Magturo Nang May Kasanayan at Sigasig
“Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.”—MATEO 28:19, 20.
1. Sa ano nagpapatibay-loob ang Kawikaan 22:29, at sa paano nga?
ANG salita ni Jehova ay nagpapatibay-loob na pasulungin ang kasanayan at kasipagan. Halimbawa, ito’y nagsasabi: “Nakikita mo ba ang taong may kasanayan sa kaniyang gawain? Siya’y tatayo sa harap ng mga hari, hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.” (Kawikaan 22:29) Sabihin pa, hindi naman isang kasiraan ang ikaw ay magtrabaho para sa “mga taong hamak.” Kundi ang ibig sabihin hindi malilihim ang mahusay na trabaho ng gayong sanay na manggagawa. Aba, baka ang balita ng kaniyang mahusay na trabaho ay makarating sa pandinig ng isang hari, na baka kumuha sa kaniya bilang isang manggagawa!
2. (a) Upang mapaunlad ang kasanayan sa anumang propesyon, ano ang kailangan? (b) Bakit napakahalaga na maging mabisang guro ang isang ministrong Kristiyano?
2 Ang kaalaman at kasanayan ay kinakailangan sa anumang propesyon. Ang isang tao ay maaaring nag-aaral ng pagkakarpintero at malaki ang kaniyang matututuhan sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga bihasa sa gawaing iyan. Ngunit upang siya’y maging sanay, kailangang kumuha siya ng kaalaman sa pagtatrabaho sa gawaing iyon. Ang isang seruhano ay kailangang mag-aral. Subalit upang siya’y maging dalubhasa, ang kaniyang kaalaman ay kailangang gamitin niya sa silid ng operasyon. At sa propesyong iyan ay totoong kailangan ang kasanayan, sapagka’t sa kahusayang umopera malimit na nakasalalay ang buhay at kamatayan para sa pasyente. Gayunman, higit na lalong mahalaga ang kahusayan bilang isang ministro. Bakit? Sapagkat ang kahusayan ng ministro bilang isang guro ang maaaring makaapekto sa paraan ng pagtugon ng mga tao sa mabuting balita. Pagkatapos, sa kanilang pagtugon nakasalalay kung baga kakamtin nila ang buhay na walang hanggan o ang walang hanggang kamatayan.—Deuteronomio 30:19, 20; Juan 17:3.
3. Ano ang kailangan sa paggawa ng mga alagad?
3 Sa pagkasugo ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod ay kasali ang pagtuturo. Sinabi niya: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Mangyari pa, kailangan ang kasanayan upang maturuan ang tapat-pusong mga tao sa lahat ng bagay na iniutos ni Jesus.
4. (a) Ang may kasanayang pagtuturo ay dapat gawin taglay ang anong saloobin? (b) Paano nakinabang si Apolos sa kaniyang pagsama kina Aquila at Priscila?
4 Ang gayong may kasanayang pagtuturo ay dapat gawin nang may sigasig. Oo, ang mga Kristiyano ay dapat na “masikap sa mabubuting gawa,” at tunay na kasali rito ang pagtuturo ng espirituwal na mga bagay sa ministeryo at sa kongregasyon. (Tito 2:14) Sina Aquila at Priscila ay sanay na mga guro at kanilang “ipinagsama [si Apolos] at kasa-kasama nila [sa Efeso] at pinaliwanag sa kaniya nang lalong maliwanag ang daan ng Diyos.” Ito’y totoong nakabuti kay Apolos, sapagkat nang malaunan sa Acaya “matinding ipinangatuwiran niyang lubusan na ang mga Judio ay nagkakamali, at ipinakita niya sa pamamagitan ng Kasulatan na si Jesus ang Kristo.” (Gawa 18:24-28) Maliwanag, si Apolos ay nagturo nang may kasanayan at sigasig.
‘Asikasuhin Mo ang Iyong Turo’
5. Sang-ayon sa 1 Timoteo 4:16, bakit tayo dapat magturo nang may kasanayan at sigasig?
5 Sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang kasamang si Timoteo na isang Kristiyano: “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Yamang ang mismong kaligtasan ng kapuwa guro at mag-aaral ay nakataya, tiyak na ang gayong pagtuturo ay dapat na isagawa nang may kasanayan at sigasig.
