SALUM
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “makipagpayapaan; magbayad; gumanti”].
1. Ang huling binanggit na anak ni Neptali. (1Cr 7:13) Binabaybay na Silem sa ibang mga teksto.—Gen 46:24; Bil 26:49; tingnan ang SILEM.
2. Anak ni Shaul, apo ni Simeon, at ama ni Mibsam.—1Cr 4:24, 25.
3. Anak ni Sismai at ama ni Jekamias sa Jerameelitang pangkat ng talaangkanan sa Juda.—1Cr 2:4, 5, 9, 25, 40, 41.
4. Isang pangulong bantay ng pintuang-daan ng santuwaryo na may panahong nakapuwesto sa pintuang-daan ng hari sa dakong S; isang inapo ni Kora. Bagaman pangunahin nang lumilitaw ang pangalang ito sa mga talaan ng mga bumalik mula sa Babilonya at naninirahan sa Jerusalem (1Cr 9:2, 3, 17-19, 31, 34; Ezr 2:1, 42; Ne 7:45), maaaring ipinakikita ng mga pagtukoy gaya ng sa “silid-kainan ni Maaseias na anak ni Salum na bantay-pinto” noong panahon ni Jeremias (Jer 35:4) na ang pangalang lumilitaw sa mga talaan pagkaraan ng pagkatapon ay tumutukoy sa isang sambahayan sa panig ng ama, o pamilya, ng mga bantay ng pintuang-daan na nagmula sa isang mas naunang Salum. Higit pa itong matitiyak kung siya rin ang Selemias at Meselemias na binanggit sa 1 Cronica 26:1, 2, 9, 14 bilang ang bantay ng pintuang-daan sa S ng santuwaryo noong panahon ng paghahari ni David.
5. Ikalabing-anim na hari ng sampung-tribong kaharian; anak ni Jabes. Sa isang sabuwatan, pinatay ni Salum si Zacarias, ang huli sa mga namamahalang inapo ni Jehu, at naging hari siya sa Samaria sa loob ng isang buwang lunar noong mga 791 B.C.E., ngunit nang maglaon ay pinaslang siya ni Menahem.—2Ha 15:8, 10-15.
6. Isang Efraimita na ang anak na si Jehizkias ay isa sa mga lider ng tribo na tumutol na gawing bihag ang kanilang mga kapatid mula sa Juda.—2Cr 28:12, 13.
7. Isang inapo ni Aaron sa linya ng mga mataas na saserdote. Ang anak o inapo ni Salum na si Hilkias ay nanungkulan noong panahon ng paghahari ni Josias. (1Cr 6:12, 13; 2Cr 34:9) Si Ezra ay nagmula rin sa kaniya. (Ezr 7:1, 2) Sa ibang mga talata ay tinatawag siyang Mesulam.—1Cr 9:11; Ne 11:11; tingnan ang MESULAM Blg. 4.
8. Asawa ni Hulda, ang propetisa na dinalaw ng delegasyon ni Haring Josias; anak ni Tikva. Ipinapalagay na siya ang “tagapag-ingat ng mga kasuutan,” maaaring ng mga saserdote o ng hari. (2Ha 22:14; 2Cr 34:22) Posibleng siya rin ang Blg. 10.
9. Isang anak ni Josias; hari ng Juda sa loob ng tatlong buwan bago siya ipinatapon ni Paraon Necoh. (1Cr 3:15; 2Ha 23:30-34; Jer 22:11, 12) Sa ibang mga talata ay tinatawag siyang Jehoahaz.—Tingnan ang JEHOAHAZ Blg. 3.
10. Tiyo ni Jeremias sa ama. Noong 608 B.C.E. binili ni Jeremias ang isang bukid mula sa anak ni Salum na si Hanamel. (Jer 32:1, 7-9) Batay sa yugto ng panahong ikinabuhay niya, maaaring siya rin ang Blg. 8.
11. Isa sa mga bantay ng pintuang-daan na sumang-ayong paalisin ang kanilang mga asawang banyaga at mga anak pagkabalik ni Ezra sa Jerusalem. (Ezr 10:24, 44) Malamang na kamag-anak siya ng Blg. 4.
12. Isa sa mga anak ni Binui na nagpaalis din sa kanilang mga asawang banyaga at mga anak.—Ezr 10:38-42, 44.
13. Isang prinsipe ng kalahati ng distrito ng Jerusalem na tumulong, kasama ng kaniyang mga anak na babae, sa pagkukumpuni ng pader ng Jerusalem; isang anak o inapo ni Halohes.—Ne 3:12.