PAHAT-MOAB
[Gobernador ng Moab].
Pinagmulan ng isang pamilya sa Israel. Kung isa siyang opisyal na namamahala sa Moab, gaya ng maaaring ipinahihiwatig ng pangalan niya, malamang na iyon ay noong panahong pinamumunuan ng Juda ang Moab. Gayunman, ang paghawak niya ng gayong posisyon ay hindi pa rin matiyak, yamang walang sinasabing personal na bagay tungkol sa kaniya sa ulat ng Kasulatan.
Ang mga inapo ni Pahat-moab na nakatala sa Ezra at Nehemias ay pawang nabuhay pagkaraan ng pagkatapon. Ilan sa kanila ang bumuo sa ikalawang pinakamalaking pamilya na bumalik kasama ni Zerubabel noong 537 B.C.E. (Ezr 2:1, 2, 6; Ne 7:11) Nang makabalik si Ezra noong 468 B.C.E., anupat mas maraming inapo ni Pahat-moab ang sumama sa kaniya, ang ilan sa unang pangkat (o ang kanilang mga supling) ay kumuha ng mga asawang banyaga, ngunit tumugon sila sa payo ni Ezra na paalisin ang mga iyon. (Ezr 8:1, 4; 10:30, 44) Ang isa pang nagmula sa pamilyang ito, si Hasub, ay tumulong kay Nehemias na magkumpuni ng pader ng Jerusalem, at ang isang inapo o kinatawan nila ay nagpatotoo rin sa pamamagitan ng tatak sa kasunduan ng katapatan na iniharap di-nagtagal pagkatapos nito.—Ne 3:11; 9:38; 10:1, 14.