Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 6/1 p. 19-23
  • Si Jehova ay Kumikilos sa Katapatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova ay Kumikilos sa Katapatan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kabataan na Walang Layunin
  • Pagpapamalas ng Bagong Pagkamatapat
  • Buong-Panahong Ministeryo sa Inglatera
  • Isang Pinalawak na Ministeryo sa Aprika
  • Pagbabalik sa Aprika
  • Mga Bagong Kalagayan sa Inglatera
  • Ligaya ang Dulot ng Pagtitiwala kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Dalaga at Maligaya Bilang Isang Payunir
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Naging Tahanan Namin ang Isang Atas-Misyonero
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 6/1 p. 19-23

Si Jehova ay Kumikilos sa Katapatan

AYON SA PAGKALAHAD NI PETER PALLISER

Disyembre 1985 noon. Sumidhi ang pananabik nang simulan ang aming paglapag sa internasyonal na paliparan sa Nairobi, Kenya. Samantalang naglalakbay patungo sa loob ng lunsod, biglang nagbalik ang mga alaala, palibhasa’y napukaw ng pamilyar na mga tanawin at tunog.

DUMATING kami sa Kenya upang daluhan ang “Mga Tagapag-ingat ng Katapatan” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Labindalawang taon ang nakararaan nang kami ng aking asawa ay sapilitang paalisin sa Kenya dahil sa pagbabawal sa aming gawaing pangangaral. Nanirahan kami roon sa Bethel, ang tawag sa pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova. Anong inam na sorpresa ang naghihintay sa amin nang kami ay bumalik doon upang dumalaw!

Ang tumutulong sa paghahanda ng tanghalian sa Bethel ay isang kabataang Saksi na kilala namin sapol nang siya ay dalawang taóng gulang. Di-kukulangin sa anim na miyembro ng pamilyang Bethel ay mga taong kilala namin nang sila ay bata pa. Kay laking kagalakan na makita sila ngayon bilang mga kabataang nasa hustong gulang, kasama ng kani-kanilang pamilya, na pawang aktibo pa rin sa ministeryo! Kinalinga sila ng ating Diyos, si Jehova, bilang katuparan ng pangako ng Bibliya: “Sa isa na matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.” (2 Samuel 22:26) Kay laking pagkakaiba ang nakita ko sa aking kabataan at sa kasiya-siyang buhay na tinatahak ng mga kabataang ito!

Kabataan na Walang Layunin

Isinilang ako sa Scarborough, Inglatera, noong Agosto 14, 1918. Pagkaraan ng dalawang taon ay lumisan patungong Canada ang aking ina at ang aking kinakapatid na babae, kaya ginugol ko ang sumunod na tatlong taon na kasama ang aking ama, ang kaniyang ina, at ang kaniyang kapatid na babae. Nang ako ay limang taon, dinukot ako ni Inay at dinala sa Montreal, Canada. Pagkaraan ng apat na taon ay ibinalik niya ako sa Inglatera upang manirahan kina Itay at mag-aral.

Halos tuwing ikaanim na buwan ay sumusulat sa akin ang aking ina at kinakapatid na babae. Sa katapusan ng kanilang mga liham, ipinahahayag nila ang hangarin na ako ay maging mabuting mamamayan, matapat sa Hari at sa bansa. Marahil ay nalungkot sila sa aking mga tugon dahil isinulat ko na naniniwala akong mali ang nasyonalismo at digmaan. Gayunman, palibhasa’y walang malinaw na patutunguhan, nagpatangay na lamang ako sa panahon noong mga taon ng aking pagkatin-edyer.

Pagkatapos noong Hulyo 1939, anim na linggo bago nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, ako ay nakalap sa hukbong Britano. Ako ay 20 taon lamang. Di-nagtagal ay ipinadala sa hilagang Pransiya ang aking rehimyento. Nang salakayin kami ng mga eroplanong Aleman, iniasinta naming mga kabataan ang aming mga riple at pinaputukan ang mga ito. Iyon ay nakatatakot na karanasan. Umurong kami buhat sa sumasalakay na mga hukbong Aleman, at kabilang ako sa mga inilikas sa Dunkirk noong unang linggo ng Hunyo 1940. Naaalaala ko pa ang nakagigimbal na tanawin ng isang buong batalyon ng mga patay na nakakalat sa magkabilang ibayo ng dalampasigan. Nakaligtas ako sa nakatatakot na karanasang iyon at nakarating sa Harwich sa silangang Inglatera sakay ng isang maliit na freighter.

