Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 5/15 p. 24-26
  • May Pagsang-ayon ba ang Diyos sa mga Konsilyo ng Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Pagsang-ayon ba ang Diyos sa mga Konsilyo ng Relihiyon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghanap sa Pinagmulan Nito
  • Pinangibabawan ng Ano?
  • Nakagigitlang mga Kalupitan!
  • Kumusta Naman ang Doktrina?
  • Ang Pagtitipon sa Jerusalem
  • Iginagalang ng mga Tunay na Kristiyano ang Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad?
    Gumising!—2013
  • Bahagi 4—Kailan at Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Apostasya—Nahadlangan ang Daan Tungo sa Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 5/15 p. 24-26

May Pagsang-ayon ba ang Diyos sa mga Konsilyo ng Relihiyon?

ANG salitang “konsilyo” ay nagpapaalaala ng isang kilalang bahagi ng lokal na pamahalaan. Mga termino na gaya ng “konsilyo ng lunsod” o “konsilyong-bayan” ay agad nauunawaan. Subalit, baka hindi gaanong nauunawaan ang terminong “konsilyo ng relihiyon” o “konsilyo ng simbahan.” Ang gayong konsilyong relihiyoso ay tinutukoy na “isang kumakatawang kapulungan ng simbahan na may autoridad na mag-usap-usap at kadalasan gumawa ng batas sa mga isyu na may kinalaman sa pananampalataya, moral, at disiplina ng simbahan.”

Tungkol sa maraming mga konsilyo ng relihiyon na ginanap sa lumipas na mga siglo, itinuturing ng Iglesia Katolika Romana ang 21 bilang ecumenical, samakatuwid nga mula sa konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E. hanggang sa Ikalawang Konsilyong Vaticano noong 1962-65. Sang-ayon sa The Encyclopedia Americana, “ang mga konsilyo ecumenical ay ang papa ang tumatawag, na siyang nangungulo roon, nagpapasiya kung ano ang pag-uusapan, nagsasara ng konsilyo, at nagpapahayag ng mga dekreto niyaon. . . . kasama ang papa ang konsilyo ecumenical ang kinasangkapan ng simbahan, at kaisa niya ay kumakatawan sa autoridad ng simbahan na magturo ng walang pagkakamali, may kaugnayan sa pananampalataya at moral.”​—Tomo 8, p. 85.

Paghanap sa Pinagmulan Nito

Maraming mga lider ng simbahan ang naniniwala na ang mga konsilyo ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay maihahambing sa pulong ng mga apostol at iba pang nakatatandang lalake sa Jerusalem noong unang siglo. Sa gayon, ang mga konsilyo ng simbahan noong malaunan ay mayroon daw kahawig na autoridad na magpasiya kung tungkol sa pananampalataya at moral. (Gawa 15:2, 6, 22) Subalit ang gayon bang mga konsilyo ng relihiyon ay autorisado ng Diyos? Iyon ba’y aprobado niya?

Kapuna-puna, sa Marcos 3:6 ang pananalitang “nagdaos ng konsilyo” ay galing sa isang salitang Griego na ibig sabihin ‘isang pulong ng mga tao na nagpapahayag ng kanilang opinyon at payo.’ Sa talatang iyan, mababasa natin na ang mga Fariseo ay “nagdaos ng konsilyo” kasama ng mga tagasunod ni Herodes upang maipapuksa si Jesus. Tiyak na hindi sinang-ayunan ng Diyos ang gayong konsilyo! At pinaalalahanan ni Jesus ang kaniyang mga alagad laban sa pagtitiwala sa gayong mga tao. (Marcos 8:15) Ang ganiyan bang kawalang-tiwala ay may dahilan kung tungkol sa mga konsilyo ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?

Sinabi rin ni Jesus: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” (Mateo 7:20) Kung gayon, suriin natin ang mga bunga ng sari-saring mga konsilyo ng simbahan.

