Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Minsang nalagdaan ng sinuman ang isang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan, maaari bang tapusin ang kaayusang iyan?
Ang tanong na iyan ay may kinalaman sa isang probisyon na hindi kumakapit sa karamihan ng mga bansa. Kaya una muna ay tingnan natin kung ano ang mahalagang pansamantalang kaayusang iyan.
Ang The Watchtower ng Marso 15, 1977, ay tumalakay ng isang suliranin na umiiral sa mga ilang bansa. Bagama’t pinapayagan ng Diyos ang diborsiyo batay sa mga dahilang maka-Kasulatan, ang ilang mga gobyerno ay walang paglalaan tungkol sa diborsiyo. (Mateo 19:9) O kaya baka dahil sa batas ay napakahirap kumuha ng isang diborsiyo, marahil ay nangangailangan ng maraming taon. Sa gayon, ang labas na iyan ng magasin ay nagpaliwanag na ang mga Saksi ni Jehova ay may paglalaan na kumakapit lamang sa gayong mga bansa; kasangkot dito ang isang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan. Isaalang-alang ang isang halimbawa ng isang kaayusan:
Isang babae ang nagkakaroon ng kaalaman sa katotohanang Kristiyano samantalang nakikisama (at marahil nagkaanak na) sa isang lalaki na matagal nang napahiwalay sa kaniyang legal na asawang babae. Ang bagong nagkakainteres na babae ay tapat sa lalaking ito at ibig na magpakasal sa kaniya, ngunit iyan ay imposible sapagkat hindi ipinahihintulot ng batas na hiwalayan ng lalaking iyon ang kaniyang legal na asawang babae. Kung gayon, kung ang hinirang na matatanda sa kongregasyon ay kombinsido na ang relasyon ng babae sa lalaking ito ay tatanggapin din naman ng Diyos, kanilang papayagan siya na pumirma sa isang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan. Doon ay sinasabi niya na nagawa na niya ang lahat ng magagawa niya upang gawing legal ang kanilang relasyon; na kaniyang kinikilala sa harap ng Diyos ang bisa ng Deklarasyon; at na siya’y nangangako na siya’y pakakasal nang legal sa mga sandaling iyan ay posible, at sa gayo’y tinatapos ang Deklarasyon na nagpapangyari na siya’y maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano.
Gayunman, ang tanong ay bumabangon: Minsan na siya (o sinuman na nasa gayong situwasyon) ay tanggapin sa kongregasyon sa ilalim ng gayong Deklarasyon, mayroon bang anumang paraan na iyon ay natatapos o maaaring tapusin?
Ang Deklarasyon mismo ay nagsasabi na ang lumagda rito ay ‘kumikilala sa kaniyang relasyon bilang may bisa sa harap ni Jehovang Diyos at sa lahat ng tao, na mapanghahawakan at igagalang na lubusan kasuwato ng mga simulain ng Salita ng Diyos.’ Samakatuwid ito, ayon sa punto-de-vista ng kongregasyon, ay may bisa bilang isang legal na kasal. Datapuwat, ang pagkamatay ng isang kabiyak ang tumatapos sa isang kasal o sa isang pagsasama na pinagtibay ng gayong Deklarasyon. (Roma 7:2) Sinasabi rin ng Bibliya na kung ang isa sa mag-asawa’y nagkasala ng por·neiʹa (pakikilaguyo sa iba), ang pinagkasalahang asawa ay maaaring makipagdiborsiyo. (Mateo 5:32; 19:9) Sa katulad na paraan, ayon sa isang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan, ang pakikilaguyo sa iba ng isang asawa ay maaaring dahilan upang tapusin ang kanilang pagsasama, kung ganoon ang gusto ng isang pinagkasalahan. Ang pinagkasalahang Kristiyano ay kailangang magpatunay sa hinirang na matatanda ng ginawang pagtataksil. Dito natatapos ang Deklarasyon; sa ganoon ay ipinakikita ng Kasulatan na ang pinagkasalahan ay malaya na.
Dahil sa kinikilala ng kongregasyon na ang isang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan ay kasing bisa rin ng isang legal na kasal isang kaugnay na isyu ang bumabangon. Ito’y pagka ang dating hadlang sa kasal ay naalis. Halimbawa, sa binanggit na kaso, ang legal na asawa ng lalaki ay baka mamatay o baka gawing legal ng gobyerno ang diborsiyo, at ang lalaki ay pumapayag na pakasal nang legal sa babaing Kristiyano. Sa ganiyang kaso ang sister ay hindi maaaring magpatuloy na nasa ilalim ng Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan, kahit na sa mga dahilang gaya ng pagiging kahiya-hiya na legal na pakasal ngayon o dahilan sa baka mawalan siya ng mga ilang bentahang pangmateryal. Kasuwato ng kaniyang Deklarasyon, ngayon ay kinakailangang gumawa na siya ng hakbang upang gawing legal ang kanilang pagsasama. Kung hindi gayon, pawawalang bisa ng kongregasyon ang Deklarasyon, at siya’y kailangang humiwalay sa lalaki o kung hindi ay matitiwalag siya.
Subalit, ano kung ang lalaking di-sumasampalataya ay tumatangging magpakasal sa kaniya? Nang kaniyang lagdaan ang Deklarasyon, kinilala ng kongregasyon na ang pagsasama nila ay may bisa at moral. Ngayon ay hindi ito nagiging imoral nang dahil lamang sa hindi niya mapilit ang kaniyang di-sumasampalatayang kinakasama na gawing legal ang kanilang pagsasama. Kaya maaaring siya’y patuloy na maging isang tapat na kabiyak, na hindi na kailangang humiwalay sa lalaking iyon, bagama’t dapat na patuloy din siyang magsumikap upang sila’y makasal. (Iniaayon nito sa tama ang komento sa “Questions From Readers” sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1985.)—Ihambing ang Hukom 11:35; Lucas 18:1-5.
Mangyari pa, ang situwasyon ay naiiba kung ang magkapuwa panig ay lumagda sa Deklarasyon at naging bautismadong mga Kristiyano. Sa kasong ito, kapuwa sila nagkasundo na papasok sa isang legal na pag-aasawa kung maalis na ang pampamahalaang hadlang, at sa puntong ito matatapos ang Deklarasyon. Sila’y obligado na gawin ito sa loob ng isang makatuwirang haba ng panahon, o kung hindi ay maghiwalay sila upang sila’y makapanatili sa kongregasyon. (Ihambing ang “Questions From Readers” sa The Watchtower ng Setyembre 1, 1982.) Kung sakaling sila’y maghiwalay, ang maybisa na Deklarasyon ay kumakapit pa rin, kaya sinuman sa kanila ay hindi malaya na makipag-asawa sa kaninumang iba.—Ihambing ang 1 Corinto 7:10, 11.
Bagaman ang kaayusan ukol sa isang Deklarasyon na Nangangako ng Katapatan ay hindi kumakapit sa karamihan ng lugar, ang tinalakay sa itaas ay nakasentro sa pamantayan ng Bibliya na kumakapit saanman: “Hayaang ang pag-aasawa ay maging marangal para sa lahat, at ang higaan ng mag-asawa ay huwag nawang magkadungis, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.”—Hebreo 13:4.