Pagpapaunlad ng Pinakamainam na Pagkakaibigan sa Buong Sansinukob
“Subalit ikaw, Oh Israel, ang aking lingkod, ikaw, Oh Jacob, na aking pinili, ang binhi ni Abraham na aking kaibigan.”—ISAIAS 41:8.
1. Ano ba ang nagpapangyaring ang isang tunay na pagkakaibigan ay huwag magkulang kailanman?
ANONG pagkahala-halaga nga ng isang tunay na kaibigan! Subalit ano ba ang saligan ng pagkakaroon ng isang tunay na kaibigan? Ano ba ang pinakamahalagang bahagi ng isang nananatiling kaibigan? Ito’y isang bagay na hindi kailanman nagkukulang, kung kayat ang isang tunay na kaibigan ay hindi kailanman nagkukulang. Ano ba iyon? Aba, iyon ang katangian na binanggit ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman”!—1 Corinto 13:8.
2. Ano ang natatanging kahulugan ng pandiwa na pinagkunan ng salitang Griego para sa “kaibigan”?
2 Sa Kasulatang Hebreo, ang pangngalang isinalin na “pag-ibig” ay galing sa isang pandiwa na nangangahulugang “umibig.” (Deuteronomio 6:4, 5; ihambing sa Mateo 22:37.) At sa Griegong Septuagint Version, ang pandiwa na isinaling “iibigin mo” ay buhat sa tekstong Hebreo na a·ga·panʹ. Subalit sa sinaunang bersion na iyan at sa Kasulatang Griegong Kristiyano ang pangngalang isinaling “kaibigan” ay hindi salig sa pandiwa na iyan kundi yaon ay ang pangngalang Griego na phiʹlos, na kuha sa isang pandiwa na nangangahulugang “magmahal sa.” Kaya, sang-ayon sa orihinal na Griego, ang maibiging pagmamahal ay ipinapahayag sa isang kaibigan o sa pagitan ng magkakaibigan. Kahit na sa wikang Tagalog ang salitang “kaibigan” ay hango sa pandiwang Tagalog na ang ibig sabihin ay “umibig.”
3. Kung ihahambing sa pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ng sangkatauhan, anong uri ng pag-ibig ang nagbubuklod ng mga alagad ni Jesus sa kaniya?
3 Ang pandiwang Griego na pinagkunan ng “kaibigan” ay samakatuwid nagpapahayag ng isang damdamin na mas mainit at mas matalik kaysa pag-ibig na ipinapahayag ng pandiwang a·ga·panʹ, na makikita sa tekstong Griego sa Juan 3:16, na kung saan si Jesus ay sumipi na sinabi: “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Samakatuwid ang pag-ibig (Griego, a·gaʹpe) sa bahagi ng Diyos na Jehova ay may sapat na laki upang saklawin ang buong sanlibutan ng sangkatauhan sa kabila ng pagkamakasalanan ng sangkatauhan. Subalit ang bugtong na Anak ng Diyos ay nagsabi sa kaniyang 11 tapat na mga apostol na sila ay may kaugnayan sa kaniya sa pamamagitan ng isang uri ng pag-ibig na mas mainit at mas matalik.
Isang Mahalagang Uri ng Pagkakaibigan
4. Kung gagawin nila ang ano makapagpapatuloy ang mga alagad ni Jesus na maging kaniyang “mga kaibigan,” at dahilan dito sila’y mapapalagay sa anong matalik na kaugnayan sa kaniya?
4 Sinabi ni Jesus sa mga apostol na iyon na sila ay patuloy na magiging kaniyang “mga kaibigan” kung patuloy na ginagawa nila ang mga bagay na kaniyang ipinag-uutos sa kanila na gawin. Upang ipakita na kasali rito ang pinagpalang matalik na kaugnayan na bunga ng pagtitiwala nila sa isa’t-isa, sinabi niya sa kanila: “Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.” (Juan 15:14, 15) Sa pagsasabi niyaon, ikinapit ni Jesus ang terminong phiʹlos sa bawat isa sa mga apostol.
5. Ang pagkakaibigan na tinutukoy sa Kawikaan 18:24 ay nakasalig sa ano, at gaanong katatag ang gayong pagkakaibigan?
5 Ayon sa Kawikaan 18:24, ang kinasihang taong pantas ay nagpahayag: “May magkakasama na handang magpahamak sa isa’t-isa, ngunit may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” Ang gayong pagkakaibigan ay hindi nakasalig sa likas na pagkakamag-anak; yao’y nakasalig sa pagpapahalaga sa tunay na katangian ng isang kaibigan. Oo, ang likas na magkakamag-anak ay maaaring malayo sa isa’t-isa likha ng mapag-imbot na mga kadahilanan, subalit ang isang matapat na kaibigan ay hindi magbabago at mananatiling isang kaibigan sa kabila ng mga pagsubok o mahihirap na kalagayan, o ng sumusubok na mga pagkakataon na maaaring bumangon.
