Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/1 p. 25-26
  • Ang Buhay Mo, ang Integridad Mo at ang Card

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Buhay Mo, ang Integridad Mo at ang Card
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Handa Mo Bang Harapin ang Hamon sa Pananampalataya Kapag Nagpapagamot?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1991
  • Ingatan ang Inyong mga Anak Mula sa Maling Paggamit ng Dugo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1993
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Maghanda Na Ngayon Para sa Medical Emergency
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/1 p. 25-26

Ang Buhay Mo, ang Integridad Mo at ang Card

“PAGKA sumapit ang kasakunaan, ang isang taong matalino ay nakakanlong; ngunit ang simple ay nagwawalang-bahala at ito’y sa kanilang ikinadadalamhati.”​—Kawikaan 27:12, Septuagint, ni Charles Thomson.

Ang kinasihang kawikaang iyan ay nagpapatunay ng halaga ng patiunang pag-iisip. Ang isang ‘sakuna,’ o kalamidad, na ibig maiwasan ng mga lingkod ng Diyos ay ang paglabag sa kanilang integridad o katapatan. Sa loob ng mga ilang taon na ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay masikap ng pagsasagawa ng bagay na iyon na may kinalaman sa pag-uutos ng Diyos na ang mga Kristiyano ay ‘umiwas sa dugo.’​—Gawa 15:28, 29.

Natatalos ng mga Kristiyano na pagkatapos ng isang aksidente maaaring sila ay mawalan ng malay-tao o hindi makapagbigay ng isang detalyadong paliwanag sa kung bakit hindi sila maaaring pasalin ng dugo. Kahit na kung ang nasaktang Saksi ay magsasalita at magsasabi na​—kasuwato ng simulain ng informed consent​—hindi niya ibig na pasalin ng dugo, ang mga doktor o mga tauhan ng ospital ay mag-alala na ang maging resulta nito ay baka isang paghahabla sa kanila sa hukuman kung hindi sila susunod sa paggamot na ayon sa karaniwang pamantayan. Kaya sa loob ng mga ilan taon na ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay nagdadala ng isang Medical Alert card. Ito ay isang pinirmahan, sinaksihang dokumento na nag-aalis sa mga doktor at mga opisyales ng ospital ng pananagutan sa anumang komplikasyon na maaaring maging resulta ng hindi pagpapasalin ng dugo. Isang bagong card ang pinipirmahan at pinipetsahan taun-taon; sa gayon, ang dokumento ay palaging bago at balido.

Kung ibig mong sumunod sa mga alituntunin ng Diyos tungkol sa dugo, regular na nagdadala ka ba ng isa sa mga dokumentong ito? Tinitiyak mo ba na ito ay bago at, kung posible, ay nilagdaan ng iyong pinakamalapit na kamag-anak? Pansinin mula sa sumusunod na liham kung bakit dapat mo ngang gawin iyon:

“Kaming mag-asawa ay nagnanais na pasalamatan kayo ng ganiyan na lamang sa paglalaan sa amin ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon at ng turo na tutulong sa amin. Ibig kong ipabatid sa inyo kung paano ang materyal ay nakatulong upang iligtas ang aming buhay.

“Noon ay Hunyo 6, 1983, at isang maulang gabi nang kami ay pauwi na sa tahanan galing sa trabaho. Kami’y nagtatrabaho bilang mga kontratista sa isang bagong proyekto ng pagpapabahay 30 milya ang layo sa aming tahanan at noon ay dinaanan namin ang aming tatlong maliliit na anak na nasa paaralan. Habang ang aking asawang lalaki, si John, ay nagmamaneho ng aming sasakyan pahilaga sa haywey sa aming paglalakbay na iyon, pinag-uusapan namin ang darating na pandistritong kombensiyon. Nakita ko ang isang tractor-trailer truck na bumuwelta at tumama sa divider at tumama nang pagkalakas-lakas na anupa’t ang putik at damo ay tumilapon hanggang itaas. Sa isang iglap ang trak ay sumagupa sa divider at bumagsak sa harap namin na gaya ng isang napakalaking pader na bato.

