Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jd kab. 9 p. 111-123
  • Pakikitungo sa Iba Ayon sa Nais ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pakikitungo sa Iba Ayon sa Nais ng Diyos
  • Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • HUWAG MAGSAYA SA KASAWIAN NG IBA
  • MAGSABI NG KATOTOHANAN SA IBA
  • IWASAN ANG KARAHASAN SA IYONG MGA PAKIKITUNGO
  • Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?
    Gumising!—2002
  • Karahasan
    Gumising!—2015
  • Ating Mapanganib na Panahon—Bakit Napakarahas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Mga Propetang May mga Mensaheng Nakaaapekto sa Atin
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
Iba Pa
Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
jd kab. 9 p. 111-123

KABANATA 9

Pakikitungo sa Iba Ayon sa Nais ng Diyos

1-3. (a) Ano ang malamang na isipin ng maraming Kristiyano hinggil sa sinaunang Tiro? (b) Ilarawan ang ilang pakikitungo ni Haring Hiram sa Israel. (c) Ano ang maaari nating isaalang-alang hinggil sa Tiro?

ANO ang naiisip mo kapag binabanggit ang sinaunang Tiro? Malamang na iisipin ng maraming Kristiyano kung paano natupad ang hula nang alisin ni Alejandrong Dakila ang mga labí mula sa kaguhuan ng pangunahing bahagi ng Tiro at gumawa ng daanan patungo sa mas bagong pulóng-lunsod ng Tiro at winasak ito. (Ezekiel 26:4, 12; Zacarias 9:3, 4) Subalit maiuugnay mo ba ang pagbanggit sa Tiro sa kung paano mo dapat at hindi dapat pakitunguhan ang iyong espirituwal na mga kapatid o ang iba?

2 Bakit nga ba winasak ang Tiro? “Dahil sa tatlong pagsalansang ng Tiro, . . . dahil ibinigay nila sa Edom ang isang buong kalipunan ng mga tapon, at sapagkat hindi nila inalaala ang tipan ng pagkakapatiran. At magsusugo ako ng apoy sa pader ng Tiro.” (Amos 1:9, 10) Mga ilang panahon bago nito, nagpakita ng kabutihan si Haring Hiram ng Tiro kay David at naglaan ng mga materyales para sa templo ni Solomon. Nakipagtipan si Solomon kay Hiram at binigyan siya ni Solomon ng mga lunsod sa Galilea. Tinawag ni Hiram si Solomon na “kapatid ko.” (1 Hari 5:1-18; 9:10-13, 26-28; 2 Samuel 5:11) Nang ‘hindi inalaala ng Tiro ang tipan ng pagkakapatiran’ at ipinagbili sa pagkaalipin ang ilan na kabilang sa bayan ng Diyos, binigyang-pansin ni Jehova ang mga pakikitungo ng Tiro.

3 Anong aral ang matututuhan natin sa bagay na hinatulan ng Diyos ang mga Canaanita ng Tiro dahil sa malupit na pakikitungo nila sa kaniyang bayan? Ang mahalagang aral dito ay may kinalaman sa kung paano tayo nakikitungo sa ating espirituwal na mga kapatid. Sa naunang mga kabanata ng aklat na ito, natutuhan natin mula sa 12 propeta ang ilang payo hinggil sa pakikitungo sa iba, gaya ng pagiging makatarungan sa ating mga negosyo at kalinisan sa moral sa ating paggawi. Ngunit higit pa ang sinasabi ng 12 aklat na ito sa kung paano tayo dapat makitungo sa iba ayon sa nais ng Diyos.

HUWAG MAGSAYA SA KASAWIAN NG IBA

4. Sa anong diwa “mga kapatid” ng Israel ang mga Edomita, subalit paano nila pinakitunguhan ang kanilang “mga kapatid”?

4 May mapupulot kang aral sa kahatulan ng Diyos sa Edom, isang lupaing malapit sa Israel: “Hindi mo sana minasdan ang tanawin sa araw ng iyong kapatid, sa araw ng kaniyang kasawian; at hindi ka sana nagsaya dahil sa mga anak ni Juda sa araw ng kanilang pagkapahamak.” (Obadias 12) Ang mga taga-Tiro ay parang “mga kapatid” ng Israel dahil sa mga gawaing pangangalakal, subalit ang mga Edomita ay talagang “mga kapatid” ng Israel, sapagkat nagmula sila kay Esau, ang kakambal ni Jacob. Tinawag pa nga ni Jehova ang mga Edomita na “mga kapatid” ng Israel. (Deuteronomio 2:1-4) Kaya talagang nakapopoot ang mga Edomita dahil nagsaya sila nang dumanas ng kapahamakan ang mga Judio mula sa kamay ng mga Babilonyo.​—Ezekiel 25:12-14.