6. Sinong matalik na magkaibigan ang naaalaala natin, at paano nang malaunan ay ginanti ni David ang gayong pagkakaibigan?
6 Dito’y maaari nating maisip si Jonathan, anak ng itinakuwil na si Haring Saul, at si David, na pinili ng Diyos na Jehova at pinahiran upang maging hari ng Israel. Ang kanilang pagkakaibigan ay nagpatuloy hanggang sa kamatayan ni Jonathan sa larangan ng digmaan. Nang marinig ang masamang balita, si David ay nanaghoy na gaya ng nasusulat sa 2 Samuel 1:17-27. Upang ipakita kung gaanong katibay ang malumanay na kaugnayan niya kay Jonathan, sinabi ni David: “Ako’y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan, ikaw na naging totoong kalugud-lugod sa akin. Ang iyong pag-ibig sa akin ay kagila-gilalas, na humihigit sa pagsinta ng mga babae.” Ang ganiyang pagkakaibigan ay hindi malilimutan o mawawalan ng kagantihan. Kaya naman si Haring David ay nagpakita ng kaawaan kay Mephibosheth, ang naulilang anak ni Jonathan.—2 Samuel 9:1-10.
7. (a) Ang pagkakaibigan ba na kagaya niyaong kay David at Jonathan ay napawi na, lalo na sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay”? (b) Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol, ano ang ipinaáalám niya sa matalik na mga kaibigan niya?
7 Ang mahalagang uring iyan ng pagkakaibigan ay hindi napapawi sa balat ng lupa. Sa ngayon, sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ‘ang pag-ibig ng marami ay nanlalamig,’ ang init ng ganiyang pagkakaibigan ay matinding nadarama sa gitna ng nag-alay, bawtismadong mga Saksi ng Diyos na Jehova na nagsasagawa ng inihula ni Jesus na pambuong-daigdig na pagpapatotoo tungkol sa Kaharian. (Mateo 24:3-14) Ang mga kaibigan ay nagsisiwalat sa isa’t-isa ng mga bagay-bagay dahilan sa pagtitiwala nila sa isa’t-isa. Tandaan na samantalang sila’y nag-uusap-usap sa kalaliman ng gabi ng 11 mga apostol na hindi nagsihiwalay sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga narinig ko sa aking Ama ay ipinaalám ko sa inyo.” (Juan 15:14, 15) Oo, ang espirituwal na mga bagay ng Salita ng Diyos na nakatakdang matupad o ikapit ay isisiwalat muna sa tunay na inianak-sa-espiritung “mga kaibigan” ng Panginoon, si Jesu-Kristo. Pagkatapos ang “mga kaibigan” na ito ay magkakaroon ng pribilehiyo at pananagutan na isiwalat ang dating lihim na mga bagay sa mga nagnanais naman na makipagkaibigan sa Diyos na Jehova, na pinagmumulan ng gayong mga lihim na bagay.
8. Kanino matalik na nakikipagkaibigan si Jehova, at paanong tinukoy ni Jesus ang tipan na sumasaklaw sa gayong matalik na pakikipagkaibigan?
8 Ganiyan nakikitungo si Jehova sa kaniyang inianak-sa-espiritung mga mananamba na isinanib niya sa kaniyang bagong tipan sa pamamagitan ng kaniyang tagapamagitan, si Jesu-Kristo. Nang itinatatag ang Hapunan ng Panginoon, sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito’y nangangahulugan na bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:20) Ito ay kasuwato ng Awit 25:14, na nagsasabi: “Ang matalik na pakikipagkaibigan ni Jehova ay nasa mga natatakot sa kaniya, pati kaniyang tipan, na kaniyang ipaáalám sa kanila.” Anong pambihirang kaalaman ang ipinagkakaloob sa mga nakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang tagapamagitan, si Jesu-Kristo!
Yaong mga Kinakaibigan ni Jehova
9. Kapalaluan bang isipin natin na kakaibiganin ni Jehova ang hamak na mga tao lamang? At anong mga teksto sa Bibliya ang maibibigay natin na magpapatunay sa ating sagot?
