Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lc p. 11-17
  • Sino ang Unang Nagdisenyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Unang Nagdisenyo?
  • Saan Nagmula ang Buhay?
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matuto sa mga Palikpik ng Balyena
  • Pagkopya sa mga Pakpak ng Seagull
  • Pagkopya sa mga Binti ng Seagull
  • Sino ang Dapat Purihin?
  • Makatuwirang Konklusyon
  • Ano ba ang Itinuturo ng Kalikasan?
    Gumising!—2006
  • Binti ng Seagull
    Gumising!—2008
  • Sapot ng Gagamba
    Gumising!—2008
  • Ang Palikpik ng Balyenang Humpback
    Gumising!—2013
Iba Pa
Saan Nagmula ang Buhay?
lc p. 11-17

Sino ang Unang Nagdisenyo?

Nitong nakalipas na mga taon, hinayaan ng mga siyentipiko at inhinyero na ‘turuan’ sila ng mga halaman at hayop. (Job 12:7, 8) Pinag-aaralan nila at kinokopya ang disenyo ng iba’t ibang nilalang​—isang larangang tinatawag na biomimetics​—sa pagtatangkang makalikha ng mga bagong produkto at mapahusay pa ang dati nang mga naimbento. Habang binabasa mo ang sumusunod na mga halimbawa, tanungin ang sarili, ‘Sino ba talaga ang dapat purihin sa mga disenyong ito?’

Matuto sa mga Palikpik ng Balyena

Ano ang matututuhan ng mga tagadisenyo ng eroplano sa balyenang humpback? Mukhang napakarami! Ang isang adultong humpback ay may bigat na mga 30 tonelada​—kasimbigat ng isang trak na punô ng kargamento. Matigas ang katawan nito at may malalaking palikpik na parang pakpak. Ang 12-metrong hayop na ito ay napakaliksi sa ilalim ng tubig.

Hindi maubos-maisip ng mga mananaliksik kung paano ito nakakabaluktot nang husto kahit matigas ang katawan nito. Natuklasan nilang nasa hugis ng palikpik ng balyena ang sekreto. Ang nasa unahang gilid ng mga palikpik nito ay hindi makinis, gaya ng pakpak ng eroplano, kundi uka-uka na may nakahilera at nakausling mistulang matutulis na ngipin na tinatawag na tubercle.

Habang lumalangoy sa tubig ang balyena, mas mabilis itong umaangat dahil sa mga tubercle na ito anupat nababawasan ang paghatak ng tubig. Paano? Ipinaliliwanag ng Natural History na dahil sa mga tubercle, banayad at paikot na dumadaloy ang tubig sa ibabaw ng palikpik nito, kahit na lumalangoy nang paitaas ang balyena.10

Sino ang may-ari ng patente ng kalikasan?

Paano magagamit ang natuklasang ito? Ang mga tulad-palikpik na pakpak ng eroplano ay hindi na mangangailangan ng maraming flap sa pakpak o ng iba pang aparato upang makontrol ang daloy ng hangin. Mas ligtas at mas madaling mantinihin ang gayong mga pakpak. Naniniwala si John Long, eksperto sa biomechanics, na balang-araw, “malamang na lahat ng eroplanong jet ay magkakaroon na ng nakausling matutulis na ngipin na gaya ng nasa palikpik ng balyenang humpback.”11

Pagkopya sa mga Pakpak ng Seagull

Totoo, ang hugis ng pakpak ng eroplano ay kinopya mula sa pakpak ng mga ibon. Pero may mas magandang ginawa kamakailan ang mga inhinyero sa pagkopyang ito. “Ang mga mananaliksik sa University of Florida,” iniulat ng New Scientist, “ay gumawa ng isang de-remote control na modelong eroplano na parang seagull na umaali-aligid, bumubulusok at mabilis na pumapailanlang.”12

Nagagawa ng mga seagull ang kahanga-hangang pagmamaniobrang ito sa pamamagitan ng pagbaluktot sa kanilang mga pakpak sa gawing siko at balikat. Bilang pagkopya sa nababaluktot na disenyong ito ng pakpak, “ang 24-na-pulgadang modelong eroplano ay nilagyan ng isang maliit na motor na kumokontrol sa mga tukod na metal na siyang nagpapagalaw sa pakpak,” ang sabi ng magasin. Dahil sa napakahusay na disenyong ito ng pakpak, ang maliit na eroplano ay nakakaali-aligid at nakakabulusok sa pagitan ng matataas na gusali. Interesadung-interesado ang ilang opisyal ng militar na makagawa ng gayon kadaling maniobrahin na eroplano para magamit sa paghanap ng kemikal at biyolohikal na mga sandata sa malalaking lunsod.

