Ang mga Ebanghelyo—Totoo o Guniguni?
ANG umano’y matataas na kritiko ay matagal nang umaatake sa ulat ng mga Ebanghelyo ng buhay ni Jesus sa maraming punto: Kanilang sinasabi na ang mga ulat na ito ay lipos ng mga pagkakasalungatan at naisulat pagkalipas ng napakahabang panahon nang maganap ang mga pangyayari. Kanilang sinasabi na ang mga himalang binanggit dito ay mga gawa-gawa lamang.
Sa kaniyang aklat na Caesar and Christ, ang historyador na si Will Durant ay nagsikap na suriin ang mga ulat ng Ebanghelyo batay sa isang objectibong punto-de-vista—bilang historical na mga dokumento. Bagaman inamin niya na mayroon ngang waring mga pagkakasalungatan at mga suliranin sa mga ulat ng Ebanghelyo, gayunma’y sinabi niya: “Ang mga pagkakasalungatan ay bahagya [na maliliit na detalye], hindi ito laganap; sa kalakhang bahagi ang mga ebanghelyong sinoptiko ay tugma-tugma, at isang nagkakasuwatong paglalarawan kay Kristo.”
Subalit kumusta naman ang sinasabi ng matataas na kritiko na ang mga Ebanghelyo ay kulang sa pagkakakilanlan sa tunay na kasaysayan? Ipinagpatuloy ni Durant: “Sa kainitan ng mga natuklasan nito, ang Higher Criticism ay naging napakabagsik sa pagkakapit sa Bagong Tipan ng pagsubok ng pagiging tunay nito kaya naman ang isang daang mga sinaunang dakila—samakatuwid nga, sina Hammurabi, David, Socrates—ay nagiging mga alamat lamang. Sa kabila ng mga maling akala at teolohikong patiunang mga kuru-kuro ng mga ebanghelista, sila’y nag-ulat ng maraming mga pangyayari na disin sana’y itinago ng mga umembento lamang nito—ang pagtatalu-talo ng mga apostol para mapalagay sa matataas na puwesto sa Kaharian, ang kanilang pagtakas pagkatapos na dakpin si Jesus, ang pagtatatuwa na ginawa ni Pedro . . . Walang sinomang bumabasa ng mga tagpong ito ang magdududa sa pagiging tunay ng binabanggit na mga tauhan.”
Ang historyador na si Durant ay nagtapos: “Na ang ilang karaniwang tao sa isang salinglahi ay nakaimbento ng gayong makapangyarihan at kaakit-akit na personalidad, na napakatayog ang asal na anupat totoong nakabibighani ang pangitain tungkol sa pagkakapatiran ng tao, ito’y isang himala na higit na di-kapani-paniwala kaysa anomang naisulat sa mga Ebanghelyo. Pagkatapos ng dalawang siglong pag-iral ng Higher Criticism ang ulat ng buhay, karakter, at turo ni Kristo, ay nananatiling malinaw, at ito ang totoong kabigha-bighaning bahagi ng kasaysayan ng Kanluraning tao.”