Dalaga at Maligaya Bilang Isang Payunir
Inilahad ni Margaret Stephenson
MOMBASA, Silangang Aprika, 1958. Sobra ang init, para bang lahat ay umaaso dahilan sa parang nagliliyab na init. Nakayayamot ang mga langaw na naglipana at dumadapo sa buong paligid ko. Sa silong ng bubong ng opisina ng aduana sa puerto, ang temperatura ay halos 40 digri Celsius (104° F.). Ako’y naghintay, habang ang pawis ay tumutulo sa aking pisngi. Maumido ang buong paligid, at ang hangin—na namamasa-masa at luóm—ay pagkakapal-kapal na parang hindi mo kayang hingahin. Ganito kaya ang mga kalagayan sa buong Kenya?
Nagsimulang nagkaroon ako ng mga duda kung ito nga ay isang mabuting dako para sa isang dalaga. Nakakita ako ng mga larawan ng malalawak na mga kapatagan na punô ng mga hayop-gubat, ng malalawak na mga kagubatan, at mga kabundukan na balót ng niyebe ang mga taluktok, subalit dito . . . “Oh, ano nga ba ito?” ang tanong ko sa aking sarili. “Sa ano ba pinayagan kong mapadpad ako?”
Ibang-iba nga ang mga kalagayan sa Ottawa, Canada, na kung saan ako dating naninirahan. Ang biyahe sa barko ay limang linggo. Sampung libong milya ang biyahe! Mayroon kayang sasalubong sa akin? Hindi ko alam kung mayroong mga Saksi ni Jehova sa Mombasa, kaya’t maguguniguni ninyo ang aking pagkamangha at kagalakan nang matanaw ko ang mga mukhang nangakangiti. Anong laking pampalakas-loob! At anong init ng kanilang pagtanggap sa akin!
Ang unang pulong nang mismong gabing iyon ay malaki rin ang nagawa upang mapawi ang aking mga pangamba tungkol sa lupaing ito na totoong bago at kakatuwa kung malasin ko. Dadala-dalawa lamang pamilya—anong laki ng kanilang pagpapasalamat at sila’y napatibay-loob na sila’y makarinig ng mga karanasan at nagagalak sila na sila’y may makasama ngayon. Pagkalawak-lawak pa ng gawain dito, ang sumaisip ko. Paano ko nga maiiwanan ang mga iilan-ilang malalakas-loob na mga taong ito na gumawa rito nang sila-sila lamang? Nang unang gabing iyon ay natulungan ako nang malaki upang maging disidido na manatili roon at tumulong habang kaya ko.
Pagsagot sa Panawagan
“Pumaroon kayo sa Macedonia!” ang paanyaya na binigkas ng tagapagpahayag halos 18 buwan na ang nakalipas sa asamblea ng mga Saksi ni Jehova noong 1957 sa Seattle, Washington, E.U.A. Lahat kami ay pinayuhan na pag-isipan kung ang aming mga kalagayan sa buhay ay magpapahintulot sa amin na sagutin ang anyaya para sa higit pang mga manggagawa sa larangan, at tumulong sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian maging sa mga ibang bansa man. Naisip-isip ko sa ganang sarili ko: ‘Mayroon nga kayang talagang anuman na humahadlang sa akin? May dahilan kaya kung bakit hindi ako makatutugon sa paanyaya? Ako’y walang pamilya na susuportahan. Ako’y isang tao na mahilig na gumawa ng mga bagay-bagay nang aking buong-puso, at narito ang isang tuwirang pakiusap na galing kay Jehova at dapat kung tugunin.’ Isinulat ko ang lahat ng pangalan ng mga lugar na binanggit ng tagapagpahayag bilang modernong mga “Macedonia,” na pinakaalaala ng dako na kung saan may malaking pangangailangan at doon inanyayahan ng banal na espiritu si apostol Pablo noong unang siglo.—Gawa 16:9, 10.
