SALAMIN, II
[sa Ingles, mirror].
Ang ilang sinaunang salaming pangkamay (Isa 3:23) ay gawa sa pinakintab na bato, bagaman ang karamihan sa mga iyon ay gawa sa metal, gaya ng bronse o tanso, at nang maglaon ay gawa sa lata, pilak, at maging sa ginto. Malamang ay noon lamang unang siglo C.E. inumpisahang gamitin ang mga salamin na yari sa bubog. Yamang ang sinaunang mga salamin ay kadalasang gawa sa tinunaw na metal, kailangang pakintabin nang husto ang mga ito upang makapagbigay ng mahusay na repleksiyon. Maaaring gamitin ang dinikdik na batong pomes bilang pampakintab, anupat sa pana-panahon ay ipinapahid ito sa pamamagitan ng isang espongha na kadalasa’y nakasabit sa mismong salamin. Gayunpaman, ang sinaunang mga salaming metal ay hindi kasinlinaw ng makabagong mga salamin. Kaya naman angkop ang isinulat ng apostol na si Pablo: “Sa kasalukuyan ay nakakakita tayo ng malabong anyo sa pamamagitan ng salaming metal.”—1Co 13:12.
Makasagisag na Paggamit. Kung minsan, ang mga salamin ay tinutukoy ng Kasulatan sa makasagisag o makalarawang paraan. Sa Job 37:18, ang kalangitan ay inihahalintulad sa isang salaming metal, na ang pinakinang na ibabaw nito ay nagbibigay ng maliwanag na repleksiyon. Ginamit ng alagad na si Santiago ang salamin bilang sagisag ng salita ng Diyos nang himukin niya ang mga tao na maging, hindi mga tagapakinig lamang ng salita, kundi mga tagatupad nito. (San 1:22-25) Ipinakita naman ng apostol na si Pablo na sa ministeryo ng mga Kristiyano, sila ay “nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin.”—2Co 3:18; 4:1.