Ang Kinabukasan Mo—Sino ang Maaaring Makahula Nito?
ANG pagtatangkang hulaan ang kinabukasan ay madali. Ang paghula nang tumpak ay hindi madali. Patuloy na nawawalang-saysay ang mga hula na tumatalbog, dahilan sa ipinakikita ng kalakip na mga halimbawa.
Sapol noong sinaunang panahon, sinubok ng ilang tao na tuklasin ang mangyayari sa hinaharap. Kahit ngayon, karamihan sa atin ay nagnanais na malaman ang mangyayari bukas. Ang ganitong pagnanais na malaman ang darating ay umakay sa tao upang sumubok ng iba’t-ibang paraan. Halimbawa, ang katawan ng tao ay sinuri para makakita ng palatandaan sa hugis ng mukha, ng bungo, at sa guhit ng palad ng kamay. Pinag-aralan ng tao ang mga hayop—ang galaw ng mga daga o mga ahas, ang paglipad ng mga ibon, maging ang ayos man ng pagtuka ng tandang ng mga binutil na nasa lupa. Ang iba naman ay gumamit ng mga bagay na gaya baga ng bolang kristal, mga baraha, dais, mga dahon ng tsa, o giniling na kape. Ang mga pamamaraan ay sari-sari gaya rin ng mga tao, mga kaugalian, at mga yugto ng panahon, subalit ang resulta ay pare-parehong pagkabigo.
Gayunman, mayroon Isa na wastong makahuhula ng kinabukasan. Sino? Si Jehovang Diyos. Si Jehova ay namumukod-tangi sapagkat siya “ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula.” Kahit na ang mga pangyayari ay hindi pa lubusang nagaganap, nasasabi na ng Diyos nang patiuna kung ano ang magiging katapusan. Oo, maaaring ihayag ni Jehova ang kinabukasan sa harap ng mga mata ng tao at ito’y hindi lamang mga ilang araw na patiuna kundi daang-daang taon ang una bago pa mangyari!—Isaias 46:10.
Kung gayon, ang paghanap ng kaalaman tungkol sa hinaharap ay hindi mawawalang-saysay. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang naglalahad sa atin ng pinakamahalagang mga bahagi nito. Ano nga ba ang ipinakikita nito na darating para sa sangkatauhan?
[Mga larawan sa pahina 3]
“Imposible ang mabibigat-kaysa-hangin na makinang lumilipad.”—Lord Kelvin, Britanong mathematician, physicist, at Pangulo ng British Royal Society, c. 1895.a
[Mga talababa]
a Mga sinipi ito buhat sa aklat na The Experts Speak, sinulat ni Christopher Cerf at Victor Navasky.
“Kung tayo’y magsisimulang sumubok at unawain kung ano ang magiging buhay sa 1960, kailangang magsimula sa pagkaalam na ang pagkain, pananamit at tahanan ay magkakahalaga ng singliit ng halaga ng hangin.”—John Langdon-Davies, peryodistang Britano at Kagawad ng Royal Anthropological Institute, 1936.
“Ito ang pinakamalaking kamangmangan na kailanma’y nagawa natin. . . . Ang bomba ay hindi kailanman sasabog, at ako’y nagsasalita bilang isang eksperto sa mga eksplosiba.”—Admiral William Leahy, sa pagpapayo kay Pangulong Harry Truman ng E.U. tungkol sa proyekto sa bomba atomika ng E.U., 1945.
[Credit Line]
U.S. National Archives