Nang sumunod na taon, noong Marso 1941, ipinadala ako sa India. Doon ay sinanay ako bilang isang mekaniko ng aparato. Pagkaraang maospital bunga ng isang impeksiyon, inilipat ako sa isang pangkat ng mga sundalo sa Delhi, ang kabisera ng India. Palibhasa’y malayo sa tahanan at masama pa rin ang pakiramdam, nagsimula akong mag-isip tungkol sa hinaharap. Higit kong pinag-isipan ang tungkol sa nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay.

Pagpapamalas ng Bagong Pagkamatapat

Kakuwarto ko sa Delhi ang isang kapuwa taga-Inglatera, si Bert Gale. Isang araw ay sinabi niya na “ang relihiyon ay sa Diyablo,” isang komento na pumukaw ng aking interes. Naging isang Saksi ni Jehova ang kaniyang asawa, at sa pana-panahon ay pinadadalhan siya ng mga publikasyon sa Bibliya. Isa sa mga ito, ang buklet na Hope, ang nakaakit ng aking interes. Ang pagtalakay nito sa pag-asa ng pagkabuhay-muli ay talagang nagpadama sa akin ng kapanatagan.

Sa bandang pasimula ng 1943, si Bert ay nakipag-usap sa isang Anglo-Indian na sibilyan, si Teddy Grubert, na kasama naming nagtatrabaho sa base militar. Nagulat kami nang malaman namin na si Teddy ay isang Saksi. Bagaman ipinagbawal ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1941, dinala niya kami sa mga pagpupulong ng mga Saksi sa Delhi. Sa maliit na kongregasyong iyon, noon ko pa lamang nasumpungan sa tanang buhay ko ang tunay, magiliw na pagsasamahan. Nag-ukol ng personal na interes sa akin si Basil Tsatos, isang matanda nang Kristiyanong kapatid na lalaki buhat sa Gresya, at sinagot ang aking mga tanong. Nagbigay siya ng malinaw na salig-Bibliyang mga sagot sa mga tanong tungkol sa kung bakit tayo tumatanda at namamatay, tungkol sa pagkabuhay-muli, at sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan ng katuwiran.​—Gawa 24:15; Roma 5:12; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.

Ang buklet na Peace​—Can It Last?, na inilathala noong 1942, ay lalo nang nakaakit sa aking interes. Ipinakilala nito ang Liga ng mga Bansa bilang ang “matingkad-pulang mabangis na hayop.” (Apocalipsis 17:3) Sinisipi ang Apo kabanata 17, talata 11, ng Apocalipsis, sinabi ng buklet: “Masasabi na ngayon na ang Liga ay ‘naging siya, at wala na.’ ” Sa pagpapatuloy, sinabi nito: “Muling babangon ang samahan ng makasanlibutang mga bansa.” Noong 1945, pagkaraan nang mahigit sa tatlong taon, gayung-gayon ang nangyari nang maitatag ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa!

Noong ipinagbabawal ang literatura ng mga Saksi, natulungan ko ang bago kong mga kaibigan. Kapag dumating ang isang karton ng buklet na Peace​—Can It Last?, ipinatatago ito ng kongregasyon sa akin. Sino ang mag-iisip na maghanap ng ipinagbabawal na literatura sa kampo ng hukbo? Sa bawat pagdalo ko sa mga pulong, nagdadala ako ng ilang buklet upang palaging may magamit ang mga kapatid. Itinago ko pa nga ang kanilang sariling literatura sa Bibliya nang mangamba sila na hahalughugin ang kanilang tahanan. Sa wakas, noong Disyembre 11, 1944, inalis ang pagbabawal.

