Gawing Simple ang Paraan ng Pagtuturo
1. Ano ang isang kailangan para maging malinaw at epektibo ang pagtuturo?
1 Ang pagiging simple ay napakahalaga para maging epektibo ang pagtuturo. Ang pagsasaalang-alang sa paraan ng pagtuturo ng Dakilang Guro na si Jesus ay tutulong sa atin na mapasulong ang ating “sining ng pagtuturo.”—2 Tim. 4:2; Juan 13:13.
2. Paano tayo makapagtuturo sa simpleng paraan? Ano ang epekto ng gayong paraan ng pagtuturo?
2 Gumamit ng Simpleng mga Pananalita: Ang Sermon sa Bundok ay naglalaman ng ilan sa pinakamahahalagang katotohanan na kailanma’y binigkas ng tao, pero simpleng mga pananalita lamang ang ginamit dito. (Mat., kab. 5-7) Ang pulutong na nakinig kay Jesus ay ‘lubhang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo.’ Ang mga opisyal namang ipinadala para umaresto sa kaniya ay nagsabi: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” (Mat. 7:28, 29; Juan 7:46) Hindi natin kailangang gumamit ng mga salitang mahirap unawain o ng masyadong detalyadong mga ilustrasyon para lamang gawing nakakakumbinsi ang katotohanan. Maipapaliwanag ito nang malinaw gamit ang simpleng mga pananalita.
3. Bakit nagbibigay ang ilan ng napakaraming impormasyon sa kanilang mga tagapakinig? Paano ito maiiwasan?
3 Alamin Kung Gaano Karaming Impormasyon: Isinaalang-alang ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig para malaman niya kung gaano karaming impormasyon ang ituturo niya sa kanila sa bawat pagkakataon. (Juan 16:12) Dapat tayong maging mapagmasid at palaisip sa kakayahan ng ating mga tagapakinig, lalo na kapag nagpapatotoo tayo sa mga kamag-anak, baguhang interesado, o mga bata. Hindi tayo dapat magbigay sa kanila ng napakaraming impormasyon kahit waring nakikinig naman silang mabuti. Ang mga taong taimtim ay magpapatuloy sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova.—Juan 17:3; 1 Cor. 3:6.
4. Bakit mas mabuting magpokus sa pangunahing mga punto sa halip na sa mga detalye?
4 Magpokus sa Pangunahing mga Punto: Hindi pinalabo ni Jesus ang kaniyang itinuturo gamit ang napakaraming detalye. Halimbawa, nang sabihin niya: “Ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas,” hindi iyon ang panahon para ipaliwanag niya ang tungkol sa dalawang kahihinatnan ng mga binuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, dapat tayong magpokus sa pangunahing mga punto at iwasang magdagdag ng di-kinakailangang mga detalye.
5. Kung gagawin nating simple ang ating paraan ng pagtuturo, anong pagpapala ang maaari nating tanggapin?
5 Laking pasasalamat natin na itinuro ni Jehova sa simpleng paraan ang lahat ng kailangan nating malaman! (Mat. 11:25) Nawa ay gawin nating simple ang ating paraan ng pagtuturo at sa gayo’y maranasan ang kagalakang dulot ng mabungang ministeryo.