5. Sa anu-anong situwasyon maaari tayong magpakita ng espiritung katulad ng sa mga Edomita?

5 Maliwanag, hindi nagustuhan ng Diyos ang pakikitungo ng mga Edomita sa kanilang mga kapatid na Judio. Kaya maaari nating itanong, ‘Ano naman kaya ang masasabi ng Diyos sa pakikitungo ko sa aking mga kapatid?’ Ang isang larangan na dapat nating ikabahala ay kung paano natin itinuturing at pinakikitunguhan ang isang kapatid kapag may mga di-pagkakaunawaan. Halimbawa, ipagpalagay mong nasaktan ka ng isang Kristiyano o nagkaproblema siya sa isa sa mga kamag-anak mo. Kung may ‘dahilan ka sa pagrereklamo,’ magkikimkim ka ba ng sama ng loob, anupat hindi mo ito kalilimutan o hindi mo ito sisikaping lutasin? (Colosas 3:13; Josue 22:9-30; Mateo 5:23, 24) Ang paggawa nito ay makaaapekto sa iyong pakikitungo sa kapatid; maaaring maging malamig ang pakikitungo mo sa kaniya, anupat iniiwasan siya o nagsasalita nang negatibo tungkol sa kaniya. Bilang karagdagang pagkakapit, ipalagay mo na nang maglaon ay nagkasala ang kapatid na ito, marahil nangangailangan pa nga ng payo o pagtutuwid mula sa mga elder sa kongregasyon. (Galacia 6:1) Ipakikita mo ba ang espiritu ng mga Edomita at magsasaya sa kasawian ng iyong kapatid? Anong pagkilos ang nais ng Diyos na gawin mo?

6. Kung ihahambing sa Zacarias 7:10, ano ang iminumungkahi ng Mikas 7:18 na gawin natin?

6 Inutusan ni Jehova si Zacarias na banggitin ang Kaniyang naisin na ‘huwag tayong magpakana ng kasamaan laban sa isa’t isa sa ating mga puso.’ (Zacarias 7:9, 10; 8:17) Kapit ang payong ito kung inaakala nating nasaktan tayo ng isang kapatid o nagawan niya ng mali ang isang kapamilya natin. Sa gayong mga kalagayan, madaling ‘magpakana ng kasamaan sa ating puso’ at pagkatapos ay ipakita ito sa ating mga gawa. Sa kabilang dako naman, gusto ng Diyos na tularan natin ang kaniyang mabuting halimbawa. Alalahanin na isinulat ni Mikas na si Jehova ay “nagpapaumanhin sa kamalian at nagpapalampas ng pagsalansang.”a (Mikas 7:18) Paano natin ito maikakapit sa praktikal na mga paraan?

7. Bakit maaari nating ipasiya na basta kalimutan na lamang ang isang pagkakasala?

7 Maaaring nasaktan tayo dahil sa ginawa sa atin o sa ating kamag-anak, ngunit sa totoo, gaano ba kaseryoso ito? Binabalangkas ng Bibliya ang mga hakbang upang lutasin ang mga di-pagkakaunawaan, kahit na ang isang kasalanan laban sa isang kapatid. Gayunpaman, kadalasang pinakamabuting kalimutan na lamang ang pagkakamali o ang pagkakasala, ‘palampasin ang pagsalansang.’ Tanungin ang iyong sarili: ‘Ito kaya ang isa sa 77 ulit na dapat ko siyang patawarin? Bakit hindi ko na lamang ito kalimutan?’ (Mateo 18:15-17, 21, 22) Kahit na kung waring malaking kasalanan ito sa ngayon, magiging gayon pa rin kaya ito isang libong taon mula ngayon? Matuto ng mahalagang aral mula sa komento sa Eclesiastes 5:20 hinggil sa pagiging nasisiyahan ng isang manggagawa na kumain at uminom: “Hindi niya madalas na aalalahanin ang mga araw ng kaniyang buhay, sapagkat ginagawa siyang abala ng tunay na Diyos sa pagsasaya ng kaniyang puso.” Habang maligayang pinagtutuunan ng taong iyon ang kaniyang kasalukuyang kaluguran, nalilimutan niya ang mga problema ng kaniyang pang-araw-araw na buhay. Maaari ba nating tularan ang saloobing iyon? Kung pagtutuunan natin ng pansin ang mga kagalakan sa ating Kristiyanong kapatiran, makalilimutan natin ang mga problema na hindi naman mahalaga sa kalaunan, mga problemang hindi na natin maaalaala sa bagong sanlibutan. Ibang-iba iyan sa pagsasaya dahil sa kasawian ng iba o pag-alaala sa mga kasalanan.