9 Pero, puwede nga kaya na maging personal na Kaibigan natin ang Kataastaasan at Makapangyarihan-sa-lahat na Diyos? Siya ba’y talagang nagpapakumbaba nang totoong mababa upang ating maging Kaibigan? Hindi isang kapalaluan na mag-isip ng ganiyan. Sa isang liham na isinulat sa espirituwal na mga Israelita bago mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., si Santiago ay sumulat: “Natupad ang Kasulatan na nagsasabi: ‘Si Abraham ay sumampalataya kay Jehova, at sa kaniya’y ibilang iyon na katuwiran,’ at siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (Santiago 1:1; 2:23; Genesis 15:6; Galacia 6:16) Sa isang Hebreong “kasulatan” na tinutukoy ni Santiago mababasa natin ang ganitong pakiusap sa Diyos ni Haring Jehosaphat nang ang Jerusalem ay pinagbabantaan na lusubin ng isang malaking hukbo: “Hindi ba ikaw ang nagpalayas, O aming Diyos, sa mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel at pagkatapos ay ibinigay mo sa binhi ni Abraham na iyong mangingibig [“iyong kaibigan,” King James Version], sa panahong walang takda?” (2 Cronica 20:7) Dito ay mapapansin natin na ang pinaka-saligang salitang Hebreo na isinaling “kaibigan” (KJ) ay nangangahulugang “isang mangingibig.” Hindi matututulan ninoman, si Abraham ay isa ngang mangingibig kay Jehova, ang Diyos na tumawag sa kaniya buhat sa Ur ng mga Caldeo at siya’y dinala sa Lupang Pangako. Bilang isang mangingibig, si Abraham ay isang tao na maaaring kaibiganin noon ni Jehova, o ituring na Kaniyang kaibigan.
10. Sa Isaias 41:8, sino ang nagsalita para sa kaniyang sarili tungkol sa pakikipagkaibigan, at batay sa anong saloobin kay Jehova binigyan si Abraham ng natatanging pagpapahalaga ng Diyos?
10 Datapuwat, sa Isaias 41:8 si Jehova ay nagsalita para sa kaniyang sarili at sinabi ang nakapagpapatibay na mga salitang ito sa mga inapo ni Abraham bilang isang bansa: “Subalit ikaw, Oh Israel, ang aking lingkod, ikaw, Oh Jacob, na aking pinili, ang binhi ni Abraham na aking kaibigan.” Pinarangalan ng Kataastaasang Diyos ang pakikipagkaibigang ito kay Abraham sa pamamagitan ng pagtatakda sa kaniya na maging maningning na ninuno ni Jesu-Kristo, ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan, kasali na si Abraham. Ang inapong ito ni Abraham ay higit pa sa isang kaibigan ng Diyos na Jehova, sapagkat siya ang sinisintang Anak ng Diyos.—Juan 3:16.
11. Bakit malalagay sa pagsubok ang pakikipagkaibigan kay Jehova?
11 Batay sa lahat ng binanggit na, ano ang masasabi natin? Na posible para sa mga taong nilalang dito sa “tuntungang-paa” ni Jehova na maging kaniyang mga kaibigan. (Isaias 66:1) Mangyari pa, ang ating mahalagang pakikipagkaibigan sa kaniya sa matandang sanlibutang ito ay malalagay sa pagsubok, sapagkat si Satanas na Diyablo, “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ay magsisikap na sirain ito.—2 Corinto 4:4.
12. Tulad ni Job ng lupain ng Uz, ano ang dapat na desidido tayong gawin tungkol sa ating sariling pakikipagkaibigan sa Kataastaassan?
