ARALIN 41
Madaling Maunawaan ng Iba
KAPAG ikaw ay nagsasalita, higit pa ang gawin kaysa basta magharap lamang ng impormasyon. Pagsikapang ang iyong sinasabi ay madaling maunawaan ng mga nakikinig. Ito ay makatutulong sa iyo na makipagtalastasan nang mabisa, ikaw man ay nagsasalita sa kongregasyon o sa mga hindi Saksi.
Ang nauunawaang pagsasalita ay maraming pitak. Ang ilan sa mga ito ay sinasaklaw sa Aralin 26, “Lohikal na Pagbuo ng Materyal.” Ang iba naman ay tinatalakay sa Aralin 30, “Pagpapakita ng Interes sa Kausap.” Sa araling ito, tatalakayin natin ang ilang karagdagang punto.
Simpleng mga Salita, Simple ang Istilo. Ang simpleng mga salita at maiikling pangungusap ay mabisang mga pantulong sa pakikipagtalastasan. Ang Sermon sa Bundok ni Jesus ay isang napakahusay na halimbawa ng isang pahayag na mauunawaan ng mga tao maging sinuman sila o saanman sila nakatira. Ang mga ideya ay maaaring bago sa kanila. Subalit, naunawaan nila kung ano ang sinabi ni Jesus sapagkat tinalakay niya ang mga bagay na ikinababahala nating lahat: kung paano magiging maligaya, kung paano mapasusulong ang relasyon sa iba, kung paano haharapin ang kabalisahan, at kung paano masusumpungan ang kahulugan ng buhay. At kaniyang ipinahayag ang kaniyang mga ideya sa simpleng pananalita. (Mat., kab. 5-7) Sabihin pa, ang Bibliya ay naglalaan ng maraming halimbawa ng iba’t ibang haba at balangkas ng mga pangungusap. Ang dapat na maging pangunahing tunguhin mo ay ang ipahayag ang mga ideya sa isang malinaw at nauunawaang paraan.
Kahit na kapag ang tinatalakay mo ay mabibigat na materyal, ang pagiging simple ng istilo ay makatutulong upang gawin iyon na mas madaling maunawaan. Paano maisasagawa ang pagiging simple? Huwag mong lulunurin ang iyong tagapakinig ng di-kinakailangang mga detalye. Organisahin ang iyong materyal upang ito ay makatulong sa pagbuo ng iyong mga pangunahing punto. Piliing mabuti ang iyong mga susing kasulatan. Sa halip na magmadali mula sa isang teksto tungo sa iba, basahin at talakayin ang mga ito. Huwag palabuin ang isang magandang ideya sa pamamagitan ng pagkarami-raming salita.
Kapag nagdaraos ka ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, ikapit ang gayunding mga simulain. Huwag sikaping ipaliwanag ang lahat ng mga detalye. Tulungan ang estudyante na maunawaang mabuti ang mga pangunahing ideya. Pagkatapos, sa personal na pag-aaral at sa mga pulong ng kongregasyon, matututuhan niya ang mga detalye.
Upang maiharap ang materyal sa isang simpleng paraan, kailangan ang mabuting paghahanda. Dapat mong maunawaang mabuti ang iyong paksa kung gusto mong maunawaan ito ng iba. Kapag nauunawaan mo talaga ang isang bagay, makapagbibigay ka ng mga dahilan kung bakit gayon iyon. Maipahahayag mo rin iyon sa iyong sariling pananalita.
Ipaliwanag ang Hindi Pamilyar na mga Termino. Kung minsan upang madaling maunawaan ang mga bagay-bagay kailangang ipaliwanag mo ang kahulugan ng mga termino na hindi pamilyar sa iyong tagapakinig. Huwag mong gawing labis ang pagtaya mo sa kaalaman ng iyong tagapakinig, subalit huwag mo namang maliitin ang kanilang talino. Bilang resulta ng iyong pag-aaral ng Bibliya, maaaring makagamit ka ng ilang termino na hindi pamilyar sa ibang tao. Kung walang kaunting paliwanag, hindi mauunawaan ng mga hindi kabilang sa mga Saksi ni Jehova na ang “nalabi,” “tapat at maingat na alipin,” “ibang tupa,” at “malaking pulutong” ay tumutukoy sa espesipikong mga grupo ng mga tao. (Roma 11:5; Mat. 24:45; Juan 10:16; Apoc. 7:9) Gayundin, maliban kung pamilyar ang isang tao sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova, malamang na hindi niya mauunawaan kung ano ang kahulugan ng mga terminong gaya ng “mamamahayag,” “payunir,” “tagapangasiwa ng sirkito,” at “Memoryal.”
Ang ilang pananalita sa Bibliya na madalas na ginagamit kahit na ng hindi mga Saksi ay maaaring mangailangan ng ilang paliwanag. Para sa maraming tao, ang “Armagedon” ay nangangahulugan ng isang nuklear na pagkatupok. Maaari nilang iugnay ang “Kaharian ng Diyos” sa isang kalagayan sa loob ng isang tao o sa langit subalit hindi sa pamahalaan. Ang pagbanggit sa “kaluluwa” ay maaaring lumikha ng ideya ng isang di-umano’y espirituwal na bahagi ng mga tao na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan. Ayon sa pagkakaturo sa milyun-milyong tao, ang “banal na espiritu” di-umano ay isang persona, bahagi ng isang Trinidad. Dahil sa tinalikuran ng napakaraming tao ang moral na pamantayan ng Bibliya, sila ay maaaring mangailangan pa nga ng tulong upang maunawaan kung ano ang tinutukoy ng Bibliya nang sabihin nito: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.”—1 Cor. 6:18.