“Kalimitan ay iniisip namin kung ano kaya ang mangyayari sakaling kami ay napasangkot sa isang aksidente. Sinunod namin ang mga instruksiyon tungkol sa pakikipag-usap sa doktor ng aming pamilya at ng lokal na ospital tungkol sa pagpapasalin ng dugo. Subalit ano kung kami ay walang malay-tao, o kaya wala kami sa bayan at hindi namin matanggihan ang pagsasalin ng dugo? Ito ang pagkakataon na nakakatulong kayo [ang Watchtower Society] sa pamamagitan ng inyong maibiging inilaan: ang Medical Alert card. Sa tuwina’y dala-dala namin ang amin. Ang mga card na ito ay nasulatan nang husto, pinetsahan at pinirmahan.

“Samantalang ako’y walang malay-tao sa gitna ng aksidenteng iyon, isang babae na isang rehistradong nars ang huminto. Ibig niyang dalhin ang dalawang bata na maaaring madala, sapagkat ang isa sa kanila ay nagdurugo nang husto dahil sa sugat sa kaniyang tuktok, at si John ay pumayag naman. Ang isa pang munting bata ay kasama ko na nadaganan sa trak hanggang sa nabuksan ang pinto.

“Nang ang Emergency Medical Service ay dumating, hiniling ni John sa attendant na rumadyo nang patiuna sa ospital at sabihin sa kanila na sa anumang paraan huwag nilang sasalinan ng dugo ang mga bata. Tumanggi ang attendant, hanggang sa ipinabasa sa kaniya ni John ang Medical Alert card. Nakumbinse siya na rumadyo para magpadala ng mensahe sa ospital.

“Si John ay malubha, mayroong matitinding pasa sa ulo, nabali ang kaniyang kaliwang galang-galangan at marami siyang mga pasa-pasa. Subalit siya’y patuloy na nanalangin na siya sana’y manatiling may malay upang makita niya na ang pangangailangan at mga kagustuhan ng kaniyang pamilya ay sinusunod.

“Nabalian ako ng balakang at nagkaroon ako ng isang baling kaliwang pigi, na anupa’t nagdurugo sa loob. Nang kami’y sumapit sa ospital ako ay wala pa ring malay-tao. Sinabi ng doktor kay John na sa susunod na mga ilang oras puedeng tumagas ang kalahati ng aking dugo at ako’y mamamatay kung hindi ako pasasalin ng dugo. Sa kabila ng malubhang kalagayan ni John, patuloy na sinabihan niya sila, ‘Walang pagsasalin ng dugo.’ Sila man din ay nagpatuloy ng pagpilit sa kaniya, at sinabihan siya na mawawalan siya ng kaniyang asawa, at ang sabi pa, ‘Sino kung gayon ang mag-aasikaso sa mga anak mo?’ Sa wakas ay nasumpungan nila ang aking Medical Alert card. Ang doktor ay nagpagawa ng mga kopya nito at inirekord iyon. Yamang iyon ay isang legal na dokumento, kanilang iginalang iyon at hindi na nila ipinilit ang pagsasalin ng dugo. Anim na oras ang nakalipas at ako ay pinagsaulian ng malay at nakapagsalita ako para sa aking sarili. Subalit ang kahanga-hanga​—bagamat ang akala ng iba ito’y walang-kabuluhan​—na munting card ang nagligtas sa akin sa pagpapasalin ng dugo na ipinipilit nila nang ako’y walang malay-tao.

“Ako’y nasa ospital nang halos pitong linggo, subalit inakala kong ang aking paggaling ay mabilis, at ang isang dahilan nito ay ang hindi ko pagpapasalin ng dugo, na kung hindi gayon ay baka nagkakomplikasyon. Kaming lahat ay nagkakaisa bilang isang pamilya at gumagaling nang mabilis. Salamat kay Jehova sa paglalaan sa amin ng ganiyang kahanga-hangang mga pantulong gaya baga ng Medical Alert card. Talagang gumagana ito!”

Ang mga Saksi ni Jehova ay mayroon ng mahalagang mga dokumentong ito na hinihingi nila sa mga hinirang na matatanda sa kanilang mga kongregasyon. Ang nabanggit na karanasan ay nagpapakita kung bakit ikaw at ang iyong pamilya ay kailangang “magpakatalino” at regular na magdala ng isang kompleto at bagong Medical Alert card.​—Kawikaan 22:3.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share