Mga Tunay na Kaibigan—Kung Paano Matatagpuan
“ANG tanging paraan upang magkaroon ka ng kaibigan ay maging isa kang kaibigan,” ang sabi ni Ralph Waldo Emerson. Subalit, marami ang mahilig na magsolo na lamang. Sa halip na magsikap silang maging isang kaibigan, sila’y nagbubukod ng kanilang sarili. Ang resulta? “Ang mga taong malimit na nagsosolo ay ‘walang sigla, di-maligaya, napag-iiwanan ng daigdig,’” ang sabi ng isang pahayagan sa Brazil ayon sa pagkasipi sa isang mananaliksik. Isinusog pa ng mananaliksik na iyon: “Kung wala nang iba pang magagawa, kung wala nang iba pang makakausap, ikaw ay walang iniisip kung di iyong nasa loob mo. Mas madali ang mapalubog ka sa iyong mga problema.”
Datapuwat, hindi kailangang mahulog ka sa ganiyan. Halos lahat ay maaaring matutong maging isang kaibigan at sa gayo’y magkaroon din ng mga kaibigan. Subalit paano nga ba nagsisimula sa ganiyan ang isang tao? Ang isang malaking tulong sa ating abilidad na magkaroon ng mga kaibigan ay ang sariling personalidad natin. Isang matandang kawikaan ang nagsasabi: “Nasa kaniyang kabaitan ang ikinapagiging kaakit-akit ng isang tao.” (Kawikaan 19:22, The Jerusalem Bible) Kung gayon, ang tunay na pagkakaibigan ay nakakamit ng mga taong nagpapakita ng kabaitan. Halimbawa, pagka ipinabatid natin sa iba na tayo’y nagpapahalaga sa kanila, malamang na sila’y magiging interesado sa atin.
Ang isang taong mabait ay nakikinig din sa iba. Ang sinoman na dominante pagka nakikipag-usap o labis-labis na sarili niya ang itinatampok sa isang usapan ay mahirap na makatagpo ng sinoman na magiging interesado sa kaniya at sa kaniyang mga mithiin. Ang kabaitan ay nangangahulugan din ng pag-iingat natin sa ating sinasabi sa iba. “Mayroong isa na nagsasalita na walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng mga pantas ay nagpapagaling.” (Kawikaan 12:18) Bilang halimbawa, baka napansin mo ang isang nalulungkot o nababalisa. Ang sabi ng Kawikaan: “Nanakawin ng pagkabalisa ang iyong kaligayahan, subalit ang mga salitang may kabaitan ay magpapasaya sa iyo.” (Kawikaan 12:25, Today’s English Version) Sa ganiyang pagkakataon, ang iyong dilang nagpapagaling ay maaaring gamitin upang gumawa para sa iyo ng isang tapat na kaibigan.
Mahalaga ang Pagiging Tapat
Ang sumulat ng Kawikaan 18:24 ay nagpakita ng malaking pagkaunawa sa relasyon ng mga tao sa isa’t-isa nang siya’y sumulat: “Ang mga ibang kaibigan ay nagdadala sa atin ng pinsala, subalit ang isang tunay na kaibigan ay tapat pa kaysa isang kapatid.” (The American Bible) Oo, sino ang may gusto sa isang taong kaya ka lamang kinakaibigan ay dahil sa mapapakinabang sa iyo? Subalit nariyan ang halimbawa ni David at ni Jonathan. Maaaring napoot sana si Jonathan kay David, yamang si Jonathan ang tagapagmana sa trono ng Israel subalit alam niya na si David ang talagang maghahari. Gayunman ay nagpakita si Jonathan ng katapatan, hindi ng paninibugho, kay David, at isinapanganib pa man din niya ang kaniyang buhay alang-alang kay David.—1 Samuel 18:1-3; 20:17, 31, 32; 2 Samuel 1:26.
Si Ruth ay isa pang tapat na kaibigan. Imbes na iwanan niya ang kaniyang biyenan na si Naomi, hindi niya ito nilisan. Oo, tama ang sabi ng mga tagapagmasid na si Ruth ay ‘mas mainam kaysa pitong mga anak na lalaki’ kay Naomi.—Ruth 1:16, 17; 4:15.
Ikaw ba ay nagpapakita ng ganoon ding katapatan? Halimbawa, pagka may nasilip kang mga kahinaan sa iyong mga kaibigan, iyo bang ibinubunyag sa iba?
