Kabuhayan
Ang gustong makita ng mga tao: Trabaho para sa lahat; pinansiyal na seguridad.
Ang nangyayari ngayon:
● Iniulat ng Worldwatch Institute na “dumarami ang mga manggagawang makatutulong sana sa pagsulong ng ekonomiya, pero kulang naman ang makukuhang trabaho. Dahil sa paghina ng ekonomiya sa ngayon, tinataya ng International Labor Organization (ILO) na ang bilang ng mga walang trabaho ay umabot sa 205 milyon noong 2010.”
● “Nagbabala ang International Labour Organization (ILO) na ang ekonomiya ng daigdig ay nasa bingit ng isang bago at mas matinding resesyon sa trabaho na maaaring pagmulan ng kaguluhan sa lipunan,” ang sabi sa ulat ng BBC. “Ipinakikita ng mabagal na pagsulong ng ekonomiya kamakailan na kalahati lang ng bilang ng kinakailangang trabaho ang mailalaan. . . . Sinuri din ng grupo [ILO] ang antas ng pagkadiskontento dahil sa kakulangan ng makukuhang trabaho at ng pagkagalit dahil diumano’y hindi nakikipagtulungan ang iba sa paglutas sa krisis. Sinabi nito na maraming bansa ang posibleng dumanas ng kaguluhan sa lipunan, lalo na ang mga nasa European Union at sa rehiyong Arabe.”
● Sa Estados Unidos, “ang average na utang sa credit card ngayon ay mahigit $11,000, triple ng average noong 1990,” ang sabi ng aklat na The Narcissism Epidemic, na inilathala noong 2009. Ayon sa mga awtor, maraming tao ang nagpapakabaon sa utang para lang magtinging mayaman. “Kapag ang mga Amerikano ay nakakita ng mga taong may magagarang kotse at damit, iisipin nilang mayaman ang mga iyon,” ang sabi ng aklat. “Ang totoo, mas tamang isipin na baón sila sa utang.”
Ang dapat mabago: Dapat na may trabaho para sa lahat; dapat ding tama ang pananaw ng lahat hinggil sa paggasta. Sinasabi ng Bibliya na “ang salapi ay pananggalang,” pero nagbababala rin ito na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.”—Eclesiastes 7:12; 1 Timoteo 6:10.
Batay sa impormasyon sa pahina 4 hanggang 8, parang mahirap maniwala na magbabago pa ang mga kalagayan. Pero huwag mawalan ng pag-asa! Ang kalagayan ng daigdig ay magbabago—pero hindi dahil sa pagsisikap ng mga gobyerno ng tao.
[Kahon/Graph sa pahina 5]
Ano ang gusto ng mga kabataan na baguhin sa ating daigdig? Ayon sa Web site na 4children.org, ipinakikita ng isang surbey sa Britain sa mga 2,000 batang edad 4 hanggang 14 na gusto nilang gawin ang mga sumusunod:
[Graph]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
100%
WAKASAN ANG GUTOM
WAKASAN ANG DIGMAAN
ALISIN ANG KAHIRAPAN
75%
PANGYARIHING MATRATO NANG PANTAY-PANTAY ANG LAHAT NG TAO
PATIGILIN ANG PAG-INIT NG GLOBO
50%
25%
0%
[Kahon/Graph sa pahina 5]
Ipinakikita ng ginawang surbey ng Bertelsmann Foundation sa Germany noong 2009 kung ano ang pangunahing ikinababahala ng mga 500 kabataang edad 14 hanggang 18.
Kabilang sa mga isyu na hindi gaanong importante para sa mga kabataan ay ang terorismo at ang lumalaking populasyon. Kahit ang krisis sa ekonomiya ay hindi kasama sa itinuturing nilang pinakamatitinding problema. Ayon sa Bertelsmann Foundation, maaaring ito’y dahil hindi pa naaapektuhan ng mga problemang iyon ang sinurbey na mga kabataan.
[Graph]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
100%
75%
KAHIRAPAN
PAGBABAGO NG KLIMA AT PAGKASIRA NG KAPALIGIRAN
KAKAPUSAN SA PAGKAIN AT TUBIG NA MAIINOM
PANGGLOBONG MGA EPIDEMYA AT SAKIT
50%
25%
0%