Larawan sa pahina 113

Kung may nakasakit sa iyo, ano ang dapat mong iwasan?

MAGSABI NG KATOTOHANAN SA IBA

8. Anong problema ang nakakaharap natin may kaugnayan sa pagsasalita ng katotohanan?

8 Itinatampok din ng 12 makahulang aklat kung gaano kasidhi ang pagnanais ng Diyos na maging tapat tayo sa ating mga pakikitungo. Sabihin pa, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya sa pagsasalita ng ‘katotohanan ng mabuting balita’ sa iba. (Colosas 1:5; 2 Corinto 4:2; 1 Timoteo 2:4, 7) Ngunit mas mahirap manghawakan sa katotohanan sa araw-araw na pakikipag-usap natin sa ating pamilya at espirituwal na mga kapatid, pakikipag-usap na sumasaklaw ng iba’t ibang paksa at kalagayan. Bakit maaaring maging mahirap iyon?

9. Kailan tayo maaaring matuksong hindi magsabi ng buong katotohanan, ngunit ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?

9 Sino sa atin ang hindi nakapagsalita o nakagawa ng isang bagay na masakit at pagkatapos ay kinompronta tayo hinggil dito? Malamang na napahiya o medyo nakonsensiya tayo. Maaaring mag-udyok ito sa isang tao na ikaila ang pagkakamali o magbigay ng “paliwanag” na pumipilipit sa katotohanan upang pagpaumanhinan ang kamalian o para magtingin itong tama. O sa nakahihiyang situwasyon, baka matukso tayong banggitin ang piniling mga detalye lamang, anupat hindi binabanggit ang ilang kahiya-hiyang bagay. Kaya maaaring totoo ang sinasabi natin subalit nagbibigay ito ng lubhang naiibang impresyon. Bagaman maaaring hindi ito lantarang pagsisinungaling, na karaniwan sa daigdig sa ngayon, ito ba ay talagang ‘pagsasalita ng bawat isa ng katotohanan sa kaniyang kapuwa,’ o kapatid? (Efeso 4:15, 25; 1 Timoteo 4:1, 2) Kapag ang isang Kristiyano ay may-katusuhang nagsasalita upang akayin ang mga kapatid sa maling konklusyon, sa isang bagay na hindi naman talaga totoo, hindi tumpak, ano sa palagay mo ang nadarama ng Diyos?

10. Paano inilarawan ng mga propeta ang isang landasin na karaniwan sa sinaunang Israel at Juda?

10 Batid ng mga propeta na kung minsan, winawalang-bahala kahit ng mga lalaki at babaing nakaalay kay Jehova ang hinihiling niya sa kanila. Ipinahayag ni Oseas ang damdamin ng Diyos tungkol sa ilan noong panahon niya: “Pananamsam sa kanila, sapagkat sumalansang sila laban sa akin! At tinubos ko sila, ngunit sila ay nagsalita ng mga kasinungalingan laban nga sa akin.” Bukod sa pagsasabi ng tuwiran at tahasang mga kasinungalingan laban kay Jehova, ang ilan ay ‘sumusumpa at nanlilinlang,’ marahil ay pinipilipit ang katotohanan upang iligaw ang iba. (Oseas 4:1, 2; 7:1-3, 13; 10:4; 12:1) Isinulat ni Oseas ang mga salitang ito sa Samaria, ang hilagang kaharian. Mas mabuti ba ang kalagayan sa Juda? Sinasabi sa atin ni Mikas: “Ang kaniyang mga taong mayaman ay punô ng karahasan, at ang mga tumatahan sa kaniya ay nagsasalita ng kabulaanan, at ang kanilang dila ay mapandaya sa kanilang bibig.” (Mikas 6:12) Makabubuti na alam natin kung paano hinatulan ng mga propetang iyon ang “panlilinlang” at ang mga taong ang “dila ay mapandaya sa kanilang bibig.” Sa gayon maitatanong kahit ng mga Kristiyano, na tiyak na hindi sasadyaing magsinungaling: ‘Maaari kayang paminsan-minsan ay nanlilinlang ako o may dilang mapandaya sa aking bibig? Ano ba ang hinihiling ng Diyos sa akin hinggil sa bagay na ito?’