Marahil ay itatanong ninyo kung ano’t ang isang mahinang babae na mahigit na 50 anyos na ay nagkaroon ng lakas ng loob at sa ganang sarili niya’y tinanggap ang paanyaya na pumaroon sa isang malayong panig ng mundo. Siya ba’y adbenturera? Hindi, hinding-hindi; hindi ako ang tipong adbenturera. Marahil ay naimpluwensiyahan ako ng may edad nang si Sister Bartlett, na naging matiyaga at mapagmahal na tinuruan niya ako ng katotohanan hanggang sa ako’y magpabautismo noong 1954. Sa tuwina’y hinihimok niya ako na lumahok sa buong-panahong paglilingkod, at pinatitingkad niya sa akin ang dulot nito na mga kagalakan at pagpapala. Ngunit anong laking mga pagbabago ang idudulot niyaon sa akin! Si itay ay mayroon na noong matinding paggalang sa Bibliya at sa The Watchtower, subalit kailanma’y hindi siya dumating sa punto na paggawa ng tiyakang paninindigan sa panig ng mga katotohanan sa Bibliya. Ako man naman ay nag-atubili ring sandali. Sa loob ng dalawa at kalahating taon sinikap ni Sister Bartlett na himukin ako na makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay. Naunawaan ko kung bakit mahalaga ang gawaing ito, subalit ako ay nasisindak pa noon. Sa wakas, pagkatapos na aralan sa apat na malalaking aklat-aralan at samantalang nagbibigay pa ako ng walang saysay na mga dahilan, hinimok niya ako na lumahok sa pamamahagi ng mga magasin sa kalye. “Kung sakali mang medyo nahihiya ka,” aniya, “mawawala iyan.” Anong laki ng kagandahang-loob ni Jehova na nagbibigay sa atin ng lakas na kailangan natin upang maganap natin ang kaniyang kalooban!—Filipos 4:13.
Ngayon, samantalang ginugunita ko ang nakalipas, ganiyan na lang ang laki ng aking pasasalamat na sa tuwina’y inilagay sa harap ko na tunguhin ang pagpapayunir lakip na ang mga kagantihan nito. Yamang nalasap ko at nasaksihan na ang ministeryo ay tunay na isang kasiya-siyang gawain, noong 1956 ipinasiya ko na maging isang payunir. Yamang nakatakda ako noon na rumitiro sa aking trabaho nang susunod na taon, ganito ang pasiya ko: ‘Bakit hindi mo gawin ngayon, ngayon na?’ At ganoon nga ang ginawa ko—at nagustuhan ko naman. “Dapat kaya akong umaplay para makapag-aral sa paaralang misyonero ng Gilead?” ang tanong ko sa isang maygulang na mag-asawa. “Hindi,” ang sagot nila, “sobra ka na sa edad!” “Bueno, dapat kaya akong mag-aplay upang diyan magtrabaho sa punung-tanggapan ng Samahan?” At muli na namang ang tugon, “Sobra ka na sa edad, Margaret!” ‘Bueno,’ naisip ko, ‘Diyan na lamang ako maglilingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan.’ At ako’y kanilang hinimok na lumipat sa mga ibang lugar ng Canada upang masubukan muna kung paano ako makikibagay at makapamumuhay sa kabila ng mga pagbabago bago subukan ang mga ibang bansa.
Pagkatapos na tumanggap ako ng atas, ako’y naghanda na ng aking mga gamit at pagkatapos ay naglakbay ako ng 2,500 milya (4,000 km) buhat sa Vancouver patungo sa Ottawa sa kabilang ibayo ng Canada. Doon ay nakilala ko si Aubrey at Eunice Clarke, na kadidestino lamang doon galing sa Gilead School at sila’y patungo sa Kenya. Sila’y may saloobing positibo at sinabi nilang susulatan nila ako at ibibigay ang lahat ng impormasyon na inaakala nilang makakatulong sa akin. Pagkaraan na tumanggap ako ng mga liham na punô ng praktikal na mga payo, ng pampatibay-loob, mungkahi, at mga babala, at ng marami pang ibang bagay na tutulong sa akin sa pagpapasiya kung makakaya ko iyon, ako ay nagbiyahe na patungo roon.
Ako ba’y natatakot? Oh, hindi! . . . hindi kundi noong dumating na ako sa Mombasa. Subalit ang init na ipinakita ng mga kapatid na tagaroon, at ang mga pagsisikap na ipinakita nilang lahat upang ipadama sa akin na sila’y nagagalak sa aking pagdating doon at ibig nilang ako’y makasama ang tumulong sa akin upang agad na mapapanatag ang aking loob. Makalipas ang dalawang araw ng paglagi ko roon sa baybaying-dagat, ako’y nagbiyahe na patungo sa kabisera, ang Nairobi, 300 milya (480 km) patungo sa loob.