Nasubok ang aking pagkamatapat sa mga turong Kristiyano nang organisahin noong 1943 ang mga pagdiriwang ng Pasko para sa tropa namin sa hukbo. Tumanggi akong makibahagi, yamang natutuhan ko na hindi isinilang si Jesus sa taglamig ng Disyembre at na hindi ipinagdiwang ng unang mga Kristiyano ang Pasko.​—Ihambing ang Lucas 2:8-12.

Nang ganapin ang “Nagkakaisang Tagapagbalita” na Asamblea sa Jubbulpore (Jabalpur) noong Disyembre 27 hanggang 31, 1944, kabilang ako sa mga 150 na dumalo. Marami sa mga delegado sa kombensiyon ang naglakbay sakay ng tren buhat sa Delhi, isang biyahe na mahigit pa sa 600 kilometro. Hindi ko malilimutan ang kamangha-manghang kapaligiran sa tagpong iyon sa labas, na doo’y nakita ko ang pagkilos ng organisasyon ni Jehova.

Ang mga delegado sa kombensiyon ay pinatuloy sa mga dormitoryo ng paaralan, kung saan kami ay umawit ng mga awiting pang-Kaharian at nagtamasa ng maligayang pagsasamahang Kristiyano. Noong kombensiyong iyon ay nagsimula akong makibahagi sa gawaing pangangaral sa madla, isang gawain na sapol noon ay napamahal na sa akin.

Buong-Panahong Ministeryo sa Inglatera

Nagbalik ako sa Inglatera noong 1946 at di-nagtagal ay nagsimulang makisama sa Wolverton Congregation. Bagaman mga sampu lamang kaming mamamahayag ng Kaharian, naging palagay ako sa kanila, at naranasan ko ang gayunding pagkakontento na natamasa ko sa gitna ng aking mga kapatid sa India. Natatangi si Vera Clifton sa kongregasyon bilang isang tapat at magiliw na tao. Nang malaman ko na pareho kami ng hangarin na maging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro, nagpakasal kami noong Mayo 24, 1947. Inayos ko ang isang caravan, o isang sasakyang tinitirahan, at nang sumunod na taon, natanggap namin ang aming unang atas bilang payunir, ang bayan ng Huntingdon sa lalawigan.

Noong mga panahong iyon ay nagbibisikleta kami nang madaling-araw patungo sa mga teritoryo sa kabukiran. Ang aming maghapong pangangaral ay nahihinto lamang dahil sa madaliang pagkain ng mga sandwich sa tanghali. Gaano man kalakas ang pasalubong na hangin o ang buhos ng ulan na sinasagasa namin sa pamimisikleta pauwi, kami ay maligaya at nasisiyahan sa gawain ng Panginoon.

Nang maglaon ay hinangad naming palawakin ang aming ministeryo at ibahagi ang “mabuting balita” sa mga tao sa ibang bansa. (Mateo 24:14) Kaya nag-aplay kami upang makapag-aral sa paaralang pangmisyonero ng Gilead sa South Lansing, New York, E.U.A. Sa wakas, kami ay natanggap sa ika-26 na klase ng Gilead na nagtapos noong Pebrero 1956.

Isang Pinalawak na Ministeryo sa Aprika

Ang atas namin bilang misyonero ay sa Hilagang Rhodesia (ngayon ay Zambia) sa Aprika. Di-nagtagal pagdating namin, kami ay tinawag upang maglingkod sa Bethel sa bansang iyan. Bilang bahagi ng aking trabaho sa Bethel, ako ang nakikipag-ugnayan sa Silangang Aprika sa pamamagitan ng liham. Noong 1956, apat lamang ang Saksi sa Kenya​—isa sa mga bansa sa Silangang Aprika​—samantalang mahigit naman sa 24,000 ang nasa Hilagang Rhodesia. Naisip namin ni Vera na napakainam na maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan.