6. Paano ka makapagiging eksperto sa paggamit ng Kasulatan, at anong angkop na mga tanong ang maaaring isaalang-alang?
6 Tiyak na kailangan ng mga karpintero at mga seruhano na asikasuhin ang kanilang sarili. Kailangang gamitin nila ang kanilang mga kasangkapan o mga instrumento nang may kasanayan. Gayundin ang ministrong Kristiyano, ang pangunahing instrumento ay ‘ang tabak ng espiritu, ang salita ng Diyos.’ (Efeso 6:17) Paano ka makapagiging eksperto sa paggamit ng Kasulatan? Sa pamamagitan ng regular na pag-aaral at paggamit, siyempre pa. Kung gayon, nabasa mo na ba ang Bibliya mula sa pasimula hanggang sa katapusan, na nagbibigay ng panahon sa pagbubulaybulay sa napakainam na payo nito? Binabasa mo ba ito araw-araw? Ginagamit mo ba ito nang palagian sa ministeryo sa larangan? Iyo bang lubusang sinasamantala ang saganang espirituwal na pagkain na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin”?—Mateo 24:45-47.
7. Ano ang mga mungkahi tungkol sa panahon para sa pag-aaral, at paano maipakikita buhat sa Kasulatan na kailangan ang pag-aaral?
7 Tiyakin na ikaw ay may panahon para sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng tunay na mga lathalaing Kristiyano. Ito ang magpupunô sa iyong isip ng kanais-nais na impormasyon na pakikinabangan mo at magagamit upang sagutin ang taimtim na mga nagtatanong. (1 Pedro 3:15; Colosas 4:6) Ang panahon sa pag-aaral at pagbubulaybulay ay iba’t iba sa pami-pamilya at sa bawat indibiduwal. Baka angkop sa iba ang mag-aral sa pagkatapos ng maghapon. Ang mga iba naman ay baka lalong masigla pagbangon nila. At ang iba naman ay baka mas gusto ang katanghaliang-tapat. Sa anuman diyan, ang pagkaregular at kasipagan ay totoong mahalaga. Sina Josue at ang mga hari ng Israel ay inatasan na magbasa ng Salita ng Diyos araw-araw.—Josue 1:7, 8; Deuteronomio 17:18-20.
Magsikap Maging Lalong Mahusay na Guro
8. Paano ang kasanayan mo sa pagtuturo ay mapasusulong sa pamamagitan ng pag-uugnay-ugnay ng kaalaman sa iyong isip?
8 Upang mapasulong ang kasanayan sa pagtuturo ay kinakailangan ang pagpapagal. Ang isang paraan upang mapasulong ang iyong kakayahan bilang isang guro ay ang paggamit ng pag-uugnay-ugnay pagka nag-aaral ng Bibliya o ng mga lathalaing Kristiyano. Iugnay ang mga bagong ideya sa mga ideya na alam mo na. Ito’y tutulong sa iyo na balangkasin ang impormasyon sa iyong isip upang maipaliwanag mong malinaw ang mga bagay-bagay pagka nagtuturo ka sa iba. Marahil, nagamit mo na ang pag-uugnay-ugnay noong nag-aaral ka. Halimbawa, baka noong minsan ay hindi mo pa alam na ang mga Kristiyano ay may pasubaling magpasakop sa “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan. Subalit ngayon ay alam mo na ang kailangang mauna ay ang pagsunod sa Diyos. (Roma 13:1-8; Marcos 12:17; Gawa 5:29) Nauunawaan mo ito sapagkat ang mga bagong punto ay iniugnay mo sa mga alam mo na.
9. Ipakita kung paano mo gugunigunihin sa iyong isip ang isang pangyayari na nasusulat sa Bibliya.
9 Para mapasulong mo ang iyong kakayahang magturo ay kailangan din na gunigunihin mo sa iyong isip ang mga pangyayari na isinasaysay ng Bibliya. Bakit hindi mo gawin ngayon ito sa Hukom 7:19-22? Sa kadiliman ng gabi, pinalibutan ni Gideon at ng 300 lalaki ang isang kampamento ng mga Midianita na may mga bantay. Sa di-kawasa, narinig mo ang hukbo ni Gideon na may 100 kalalakihan na umihip ng kanilang mga tambuli, at nakikita mo sila na pinagbabasag ang malalaking banga ng tubig na kanilang dala-dala. Ganoon din ang ginawa ng 200 iba pang mga Israelita. At pagkatapos na silang lahat ay magsipagtaas ng nagniningas na mga sulo, maririnig mo silang nagsisigawan: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Samantalang ang nahihintakutang mga Midianita ay nagsisimulang tumakas, ang tatlong kompanya na pinangungunahan ni Gideon ay nagpatuloy ng pag-ihip ng kanilang mga tambuli, at ngayo’y pinapangyari ni Jehova na sa pamamagitan ng kani-kanilang mga tabak ay maglipulan sa isa’t isa ang tumatakas na mga kaaway. Dahil sa naguniguni mo sa iyong isip ang pangyayaring ito, tiyak na matatandaan mong mainam at magagamit mo ito pagka nagtuturo ka sa iba. Oo, ang isang aral na itinuturo nito ay na maililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan kahit na walang malakas na hukbong panlaban na binubuo ng mga tao.—Awit 94:14.