Isang Malawak na Larangan
Sa umpisa, ang malaking bahagi ng aming pagpapatotoo ay impormal at sa mga taga-Europa lamang, sapagkat ang gawain namin ay hindi pa legal na kinikilala sa Kenya. Sa ganitong mga kalagayan, tunay na malaki ang hamon. Pagkarami-raming mga tao na dapat kaming mahatdan ng mabuting balita at kakaunti ang manggagawa nito! Gayumpaman, naglalagay noon ng pundasyon para sa lalong higit na paglawak. Anong ligayang araw iyon noong 1962 nang lubusang kilalanin at tanggapin na kami ay isang samahan sa Bibliya! Sa pamamagitan ng bagong kalayaang ito, maaari na kaming magbahay-bahay at magpatotoo sa mga tao na katutubo sa Aprika.
Kaya kami ay nagsimula na, ganiyan na lamang ang aming katuwaan bagama’t limitado at memoryado namin ang mga sermon sa Swahili. Ang reaksiyon ng mga tao ay totoong nakatutuwa. Nakapagpasimula kami ng maraming mga bagong pag-aaral sa Bibliya, at anong tuwa ng mga tao na matuto! Subalit ang mga kalagayan doon ay ibang-iba sa dating pinanggalingan ko, at natatandaan ko pa na ang naisip ko, ‘Oh, anong laki ng pangangailangan ng mga tao sa nagbibigay-buhay na mensahe ng katotohanan!’
Ang pagiging mapagpatuloy ng mga tao ay tunay na kaakit-akit na katangian. Kung ilang mga tasa ng tsa ang aming nainom, iyan ay hindi ko na matandaan. At manakanaka sa gitna ng lahat na ito ang titis ng interes ay magsisiklab, at ang pagpapahalaga sa katotohanan ng mga baguhan ay malaking pampasigla sa amin upang kami’y manatili sa aming gawain.
Malungkot Ba?
Ako ba’y nalulungkot bilang isang taong nagsosolo na pagkalayu-layo sa amin? Hindi naman. Pagkarami-rami ang aking mga kaibigan at pagkarami-rami rin ang aking trabaho! Kami’y sama-sama na gumagawa ng mga bagay-bagay, nagdadalawan sa isa’t-isa, at palaging magawain. Napaharap sa akin ang mga pagkakataon na makapag-asawa, subalit hindi ko gaanong pinag-isipan iyon. Sa halip, nagamit ko ang higit pang kalayaan at kaluwagan sa pagkilos na hindi taglay ng isang may asawa upang ako’y makapanatiling magawain sa ministeryo, at ito’y nagdulot sa akin ng malaking kaligayahan. Inaamin ko, pagka ako’y dumadalaw-muli sa mga pamilyang interesado, naiisip ko ang ganito, ‘Marahil, may silbi rin ang isang asawang lalaki!’ Yamang may mga pamilyang nagmamagandang-loob sa akin at isinasali ako sa mga bagay na kanilang ginagawa, talagang hindi ako nag-iisa. Dito sa Kenya ako ay may espirituwal na pamilya na binubuo ng humigit-kumulang 15 mga iba’t iba na nagkapribilehiyo ako na tulungan tungo sa pag-aalay at pagpapabautismo nila. Kahit na ngayon pa, sa pagmamasid ko sa kongregasyon, nakikita ko na isa sa mga indibiduwal na ito at ang kaniyang limang mga anak ay naglalathala rin ng mabuting balita. Oo, kaya naman lahat ng pagsasakripisyo at pagpapagal ko ay sulit. Ang mga baguhang ito, kasama na ang aking minamahal na mga kapatid sa espiritu, ang pinagkakaabalahan ko na anupa’t hindi ako nawawalan ng gawain at walang panahon para ako malungkot.
Ibinawal ang Gawain! Aalis ba Ako o Hindi?
Anong laking kabiglaanan! Sa di-sukat akalain, isang umaga kami ay nagising na ang aming gawain ay lubusang ibinawal na. Hindi maaaring mangaral, hindi maaaring magtipon ang marami, ang mga misyonero ay hindi na magtatagal at paaalisin, at ibinawal ang literatura. Para bagang wala nang kasiguruhan ang kinabukasan. Ano kaya ang dapat kong gawin? Naparoon ako upang sumangguni sa isang kapatid sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society. Siya mismo ay naghahanda na ng kaniyang mga gamit upang makaalis na siya. “Dapat ba akong umalis o dapat akong huwag umalis?” ang tanong ko. Ang sagot naman niya: “Kung magagawa mo, mas mabuti na huwag kang umalis. Baka ikaw ay makatulong pa rin.” ‘Ngayon,’ naisip ko, ‘naparito ako upang maglingkod sa mga tao at mangaral ng mabuting balita sa pinakamagaling na magagawa ko, at para sa akin ito ay posible pa rin.’ Kaya’t hindi ako umalis. Ganiyan na lamang ang aking panlulumo samantalang kumakaway ako ng pamamaalam sa mga misyonero sa airport! Pagkarami-raming mabubuting kaibigan at mga kasama ang mawawala, at biglang-bigla naman! Malaking bagay ito sa akin noon at ngayon man.