Pinangibabawan ng Ano?

Ayon sa The Encyclopedia Americana, ang regional na mga konsilyo na ginamit sa pagtatayo ng mga simbahang Katoliko sa Espanya, Britanya at saan man, ay kalimitan na ang sekular na kapangyarihan ang tumawag at dominado nito.” Ang pangkalahatang mga konsilyo ng mga pinunong relihiyoso buhat sa buong Imperyong Romano “ay di-kilala bago nagkaroon ng Konsilyo ng Nicaea (325 A.D.),” na ang tumawag ay si Emperador Constantino. Ang historyador Britano na si H. G. Wells ay nagmungkahi na si Constantino ang nagpasok ng politika at autokrasya sa totoong malubha na ang pagkakabaha-bahaging Sangkakristiyanuhan. Si Wells ay sumulat: “Hindi lamang na ang Konsilyo ng Nicaea ay si Constantino na Dakila ang tumawag, kundi lahat ng dakilang mga konsilyo, ang dalawa na ginanap sa Constantinople (381 at 553), Efeso (431), at Chalcedon (451) ay pawang ang emperador ang tumawag.” Subalit paano nga sasang-ayunan iyan ng Diyos, yamang ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nagsisikap na ang kanilang relihiyon ay haluan ng politika kundi, sa halip, sila’y nananatiling neutral?​—Juan 17:16; Santiago 1:27.

“Ang mga pangkalahatang konsilyo noong bandang huli ay malimit na nadadaig ng imperyal na politika ng simbahan at ng magkakaribal na malalaking sede patriarkal [mga lugar na kontrolado ng isang obispo o ng isang arsobispo],” ang isinusog ng The Encyclopedia Americana. Yamang ang gayong mga konsilyo ng simbahan ay pinangingibabawan ng makaklerong politika at ng ribalan, ang mga ito’y walang taglay na mga bunga ng espiritu ng Diyos na gaya ng pag-ibig at kapayapaan. Sa halip, makikita sa kanila ang mga gawa ng laman na ito’y “mga pagkakapootan, pagtatalo, panaghilian, mapag-imbot na mga ribalan, pagkakampi-kampi, pagkakabaha-bahagi.” Si apostol Pablo ay nagbabala tungkol sa mga gawa ng laman: “Yaong mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos!” (Galacia 5:19-23, ang Katolikong New American Bible) Kung gayon, paano nga masasabing ang mga konsilyo ng mga iglesia ng Sangkakristiyanuhan ay aprobado ng Diyos?

Nakagigitlang mga Kalupitan!

Sang-ayon kay H. G. Wells ang espiritu ni Constantino ang nangingibabaw sa pamamalakad ng simbahan, at sinabi niya: “Ang ideya na malipol ang lahat ng alitan at pagkakapabaha-bahagi, malipol ang lahat ng kaisipan, sa pamamagitan ng sapilitang pagpapairal ng isang dogmatikong paniniwala sa lahat ng mananampalataya, . . . ang siyang kaisipan ng taong nagsosolong naniniwala na upang siya’y makagawa kailangang maging malaya siya buhat sa pananalansang at pamimintas. Ang kasaysayan ng Iglesia sa ilalim ng impluwensiya ni [Constantino] ay naging isang kasaysayan ng mararahas na pagpupunyagi na kasunod ng kaniyang biglaan at mabagsik na mga utos na magkaisa. Sa kaniya nakuha ng Iglesia ang disposisyon na maging makadiktador at walang tanung-tanong, ang magpaunlad ng isang sentralisadong organisasyon at iagapay ito sa takbo ng imperyo.”

Ang mga paratang ng irehiya ay nagsilbing isang malupit na pakana upang mailigpit ang mga sumasalansang na nangangahas lumaban sa mga konsilyo ng simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Ang sinoman na napapaiba ang opinyon o nagtatangka man lamang na magharap ng patotoo buhat sa Kasulatan na lumalaban sa mga turo at canon (mga batas) ng simbahan, ng mga konsilyo ay pinaparatangan na mga irehes.

