Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 5/1 p. 26-28
  • Matatanggap Mo Ba ang Disiplina?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matatanggap Mo Ba ang Disiplina?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Disiplina ba Ay Talagang Masama?
  • Kanilang Tinanggihan ang Disiplina
  • Ang Iba ay Nangakinig
  • Ang Modernong mga Kristiyano at ang Disiplina
  • Ang Disiplina ay Nagbubunga ng Mabuti
  • Pag-unawa sa Layunin ng Disiplina
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Disiplina—Katibayan ng Pag-ibig ni Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2021
  • Disiplina—Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Disiplina
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 5/1 p. 26-28

Matatanggap Mo Ba ang Disiplina?

‘SA NGAYON ang pinapalo lamang ng mga magulang ay ang tam tam (tambol sa pagsasayaw), hindi ang kanilang mga anak.’ Ito ang narinig na komento buhat sa mga ilang dalagitang nag-aaral sa isang kolehiyo sa Aprika. Ano ba ang ibig nilang sabihin? Na ang pagdisiplina ay hindi na uso. Hindi na ibig ng mga magulang na magdisiplina, at natutuwa naman ang kanilang mga anak.

Ito kaya ay matalino? Sang-ayon sa isang diksiyunaryo, ang saligang kahulugan ng disiplina ay “pagsasanay na nagtutuwid, humuhubog, o nagpapasakdal sa kaisipan o moral.” Maaari nga kayang makapamuhay ang sinuman na hindi nilalapatan ng ganiyang uri ng disiplina? Bakit ang mga dalagitang Aprikano na binanggit​—at ang kanilang mga magulang​—ay nag-iisip na maaari iyon?

Ang totoo, ang negatibong saloobin tungkol sa disiplina ay hindi lamang doon makikita sa nasabing mga dalagita at mga magulang nila sa Aprika. Tila nga karamihan ng mga tao sa ngayon ay nag-aakala na ang anumang payo o disiplina ay isang di-nararapat na panghihimasok sa kanilang kalayaan, pagsugpo sa kanilang mga karapatan. Datapuwat, ang ganiyang saloobin ay hindi pagtatakhan sa ika-20 siglo. Libu-libong taon na ngayon ang lumipas, napansin ng Diyos mismo na “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula pa sa kaniyang kabataan.” (Genesis 8:21) Para ipakita ang magiging resulta ng libu-libong taon ng ganiyang masamang hilig, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, hindi marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo.” (2 Timoteo 3:2-4) Hindi nga kataka-taka na hindi popular ang disiplina!

Ang Disiplina ba Ay Talagang Masama?

Talaga bang kailangan ng isang Kristiyano ang disiplina? Bueno, sinabi ni Jesus na ang daan tungo sa buhay ay “makipot.” (Mateo 7:13, 14) Madaling dito’y mapalihis ka. Kaya’t hindi ba isang karunungan na tumanggap ng disiplina, pagsasanay, gaya ng tawag dito ng diksiyunaryo? Nariyan halimbawa ang isang manlalakbay na sa di sinasadya’y napalihis ng daan at napapunta sa isang mapanganib na lugar. Kung mayroong mag-alok sa kaniya na tutulungan siyang makabalik sa kaniyang pinanggalingan, paano siya tutugon? Siya kaya ay pagalit na tatanggi sa tulong, at igigiit na karapatan niya ang pumaroon kung saan niya ibig? Sasabihin kaya niya na ang palakaibigang taong iyon ay nanghihimasok sa kaniyang mga karapatan? Hindi. Magpapasalamat pa nga siya dahilan sa iniaalok na tulong.

Kaya’t ang matalinong Kristiyano ay napasasalamat pa pagka siya’y inaalok ng tulong na may kinalaman sa may kabaitang disiplina. Totoo ang sinabi ng propeta anuman ang ating edad o karanasan sa buhay: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.” (Jeremias 10:23) Kung gayon, tayong lahat ay nangangailangan ng disiplina.