11. Ano ang sinasabi ng mga propeta sa kung paano nais ng Diyos na gamitin natin ang ating pananalita?

11 Sa kabilang dako naman, ginamit din ng Diyos ang mga propeta upang liwanagin kung anong kapuri-puring paggawi ang nais niya para sa atin. Sinasabi ng Zacarias 8:16: “Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa. Humatol kayo sa inyong mga pintuang-daan taglay ang katotohanan at ang kahatulan ng kapayapaan.” Noong panahon ni Zacarias, nasa mga pintuang-daan ang matatandang lalaki na humahawak ng hudisyal na mga kaso. (Ruth 4:1; Nehemias 8:1) Gayunpaman, hindi sinabi ni Zacarias na ito lamang ang kalagayan upang magsalita nang tapat. Dapat tayong maging tapat kapag nasa publiko, pero hinihimok din tayo na: “Magsalita . . . ng katotohanan sa isa’t isa.” Kasama na rito ang pakikipag-usap sa ating asawa o malalapit na kamag-anak sa loob ng tahanan. Kapit din ito sa ating pakikipag-usap sa araw-araw sa espirituwal na mga kapatid, harapan man o sa telepono, o sa iba pang paraan. Aasahan talaga nila na magsasabi tayo ng katotohanan. Dapat idiin ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak kung bakit napakahalagang umiwas sa pagsisinungaling. Sa gayon, lálakí ang mga kabataan na nalalamang inaasahan ng Diyos na iiwasan nila ang mapandayang dila at magiging tunay na matapat sa kanilang sinasabi.​—Zefanias 3:13.

12. Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin mula sa makahulang mga aklat?

12 Ang isang kabataan o adultong nanghahawakan sa daan ng pagkamatapat ay sumasang-ayon sa payo ni Zacarias: “Ibigin ninyo ang katotohanan at ang kapayapaan.” (Zacarias 8:19) At pansinin ang paglalarawan ni Malakias sa nakita ni Jehova na ipinamalas ng Kaniyang Anak: “Ang mismong kautusan ng katotohanan ay nasa kaniyang bibig, at walang kalikuang masusumpungan sa kaniyang mga labi. Sa kapayapaan at sa katuwiran ay lumakad siyang kasama ko.” (Malakias 2:6) Hindi ba gayundin ang hinihiling sa atin ni Jehova? Tandaan, taglay natin ang kaniyang buong Salita, kalakip na ang isinulat ng 12 propeta at ang lahat ng aral na matututuhan natin mula sa mga ito.

IWASAN ANG KARAHASAN SA IYONG MGA PAKIKITUNGO

13. Ano pang umiiral na problema ang ipinakikita ng Mikas 6:12?

13 Sinasabi sa atin ng Mikas 6:12 na ang isang paraan kung paano pinagmalupitan ng sinaunang bayan ng Diyos ang iba ay ang ‘pagsasalita nila ng kabulaanan, at ang kanilang dila ay mapandaya sa kanilang bibig.’ Gayunman, ipinakita ng talatang iyon ang isa pang seryosong depekto. Binanggit nito na ang “mga taong mayaman ay punô ng karahasan.” Paano nangyari iyon, at anong aral ang matututuhan natin mula rito?

14, 15. Ano ang reputasyon ng mga bansang nakapalibot sa bayan ng Diyos kung tungkol sa karahasan?

