Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/1 p. 3-4
  • Karahasan!—Patuloy na Nagbabanta sa Iyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Karahasan!—Patuloy na Nagbabanta sa Iyo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Karahasan?
    Gumising!—2002
  • Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Ating Mapanganib na Panahon—Bakit Napakarahas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Saanman ay May Karahasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/1 p. 3-4

Karahasan!​—Patuloy na Nagbabanta sa Iyo

Tunghayan mo ang nakatutok na baril na ito at kumbinsido kang isang nagbabantang berdugo sa iyo ang lumulubhang karahasan sa ngayon! Ganiyan na lamang ang tahip ng iyong dibdib! Gagamunggo ang tumutulong pawis sa iyo! Ginigiyagis ka ng dikawasang takot at ang laman ng iyong isip ay kung makakalibre ka pa kayang buháy sa kalagayang ito. Walang patawad ang nakatutok na baril na iyan sa iyo​—disidido ang masamang-loob na utasin ka! Ang ganiyang totohanang larawan ng lumulubhang karahasan ay nasasaksihan MONG talaga!

HINDI ka ba natutuwa at nababasa mo lamang ang paglalarawan sa nasabing tanawin? Mangyari pa, huwag ka sanang makaranas ng ganiyang banta at wala namang kabutihang maidudulot ang palagi ka na lamang nag-iisip na baka mangyari sa iyo ang ganiyan. Nguni’t, hindi rin naman mabuti na ipikit mo ang iyong mga mata sa mga nangyayari sa ngayon.

Bilang isang taong may kaalaman, agad na sasang-ayon ka na tayo’y nabubuhay sa mga panahon ng karahasan. Gayunman, marahil ay hindi mo gaanong pinag-iisipan ito habang hindi ikaw ang nagiging biktima ng isang may baril na masamang-loob. Gayunman, hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang posibilidad na baka balang araw ay maging biktima ka rin ng isang masamang-loob.a Sa mga kalye at sa iba pang mga lugar publiko sa maraming bansa ay laging nakaumang ngayon ang nagbabantang panganib ng panggagahasa at pananakit. Ang kaligaligang ang sanhi’y politika at mga manggagawa ay malimit na humahantong sa karahasan. At nariyan din ang mapanganib (bagaman marahil may mabuting hangarin) na mga demonstrasyon ng pagprotesta, pati yaong pinakamalupit na karahasan sa lahat​—ang walang patumanggang terorismo.

Nguni’t hindi pa iyan ang lahat. Sa tahanan, ang laganap na karahasan sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya ay literal na nagpapaunawa nito sa iyo. Isang artikulo sa Toronto Star, sa ilalim ng subtitulong “Violence increasing,” ay nag-uulat na sa Canada “humigit-kumulang 490,000 mga asawang-babae ang ginugulpe taun-taon.” At taun-taon sa Estados Unidos dalawa hanggang anim na milyong asawang-babae ang ginugulpe at kalahating milyong mga matatanda ang pinagbubuhatan ng kamay ng kanilang sariling mga kamag-anak. Sa bansa ring iyan, ang National Center on Child Abuse and Neglect ay nagsasabing “ang aktuwal na bilang ng mga batang pinagmamalupitan at pinababayaan sa taun-taon. . . . ay humigit-kumulang 1,000,000.” Samakatuwid, sa mga araw na ito, “malamang na ikaw ay mapatay, saktan o literal na atakihin ng isang tao na kamag-anak mo at ito’y sa iyong sariling tahanan, kaysa saanman,” ang sabi ng isang sosyologo.

Kung isasali pa natin ang patuloy na dumaraming karahasan ng mga tagapanood at ng mga manlalaro kung ginaganap ang mga laro, ang nasasaksihang mga karahasan sa mga pánoorin sa TV, sa sine at videocassettes, pati na rin ang karahasan sa mga digmaan at rebolusyon, naiisip mo na talagang nababaliw na yata ang daigdig. Ibinabangon nito ang mga tanong na: Bakit nga ba napakarahas ang panahon nating ito? Dati ba’y ganiyan na rin? O, bagkus, may natatanging kahulugan ba ang ating nasasaksihan? At mayroon bang paraan upang maiwasan natin ang kabaliwan ng panahong ito ng karahasan?

Ang sumusunod na artikulo ay nilayon na sagutin ang mga tanong na ito at ibalita na mayroong isang lalong mabuting bagay. Inaasahan naming tutulong ito sa inyo sa pagtatamo ng isang maygulang at timbang na pagkakilala sa lumalagong panganib na ito.

[Talababa]

a May maiinam na mungkahi kung paano maiiwasan ang maging biktima ng lumalagong karahasan sa Awake! ng Oktubre 22, 1979, pahina 7-11.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share