Subalit ano naman kung ang isang mahal sa iyo ay may malubhang kahinaan na nangangailangan agad bigyan ng atensiyon? Ang tapat na kaibigan ay hindi nag-aatubili sa pagsasabi ng katotohanan ng dahil sa pangamba sa magiging reaksiyon ng kaibigan na iyon. “Tapat ang mga sugat na likha ng kaibigan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 27:6) Mangyari pa, hindi ibig sabihin na tayo ay magiging mabagsik o walang taktika sa ating pagsasalita. Ang mga Kristiyano sa sinaunang Galacia ay nangailangan noon ng tahasang pagtutuwid. Subalit pansinin ang mahusay na pakikitungo sa kanila ni apostol Pablo nang kaniyang itanong: “Kung gayon, ako ba’y naging inyong kaaway dahilan sa nagsasabi ako sa inyo ng katotohanan?” (Galacia 4:16) Mamahalin ka pa nga ng isang tunay na kaibigan dahilan sa iyong ‘pagsasabi ng katotohanan,’ kahit na iyon ay isang payo upang siya’y ituwid.—Kawikaan 9:8.
Kaligayahan sa Pagbibigay
Ang tunay at nananatiling pagkakaibigan ay ginagastahan din. Ang mga taong laging ang gusto’y makinabang sila ngunit wala namang napapakinabang sa kanila ay hindi makadarama ng kaligayahan na tinukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” (Gawa 20:35; Lucas 6:31, 38) Kung gayon, matuto kang malasin ang mga tao ayon sa maaari mong magawa para sa kanila, sa halip na ayon sa maaari mong mapakinabang sa kanila.
Ang Bibliya ay nanghihimok sa mga Kristiyano na maging “mapagbigay,” “bukas-palad, handang magbigay.” (Kawikaan 11:25; 1 Timoteo 6:18) Baka ang iyong materyal na mga ari-arian ay limitado, subalit kumusta naman ang panahon? Namihasa ka na ba na sa tuwina’y magmadali? Ang pagkakaibigan ay nangangailangan ng panahon, at maliban sa ang isang tao’y handang gumugol ng panahon para sa iba, hindi siya magkakaroon ng maraming kaibigan. Halimbawa, maaari mong gamitin ang usung-usong pagbati na “Kumusta ka?” Subalit ikaw kaya ay liberal sa paggamit ng iyong panahon upang huminto at makinig sa kasagutan sa tanong na ito? Tandaan na bagamat si Jesu-Kristo ay totoong maraming gawain sa tuwina’y nagkapanahon siya na harapin ang mga taong nangangailangan sa kaniya.—Marcos 6:31-34.
Upang Manatiling Buháy ang Ating Pakikipagkaibigan
Minsang naitatag ang isang pakikipagkaibigan, gawin mo ang lahat upang manatiling buháy ang relasyong iyon. Totoo, habang nakikilala ninyo ang isa’t-isa, nakikita ninyo ang mga kahinaan at mga pagkukulang ng isa’t-isa. Gayunman ay mabuti na kilalanin na talagang mayroon ng ganoong maliliit na kahinaan. At pagka ikaw ay nagdududa, ang mabuti ay magparaya ka na sa iyong kaibigan, iwasan mo ang di-nararapat na paghihinala sa kaniya. “Magtiisan kayo sa isa’t-isa nang may pag-ibig,” ang payo ni Pablo. At isinusog pa ni Pedro: “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—Efeso 4:2; 1 Pedro 4:8.
At, isang katalinuhan din na huwag ipagwalang-bahala ang mga kaibigan! Kahit na ang pinakamatatalik na kaibigan natin ay nangangailangan ng pagsasarili. Ang mga pagdalaw na matatagal, madadalas, o wala sa panahon ay maaaring makapagod at kasuyaan. Kung maaari ay gumawa muna tayo ng mga patiunang kaayusan bago dumalaw sa isang kaibigan at ito’y tanda ng pagpapakundangan at paggalang. Ang payo ng Kawikaan 25:17: “Dalangan mo ang pagpunta mo sa bahay ng iyong kapuwa, upang huwag siyang magsawa sa iyo at kaniya ngang kapootan ka.”
Matalino rin na iwasan ang labis na pagiging mausisa, personal, o mapag-angkin. Ang kahinhinan ang mag-uudyok sa atin upang iwasan ang pagiging-dogmatiko. Tiyak ito, ang pagkakaibigan ay hindi nagbibigay sa atin ng karapatan na ipilit sa iba ang ating mga opinyon o mga sariling panlasa. Tunay, kung tayo’y inaakay ng “karunungan buhat sa itaas,” tayo’y magiging makatuwiran.—Santiago 3:17.
Tangkilikin ang iyong mga kaibigan, bilang pagsunod sa payo ni Pablo sa Roma 12:15: “Makigalak kayo sa mga taong nagagalak; makiiyak kayo sa mga taong nagsisiiyak.” Oo, makiramay ka sa iyong mga kaibigan sa kanilang mga kalungkutan, kabiguan, kagalakan, at tagumpay. Ipakita mo rin na ikaw ay marunong makitawa, handang tawanan ang iyong sariling mga pagkakamali, hindi lamang yaong sa iba. Ang kaaya-ayang mga pananalita ay tutulong din upang mapanuto ang lahat sa sandali ng kaigtingan. Oo, ang pakikipagkaibigan ay trabaho. Subalit hindi ba sulit naman?