14 Isaalang-alang ang reputasyon ng ilang bansang malapit sa bayan ng Diyos. Sa hilagang-silangan ay ang Asirya, at kabisera nito ang Nineve, na tungkol dito ay sumulat si Nahum: “Sa aba ng lunsod ng pagbububo ng dugo. Siya ay punung-punô ng panlilinlang at ng pagnanakaw. Ang panghuhuli ay hindi tumitigil!” (Nahum 3:1) Kilalang-kilala ang mga Asiryano sa pagiging mabalasik sa pakikidigma at sa kalupitan sa mga nabihag sa digmaan​—ang ilang bilanggo ay sinunog o binalatan nang buháy, at ang iba ay binulag o pinutulan ng kanilang ilong, mga tainga, o mga daliri. Ganito ang sinabi ng aklat na Gods, Graves, and Scholars: “Ang pangunahing natatandaan ng sangkatauhan sa Nineve ay ang pagpaslang, pandarambong, paniniil, at pang-aabuso sa mahihina; sa pamamagitan ng digmaan at lahat ng uri ng pisikal na karahasan.” May nakasaksi (at posibleng nakibahagi) sa karahasang iyon. Pagkarinig sa mensahe ni Jonas, sinabi ng hari ng Nineve tungkol sa kaniyang bayan: “Magdamit sila ng telang-sako, ang tao at ang alagang hayop; at tumawag sila sa Diyos nang malakas at manumbalik, ang bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad at mula sa karahasan na nasa kanilang mga kamay.”​—Jonas 3:6-8.b

Larawan sa pahina 119

15 Hindi lamang sa Asirya nangyari ang labis-labis na karahasan. Napapaharap din sa kagantihan ang Edom na nasa timog-silangan ng Juda. Bakit? “Kung tungkol sa Edom, iyon ay magiging ilang ng tiwangwang na kaguhuan, dahil sa karahasan sa mga anak ni Juda, na sa kanilang lupain ay nagbubo sila ng dugong walang-sala.” (Joel 3:19) Nagbigay-pansin ba ang mga Edomita sa babalang iyon at winakasan ang kanilang marahas na pamumuhay? Pagkalipas ng dalawang siglo, sumulat si Obadias: “Ang iyong makapangyarihang mga lalaki ay masisindak, O Teman [isang lunsod sa Edom], . . . Dahil sa karahasan laban sa kapatid mong si Jacob, . . . lilipulin ka hanggang sa panahong walang takda.” (Obadias 9, 10) Kumusta naman ang bayan ng Diyos?

16. Binibigyan tayo nina Amos at Habakuk ng kaunawaan may kinalaman sa anong umiiral na problema noong kanilang panahon?

16 Isiniwalat ni Amos ang kalagayan sa Samaria, ang kabisera ng hilagang kaharian: “‘Tingnan ninyo ang maraming kaguluhan sa gitna niya at ang mga pandaraya sa loob niya. At hindi sila natutong gumawa ng matuwid,’ ang sabi ni Jehova, ‘yaong mga nag-iimbak ng karahasan at pananamsam.’” (Amos 3:9, 10) Baka akalain mong magiging iba naman sa Juda, kung saan naroon ang templo ni Jehova. Subalit si Habakuk, na nakatira sa Juda, ay nagtanong sa Diyos: “Hanggang kailan ako hihingi sa iyo ng saklolo dahil sa karahasan, at hindi ka magliligtas? Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan? At bakit nasa harap ko ang pananamsam at karahasan?”​—Habakuk 1:2, 3; 2:12.

17. Paano maaaring naimpluwensiyahan ng karahasan ang bayan ng Diyos?

17 Maaari kayang naging karaniwan na lamang ang karahasan sa bayan ng Diyos sapagkat pinahintulutan nilang maimpluwensiyahan sila ng saloobin ng Asirya, Edom, o ng ibang mga bansa tungkol sa karahasan? Nagbabala si Solomon hinggil sa gayong posibilidad: “Huwag kang mainggit sa taong marahas, ni piliin man ang alinman sa kaniyang mga lakad.” (Kawikaan 3:31; 24:1) Nang maglaon, naging espesipiko si Jeremias: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Huwag na huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa.’”​—Jeremias 10:2; Deuteronomio 18:9.

Larawan sa pahina 121

Nililinlang ng maraming “cartoon” at mga “video game” ang mga kabataan na mag-isip na katanggap-tanggap ang karahasan

18, 19. (a) Kung buháy ngayon si Habakuk, ano kaya ang madarama niya tungkol sa makabagong-panahong uri ng karahasan? (b) Ano ang nadarama mo hinggil sa karahasan sa ating panahon?