Ang determinasyon na lipulin ang pananalansang ay humantong sa kalagim-lagim na mga kalupitan. Karamihan ng mga hinahatulan na nagkasala ng irehiya laban sa popular na turo ng konsilyo ay sinusunog sa tulos, at dumaranas ng paghihirap sa isang unti-unting kamatayan at nagiging panoorin ng madla​—di umano sa ngalan ni Kristo!

Halimbawa, ang Konsilyo ng Constance (1414-18) ay nagpulong upang wakasan ang pagtatalu-talo sa kung sino ang may karapatang maging papa at makitungo sa mga irehiya nina Wycliffe at Hus. Mayroon daw tatlumpung libong kabayo na naghatid ng mga tao sa Constance para sa dakilang pangyayaring ito. Sa konsilyong iyon, si John Hus ay nilitis at hinatulan, saka ibinigay sa sekular na mga pinuno at sinunog sa tulos.

Kumusta Naman ang Doktrina?

Totoo na lahat ng mga tunay na Kristiyano ay “nagsasalita ng may pagkakaisa.” Subalit ito’y hindi dahil sa panggigipit na hindi nila madaig. Sa halip, ito’y dahilan sa ang kanilang mga paniwala at gawain ay nakasalig sa kinasihang Salita ng Diyos. (1 Corinto 1:10; Gawa 17:10, 11; 2 Timoteo 3:16, 17) Subalit, ano ba ang masasabi pagka ang pinag-usapan na ay ang doktrinal na mga desisyon ng mga konsilyong relihiyoso?

Bagamat ang mga konsilyong relihiyoso ay maaaring paputiin sa panlabas bilang pinaka-muhon ng teolohiya, sa isip ng marami ang mga ito’y naging mga lapida na palatandaan ng karahasan upang ang dalisay na mga turong Kristiyano ay mapawi. Bilang halimbawa: Noong 325 C.E. ang Konsilyo ng Nicaea ang nagpauso ng doktrina ng Nagkatawang-Taong Kristo, o Taong-Diyos. Ang pagtatatwang ito kay Jesus bilang isang tao ang naging isa sa mga aral ng Sangkakristiyanuhan na totoong nakadadaya. (Ihambing ang 2 Juan 7.) Oo, angaw-angaw ang itinalikod nito kay Jehovang Diyos at ibinaling sa nakalilitong Trinidad! Walang isa man sa mga konsilyo na ginanap pagkatapos niyaon ang nagtangkang ituwid ang kamaliang ito. Ang doktrina ng Trinidad ay maliwanag na laban sa Kasulatan sapagkat sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28) Sasang-ayunan ba ng Diyos ang anomang konsilyo na nagpapalabo ng katotohanan tungkol sa kung sino siya at kung sino naman ang kaniyang Anak?

Ang isang doktrina na itinatag ng isang konsilyo ay baka ibagsak ng isa naman. Halimbawa, gaya ng ipinakikita sa kalakip na tsart, ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba ay itinakuwil nang ganapin ang isang konsilyo sa Constantinople noong 730 C.E. Subalit ang paggamit ng mga imahen ay muling ipinasok ng isang konsilyo nang malaunan. Mangyari pa, ipinakikita ng Bibliya na ang paggawa at paggamit ng imahen ay idolatriya at di maka-Kristiyano.​—Exodo 20:4-6; 1 Juan 5:21.

