Tatlong Mungkahi Para Mapasulong ang Iyong Pagtuturo
1. Bakit dapat nating pasulungin ang ating pagtuturo?
1 Ang lahat ng Kristiyanong Saksi ay mga guro. Tayo man ay dumadalaw sa unang pagkakataon, bumabalik muli, o nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, nagbibigay tayo ng impormasyon. At ang impormasyong itinuturo natin ay espesyal. Ipinaliliwanag natin “ang banal na mga kasulatan” na ‘makapagpaparunong sa mga tao ukol sa kaligtasan.’ (2 Tim. 3:15) Kaylaki ngang pribilehiyo! Narito ang tatlong mungkahi para mapasulong ang ating pagtuturo.
2. Paano tayo makapagtuturo nang simple?
2 Pagiging Simple: Kapag alam na alam natin ang isang paksa, baka makalimutan natin na komplikado ito para sa isa na hindi nakaaalam nito. Kaya kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, huwag magdagdag na napakaraming detalye. Sa halip, itampok ang mahahalagang punto. Ang maraming salita ay hindi nangangahulugan ng mas mabisang paraan ng pagtuturo. (Kaw. 10:19) Karaniwan na, pinakamabuting basahin lamang ang mga susing teksto. Pagkatapos ay magpokus sa bahagi ng teksto na may kaugnayan sa paksa. Ang Sermon sa Bundok na nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7 ay naglalaman ng malalalim na katotohanan, gayunman itinuro ito ni Jesus nang simple at gumamit siya ng ilang pilíng salita lamang.
3. Bakit mahalaga ang mga ilustrasyon, at anong uri ang kadalasang pinakamabisa?
3 Mga Ilustrasyon: Ang mga ilustrasyon ay nagpapasigla sa pag-iisip, nakaaantig ng damdamin, at nakatutulong sa memorya. Hindi mo kailangang maging magaling na tagakuwento para makapagbigay ng mahuhusay na ilustrasyon. Madalas gumamit si Jesus ng maikli at simpleng mga ilustrasyon. (Mat. 7:3-5; 18:2-4) Ang simpleng mga drowing sa isang papel ay maaari ding makatulong. Ang mabuting paghahanda ay tutulong sa iyo na makapag-isip ng mabibisang ilustrasyon.
4. Paano natin mabisang magagamit ang mga tanong?
4 Mga Tanong: Ang mga tanong ay tumutulong sa iyong estudyante na mag-isip. Kaya huwag mainip pagkatapos mong magtanong. Kung agad mong sasagutin ang tanong, hindi mo malalaman kung nauunawaan ba niya ito. Kung mali ang sagot niya, baka makabubuting akayin siya sa tamang sagot sa pamamagitan ng karagdagang mga tanong sa halip na basta iwasto siya. (Mat. 17:24-27) Sabihin pa, walang sakdal na guro sa atin. Kaya hinihimok tayo ng Bibliya na laging magbigay-pansin sa ating pagtuturo. Ang paggawa nito ay magdudulot ng walang-hanggang pakinabang sa atin at sa mga nakikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.