18 Kung buháy ngayon si Habakuk, hindi kaya siya mangilabot dahil sa karahasan sa ating panahon? Marami ang nalantad nang husto sa karahasan mula pa sa kanilang pagkabata. Ang mga cartoon na kinagigiliwan ng mga batang lalaki at babae ay nagtatampok ng karahasan​—sinisikap ng isang tauhan na durugin, pasabugin, o kung hindi man ay lipulin ang kaniyang kalaban. Hindi magtatagal, natatapos ng maraming kabataan ang mga video game kung saan nananalo sila kapag nabaril, napasabog, o nalipol nila ang mga kalaban. “Laro lang naman iyon eh,” maaaring tumutol ang ilan. Gayunman, isinasadlak ng mararahas na laro sa isang computer sa bahay o sa video arcade ang mga manlalaro sa karahasan, anupat hinuhubog ang kanilang mga saloobin at reaksiyon. Totoong-totoo nga ang kinasihang payo: “Ang taong marahas ay mandaraya sa kaniyang kapuwa, at tiyak na papaparoonin siya nito sa daang hindi mabuti”!​—Kawikaan 16:29.

19 Bagaman si Habakuk ay napilitang patuloy na tumingin sa kabagabagan at ‘nasa harap niya ang karahasan,’ napighati siya rito. Maitatanong mo ngayon, ‘Magiging komportable kaya siyang maupong kasama ko at panoorin ang mga programang regular kong pinanonood sa telebisyon?’ Itanong mo rin, ‘Maglalaan kaya siya ng panahon upang manood ng mararahas na isport, anupat ang mga manlalaro ay nakasuot ng baluting pananggalang na katulad ng sinaunang mga gladyador?’ Sa ilang palaro, natutuwa ang marami sa pag-aaway ng mga manlalaro sa court o sa field o sa pagitan ng magugulong tagahanga. Sa ilang kultura, pinanonood ng marami ang mararahas na pelikula at mga video tungkol sa pakikidigma o martial arts. Maaaring ikatuwiran nila ang mga ito bilang kasaysayan o pagtatanghal lamang ng nakalipas na kultura ng bansa, subalit nagiging mas katanggap-tanggap ba ang karahasan dahil dito?​—Kawikaan 4:17.

20. May kinalaman sa anong uri ng karahasan ipinahayag ni Malakias ang pananaw ni Jehova?

20 Binanggit ni Malakias ang isang nauugnay na aspekto nang tukuyin niya ang pangmalas ni Jehova hinggil sa kataksilan ng ilang Judio sa kani-kanilang asawang babae. “‘Kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,’ ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel; ‘at ang isa na nagtatakip ng karahasan sa kaniyang kasuutan.’” (Malakias 2:16) Iba’t iba ang pagkaunawa sa Hebreong salitang isinaling “nagtatakip ng karahasan sa kaniyang kasuutan.” Inaakala ng ilang iskolar na ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng dugo sa kasuutan ng isa nang marahas niyang salakayin ang iba. Sa paanuman, maliwanag na hinatulan ni Malakias ang pag-abuso sa asawa. Oo, ibinangon ni Malakias ang isyu ng karahasan sa loob ng pamilya at ipinakita niya na hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos.

21. Sa anu-anong situwasyon dapat iwasan ng mga Kristiyano ang karahasan?

21 Ang pisikal na karahasan o berbal na pang-aabuso sa loob mismo ng tahanan ng isang Kristiyano ay hindi mapagpapaumanhinan gaya ng karahasan sa publiko; pareho itong nakikita ng Diyos. (Eclesiastes 5:8) Bagaman tinutukoy ni Malakias ang karahasan laban sa asawang babae, walang binabanggit sa Bibliya na ang karahasan ay hindi gaanong kasuklam-suklam kung itinutuon ito ng lalaki sa mga anak o may-edad nang mga magulang. Ni mapagpapaumanhinan man ito kung ginagawa ito ng asawang babae sa kaniyang asawa, mga anak, o mga magulang. Totoo, sa pamilya ng mga taong di-sakdal, maaaring bumangon ang kaigtingan, anupat nagdudulot ng pagkayamot at kung minsan ay galit pa nga. Gayunman, pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.”​—Efeso 4:26; 6:4; Awit 4:4; Colosas 3:19.