Maliban kung ang mga tao ay regular na mga mambabasa ng Bibliya, maaaring hindi ka nila maunawaan kung basta mo sasabihing, “si Pablo ay sumulat . . .” o “sinabi ni Lucas . . .” Maaaring may mga kaibigan o mga kapitbahay sila na gayon ang mga pangalan. Baka kailanganin mo na magbigay ng karagdagang paliwanag upang tukuyin ang tao bilang isang Kristiyanong apostol o isang manunulat ng Bibliya.
Ang mga tagapakinig sa makabagong panahon ay kadalasang nangangailangan ng tulong upang maunawaan ang mga kasulatan na gumagamit ng mga panukat o mga kaugalian noong sinaunang mga panahon. Halimbawa, ang pananalitang ang arka ni Noe ay 300 siko ang haba, 50 siko ang lapad, at 30 siko ang taas ay walang gaanong kahulugan sa kanila. (Gen. 6:15) Subalit kung ilalarawan mo ang gayong mga sukat sa pamamagitan ng pamilyar na lokal na panukat, mailalarawan kaagad ng iyong tagapakinig ang laki ng arka.
Maglaan ng Kinakailangang Paliwanag. Upang ang isang bagay ay gawing maliwanag sa iyong tagapakinig, higit pa ang kakailanganin kaysa tamang katuturan ng isang termino. Sa Jerusalem noong kapanahunan ni Ezra, ang pagbabasa ng Kautusan ay nilalakipan ng pagpapaliwanag. Upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang kahulugan nito, ang mga Levita ay naglaan ng interpretasyon at gayundin ng pagkakapit ng Kautusan sa mga kalagayang napapaharap sa mga tao nang panahong iyon. (Neh. 8:8, 12) Sa katulad na paraan, maglaan ng panahon upang ipaliwanag at ikapit ang mga binabasa mong kasulatan.
Pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, ipinaliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang katatapos na pangyayari ay katuparan ng Kasulatan. Kaniya ring idiniin ang kanilang pananagutan bilang mga saksi ng mga bagay na iyon. (Luc. 24:44-48) Kapag tinutulungan mong makita ng mga tao kung paanong ang itinuro sa kanila ay dapat na makaimpluwensiya sa kanilang sariling buhay, mas madali nilang mauunawaan kung ano ang talagang kahulugan nito.
Kung Paano Nasasangkot ang Puso. Sabihin pa, kahit na malinaw ang iyong pagpapaliwanag, ang iba pang mga salik ay maaaring makaimpluwensiya sa pagkaunawa o di-pagkaunawa dito ng iyong kausap. Kapag ang puso ng isang tao ay ayaw tumugon, iyon ay isang balakid sa pagkuha niya sa diwa ng kung ano ang sinasabi. (Mat. 13:13-15) Para sa mga determinadong malasin ang mga bagay-bagay ayon sa pulos pisikal na pangmalas, ang espirituwal na mga bagay ay kamangmangan. (1 Cor. 2:14) Kapag ipinakikita ng isang tao ang gayong espiritu, magiging katalinuhan na tapusin na lamang ang pag-uusap—kahit man lamang sa pagkakataong iyon.
Subalit, sa ilang kaso ang puso ay ayaw tumugon dahil sa mahirap na mga kalagayan sa buhay. Kapag binigyan ng pagkakataon na marinig ang katotohanan ng Bibliya sa mahaba-habang panahon, ang puso ng gayong tao ay maaaring tumugon. Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga apostol na siya ay hahagupitin at papatayin, hindi nila naunawaan iyon. Bakit hindi? Hindi iyon ang inaasahan nila at tiyak na hindi nila gusto iyon! (Luc. 18:31-34) Gayunman, pagsapit ng panahon, iyon ay naunawaan ng 11 sa mga apostol, at kanilang ipinakita iyon sa pamamagitan ng pagkilos kasuwato ng itinuro sa kanila ni Jesus.
Epekto ng Isang Mainam na Halimbawa. Ang mga tao ay natutulungang makaunawa hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi sa pamamagitan din ng ating mga pagkilos. Hinggil sa kanilang unang pagdalaw sa Kingdom Hall, maraming tao ang nagsabi na kanilang natatandaan ang pag-ibig na ipinakita, hindi ang sinabi. Gayundin, ang kaligayahang ating ipinakikita ay nakatutulong sa maraming may-bahay na magbukas ng kanilang isipan sa katotohanan ng Bibliya. Ang pagkakita sa maibiging-kabaitan na ipinamalas ng bayan ni Jehova sa isa’t isa at ang may-kabaitang konsiderasyon para sa iba kapag napaharap sa mga kahirapan ay nagpangyari sa ilan na magpasiya na taglay ng mga Saksi ang tunay na relihiyon. Kaya habang pinagsisikapan mong tulungan ang mga tao na makaunawa sa katotohanan ng Bibliya, pag-isipan ang paraan ng pagpapaliwanag mo nito at ang iyong halimbawa.