10. Sa pagtuturo, paano mo magagamit ang ilustrasyon na nasa Mga Hukom 9:8-15?
10 Ang maiinam na ilustrasyon, kasali na yaong nasa Kasulatan, ay makatutulong din na mapasulong ang iyong kasanayan bilang isang guro. Bilang isang halimbawa, isaalang-alang ang Hukom 9:8-15. Inilahad ng anak ni Gideon na si Jotham ang tungkol sa isang pagkakataon nang ang mga punungkahoy ay maghalal ng isang maghahari sa kanila. Samantalang ang punong olibo, ang punong igos, at ang punong ubas ay tumangging mahalal na hari, ang hamak na dawag ay buong kasabikan na tinanggap ang paghahari. Ang mahalagang mga punungkahoy ay kumakatawan sa mga taong karapat-dapat ngunit hindi naghangad na maghari sa kanilang mga kapuwa Israelita. Subalit, ang dawag, na walang silbi kundi panggatong, ay kumakatawan sa paghahari ng hambog at mamamatay-tao na si Abimelec, na gustong maghari sa iba ngunit napahamak at ito’y katuparan ng hula ni Jotham. (Hukom 9:50-57) Ang paghahalimbawang ito ay maaaring gamitin upang idiin ang pangangailangan na gawin ang matuwid at maging mapagpakumbaba, hindi hambog.—Awit 18:26, 27; 1 Pedro 5:5.
11. (a) Anong mga punto ang idiniriin ng ilustrasyon ni Jesus na nasusulat sa Mateo 13:45, 46? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng ilustrasyong iyan tungkol sa katangian ng mga ilustrasyon na ginagamit ng mga gurong Kristiyano?
11 Ang Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, ay kilalang-kilala dahil sa kaniyang mahusay na mga ilustrasyon. Halimbawa, isaalang-alang ang kaniyang mga salita: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong mangangalakal na humahanap ng magagandang perlas. At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, siya’y yumaon at pinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili yaon.” (Mateo 13:45, 46) Sa ganito’y pinaghalimbawa ni Jesus ang pagkamahalaga ng Kaharian at pinakita na ang isang taong nagpapahalaga sa pribilehiyong makamit ito ay handang iwanan ang lahat upang makamit iyon. Walang anumang mahirap na maunawaan tungkol sa ilustrasyon iyan, at ang mga gurong Kristiyano ay makabubuting laging isaisip ang pamantayang iyan pagka gumagamit ng mga ilustrasyon bilang tulong sa pagtuturo.
Higit na Kasanayan ang Maitutulong sa Atin ng mga Pulong
12. Paanong ang pagdalo sa mga pahayag pangmadla ay tutulong sa iyo na mapasulong ang iyong kakayahang magturo?
12 Ang mga pulong Kristiyano ay may mahalagang bahagi sa paggawa sa mga lingkod ni Jehova upang maging sanay at masigasig na mga guro. Gaya ng ipinakikita ng Sermon sa Bundok ni Jesus, ang mga pahayag pangmadla ay isang mainam na paraan ng pagbibigay ng espirituwal na turo. (Mateo 5:1–7:29) Kaya naman, ang mga pahayag pangmadla ay bahagi ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ngayon. Kayo ba ay dumadalong palagian? Kayo ba ay isang masugid na tagapakinig? Inyo bang tinutunghayan sa inyong Bibliya pagka ang mga teksto ay binabasa ng tagapagpahayag? Naging ugali na ba ninyo na kumuha ng mga nota? Ito’y mga paraan upang mapasulong ang inyong kakayahan bilang isang guro, at ang mainam na turo buhat sa Kasulatan ay dapat magpasulong ng inyong kasanayan at ng inyong sigasig bilang isang manggagawa ng alagad.
13, 14. (a) Kailan nagkaroon ng natatanging kahulugan sa mga lingkod ni Jehova ang gawaing paggawa ng mga alagad? (b) Ano ang mga tanong na maibabangon tungkol sa Pag-aaral ng Bantayan at sa Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon?
