“Ang Sangnilalang ay Sama-samang Dumaraing”—Bakit?
ANG unang lalaki at babae ay tumalikod sa Diyos. Pagkatapos na makamit nila ang “kalayaan” na ibig nila, kailangan na silang mamuhay sa pinakamagaling na paraang magagawa nila. Natuklasan nila na ang kanilang pinakamagaling ay malayo sa may sapat na kabutihan. Ang kawalang-karanasan at limitadong kaalaman ay humantong sa mga suliranin.
Iyan ang dahilan kung bakit marami sa atin ang naging biktima ng pang-aapi o paniniil. Kaya lahat tayo ay naging alipin ng di-kasakdalan ng tao, tayo’y nagkakasakit, dumaranas ng di-normal na karamdaman ng katawan at isip, at lumuluha sa kalungkutan. O, gaya ng pagkasabi ng Bibliya, “ang sangnilalang ay sama-samang dumaraing at nagdaramdam na may kahirapan hangga ngayon.”—Roma 8:22.
Ang unang pagtatangka ng tao na makalaya ay humantong lamang sa pagkaalipin niya. May 60 siglo ngayon na sinisikap niyang makalaya buhat sa masasamang epekto nito. Subalit ano ang tagumpay na nakamit?
Pulitikal na Kalayaan
Ang tao ay sumubok ng lahat ng uri ng pamahalaan. Yaong mapaniil o mapang-api, o yaong hindi sumasapat sa mga pangangailangan ng tao, ay iniwaksi na o marahas na ibinagsak at hinalinhan ng iba—ngunit hindi nagdulot ng tiyak na mga resulta.
Ang peryodistang si Lance Morrow, ay may ganitong puna tungkol sa pulitikal na mga rebolusyon: “Ang kasaysayan ay dumaan sa napakaraming utopianong drama ng pagbabago na humantong sa pagkadiktadura, berdugo rin, gaya ng mga pamahalaan na kanilang ibinagsak—nagtagumpay ang panatisismo laban sa karanasan.”
Hindi tunay na kalayaan ang pinakamagaling na paraan pagka ang isang di-sakdal na pamahalaan ay hinalinhan ng iba. Kaya, ang pantas na si Haring Solomon ay kinasihan na sumulat: “Dominado ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Maliwanag, “ang sangnilalang [ay patuloy] na sama-samang dumaraing at nagdaramdam na may kahirapan” hanggang sa papangyarihin ng sakdal na pamahalaan ang paglaya buhat sa di-sakdal na pamamahala.
Kalayaan Buhat sa Pambansa at Panlahi na Pang-aapi
Ang pagtatangi-tangi ng lahi o bansa ay tuwirang laban sa mga katotohanan ng Bibliya na “ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao” at “hindi nagtatangi ang Diyos, kundi sa bawat bansa ang taong natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 17:26; 10:34, 35) Subalit yaong mga naghahangad ng makatarungang trato ay kalimitang hindi nakakasumpong niyaon, kahit na sa mga bansang nag-aangkin na Kristiyano.
Halimbawa, isaalang-alang ang lahing itim. May umano’y mga Kristiyano na nagsasabing ang itim na kulay ng balat ay resulta ng pagkasumpa ng Diyos kay Canaan at sa kaniyang mga inapo, at inilaan sila na maging mga alipin. Dito’y nagkakamali sila. Ang lahing itim ay nagmula hindi kay Canaan kundi kay Cush at marahil kay Put. At hindi sinumpa ang sinuman sa kanila.—Genesis 9:24, 25; 10:6.
Sa kabila ng katotohanang ito, malimit na ang lahing itim ay inaapi sa lipunan at sa kabuhayan kahit ng kapuwa nila mga itim. Kanilang inaasam-asam ang kalayaan. Subalit ang kanilang mga kilusan sa kalayaan, sa kabila ng mga sit-ins at mga rally ng pagprotesta, ay bahagya lamang ang ipinagtagumpay. Yamang hindi nila lubusang mabago ang mga puso, hindi nila naalis ang pagtatangi-tangi ng lahi, relihiyosong kawalang-alam, at kakulangan ng pag-ibig sa kapuwa.
Kaya ‘ang sangnilalang [ay patuloy] na sama-samang daraing at magdaramdam na may kahirapan” hanggang sa ang pagtatangi ng lahi ay pawiin ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo.
Ang Kalayaan ng mga Babae
Sa nakalipas na mga siglo, ang mga babae ay tumanggap ng di-mabuting trato at kalimita’y itinuturing na mga taong segunda-klase. Ito’y hindi kasalanan ng kanilang Maylikha. Hindi niya nilikha ang babae upang ito’y maging isa lamang sex object. Ang lalaki ay hindi rin naman inutusan na maging malupit sa kaniya. Bilang asawa ng lalaki, ang babae’y inilaan na maging kaniyang “katulong,” magsilbing “isang kapupunan niya,” upang sila’y maging “isang laman.”—Genesis 1:26-28; 2:18-24.
Ang hangarin ni Eva na makalaya sa maibiging awtoridad ng Diyos ay nagbunga, hindi ng kalayaan, kundi ng mabagsik na pagsupil sa kaniya. Palibhasa’y nakini-kinita ito ng Diyos, kaya siya’y nagsabi: “Sa iyong asawa’y pahihinuhod ang iyong kalooban, at kaniyang dudominahan ka.” (Genesis 3:16) Para sa maraming babae, ang pagdomina ng di-sakdal na kalalakihan ay naging di-nais-nais, at bumangon ang maraming kilusang pambabae upang maigupo ito.
Ngunit ang Women’s Liberation Movement, bagama’t nakagawa ng mga ilang pagbabago sa ikabubuti, ay nabigo dahilan sa ito’y laban sa timbang na kalayaan na ipinapangako ng Diyos. ‘Ang sangnilalang [ay patuloy] na sama-samang daraing at magdaramdam na may kahirapan’ hanggang sa turuan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng lalaki na ‘umibig sa kani-kanilang asawa gaya ng kanilang sariling katawan’ at kanilang tratuhin “ang nakatatandang mga babae gaya ng mga ina, ang nakababatang mga babae gaya ng mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.”—Efeso 5:28; 1 Timoteo 5:2.
Bago ipaliwanag kung paano darating ang araw na iyon, talakayin natin ang isa pang tanong. Ano ang dapat maging pangmalas ng mga Kristiyano sa mga kilusan ng paglaya?
[Blurb sa pahina 4]
Hindi lunas para sa pagkakaroon ng tunay na kalayaan kung ang isang di-sakdal na pamahalaan ay hahalinhan ng isa ring di-sakdal
[Blurb sa pahina 5]
Ang pagsuway ng mga mamamayan, “sit-ins,” at mga rally ng pagprotesta ay hindi bumabago ng mga puso
[Blurb sa pahina 5]
Bigo ang Kalayaan ng mga Babae sapagkat ito ay labag sa timbang na kalayaan na ipinapangako ng Diyos