Okasyon ng Ibayong Kagalakan
ANG Marso 3, 1985, ay isang okasyon ng ibayong kagalakan, lalo na para sa 42 estudyante ng ika-78 klase ng Watchtower Bible school of Gilead. Iyon ay hindi lamang araw ng graduwasyon—na sapat nang dahilan na ikagalak—kundi unang pagkakataon din iyon na ang graduwasyon sa Gilead ay ganapin sa bagong Brooklyn Assembly Hall, na isang araw lamang na naiaalay.
Nang may alas-10:00 n.u., ang bulwagan na may upuan na 2,400 ay punô na ng magtatapos na mga estudyante, ng kani-kanilang pamilya at mga kaibigan, at, sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon sa isang graduwasyon sa Gilead, ng buong pamilya sa Brooklyn Bethel. Kagalakan ang naghahari sa buong palibot. At sa magkabi-kabila ay maririnig ang komento tungkol sa kagandahan ng kung papaano pinaganda ng mga kapatid ang bulwagang iyon. Halatang-halata na lahat doon ay nag-uumapaw ang kagalakan at pasasalamat.
Sa ganap na alas-10:00 n.u., pinasimulan na ang palatuntunan para sa maghapon ni Theodore Jaracz, ang tagapamanihala. Naghuhumugong ang palakpakan ng kaniyang sabihin: “Isang kagalakan ang tayo’y naririto, hindi ba?” Maliwanag na lahat ay sumang-ayon sa kaniyang sinabi.
Ang paksa ng kaligayahan ay malinaw na siyang sumasaisip ng mga tagapagpahayag. Si George Gangas ng Lupong Tagapamahala ay nagpahayag tungkol sa paksang “Magtamasa ng Kaligayahan sa Larangang Misyonero—Paano?” Ipinaliwanag niya sa mga magtatapos na kung paano ginamit ni Jehova ang mga anghel noong nakaraan, “kayo naman ang gagamitin ni Jehova ngayon upang palayain ang mga tao buhat sa pagkaalipin kay Satanas.” Gunigunihin ang kaligayahan na idudulot niyan sa kanila! Pagkatapos ay ipinayo ni Daniel Sydlik sa mga estudyante na kanilang “isama ang isang matalik na kaibigan” sa pagtungo nila sa kanilang destino. Ang Bibliya ang kaibigang iyon. Sila’y makaaasa roon sa oras ng pangangailangan, ang sabi niya sa kanila. Ito’y napakamabisa na anupa’t kahit isang pangungusap, o kahit isang salita, na kinuha rito kung minsan ay sapat na upang matulungan ang sinuman. Basahin ito at pakinggan ito sa araw-araw, ang payo niya sa mga estudyante, at tulungan ang mga iba na ganiyan din ang gawin.
Sa pagtalakay tungkol sa kaligayahan, si Robert Wallen ng Bethel Home Committee ay nagpayo sa mga estudyante na manatili sa kaisipan na “Narito ako! Suguin mo ako,” at si Joel Adams ng Service Department Committee ay nagpayo sa klase: “Upang lubusang tamasahin ang kaligayahan, tayo’y kailangang lubusang nakatalaga sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang dalawang iyan ay hindi mapaghihiwalay.”
Ang mga estudyante ay tumanggap din ng mga ilang payo sa kanilang dalawang instruktor. Ipinaalaala sa kanila ni Ulysses Glass na “ang buhay misyonero ay hindi pulos kaluwalhatian at kaningningan.” Pagkatapos na talakayin ang tungkol sa makahulang drama ni Elias at Eliseo, kaniyang ipinayo na tularan nila ang modernong-panahong uring Eliseo at manatili sa kanilang gawain hanggang sa matapos. Si Jack Redford ay nagbigay ng sorpresa nang sabihin niya: “Noong nakaraang taon may nakilala akong isang tao na hindi nakagawa ng anumang pagkakamali sa loob ng 4,000 taon.” Ang tinutukoy pala niya ay isang mummy sa isang museo sa Ehipto. Ang punto rito ay na ang mga taong patay lamang ang hindi nagkakamali. Ngunit kapag tayo’y pinaalalahanan tungkol sa ating mga pagkakamali, ang ikinikilos ba natin ay gaya ng kay Saul, na ipinangatuwiran pa ang kaniyang mga pagkakamali, o gaya ni David, na agad inamin ang kaniyang pagkakamali? Mga tanong iyan na pumupukaw ng kaisipan!
Ang huling tagapagpahayag sa umaga ay ang presidente ng Watchtower Bible School of Gilead, si F. W. Franz. Sinabi niyang ang pagkatatag ng Paaralang Gilead ay “isang maningning na halimbawa ng pananampalataya,” at kaniyang inilahad kung paanong ang paaralang iyan ang nanguna sa gawain na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig. Ngayon ang 42 estudyante ng ika-78 klase ay may pribilehiyo na pumaroon sa 14 na bansa upang tumulong sa dakilang gawaing ito.
Pagkatapos tanggapin ang kanilang mga diploma, isa sa mga estudyante, si Gordon Grant, ay pumunta sa harap at bumasa ng isang liham ng pasasalamat ng klase. “Kami’y naparito bilang mga taong maralita, bagaman hindi namin natatalos ito nang panahong iyan,” aniya. “Sa ngayon, sa katapusan ng limang buwan lamang, kami ay lilisan na mayayaman at sagana.” Sila’y disidido na ang kanilang pagsasanay at espirituwal na mga kayamanan ay gamitin sa kanilang bagong destino.
Ang programa sa hapon ay pinasimulan ng pakikibahagi ng mga estudyante sa isang pinaikling Pag-aaral sa Watchtower na pinangunahan ni Calvin Chyke ng Factory Committee. Pagkatapos ay nagtanghal ang mga estudyante ng masiglang palatuntunan ng mga karanasan at mga tugtugan at awitan, na doo’y itinatampok ang kanilang natutuhan sa pamamagitan ng obserbasyon at pakikisalamuha sa pamilyang Bethel at sa mga iba pa. Sa wakas, sila’y nagtanghal ng isang nakaaantig na drama sa Bibliya, tungkol kay Jose at sa kaniyang mga kapatid. At maraming mga nanunood ang napaluha.
At sa pagsasara ng tagapamanihala, lahat ng naroon ay sumang-ayon na talagang napakainam na sila’y nakadalo. Oo, iyon ay maghapon na punô ng espirituwal na mabubuting bagay—isang okasyon ng ibayong kagalakan!