13 Ang gawaing paggawa ng mga alagad ay nagkaroon ng natatanging kahulugan sa mga lingkod ni Jehova nang unang manawagan na ‘Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian,’ noong kanilang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922. Nang taón ding iyan, ang mga grupu-grupong pag-aaral sa The Watch Tower ay unang inorganisa. Tunay na sa pamamagitan ng magasing ito ay napatanyag ang turo ng Bibliya at ang pangangaral ng Kaharian, sapagkat ang mismong pangalan nito ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Ikaw ba ay isang masugid na mambabasa ng Salita ng Diyos sa tulong ng Ang Bantayan? Ikaw ba’y masiglang nakikibahagi sa Pag-aaral ng Bantayan sa linggu-linggo?
14 Ang lingguhang Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon ay nagbibigay rin ng mga pagkakataon upang mapasulong ang iyong kakayahan bilang isang guro ng mabuting balita. Sa pagsagot sa mga tanong sa mga maliliit na pagtitipong ito, pati na rin sa Pag-aaral ng Bantayan, sariling pananalita mo ba ang ginagamit mo kung ikaw ay nagkukomento? Nahahalata ba sa iyong mga komento ang iyong pinaniniwalaan sa iyong puso?
15. Ano ang layunin ng Pulong sa Paglilingkod, at paano tayo pinaglaanan ng giya para rito?
15 Bago pa noong 1922, kaugalian na ng mga lingkod ni Jehova na magtipon para sa isang kalagitnaan ng isang linggong Pulong sa Pananalangin, Pagpupuri, at Pagpapatotoo. Ito’y isang okasyon ng pag-aawitan, pagpapatotoo, at pananalangin. Subalit pagkatapos na patuluyang idiin ang bahay-bahay na pangangaral ng Kaharian, ang pagtitipong ito ay napauwi sa Pulong sa Paglilingkod, na nagdiriin sa gawaing pangangaral. Ang isang malaking tulong ay ang Bulletin, na may mga instruksiyon sa paglilingkod sa larangan at “canvasses,” o mga patotoo, na maaaring gamitin sa ministeryo. Sa ngayon, ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagbibigay ng ganiyan ding tulong, at nagsisilbing giya para sa lingguhang “Pulong na Tutulong sa Atin na Gumawa ng Alagad.” Ikaw ba’y regular na nakikibahagi sa ganiyang mga pulong? Ikaw ba’y nagkakapit ng mga payo na tutulong sa iyo upang magturo nang may kasanayan at sigasig?
16. Gaya ng binanggit na sa pasimula pa lamang, ano ang layunin ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro?
16 Upang mapasulong ang kasanayan sa pagtuturo, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay pinasimulan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1943. Tungkol sa pangunahing layunin ng paaralan, ang unang giyang aklat tungkol dito ay nagsabi: “Ang kursong ito ay hindi para kunin ang inyong panahon na ginugugol sa paglilingkod sa larangan, kundi isinaayos upang kayo’y maging lalong mahusay rito. Sa lalong tiyakang pananalita, ang layunin nitong ‘Kurso sa Pagmiministrong Teokratiko’ ay upang ihanda ang lahat ng ‘nananampalatayang mga lalaki’, yaong mga nakarinig ng Salita ng Diyos at nagpatunay ng kanilang pananampalataya rito, upang ‘makapagturo sa iba’ sa pamamagitan ng pagpunta sa bahay-bahay, mga pagbabalik-muli [pagdalaw-muli], pagdaraos ng modelong mga pag-aaral at mga pag-aaral sa aklat, at, sa maikli, pakikibahagi sa bawat pitak ng paglilingkod sa Kaharian. Ang kaisa-isang layunin ay gawin ang bawat isa na lalong mahusay na ministrong Teokratiko sa ikararangal ng pangalan ng Panginoon; upang siya’y magkaroon ng higit na kakayahan na iharap sa madla ang pag-asa na taglay niya; upang siya ay ‘may kakayahan na magturo, matiyaga, na nagtuturo na may kaamuan’. (2 Tim. 2:24, 25) Huwag kaliligtaan ninuman ang pangunahing layunin ng kurso.” (Course in Theocratic Ministry, pahina 4) Ito pa rin ang pangunahing layunin ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Iyo bang ikinakakapit ang mahusay na impormasyon sa pagtuturo, pagbabasa, pangmadlang pagpapahayag, at iba pa, na makikita sa mga aklat aralang ito ng paaralan?a Ikaw ba’y isang estudyante nito? May pagpapahalagang tinatanggap mo ba at ginagampanan ang iyong mga atas sa programa ng paaralan? Ang paglalaang ito ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay makatutulong sa iyo na maging isang may kasanayan at masigasig na ministro.
Pagsasanay para sa Masigasig na Pagtuturo
17. Anong espirituwal na mga paglalaan ang ginawa ni Jehova para sa mga magtuturo sa iba ng kaniyang banal na katotohanan?
