JEHUDI
[Isang Judio; Ni (Kay) Juda].
Isang opisyal ni Haring Jehoiakim na isinugo ng mga prinsipe ng Juda upang dalhin sa kanila si Baruc at ang balumbon ni Jeremias. Noong basahin ni Jehudi kay Jehoiakim ang balumbon ding iyon nang maglaon, pinagpupunit iyon ng hari at sinunog, pira-piraso, hanggang sa matupok ang buong balumbon.—Jer 36:14, 21-23, 27, 32.
Si Jehudi ay isang apo sa tuhod ni Cusi. (Jer 36:14) Ang pangalan niya at ng kaniyang ninuno ay ipinapalagay ng ilan na nagpapahiwatig na hindi siya ipinanganak na isang Judio, kundi isang proselita, anupat ipinahihiwatig ng pangalan ng kaniyang lolo sa tuhod na ang pamilya ay mula sa Cus, o Etiopia. Gayunman, yaong mga salinlahi sa pagitan nila ay may pangkaraniwang mga pangalang Judio (si Netanias na kaniyang ama at si Selemias na kaniyang lolo), at maging ang pangalang Cusi mismo ay masusumpungan sa ibang talata bilang isang pangalang pantangi ng isang likas na Judio. (Zef 1:1) Kaya ang Jehudi ay malamang na isa lamang pangalang pantangi na ibinigay noong kapanganakan niya at hindi isang pangalang unang natamo bilang isang proselita.