Gaya ng ipinakikita rin sa tsart, ang mga doktrinang pinagtibay sa mga konsilyo ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay yaong bautismo ng mga sanggol, ang iniutos at kahilingan na di-pag-aasawa, purgatoryo, at naglalagablab na impiyerno. Datapuwat, ang Kasulatan ay hindi nagtuturo ng bautismo ng sanggol, ng gayong di-pag-aasawa, at ng naglalagablab na impiyerno, at wala rin namang binabanggit na purgatoryo. (Mateo 28:19, 20; 1 Timoteo 4:1-3; Job 14:13) Yamang ang mga nagnanais ng pagsang-ayon ni Jehova ay kailangang sumamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan,” paano niya sasang-ayunan ang mga konsilyo na nagpapaunlad ng huwad na mga turo?​—Juan 4:23, 24.

Ang Pagtitipon sa Jerusalem

Tungkol sa mga konsilyong relihiyoso, si Otto Karrer ay sumulat: “Maliban sa tinatawag na Konsilyo Apostoliko [noong mga 49 C.E.], na ang desisyon ay bahagi ng tradisyon ng banal, na apostolikong proklamasyon, lahat ng konsilyo ay resulta ng kapulungan pagkamatay na ng mga apostol. Ang mga ito ay hindi noon umiral sa panahon ng pagtatayo ng iglesia.”​—The Councils of the Church.

Di-mapag-aalinlanganan, lahat ng mga konsilyong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan ay lubhang naiiba sa kapulungan ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem noong unang siglo. Wala roon na mga klerigong gutom sa kapangyarihan na mag-aatang ng mabibigat na pamatok sa leeg ng mga iba o magsusubo ng mga panggatong sa naglalagablab na bibitayang mga haligi. Sa halip, ang bunga ng espiritu ng Diyos ang kitang-kita noon. Ang mga pag-uusap-usap ay pinapatnubayan ng espiritu at kasuwato ng Salita ng Diyos. Ang kaayusang iyan ng paglutas ng mga suliranin ayon sa Kasulatan ang sinusunod ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ngayon.

Ang liham na ipinadala ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusaelm sa kanilang mga kapananampalataya ay nagsasabi ang isang bahagi: “Ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayon huwag nang dagdagan ang pasanin ninyo, maliban sa mga bagay na ito na kailangan, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti at ang pakikiapid.” (Gawa 15:22-29) Ito ay hindi mga batas na galing sa tao lamang kundi mga utos na nakasalig sa naunang mga pag-uutos ng Dakilang Tagapagbigay-Utos.​—Genesis 9:3, 4; Deuteronomio 5:8-10, 18; Isaias 33:22.

Ang pagtitipong ito ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem noong unang siglo ay may pagsang-ayon ang Diyos na Jehova, ang mga ipinasiya nito ay pinagpala niya, at pinalawak nito ang pangangaral ng Kaharian kung kaya maraming mga Hentil ang napalakip sa kongregasyong Kristiyano. Subalit, ang mga pangyayari sa kasaysayan ay nagpapatunay na hindi kailanman sinang-ayunan ng Diyos ang mga konsilyong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan.

[Chart sa pahina 26]

APROBADONG DOKTRINA KONSILYO PETSA

Bautismo ng mga Sanggol Cartago 253  C.E.

Di Pag-aasawa Trent 1545  C.E.

Diborsiyo Dahil sa Adulteryaa Arles 314  C.E.

Diborsiyo Ibinawal Trent 1545  C.E.

Apoy ng Impiyerno Lyons 1274  C.E.

Florence 1573  C.E.

Imahen Tinanggihanb Constantinople 730  C.E.

Imahen Muling Ipinasok Constantinople 842  C.E.

Nicaea 787  C.E.

Imaculada Concepsion Avignon 1457  C.E.

Pagkakatawang-Tao ni Kristo Nicaea 325  C.E.

Chalcedon 451  C.E.

Di Pangangaral sa Pulpito

ng Lego Constantinople 681  C.E.

Purgatoryo Florence 1573  C.E.

Trent 1545  C.E.

Trinidad Nicaea 325  C.E.

[Mga talababa]

a Ang mga doktrina lamang na ito ang kasuwato ng Bibliya

b Ang mga doktrina lamang na ito ang kasuwato ng Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share