BET-SEMES
[Bahay ng Araw].
Ang pangalan ng apat na lunsod sa ulat ng Bibliya.
1. Isang lunsod na nasa hilagaang hangganan ng Juda; itinala sa ulat sa pagitan ng Kesalon at Timnah. (Jos 15:10) Maliwanag na tinatawag itong Ir-semes (nangangahulugang “Lunsod ng Araw”) sa Josue 19:41, kung saan lumilitaw ito bilang isang bayan sa hangganan ng Dan, ang tribong karatig ng Juda sa hilaga. Nang maglaon ay ipinagkaloob ng Juda ang Bet-semes sa mga Levita bilang isang lunsod ng mga saserdote.—Jos 21:13, 16; 1Cr 6:59.
Ipinapalagay na ang Bet-semes ay ang Tell er-Rumeileh (Tel Bet Shemesh) na nasa K ng mga guho ng lunsod ng Byzantium na malapit sa makabagong-panahong ʽAin Shems, anupat bahagyang napanatili sa pangalang iyan ang pangalan ng sinaunang lugar. Kaya ang Bet-semes ay mga 26 na km (16 na mi) sa K ng Jerusalem at nasa pangunahing lansangan mula sa lunsod na iyon patungo sa mga Filisteong lunsod ng Asdod at Askelon. Maliwanag na isa itong estratehikong dako kung tungkol sa militar yamang mula rito ay mababantayan ang mataas na bahagi ng agusang libis ng Sorek at ang isa sa mga pangunahing pasukan mula sa mga baybaying kapatagan patungo sa rehiyon ng Sepela at sa kabundukan ng Juda. Ipinakikita ng paghuhukay sa lugar na ito na ang lunsod ay may sinaunang kasaysayan, anupat maraming katibayan doon ng impluwensiyang Filisteo.
Nang ibalik ng mga Filisteo sa Israel ang kaban ni Jehova sakay ng isang karwahe, matapos na sila’y salutin ng sakit, ang mga bakang humihila sa karwahe ay kusang dumeretso sa Levitang lunsod na ito ng Bet-semes. Gayunman, kumilos nang di-wasto ang ilan sa mga naninirahan sa Bet-semes nang tingnan nila ang kaban ng tipan anupat dahil dito ay 70 katao ang namatay. (1Sa 6:9-20) Ang pariralang “limampung libong lalaki” na lumilitaw sa 1 Samuel 6:19 sa tekstong Hebreo ay hindi iniugnay sa “pitumpung lalaki” sa pamamagitan ng anumang pangatnig, at ipinapalagay ng ilan na ito ay nagpapahiwatig ng isang interpolasyon. Sa pagtalakay niya sa ulat ng Bibliya, sinabi ni Josephus (Jewish Antiquities, VI, 16 [i, 4]) na 70 lalaki lamang ang pinatay; wala siyang binanggit na 50,000.—Tingnan ang 1Sa 6:19, tlb sa Rbi8.
Ang Bet-semes ay isa sa mga lunsod na kasama sa kaayusan ni Haring Solomon upang paglaanan ng pagkain ang maharlikang sambahayan. (1Ha 4:7, 9) Natagpuan doon ang mahahaba at makikitid na silid na pinaniniwalaang ginamit sa pag-iimbak ng mga butil, gayundin ang isang malaking imbakan sa ilalim ng lupa na nababalutan ng bato at mga 7 m (23 piye) ang diyametro at halos 6 na m (20 piye) ang lalim. Ipinakikita ng maraming pisaan ng ubas at pisaan ng olibo na nahukay roon na ang lugar na iyon ay pinanggagalingan noon ng saganang langis at alak.
May-kamangmangang hinamon ni Haring Amazias (858-830 B.C.E.) si Jehoas ng Israel ngunit natalo siya at nabihag sa Bet-semes. (2Ha 14:9-13; 2Cr 25:18-23) Noong panahon ng paghahari ni Ahaz (761-746 B.C.E.), ang kasamaan at kawalang-katapatan ng bansa ang naging dahilan kung bakit nakuha ng mga Filisteo ang Bet-semes. (2Cr 28:18, 19) Isang may-tatak na hawakan ng banga na may inskripsiyong “nauukol kay Eliakim, katiwala ni Jaukin [pinaikling anyo ng pangalang Jehoiakin],” ang nahukay sa Bet-semes at ipinapalagay na tinutukoy nito ang hari na may gayong pangalan. Maaaring ipinahihiwatig nito nang maglaon ay nabawi ng kaharian ng Juda ang lunsod mula sa mga Filisteo.
2. Isang nakukutaang lunsod sa teritoryo ng Neptali. (Jos 19:35-39) Bagaman hindi napalayas ang mga Canaanitang naninirahan sa lunsod na ito, sumailalim sila sa puwersahang pagtatrabaho para sa mga Neptalita. (Huk 1:33) Hindi pa rin matukoy ang sinaunang lokasyon nito.
3. Isang bayan ng Isacar na malapit sa Jordan. (Jos 19:22, 23) Bagaman iba’t iba ang iminumungkahing lokasyon ng lugar na ito, mas pabor ang ilang iskolar sa el-ʽAbeidiyeh na nasa pampang ng Jordan, mga 3 km (2 mi) sa T ng Dagat ng Galilea at mga 16 na km (10 mi) sa S ng Bundok Tabor. Ang sinaunang pangalan ay posibleng napanatili sa kalapit na Khirbet Shamsawi.
4. Isang lunsod sa Ehipto na binanggit sa hula ni Jeremias hinggil sa dumarating na pagkawasak ng bansang iyon. (Jer 43:13) Ipinapalagay na ito rin ang Heliopolis (nangangahulugang “Lunsod ng Araw”), na nasa HS dulo ng makabagong Cairo. Sa ibang bahagi ng Kasulatan ay tinatawag ito sa Ehipsiyong pangalan nito na On.—Tingnan ang ON Blg. 2.