12 Nariyan ang halimbawa ng kilalang tao noong sinaunang panahon na nagngangalang Job, na tungkol sa kaniya’y sinabi ng Kristiyanong alagad na si Santiago: “Narito! Tinatawag nating maliligaya yaong mga nakapagtiis. Inyong nabalitaan ang pagtitiis ni Job at nakita ang pinapangyari ni Jehova na maging wakas, anupat si Jehova ay lubhang magiliw magmahal at maawain.” (Santiago 5:11) Si Job ay hindi isang alamat lamang kundi aktuwal na namuhay siya sa lupain ng Uz. Pinag-alinlanganan ng Diyablo ang uri ng walang-hanggang pakikipagkaibigan ni Job sa Diyos, at pinayagan naman ni Jehova na si Job ay ilagay ni Satanas sa isang napakamahigpit na pagsubok. Sa pamamagitan ng mga nakapaghihinagpis na mga kapahamakan na pinasapit niya kay Job, sinikap ni Satanas na itakuwil ni Job si Jehova. Subalit tumanggi si Job na sumuporta sa Diyablo sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa Diyos, na disin-sana’y ang naging resulta’y ang pagkamatay ni Job na tumatangkilik sa panig ni Satanas ng usapin tungkol sa pansansinukob na soberaniya. Bagkus, pinatunayan ni Job na si Satanas na Diyablo ay isang pusakal na sinungaling. Sa lupa, pinatunayan ni Jesus ang ganoon ding bagay. Subalit ano naman tungkol sa atin ngayon? Yaong mga nagpapahalaga nang lubusan sa pakikipagkaibigan kay Jehova ay desidido na itaguyod ang kaniyang panig ng usaping ito na kinasasangkutan ng buong sansinukob. At kanilang gagawin ito hanggang sa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay maibulid sa kalaliman at mailigpit bago magsimula ang Isang-Libong-Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.—Apocalipsis 20:1-4.
13. Gaano bang kahalaga ang pakikipagkaibigan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang bugtong na Anak, at ano ang dapat na gawin upang tayo’y huwag mapabilang sa “mga mangangalunya”?
13 Walang pakikipagkaibigan ngayon na mas mahalaga pa kaysa pakikipagkaibigan sa Kataastaasang Diyos, si Jehova. Ang pakikipagkaibigan sa bugtong na Anak ng Diyos ang susunod na pinakamahalaga. Ang ganiyang matalik na kaugnayan sa kanila ay nangangahulugang buhay na walang hanggan sa walang hanggang kaligayahan para sa atin. Talagang may karapatan naman silang humingi sa atin ng bukod-tanging pagtangkilik. Hindi tayo maaaring makihalubilo sa hinatulang-puksaing matandang sanlibutang ito at kasabay nito ay maging kanilang mga kaibigan. Sa espirituwal na pangungusap, hindi natin ibig na tayo’y mapabilang sa mga espirituwal na mangangalunya, ayon sa Santiago 4:4, na tahasang nagsasabi tungkol sa bagay na iyan: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kayat sinomang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.” Ang mga salitang iyan ay nakaukol sa mga espirituwal na Israelita noong unang siglo C.E., subalit kumakapit din sa mga Saksi ni Jehova an nabubuhay sa ika-20 siglong daigdig na ito, o sistema ng mga bagay.
Iwasan ang Pakikipagkaibigan na Mabibigo Lamang
14. Kung tungkol sa pakikipagkaibigan, paano iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang karanasan na nasa hula sa Zacarias 13:4-6?
14 Dahilan sa sila’y hindi mga kaibigan ng bulok at marahas na matandang sanlibutang ito, ang mga Saksi ni Jehova ay pinagwiwikaan nang masama, tinatrato nang marahas, at pinag-uusig. Ganiyan din ang ginawa nila sa pinakadakilang Saksi ni Jehova dito sa lupa, si Jesu-Kristo, at sila’y katulad din niya. (Apocalipsis 1:5; 3:14) Dahilan sa patuloy na ibinabagay nila ang kanilang kaisipan sa Salita ng kanilang pinakamainam na Kaibigan, ang Diyos na Jehova, kanilang maiiwasan ang karanasan na inihula sa Zacarias 13:4-6, na nagsasabi: “Mangyayari sa araw na yaon na ang mga propeta ay mapapahiya, ang bawat isa dahil sa kaniyang pangitain pagka siya’y nanghuhula; at sila’y hindi magsusuot ng opisyal na kasuotang balahibo upang makapangdaya. At kaniya ngang sasabihin, ‘Ako’y hindi propeta. Ako‘y magbubukid sa lupa, sapagkat isang makalupang tao ang kumuha sa akin mula pa sa aking kabataan.’ At sasabihin sa kaniya ng isa, ‘Ano ba ang mga sugat mong ito sa pagitan ng iyong mga kamay?’ At kaniyang sasabihin, ‘Iyan ang naging sugat ko sa bahay ng aking mapupusok na mangingibig [“mga kaibigan,” KJ].’”
15. Bakit ang mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan ay nagsuot ng natatanging mga kasuotan na tumatawag-pansin sa madla, at kanino sila nakikipagkaibigan para sa mapag-imbot na kapakinabangan nila?