Nang magkagayon, sa di-inaasahan, nakatanggap ako ng isa pang paanyaya sa Paaralang Gilead, sa pagkakataong ito ay ukol naman sa sampung-buwan na kurso para sa mga tagapangasiwa. Iniwan ko si Vera sa Hilagang Rhodesia at naglakbay patungong New York City, kung saan matatagpuan ang Paaralang Gilead noong panahong iyon. Nang magtapos sa kurso noong Nobyembre 1962, ako ay naatasan sa Kenya upang magtatag ng isang tanggapang pansangay roon. Sa panahong ito ay may mahigit na sandaang Saksi sa Kenya.

Sa aking pagbabalik patungong Hilagang Rhodesia upang makipagkita kay Vera, ako sana ay titigil sandali sa Nairobi, Kenya. Subalit nang dumating ako, ibinalita sa akin ni Bill Nisbet, isang nagtapos sa ika-25 klase ng Gilead, na maaari nang kumuha ng opisyal na pahintulot upang makapasok agad sa Kenya. Nagpunta kami sa mga awtoridad sa imigrasyon, at sa loob ng ilang minuto, nakakuha ako ng limang-taóng lisensiya sa pagtatrabaho. Kaya hindi na ako kailanman nakabalik sa Hilagang Rhodesia; sa halip, pumunta sa akin si Vera sa Nairobi.

Pagkatapos ng dagliang-isinaayos na kurso sa wikang Swahili, nakibahagi kami sa ministeryo kasama ng maliit na kongregasyon ng Nairobi. Kung minsan pagkatapos naming basahin ang aming sermon sa wikang Swahili, ang maybahay ay bubulalas, “Hindi ako nakaiintindi ng Ingles!” Sa kabila nito, nagtiyaga kami at unti-unting napanagumpayan ang hadlang sa wika.

Kabilang sa aming teritoryo ang malalaking grupo ng mga gusaling pabahay na may mga salig-Bibliyang pangalan na gaya ng Jerusalem at Jerico. Mabilis na dumami ang mga interesado, at marami mula sa mga pook na ito ang naging mga mamamahayag ng Kaharian. Tunay na kapansin-pansin ang epekto ng katotohanan sa Bibliya sa mga taong ito! Naparam ang pagkadama ng kahigitan ng lahi samantalang ang pagkamatapat sa Kaharian ay nagdulot ng pagkakaisa sa gitna ng bayan ni Jehova. Maging ang pag-aasawa ng magkakaibang tribo ay naganap, isang bagay na totoong pambihira sa gitna ng mga di-Saksi.

Ang mga bagong tagapaghayag ng Kaharian ay masigasig na yumakap sa katotohanan. Halimbawa, si Samson ay sabik na sabik na mapasok ng katotohanan sa Bibliya ang dakong kaniyang tinitirahan anupat patuloy siyang humiling na magpadala ng mga payunir doon. Sa katunayan, dinugtungan niya ang kaniyang bahay sa rehiyon ng Ukambani upang may matuluyan sila. Di-nagtagal at isang bagong kongregasyon ng mga tagapaghayag ng Kaharian ang naitatag doon.

Dinalaw ko nang maraming beses ang ating mga kapatid sa bansang Etiopia sa Silangang Aprika. Gumugugol sila ng aberids na mahigit na 20 oras sa ministeryo sa isang buwan, sa kabila ng mga pagbilanggo, pambubugbog, at patuloy na pagmamanman. Minsan ay naglakbay nang isang linggo ang mga kapatid na Etiope sakay ng dalawang bus, anupat binagtas ang mapanganib na mga daan sa bundok, upang makadalo sa isang pandistritong kombensiyon sa Kenya. Ang pagkamapamaraan nila sa pagsasaayos na magkaroon ng pang-Kahariang literatura sa kanilang lupain ay pambihira. Kami sa Kenya ay natutuwang tumulong na patuloy silang tustusan.

Ipinatupad ang opisyal na pagbabawal sa aming gawain sa Kenya noong 1973, at sapilitang pinauwi ang mga misyonero. Nang panahong iyon ay mayroon nang 1,200 Saksi sa Kenya, at marami sa mga ito ang naroroon sa paliparan upang pabaunan kami ng isang di-malilimutang paglisan. Ang kanilang pagkanaroroon ay nag-udyok sa isang kapuwa naglalakbay upang magtanong kung kami ba ay tanyag na mga tao. Kami ni Vera ay nagbalik sa Inglatera at binigyan ng isang atas doon, subalit inasam naming magbalik sa Aprika.

