ARALIN 28
Paraan na Parang Nakikipag-usap
ANG mga tao sa pangkalahatan ay nakarelaks kapag sila’y nakikipag-usap sa mga kaibigan. Ang kanilang mga pananalita ay natural. Ang ilang indibiduwal ay masigla; ang iba naman ay mas pormal. Gayunpaman, ang pagiging natural ng gayong pananalita ay nakaaakit.
Gayunman, kapag lumalapit sa isang di-kakilala, hindi angkop na magsalita sa paraang labis na pamilyar o masyadong di-pormal. Sa katunayan, sa ilang kultura ang lahat ng pakikipag-usap sa mga di-kakilala ay nagsisimula sa isang napakapormal na paraan. Pagkatapos maipakita ang angkop na paggalang, kung magkagayon, taglay ang kaunawaan maaaring makabuti na gumamit ng hindi gaanong pormal na mga salita at ng paraan na parang nakikipag-usap lamang.
Kapag nagsasalita ka sa plataporma, dapat na mag-ingat ka rin. Ang paraan na masyadong di-pormal ay nag-aalis ng dignidad sa isang Kristiyanong pagpupulong at sa pagiging seryoso ng sinasabi. Sa ilang wika, may mga pananalitang ginagamit kapag ang kausap ay isang taong may-edad na, guro, opisyal, o magulang. (Pansinin ang mga terminong ginamit sa Gawa 7:2 at 13:16.) Naiibang pananalita naman ang ginagamit kapag nakikipag-usap sa asawa o sa matalik na kaibigan. Bagaman ang paraan ng ating pagsasalita sa plataporma ay hindi naman kailangang maging napakapormal, ito ay dapat na maging magalang.
Gayunman, may mga salik na maaaring magpangyaring ang pagpapahayag ng isang tao ay maging masyadong matigas o pormal ang dating. Ang isa sa mga ito ay ang balangkas ng pangungusap, o ang paraan ng paghahanay ng mga salita. Lumilitaw ang suliranin kapag sinisikap ng tagapagsalita na ulitin ang mga pananalita nang eksaktung-eksakto gaya ng pagkakasulat sa mga ito. Ang nakasulat na salita ay kadalasang naiiba sa binibigkas na salita. Totoo, ang pagsasaliksik kapag naghahanda ng isang pahayag ay kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng nakalathalang materyal. Marahil ang isang nakasulat na balangkas ay naglalaan ng saligan para sa pahayag. Subalit kapag nagpapahayag ka ng mga ideya sa paraang kagayang-kagaya ng pagkakasulat sa mga ito o nagbabasa ng mga ito mula sa isang nakalimbag na balangkas sa panahon ng iyong pagpapahayag, malamang na ang iyong pagsasalita ay hindi magiging parang nakikipag-usap. Upang mapanatili ang istilong nakikipag-usap, ipahayag ang mga ideya sa sarili mong pananalita at iwasan ang komplikadong mga pangungusap.
Ang isa pang salik ay ang pagbabagu-bago ng tiyempo. Ang pananalitang medyo matigas at pormal ay malimit na nangyayari dahil sa daloy ng mga salita na pare-pareho ang agwat at ang bilis ay walang pagbabago. Sa normal na pag-uusap, may mga pagbabago ng bilis at malimit ang panandaliang paghinto na iba’t iba ang haba.
Sabihin pa, kapag nagsasalita ka sa maraming tagapakinig, ang istilo ng pagsasalita na parang nakikipag-usap ay dapat mong lakipan ng ibayong lakas ng tinig, tindi, at sigla upang mapanatili ang kanilang atensiyon.
Upang magamit ang paraan na parang nakikipag-usap na angkop sa ministeryo, kailangan mong gawing kaugalian ang mabuting pagsasalita sa araw-araw. Hindi ito nangangahulugan na kailangang maging mataas ang iyong pinag-aralan. Subalit makabubuting linangin mo ang mga kaugalian sa pagsasalita na magpapangyari sa iba na makinig nang may paggalang sa iyong sinasabi. Taglay ito sa isip, isaalang-alang kung kailangan mong pagbutihin ang sumusunod na mga punto sa iyong pang-araw-araw na pakikipag-usap.
Iwasan ang mga pananalitang kasalungat ng tamang balarila o may tendensiyang magpakilala sa iyo bilang kasamahan ng mga taong ang paraan ng pamumuhay ay labag sa makadiyos na mga pamantayan. Kasuwato ng payo sa Colosas 3:8, iwasan ang mga pananalitang magaspang o mahalay. Sa kabilang panig, ang kolokyal na pananalita ay hindi naman masama. Ang kolokyalismo, o pang-araw-araw na pananalita, ay di-pormal, subalit ito ay kaayon ng tinatanggap na pamantayan ng pananalita.
Iwasan ang laging pag-uulit ng iyo’t iyon ding mga pananalita at mga parirala upang ipahayag ang iba’t ibang ideya na maaaring taglay mo. Matutong gumamit ng mga salita na malinaw na nagpapahayag ng ibig mong sabihin.
Iwasan ang di-kinakailangang pagpapabalik-balik sa pamamagitan ng malinaw na pagtataglay sa isip ng nais mong sabihin; saka magsimulang magsalita.
Iwasang matabunan ang mabubuting ideya ng masyadong maraming salita. Gawing kaugalian na sabihing malinaw sa isang simpleng pangungusap ang puntong kailangang matandaan.
Magsalita sa paraang nagpapakita ng paggalang sa iba.