Pagkopya sa mga Binti ng Seagull

Hindi naninigas sa lamig ang isang seagull kahit na nakaapak ito sa yelo. Ano ang sekreto ng nilalang na ito para mapanatili ang init sa katawan? Isa rito ang kahanga-hangang katangian ng ilang hayop na naninirahan sa malalamig na lugar. Tinatawag itong countercurrent heat exchanger.

Bagaman lumilipat ang init, nananatili ito sa katawan. Nananatili ang lamig sa paa

Ano ba ang countercurrent heat exchanger? Para maunawaan ito, isipin ang dalawang tubo ng tubig na itinali nang magkatabi. Mainit na tubig ang dumadaloy sa isang tubo at malamig naman sa isa. Kung pareho ng direksiyon ang daloy ng mainit at malamig na tubig na nasa tubo, mga kalahati ng init mula sa mainit na tubig ang lilipat sa malamig na tubig. Pero kung magkasalungat ang direksiyon ng pagdaloy ng mainit at malamig na tubig, halos ang kabuuan ng init mula sa mainit na tubig ang malilipat sa malamig.

Kapag nakaapak sa yelo ang seagull, pinaiinit ng mga heat exchanger sa mga binti nito ang dugo na dumadaloy mula sa mga paa nito. Dahil sa mga heat exchanger, hindi naaaksaya ang init sa katawan ng ibon at hindi lumalabas ang init mula sa mga paa nito. Inilarawan ni Arthur P. Fraas, isang inhinyero ng eroplano at makina, ang disenyong ito na “isa sa pinakamahusay . . . na heat exchanger” dahil wala ditong naaaksayang init.13 Napakaganda ng disenyong ito kaya kinopya ito ng mga inhinyero.

Sino ang Dapat Purihin?

Concept car na ang disenyo ay kinopya sa boxfish—isang isda na kamangha-mangha ang tatag, gaan, at bilis

Samantala, ang National Aeronautics and Space Administration ay kasalukuyang bumubuo ng isang robot na maraming paa na lumalakad na parang alakdan, at ang mga inhinyero naman sa Finland ay nakagawa na ng traktorang may anim na gulong na nakadaraan sa anumang sagabal na gaya ng nagagawa ng higanteng insekto. Isang pagawaan ng kotse ang kasalukuyang gumagawa ng sasakyang kinopya sa boxfish, isang isdang nakalalangoy nang mabilis gamit ang kaunting enerhiya dahil sa low-drag na disenyo nito. At tinutuklas naman ng ibang mga mananaliksik ang pagiging shock absorber ng balat ng abaloni sa layuning makagawa ng mas magaan ngunit mas matibay na baluti sa katawan.

Hindi mapantayan ng imitasyong gawa ng tao ang sonar ng mga dolphin

Napakaraming makukuhang magagandang ideya mula sa kalikasan anupat nakagawa na ang mga mananaliksik ng isang database ng libu-libong sistemang biyolohikal. Maaaring hanapin ng mga siyentipiko sa database na ito ang “likas na solusyon sa mga problema ng kanilang disenyo,” ang sabi ng The Economist. Ang likas na mga sistemang nakalagay sa database na ito ay tinatawag na patenteng biyolohikal. Ang may-ari ng patente ay karaniwan nang ang tao o kompanyang legal na nagparehistro ng isang bagong ideya o aparato. Sa pagtalakay sa database na ito ng mga patenteng biyolohikal, sinasabi ng The Economist: “Yamang tinatawag na ‘patenteng biyolohikal’ ang mga malikhaing disenyong kinopya sa kalikasan, idiniriin lamang ng mga mananaliksik na sa diwa, ang kalikasan ang talagang may-ari ng patente.”14

Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang pagiging shock absorber ng balat ng abaloni

Paano kaya nagkaroon ng ganito kagagandang ideya sa kalikasan? Sinasabi ng maraming mananaliksik na ang malikhaing mga disenyong nakikita sa kalikasan ay mula sa milyun-milyong taon ng patsamba-tsambang proseso ng ebolusyon. Pero iba naman ang naging konklusyon ng ibang mananaliksik. Ganito ang isinulat ng mikrobiyologong si Michael J. Behe sa The New York Times ng Pebrero 7, 2005: “Ang maliwanag na paglitaw ng disenyo [sa kalikasan] ay nagbibigay ng napakasimple at nakakakumbinsing argumento: kung ang hitsura, paglakad at [pagkuwak] nito ay parang bibi, may basehan tayo para sabihing bibi nga ito, kung wala namang matibay na ebidensiyang sasalungat dito.” Ang konklusyon niya? “Hindi dapat ipagwalang-bahala ang disenyo dahil hindi ito kayang itago.”15

