Bakit Nga Gayon?
BAKIT nga napakamalaganap ang pang-aapi? Dalawang teksto sa Bibliya ang sumasagot sa tanong na iyan. Ang una ay nasa Jeremias 10:23, at narito ang sinasabi niyaon:
“Ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.”
Nakikita nito na ang tao ay talagang walang kaya na gumubyerno sa kaniyang sarili. Bakit? Una, dahilan sa likas na makasalanan siya. Ang Diyos mismo ang nagsabi: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama na mula pa sa kaniyang kabataan.” (Genesis 8:21) Sa gayon ang mga batas at kaugalian ng tao ay pinagmumulan ng lahat ng uri ng kaapihan. Halimbawa, marami ang may hilig na lasunin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga sigarilyo o magtayo ng mga armas sa panahong ito ng space-age ng lansakang paglipol imbes na magbigay ng malinis, sariwang tubig o sapat na makakain para sa mga nangangailangan.
Kulang din ang tao ng sapat na karunungan. Sa gayon, gaya sa kaso ni Roy, ang mga batas na nilayon na maging makatarungan ay humahantong lamang sa mga pang-aapi. Kahit na maraming tao at mga organisasyon ang nagsusumikap na magpairal ng katarungan sa larangan ng kalusugan, pamamahagi ng pagkain at kabuhayan, hindi nila magawa iyan. Sa maraming kaso, talagang hindi nila alam kung paano gagawin iyon.
Ang katotohanan ay, ang tao’y hindi dinisenyo na “magtuwid,” o mamahala, sa kaniyang sarili na taglay ang lubos na kapangyarihan, o pagsasarili. Siya’y nilayon na pamahalaan ng isang nakakataas na kapangyarihan, ang Diyos. At dahil sa karamihan ng mga tao ay tumanggi sa pamamahala ng Diyos, isang makapangyarihang puersang espiritu ang ngayon ay umiimpluwensiya sa kanila. Ang espiritung ito ay tinutukoy sa ikalawang teksto na nagpapaliwanag kung bakit malaganap ang pang-aapi ngayon. Sinasabi nito:
“Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.”
Ito ang mga salita ni apostol Juan. (1 Juan 5:19) Sino ba ang “balakyot” na ito? Aba, si Satanas na Diyablo, na tinatawag na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay higit na makapangyarihan kaysa atin. Wala silang interes na makitang umiiral ang katarungan. Sa katunayan, habang umiiral ang pang-aapi, ang mga tao ay nailalayo sa Diyos. At, mayroon pang iba na siya ang sinisisi sa pang-aaping ito. Kung gayon, ang pang-aapi ay nakatutulong sa mga layunin ni Satanas.
Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay mangingibig ng katarungan, at hindi niya pababayaan ang kaniyang mga tapat.” (Awit 37:28) Bakit, kung gayon, pinahintulutan niyang ang tao’y mamahala sa kaniyang sarili at sumailalim ng impluensiya ni Satanas, at sa gayo’y dumanas ng malaking kaapihan at iba pang kasamaan? Ang susunod na artikulo ang tatalakay nito.