Matatagpuan ang mga Tunay na Kaibigan
Datapuwat, saan ka makakatagpo ng mga tunay na kaibigan? Ang isang mabuting dako na mapagpapasimulan mo ay ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang tunay na mga Kristiyanong ito ay mayroong maiinam na relasyon kung kayat malimit na tinutukoy nila ang isa’t-isa bilang “mga kaibigan,” gaya rin ng kanilang mga kapananampalataya noong unang siglo. (3 Juan 14) Ang mga taong ito ay nagwaksi na ng nasyonalismo at ng pagmamataas dahil sa lahi, mga bagay na sanhi ng pagkakalayo ng mga tao. Sinisikap nilang bihisan ang kanilang sarili ng tinatawag ng Bibliya na “bagong pagkatao.” Ito’y nangangahulugan ng pagpapaunlad ng kaakit-akit na mga katangian na gaya ng “isang pusong mahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kahinahunan, at pagtitiis.” (Colosas 3:10-12) Tunay na makakatagpo ka ng kanais-nais na mga kaibigan sa mga taong gumagawa nito!
Sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, ikaw ay matututo rin kung paano makikipagkaibigan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Sinabi ni Jesus: “Kayo’y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:14) At si Abraham noong unang panahon ay tinatawag na “kaibigan ni Jehova.” Si Abraham ay nagkaroon ng ganiyang kanais-nais na relasyon dahilan sa kaniyang pananampalataya at mga gawang matuwid, at maaari mo ring gawin iyan.—Santiago 2:23.
Kaya bagamat mabuti na magsikap magkaroon ng makalupang mga kaibigan, ikaw ay lalong magsikap na maging kaibigan ng ating makalangit na Kaibigan, ang Diyos na Jehova. Hindi na magtatagal at kaniyang isasauli ang Paraiso sa lupang ito, at lahat ng kaniyang makalupang mga lingkod ay mamumuhay sa kapayapaan at katiwasayan. Oo, ang mga tao sa lupa sa panahong iyon ay magiging napapalibutan ng angaw-angaw na mapatutunayang mga tunay na kaibigan magpakailanman.—Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4; Awit 37:10, 11.
[Kahon sa pahina 7]
Isang Pagkakaibigan na Nagdadala ng Pagkakaisa
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang espirituwal na magkakapatid kundi mga magkakaibigan din. At yamang nag kanilang pagkakaibigan ay nakasalig sa pagsunod ng isa’t-isa sa mga utos ni Kristo, ito’y hindi limitado dahilan sa mga hangganan na likha ng kani-kanilang bansa. (Juan 15:14) Ang ganitong uri ng pagkakaibigan ang pinagpapala ng Diyos, at sila’y nagkakaisa at matiwasay na gaya ng isang kawan ng mga tupa na nasa kanilang kulungan.—Mikas 2:12.
Malimit na ang pagkakaibigan at ang pagkakaisa ay hindi makikita sa isang lugar ng konstruksion. Subalit, pagka ang mga Saksi ni Jehova ay nagtipon upang magtayo ng kanilang “quick-build” Kingdom Halls, makikita roon ang pagtutulungan at maligayang pagsasama-sama. Halimbawa, mga Saksi na taga-Estados Unidos, Inglatiera, at Wales ang nagtulung-tulong at nakibahagi sa pagtatayo ng mga pinagtitipunang-dakong iyon. Ang resulta?
“Ngayon lamang ako nakakita ng ganito sa tanang buhay ko,” ang sabi ni Roger, isang kantero na taga-Inglatiera. “Ngayon lamang ako nakakita ng mga karpentero na gumagawang kasama ng mga kantero sapagkat wala nito sa sanlibutan. Subalit sa isang lugar na pinagtatayuan ng isang Kingdom Hall ay makikita mo ang mga magkakapatid na gumagawa sa bubong, samantalang ang mga karpentero at mga kantero ay gumagawa naman sa bandang ibaba kasama ang mga pintor at ang mga nagkakabit ng alpombra. Lahat ay gumagawang sama-sama. Ito’y totoong kahanga-hanga!”
Si Mike, may dalawang anak, at taga-Wales ay nagsabi na “lahat ay maaaring sumali sa ganoong sama-samang paggawa.” At ang kaniyang kaibigang su Malcolm ay ganito naman ang sabi: “Pagka ang lahat ng mga kapatid ay gumagawang may pagkakaisa, sa ngalan ng Diyos, kung magkagayon ay kaniyang pinagpapala ang proyektong iyon sa tulong ng kaniyang espiritu.”
[Larawan sa pahina 5]
Walang edad na pinipili ang mga tunay na pagkakaibigan
[Larawan sa pahina 6]
Maaari tayong magkaroon ng mga tunay na kaibigan kung tayo’y bukas-palad, handang magbigay