Pagbabalik sa Aprika

Kaya, pagkalipas ng ilang buwan, natanggap namin ang aming bagong atas, sa Bethel sa Accra, ang kabisera ng bansang Ghana sa kanlurang Aprika. Isa sa aking atas dito ay nagpangyari sa akin na masaksihan mismo ang paghihirap na nararanasan doon ng ating mga kapatid. Yamang ako ang namimili ng pagkain at mga panustos para sa pamilyang Bethel, nagulat ako sa taas ng halaga ng pagkain. Kadalasan ay hindi kayang bilhin ng indibiduwal ang kinakailangang mga bagay. Ang kakulangan ng petrolyo at kakauntian ng mga piyesa ay nagdagdag pa ng mga problema.

Natutuhan ko ang kahalagahan ng pagtitiis, isang bagay na napaunlad sa ating mga kapatid na taga-Ghana. Talagang nakapagpapatibay-loob na makita ang masayahing saloobin na taglay nila habang tinatanggihan ang tukso na magtamo ng mga kinakailangan sa buhay sa pamamagitan ng suhol. Bunga nito, ang bayan ni Jehova sa Ghana ay napabantog sa kanilang katapatan at nagkaroon ng magandang reputasyon sa maraming opisyal.

Subalit sa kabila ng kakulangan sa materyal, umuunlad ang espirituwal na kasaganaan. Sa buong lupain, ang ating mga publikasyon sa Bibliya ay masusumpungan sa halos lahat ng tahanan. At nasaksihan namin ang pagdami ng bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Ghana mula sa 17,156 noong 1973 nang dumating kami hanggang sa mahigit na 23,000 noong 1981. Nang taóng iyon ang paglala ng aking kanser sa balat, na tiyak na pinalubha ng mga taon ng pagkakalantad sa araw sa India at Aprika, ay nagtulak sa amin na lumisan sa Ghana at magbalik sa Inglatera para sa regular na pagpapagamot.

Mga Bagong Kalagayan sa Inglatera

Para sa akin ang aming pagbabalik ay nangangahulugan ng malaking pagbabago sa aking ministeryo. Nasanay na akong malayang makipag-usap sa mga taong gumagalang sa Diyos at sa Bibliya. Subalit sa London, madalang kong matagpuan ang gayong saloobin. Hinahangaan ko ang tiyaga ng mga kapatid sa Britanya. Tinulungan ako nito na makita ang pangangailangang magpaunlad ng higit na empatiya sa mga taong “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan” sa espirituwal na paraan.​—Mateo 9:36.

Pag-uwi namin buhat sa Aprika, kami ni Vera ay magkasamang naglingkod sa Bethel sa London hanggang sa siya’y mamatay noong Setyembre 1991 sa edad na 73. Hindi madaling mawalan ng gayong katapat na kasama na katuwang kong nagpagal sa ministeryo sa loob ng maraming taon. Talagang hinahanap-hanap ko siya. Subalit maligaya ako sa mainam na pag-alalay na natatanggap ko mula sa aming pamilyang Bethel na may mga 250 miyembro.

Tunay na ibinibilang kong isang pribilehiyo na maranasan ang pagsulong ng organisasyon ni Jehova at masaksihan ang marami na ginagawang landasin ng kanilang buhay ang buong-panahong ministeryo. Matitiyak ko sa inyo, wala nang landasin ng buhay na iinam pa kaysa rito, sapagkat ‘hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang matatapat.’​—Awit 37:28.

[Larawan sa pahina 23]

Nagpayunir kami sa Inglatera mula noong 1947 hanggang 1955

[Larawan sa pahina 23]

Unang pagkakataon sa ministeryo noong panahon ng isang kombensiyon sa India

[Larawan sa pahina 23]

Nang kami ay mga misyonero sa Hilagang Rhodesia

[Larawan sa pahina 23]

Noong 1985, kasama ng mga kaibigan na hindi ko nakita sa loob ng 12 taon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share