Kanilang Tinanggihan ang Disiplina

Ang isa na tumanggi sa disiplina ay si Cain, na nainggit sa kaniyang kapatid na si Abel. Nang makita na si Cain ay lumilihis na sa matuwid na landas, si Jehova mismo ang nagpayo sa kaniya, na ang tanong: “Bakit ka nag-iinit sa galit at bakit namamanglaw ang iyong mukha? Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw mamarapatin? Ngunit kung hindi ka gagawa ng mabuti, nariyan ang kasalanan na nakahandusay sa may pintuan, at sa iyo’y nagnanasa; at ikaw ba, sa ganang iyo, ay papanginoonin niya?” (Genesis 4:6, 7) Si Cain ay hindi nakinig. Kaniyang pinatay ang kaniyang kapatid na si Abel at sa gayo’y ipinasok niya ang pagpatay sa kasaysayan ng tao.​—Genesis 4:8-16.

Noong mga kaarawan ni Samuel, ang mga anak ni Eli ay hindi rin naman tumanggap ng disiplina. Ang kanilang ama ay mataas na saserdote sa santuaryo ni Jehova, subalit ginamit ng kaniyang mga anak ang kanilang puwesto upang magnakaw buhat sa mga handog at hinikayat nila ang mga babae na magkasala ng imoralidad sa pakikitungo sa kanila. Sila’y kinagalitan naman ng kanilang ama​—pero bahagya lamang​—ngunit hindi sila nakinig. Ang resulta? Kanilang tinanggihan ang disiplina na humantong sa kanilang kamatayan sa digmaan, at dahilan sa kabiglaanan sa natanggap na balita si Eli mismo ay namatay.​—1 Samuel 2:12-17, 22-25; 3:11-18; 4:1-4, 10-18.

Ang Iba ay Nangakinig

Gayunman, ang iba ay tumanggap ng disiplina. Si David, isang hari at isang mandirigma, ay nagkasala ng malubha nang pangyarihin niya ang kamatayan ni Uria, ang lalaking ang asawa’y naging kalunya ni David. Ngunit tinanggap ni David ang pagsaway na pinangyari ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Nathan, kaya naman hindi siya itinakwil na lubusan ni Jehova. (2 Samuel 12:1-14) Oo, ang disiplina ay makatutulong sa atin upang makabangon kahit sa pinakamalulubhang pagkakasala.

Si Job ay pinayuhan ng binatang si Elihu at maaari sana niyang tinanggihan ang payo. Bagama’t si Job ay nagdusa nang husto sa kamay ni Satanas, siya’y tumangging “sumpain ang Diyos at mamatay.” Sa gayong rekord, maaari sana siyang hindi nakinig sa payo ng binatang ito. Datapuwat, si Job ay nakinig at kaniyang napag-alaman na, bagama’t siya’y nanatili sa katapatan, kailangan na gumawa siya ng kaunting pagbabago sa kaniyang kaisipan. Pagkatapos ay nagkapribilehiyo siya na tumanggap ng payo buhat kay Jehova mismo at sa wakas ay ginanti siya ng maraming mga pagpapala. (Job 2:9, 10; 32:6; 42:12-16) Samakatuwid, ang disiplina ay tutulong kahit doon sa may namumukod-tanging pagtitiis at katapatan.

Si apostol Pedro man ay tumanggap din ng disiplina. Tandaan, si Pedro ay isang apostol ni Jesu-Kristo, isang saksi sa pagbabagong-anyo ni Jesus, at pinagkatiwalaan ni Kristo ng “mga susi ng kaharian.” (Mateo 16:18, 19) Gayunman, noong minsan isang baguhang alagad ni Jesus, si apostol Pablo, ang madlaang dumisiplina kay Pedro dahilan sa kaniyang iginawi sa kongregasyon sa Antioquia. Maliwanag na tinanggap ni Pedro ang disiplina, sapagkat nang malaunan ay kaniyang tinukoy ang “ating minamahal na kapatid na si Pablo.” (2 Pedro 3:15; Galacia 2:11-14) Kung gayon, ang isang Kristiyano na maraming pribilehiyo ay makaaasa rin naman na siya’y tatanggap ng disiplina.

Ang Modernong mga Kristiyano at ang Disiplina

Sa kongregasyon, hindi natin dapat ipagtaka ang pagtanggap ng payo buhat sa sinumang maygulang. Subalit ang lalong may pananagutan na bantayan ang ating mga kapakanan ay ang hinirang na matatanda. Ang espirituwal na mga pastol na ito ang sinasabihan ng Bibliya: “Nararapat na tiyakang alam ninyo ang ayos ng inyong kawan. Tingnan mong mabuti ang iyong mga bakahan.”​—Kawikaan 27:23.