15 Sa loob ng daan-daang mga taon na ngayon, ang mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan ay nakasuot ng ‘opisyal na mga kasuotan’ para itawag-pansin ang kanilang relihiyosong propesyon at para maipagparangalan ang kanilang sarili bilang naiiba sa mga miyembro ng kanilang kongregasyon na kanilang tinatawag na “ang lego.” Ito ang ginagawa ng mga klerigong ito, bagamat walang bahagya mang ebidensiya na nagpapatotoo na si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga apostol at ang mga ebanghelisador na kaniyang sinugo ay nagsuot ng opisyal na mga kasuotang relihiyoso upang itawag-pansin ang kanilang mga kalagayan at dakilain iyon. Ngayon tayo ay nasa dulo na ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na nagsimula nang matapos “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” o “ang mga panahong Hentil,” noong taóng 1914. (Mateo 24:3; Lucas 21:24; KJ) Matagal nang ang mga klerigo ay nagsisikap na maging pinakamatalik na mga kaibigan ng bahaging komersiyal, militar, at politikal ng sanlibutang ito. Ito’y ginawa nila ukol sa kanilang sariling mapag-imbot na kapakinabangan at na hindi man lamang naliligalig ang kanilang budhi. Subalit ang kanilang mapag-imbot na ganitong pakikipagkaibigan ay magiging pansandalian lamang!
16. (a) Sang-ayon sa hula ng Bibliya, ano ang, sa di na magtatagal, gagawin ng makasanlibutang “mga kaibigan” sa uring klero? (b) Bagaman may bagong kalagayan ang klero, ano ang hindi nila maliligtasan?
16 Ang klero at ang lego ay namumuhay sa isang panahon na lubhang masulong ang siyensiya. Ang makasanlibutang mga relasyon ay nasa sukdulang kaigtingan ngayon dahilan sa kaselangan ng mga panahong ito. Ang mga klerigo, sa kabila ng kanilang pag-aangkin na mataas ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos, ay walang nakamit na pabor buhat sa kaniya para sa komersiyal, militar, at politikal na kaayusan ng mga bagay at wala silang lunas na maibigay para sa lumulubhang kalagayan ng daigdig. Sa hindi na magtatagal, ang kanilang makasanlibutang “mga kaibigan” ay magigising sa katotohanan na ang klero ay walang silbi, oo, isang pabigat pa nga sa kanila, sinungaling sa kanilang inihula na darating pa ang mga panahon ng kaunlaran hindi sa pamamagitan ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo. Oo, ang makasanlibutang “mga kaibigan” na ito sa wakas ay mahihikayat na ipakita ang pagkawala ng kanilang tiwala, ang kanilang pagkamuhi, oo, ang kanilang pagkapoot. Marahas na pupuksain nila ang klero o kung hindi man ay aalisan nila ng kanilang opisyal na mga kasuotan sa kanilang propesyon at iuuwi sila sa isang katayuan na mga tagasunod lamang at hindi mga klerigo, gaya ng ipinaliliwanag sa Zacarias 13:4-6. Subalit hindi dahil sa pagbabagong ito ng kalagayan ay maliligtas na sila buhat sa pagkapuksa kasama ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ayon sa inihula sa Apocalipsis kabanata 17 at 18. Ang makasanlibutang “mga kaibigan” ng klero ay lubusang magkukulang sa kanila.
17. Anong pakikipagkaibigan ang karapatdapat paunlarin, at hanggang kailan?
17 Sa liwanag nito, anong pagkahala-halaga nga na iwasan ang mapag-imbot na mga pakikipagkaibigan sa mga di-nararapat kaibiganin! Subalit anong pagkahala-halaga nga sa atin ang pinakamainam na pakikipagkaibigan sa buong sansinukob! Karapatdapat nating paunlarin ito magpakailanman.
Ano ang mga Kaisipan Mo?
◻ Tanging sa paggawa ng ano makapagpapatuloy ang mga alagad ni Jesus na maging kaniyang mga kaibigan?
◻ Paano natin nalalaman na ang mga tao ay maaaring maging mga kaibigan ni Jehova, at sino ang pinagkakalooban niyang maging matalik na mga kaibigan niya?
◻ Bakit ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay mapapalagay sa pagsubok?
◻ Kung tungkol sa pakikipagkaibigan, paano iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang inihula sa Zacarias 13:4-6?
[Larawan sa pahina 9]
Si David at si Jonathan ay nagtamasa ng taus-pusong, mahalagang pagkakaibigan. Puede ka rin
[Larawan sa pahina 11]
Si Abraham ay “kaibigan ni Jehova.” Ikaw naman?