22. Paano natin nalalaman na posibleng maiwasan ang pagiging marahas, kahit na maraming mararahas sa palibot natin?

22 Baka sikapin ng ilan na bigyang-katuwiran ang kanilang karahasan sa pagsasabing, ‘Lumaki kasi ako sa isang marahas na pamilya,’ o ‘Ang mga tao sa lugar namin o kultura ay mas madaling magalit at mas marahas.’ Gayunman, nang hatulan ni Mikas ang ‘mga taong mayaman na punô ng karahasan,’ hindi niya sinasabing hindi maiiwasan ng mga taong maging marahas sapagkat lumaki sila sa gitna ng karahasan. (Mikas 6:12) Si Noe ay nabuhay noong panahong ang lupa ay “napuno ng karahasan,” at ito ang kapaligirang kinalakhan ng kaniyang mga anak na lalaki. Tinularan ba nila ang marahas na pamumuhay? Hinding-hindi! “Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova,” at tinularan siya ng kaniyang mga anak at nakaligtas sa Baha.​—Genesis 6:8, 11-13; Awit 11:5.

23, 24. (a) Ano ang tutulong sa atin upang hindi tayo makilala bilang mga taong mararahas? (b) Ano ang nadarama ni Jehova sa mga nakikitungo sa iba ayon sa nais niya?

23 Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay kilala, hindi sa pagiging marahas, kundi sa pagiging mapagpayapa. Iginagalang at sinusunod nila ang mga batas ni Cesar laban sa mararahas na gawa. (Roma 13:1-4) Nagpagal sila na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,’ at nagsisikap silang itaguyod ang kapayapaan. (Isaias 2:4) Sinisikap nilang magbihis ng “bagong personalidad,” isang tulong upang maiwasan ang karahasan. (Efeso 4:22-26) At tinutularan nila ang mainam na halimbawa ng Kristiyanong matatanda, na hindi “nambubugbog” sa salita man o sa gawa.​—1 Timoteo 3:3; Tito 1:7.

24 Oo, maaari tayo​—at dapat tayong​—makitungo sa iba ayon sa nais ng Diyos. Sinabi ni Oseas: “Sino ang marunong, upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Ang maingat, upang malaman niya ang mga iyon? Sapagkat ang mga daan ni Jehova ay matapat, at ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon.”​—Oseas 14:9.

a Kung tungkol sa “nagpapalampas ng pagsalansang,” sinasabi ng isang iskolar na ang Hebreong metapora ay “batay sa paggawi ng isang manlalakbay na nagpapatuloy sa kaniyang paglalakbay nang hindi pinapansin ang isang bagay na ayaw niyang pansinin. Ang ideya [ay hindi nangangahulugan na hindi nakikita ng Diyos ang kasalanan] kundi na sa ilang kalagayan, hindi niya binibigyan ng pantanging pansin ang kasalanan taglay ang intensiyon na magparusa; hindi ito nangangahulugang hindi siya nagpaparusa, kundi sa halip ay nagpapatawad.”

b Mga 35 kilometro mula sa timog-silangan ng Nineve ang Cala (Nimrud), na muling itinayo ni Ashurnasirpal. Itinatanghal sa British Museum ang mga entrepanyong pader mula sa Cala, na doo’y kababasahan natin: “Detalyadong inilarawan ni Ashurnasirpal ang kabangisan at kalupitan ng isinagawa niyang mga kampanya. Ang mga bilanggo ay binigti sa mga poste o ibinayubay sa mga tulos sa mga pader ng kinubkob na mga lunsod . . . ; ang mga binata at mga dalaga ay binalatan nang buháy.”​—Archaeology of the Bible.

ANO ANG NAIS NI JEHOVA?

  • Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Jehova sa pakikitungo natin sa isang kapatid na nakasakit sa atin?​—Oseas 14:2; Mikas 7:18; Malakias 2:10, 11.

  • Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova sa ating mga pakikitungo kung ihahambing natin ang Oseas 4:1 sa Zacarias 8:16?

  • Anong aspekto ng iyong pakikitungo sa iba ang gusto mong pasulungin?

KUNG IHAHAMBING SA SANLIBUTAN

  • Anong katibayan ang napapansin mo na marami sa sanlibutan ang ‘umiinom ng karahasan’?​—Kawikaan 4:17; Zefanias 1:9; Malakias 2:17.

  • Paano mo maikakapit ang Mikas 4:3 sa kongregasyon at sa iyong pamilya?

  • Paano ka natulungan ng kabanatang ito na maunawaang makakakuha tayo ng mga aral mula sa mga bahagi ng Bibliya na hindi gaanong isinasaalang-alang?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share