Baka makatulong sa atin sa pagtanggap ng disiplina kung matalos natin na tunay na pag-ibig, at lakas ng loob, ang kailangan upang ang mga matatanda ay makapagpayo. Ang matatanda ay malimit na tinatanggihan pagka sinisikap nilang makatulong. Halimbawa, isang matanda sa Aprika ang kumausap sa isang matagal nang Kristiyano, at pinaalalahanan siya na siya’y napapasangkot noon sa isang bagay na labag sa pagka-Kristiyano. Mahirap na magbigay ng gayong payo, at lalong naging mahirap nang ang babaing pinayuhan ay magdamdam. Sa wakas, ang payo ay tinanggihan, at ang pinayuhan ay nagkapalayu-layo na sa matanda na ibig tumulong sa kaniya. Lalo sanang mabuti kung kaniyang naalaala na ‘ang mga sugat na likha ng isang nagmamahal na kaibigan ay tapat’!​—Kawikaan 27:6.

Ang disiplina ay makatutulong sa atin na ikapit ang isa pang kawikaan sa Bibliya: “Pantas ang isa na nakakakita ng kasakunaan at nagkukubli, ngunit ang musmos ay basta lumalampas at siya’y napaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Ang mga salitang iyan ay nakatulong sana sa isang lalaking Kristiyano sa bansa ring iyon. Naging kaugalian na niya na kumain sa mga restauran na hindi kasama ang kaniyang asawa at anak. Nag-alala rito ang iba sapagkat sa lugar na iyon ang mga waytres sa maraming restauran doon ay mga patutot pala na naghahanap ng mga parokyano. Kaya’t kung mga ilang beses na ang matatanda sa lugar na iyon ay kumausap sa lalaking ito tungkol sa bagay na iyan. Subalit tinanggihan niya ang payo, kadalasan ay ipinakakadiin niya ang pagtanggi. Sa wakas, nahulog siya sa silo ng imoralidad. Isang kapantasan nga na sana’y pinakinggan niya ang payo na may mabuting hangarin!

Kung kalilimutan natin sumandali ang ating sariling punto de-vista at mamalasin ang mga bagay ayon sa pangmalas ni Jehova, mas madali nating matatanggap ang disiplina. Totoo, marahil ang disiplina ay isang tagapagpaalaala ng ating mga kahinaan. Baka medyo napapahiya tayo. Subalit anong laki ng kaluguran ni Jehova pagka ang kaniyang mga lingkod ay kumikilos nang may katalinuhan at umiiwas sa pagkakasala. “Magpakadunong ka, anak ko,” ang sabi ng kaniyang Salita, “at pagalakin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Kung tayo’y magpapakababa at tatanggapin ang ibinibigay na disiplina, makakabilang tayo sa mga pumapanig kay Jehova at sumasagot sa hamon ni Satanas.

Ang Disiplina ay Nagbubunga ng Mabuti

Gaya ng nakita natin, ang disiplina ay para sa lahat sa atin. Kailangan ng mga lalaki at mga babae, bata at matanda, yaong matagal na sa katotohanan at yaong mga baguhan pa. Kung gayon, umasa tayong tayo’y tatanggap ng disiplina, hanapin pa nga natin ito. Pag-aralan ang Salita ng Diyos at pansinin ang sinasabi nito na nagsisilbing payo para sa iyo. (2 Timoteo 3:16, 17) Dumalo sa mga pulong at makinig ng maingat upang makita kung ano ang kumakapit sa iyo. (Hebreo 10:24, 25) Kung ikaw mismo ay binibigyan ng disiplina buhat sa Kasulatan, tanggapin mo iyon ayon sa layunin niyaon. Samantalahin ang anumang pantuwid na pagsasanay na nanggagaling kay Jehova.

Sinabi ni Pablo sa mga Hebreo: “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakaliligaya, kundi nakalulungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay ay namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.” (Hebreo 12:11) Kaya naman, bagama’t ang disiplina ay maaaring makasakit paminsan-minsan, ito’y may mabuting resulta. Ang pagtanggap sa disiplina ay tutulong sa atin na makabilang sa mga nagbibigay kaluguran kay Jehova. Ang disiplina ay tutulong sa atin na ‘lumakad nang walang kapintasan, gumawa ng katuwiran, at magsalita ng katotohanan sa ating puso.’ (Awit 15:1, 2) Kung gayon, lahat sana tayo ay tumanggap ng disiplina.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share