Pagka ginugunita ko ang nakaraan, anong laki ng aking pasasalamat na ako ay gumawa ng pagsisikap na magkaroon ng mga kaibigan at nagsikap na mapamahal sa mga kapatid na tagaroon at sa mga iba na hindi nagsialis! Kung hindi ko ginawa ito, tiyak na ako ay mag-iisa na lamang sa ganang sarili ko. Kaya’t sama-sama kaming nagtulung-tulong upang makatawid sa sigwadang iyon. At anong laki ng aming katuwaan nang, mga ilang buwan lamang ang nakalipas, ang mga bagay ay nanumbalik na sa dati, at muling kinilala na legal ang aming gawain!
Unti-unti, dumating ang higit pang tulong. Iyan ay nagpasigla sa aming lahat at pati sa gawain! Anong laking kagalakan na makita kung gaano ang naisulong ng gawain! Nang unang dumating ako rito sa Kenya, mayroon lamang mga 30 kapatid at mga interesado na nagsusumikap na dalhin ang liwanag ng katotohanan sa mga tao. Ngayon ay mayroon kaming mga 3,000 mga mamamahayag ng Kaharian at mahigit na 4,000 mga pag-aaral ng Bibliya sa bansa. Dati-rati ay nakikilala ko ang lahat ng dumadalo sa aming maliliit na asamblea. Subalit ngayon ay imposible na ang ganiyan, pagka tinutunghayan ko ang malalaki, makulay, at punúng-punô ng mga tao sa mga grandstand. Nagugunita ko rin ang unang-unang tanggapang sangay na maliit pa noon. Ngayon, sa halip na isang maliit na opisinang may dalawang kuwarto, mayroon kaming isang magandang bagong tanggapang sangay at mga pasilidad sa pag-iimprenta.
Ang Umaalalay na Lakas ni Jehova ay Laging Tumutulong
Hindi pa gaanong natatagalan, nagkaroon ako ng problema sa aking mga mata at nangailangan iyon ng magastos na operasyon. Ito noon ay mabigat para sa akin yamang paubos na ang panustos sa aking mga pangangailangan sa buhay. Dito na naman ay kinailangan na magpasiya ako kung ako baga’y babalik sa Canada o magpapatuloy pa sa pagpapayunir doon. Ang suliraning ito ay dinaan ko sa panalangin. Kaya’t maguguniguni ninyo ang aking kagalakan nang marinig ko ang balita na binabago ng gobyerno ng Canada ang mga batas doon upang pensiyunan ang mga mamamayan niya bagama’t sila ay hindi roon nakatira sa Canada. Talagang tinulungan ako ni Jehova, at ako ay tuwang-tuwa, sapagkat ang Kenya ay ginawa ko nang aking tahanan at talagang hindi ko na ibig umalis doon.
Sa paglipas ng mga taon ay lalong tumindi ang aking kaugnayan kay Jehova. Bilang isang dalaga sa isang bansa sa Aprika, napatunayan kong siya’y isang Tagapagtanggol. Siya rin ay tagapagbigay-lakas, sapagkat sa edad na 77 anyos ako ay nakapagpapayunir pa at ginagawa ko ito noong lumipas na 27 taon. Natuto rin naman ako na manindigan sa panig na matuwid pagka may bumangon na mga problema. Sa bandang huli, ang mga bagay-bagay ay laging nagbabago; hindi ito nananatiling pareho magpakailanman. At kung magkagayon ay anong tuwa mo na ikaw ay nanatiling tapat! Habang makakaya ko, ako’y umaasang magpapatuloy ng paglilingkod kay Jehova bilang isang maligayang payunir.
“Maligaya ang isa na ang Diyos ni Jacob ang kaniyang pinakatulong,
Na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos,
Ang Maygawa ng langit at lupa,
Ng dagat, at ng lahat ng naroon,
Na Siyang nag-iingat ng katotohanan hanggang sa panahong walang takda.”
[Larawan sa pahina 25]
Ang reaksiyon sa aming mga sermon sa Swahili ay totoong nakatutuwa’