Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming mga Kapuwa Mamamahayag ng Mabuting Balita:
Isa ngang napakalaking pribilehiyo na mapabilang sa bayan na nagkakaisang sumasamba sa nag-iisang tunay na Diyos, si Jehova! Tayo ay kaniyang “mga kamanggagawa,” na pinagkatiwalaan ng sagrado at nagliligtas-buhay na gawain—ang pangangaral at pagtuturo tungkol sa mabuting balita ng nakatatag nang Kaharian. (1 Cor. 3:9; Mat. 28:19, 20) Para maisagawa ang pandaigdig na gawaing ito nang may kapayapaan at pagkakaisa, dapat na organisado tayo.—1 Cor. 14:40.
Ipapaliwanag ng aklat na ito ang mga kaayusan ngayon sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Tatalakayin dito ang mga pribilehiyo at pananagutan mo bilang isang Saksi ni Jehova. Kung pahahalagahan mo ang iyong mga pribilehiyo at gagampanan ang mga pananagutan mo, ‘titibay ang iyong pananampalataya.’—Gawa 16:4, 5; Gal. 6:5.
Kaya hinihimok ka namin na pag-aralang mabuti ang aklat na ito. Pag-isipan kung paano mo maisasabuhay ang mga impormasyon dito. Halimbawa, kung naging di-bautisadong mamamahayag ka kamakailan, anong mga hakbang ang dapat mong gawin para mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova? At kung bautisado ka naman, ano ang magagawa mo para sumulong sa espirituwal at mapalawak ang paglilingkod mo kay Jehova? (1 Tim. 4:15) Paano ka makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kongregasyon? (2 Cor. 13:11) Hanapin sa aklat na ito ang sagot sa mga tanong na ito.
Kung isa kang bautisadong lalaki, ano ang puwede mong gawin para maging kuwalipikado bilang ministeryal na lingkod at bilang elder pagdating ng panahon? Libo-libong baguhan ang patuloy na pumapasok sa organisasyon ng Diyos, kaya kailangang-kailangan ng kuwalipikadong mga brother na mangunguna. Matutulungan ka ng aklat na ito na makita kung ano ang kasama sa pag-abot sa espirituwal na mga tunguhing ito.—1 Tim. 3:1.
Dalangin naming matulungan ka ng aklat na ito na makita ang iyong papel sa kaayusan ni Jehova at mapahalagahan ito. Mahal na mahal namin kayong lahat at patuloy naming idinadalangin na mapabilang kayo sa mga masisiyahan magpakailanman sa pagsamba sa ating makalangit na Ama, si Jehova.—Awit 37:10, 11; Isa. 65:21-25.
Ang inyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova