EGLAT-SELISIYA
[malamang, Ikatlong Eglat].
Isang terminong ginamit nina Isaias (15:5) at Jeremias (48:34) sa kanilang mga kapahayagan ng kapahamakan laban sa Moab, maliwanag na tumutukoy sa isang lugar sa bansang iyon. Naniniwala ang ilan na may tatlong bayan na magkakapareho ng pangalan at magkakalapit ng lokasyon, at na ang ikatlo (“ang ikatlong Eglat,” AT) ang pinatutungkulan dito ng mga sinabi ng mga propeta. Hindi matukoy ang lokasyon ng mga lugar na iyon.
Gayunman, maraming iskolar ang naniniwala na ang salitang Hebreo para rito (ʽegh·lathʹ sheli·shi·yahʹ) ay hindi dapat gawan ng transliterasyon na pangngalang pantangi. Sinasabi nila na ito’y isang makasagisag na pananalita na maisasalin bilang “isang dumalagang baka na tatlong-taong gulang.” (Dy, JP; tingnan ang KJ, Ro.) Kung gayon nga, maaaring inihahalintulad ng mga propeta ang nalupig na Moab sa isang baka na malakas at bata pa bagaman husto na ang gulang, ngunit ang maririnig lamang mula rito ay kahabag-habag na ‘mga daing.’