17 Si Jehova ay gumagawa ng saganang espirituwal na mga paglalaan para sa mga taong may pribilehiyong magturo sa iba ng kaniyang banal na katotohanan. Bukod sa iba pang mga bagay, siya’y naglalaan ng mga babasahin sa Bibliya, mga lingguhang pagpupulong, at malalaking mga asamblea. Sa pamamagitan ng ganiyang maiinam na paglalaan ang kaniyang nag-alay ng mga Saksi ay nagiging sanay at masigasig na mga guro.
18. Sa pagsunod sa mga halimbawa ni Jesus at ni Pablo, anong mga kaayusan ang maaaring gawin ng matatanda upang mapasulong ang ministeryo sa larangan ngayon?
18 Subalit ano kung tayo ay hinirang na mga matatanda o mga Saksi ni Jehova na may higit na karanasan? Kung gayo’y ang pag-ibig sa iba ang dapat magpakilos sa atin na tulungan ang mga baguhan at di-gaano pang sanay na mga Kristiyano upang maging higit na may kasanayan at masisigasig na mga guro. Tiyak na ito’y nararapat, sapagkat sinugo ni Jesus ang 70 mga alagad pagkatapos lamang na sila’y bigyan ng mga instruksiyon para sa kanilang ministeryo. (Lucas 10:1-24) Tinuruan ni Pablo ang mga tagapangasiwa sa Efeso “sa madla at sa bahay-bahay,” at kasali rito ang pagsasanay sa kanila na magpatotoo sa mga di-sumasampalataya samantalang nagbabahay-bahay sa ministeryo sa larangan. (Gawa 20:20, 21) Gayundin naman, ang matatanda, mga payunir, at iba pa ay maaaring may kagalakang magsanay sa mga kapuwa Saksi sa ministeryo sa larangan ngayon. Nadarama mo ba ang pangangailangan ng ganiyang pagsasanay? Kung gayon ay hanapin mo ito at tanggapin mo ito. Isa ka bang matanda? Kung gayo’y gumawa ka ng mga kaayusan para sa pagsasanay sa iba sa ministeryo samantalang ikaw sa ganang sarili mo ay masigasig na nangunguna sa paglilingkod sa larangan.
Patuloy na Pasulungin ang Kasanayan
19. Bakit tayo dapat manalangin tungkol sa ating ministeryo?
19 Ang mga seruhano, karpintero, at mga iba pa ay maaaring magkaroon ng higit na kasanayan sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral at pagkakapit ng nakamit nilang kaalaman. Ganiyan din kung tungkol sa mga ministrong Kristiyano. Kung gayon, anong pagkahala-halaga nga na bawat nag-alay na saksi ni Jehova ay puspusang magpagal upang mapasulong ang kaniyang kasanayan bilang isang guro ng mabuting balita! At yamang ito ay gawain ni Jehova, dapat na banggitin natin ito sa ating taimtim na mga panalangin. Kung hinahanap natin ang tulong at patnubay ng Diyos, makapagtitiwala tayo na kaniyang pagpapalain ang ating masigasig na ministeryo. Gaya ng sinabi ni apostol Juan: “Anumang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya [sa Diyos na Jehova], sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakalulugod sa kaniyang paningin.”—1 Juan 3:22.
20. Bilang mga Saksi ni Jehova, sa ano tayo dapat maging disidido samantalang palapit nang palapit sa kaniyang wakas ang sistemang ito?
20 Samantalang ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay palapit nang palapit sa kaniyang wakas, harinawang puspusang gamitin natin ang ating buong lakas sa ministeryo. Harinawang ating ‘asikasuhin ang ating sarili at ang ating turo,’ sa ating sariling ikaliligtas at sa ikaliligtas ng mga nakikinig sa balita ng Kaharian. Oo, gawin natin ang lahat ng magagawa natin upang magturo nang may kasanayan at sigasig.
[Talababa]
a Bilang halimbawa, pakisuyong tingnan ang Theocratic Ministry School Guidebook at Qualified to Be Ministers (Revised Edition), lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Ano ang Masasabi Mo?
◻ Bukod sa pangangaral, ano ang kailangan sa gawaing paggawa ng mga alagad?
◻ Bakit napakahalaga na ‘asikasuhin ang iyong turo’?
◻ Ano ang mga ilang paraan ng pagpapasulong sa kasanayang magturo?
◻ Paano tayo matutulungan ng mga pulong Kristiyano upang maging sanay at masigasig na mga guro sa Salita ng Diyos?
◻ Ano ang magagawa ng matatanda at iba pang may karanasang mga Saksi kung tungkol sa ministeryo sa larangan?