Nakakakapit ang tuko kahit sa pinakamakinis na mga bagay gamit ang puwersa ng molekula

Talagang nararapat purihin ang inhinyerong gumawa ng mas ligtas at mas mahusay na pakpak ng eroplano dahil sa kaniyang disenyo, gayundin ang nag-imbento ng mas mahusay na sasakyan o makina. Sa katunayan, kung ang isa ay kumokopya ng disenyo ng iba at hindi nito binabanggit o kinikilala ang orihinal na nagdisenyo, maaari siyang ituring na kriminal.

Ngayon, pag-isipan ito: Pilit na kinokopya ng mga dalubhasang mananaliksik ang mga disenyo sa kalikasan upang malutas ang mahihirap na problema sa inhinyeriya. Gayunman, sinasabi ng ilan sa kanila na ang katalinuhang mababakas sa mga disenyong ito ay galing sa walang-isip na ebolusyon. Sa tingin mo ba’y makatuwiran iyan? Kung ang isang kopya ay nangangailangan ng matalinong tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito? Sino nga ba talaga ang dapat purihin, ang dalubhasang inhinyero o ang estudyanteng kumokopya lang sa kaniyang disenyo?

Makatuwirang Konklusyon

Matapos suriin ang katibayan ng disenyo sa kalikasan, maraming tao ang sasang-ayon sa manunulat ng Bibliya na si Pablo, na nagsabi: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”​—Roma 1:19, 20.

Ano ang Sagot Mo?

  • Makatuwiran bang isipin na nagkataon lang na lumitaw ang kahanga-hangang inhinyeriya na makikita sa kalikasan?

  • Ano ang isasagot mo kapag may nagsabing mukha lang dinisenyo ang buhay?

May Nagdisenyo ba Nito?

Kung ang isang kopya ay nangangailangan ng tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito?

Hibla

  • Produkto ng tao: Ang Kevlar ay matibay na hiblang gawa ng tao na karaniwang ginagamit sa mga tsalekong di-tinatablan ng bala. Para makagawa ng Kevlar, kailangan ng mataas na temperatura at mga nakalalasong pantunaw.

  • Produkto ng kalikasan: Ang orb-weaving spider ay nakakagawa ng pitong uri ng sapot. Ang pinakamatibay sa mga ito ay ang dragline silk. Mas magaan ito sa bulak pero di-hamak na mas matibay kaysa sa bakal at sa Kevlar. Kung palalakihin na sinlaki ng palaruan ng football ang bahay ng gagambang gawa sa dragline silk na isang sentimetro ang kapal at apat na sentimetro ang pagitan ng mga hibla, kaya nitong pahintuin ang isang lumilipad na napakalaking jet! Ang mga gagamba ay nakakagawa ng dragline silk sa katamtamang temperatura gamit lang ang tubig.

Nabigasyon

  • Produkto ng tao: Ang ilang komersiyal na eroplano ay may mga computerized autopilot system na hindi lang kumokontrol sa paglipad ng eroplano patungo sa ibang bansa kundi pati na rin sa paglapag nito. Kasinliit lang ng credit card ang computer na ginamit sa isang eroplanong may autopilot system.

  • Produkto ng kalikasan: Sinlaki lang ng dulo ng bolpen ang utak ng monarch butterfly subalit nandarayuhan ito nang hanggang 3,000 kilometro mula Canada patungo sa maliit na kagubatan sa Mexico. Umaasa sa araw ang paruparong ito sa kaniyang nabigasyon, at nag-a-adjust ito sa galaw ng araw.

Lente

  • Produkto ng tao: Nakabuo na ang mga inhinyero ng isang artipisyal na mata, na may mahigit 8,500 lente, at halos sinliit lamang ng ulo ng aspile. Magagamit ang mga lenteng ito sa mga detector na sensitibo sa mabibilis na galaw at sa pagkaninipis na kamera na makakakuha ng larawan sa iba’t ibang anggulo.

  • Produkto ng kalikasan: Ang mga tutubi ay may mga 30,000 lente sa bawat mata.Kapag pinagsama-sama ang mga imahe na nakikita ng bawat lente, nabubuo ang isang larawan na parang isang malaking moseyk. Nakikita ng masalimuot na mata ng insektong ito kahit ang bahagyang paggalaw.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share