Ikaw ba ay Kakapit Nang Mahigpit sa Katotohanan?
KUNG ikaw ay nagsimula nang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ang pangunahing tanong na kailangang sagutin mo sa iyong sariling ikasisiya, Ito ba ang katotohanan? Kung makita mo na ito nga, ikaw ba ay kakapit nang mahigpit dito? Nahahawig na mga katanungan ang napaharap sa mga tao noong kaarawan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol.
Nang ang mga apostol ay nangangaral tungkol kay Jesus, ano ba ang reaksiyon ng mga tao? Bueno, ang balita tungkol sa Kaharian ni Kristo, ang kaniyang mga himala, ang kaniyang haing pantubos, ang kaniyang pagkabuhay-muli, at ang buhay na walang-hanggan ay magandang pakinggan, at marami ang tumanggap sa kanilang napakinggan bilang ang katotohanan. Subalit ang karamihan ay hindi tumanggap dito. Sa katunayan, ang organisasyong Kristiyano noong panahong iyon ay “pinagsasalitaan ng laban dito” sa lahat ng dako. (Gawa 28:22) Kaya ang pagtanggap sa mga katotohanan na ipinangaral ng mga alagad ni Jesus ay pagsalungat laban sa popular na opinyon at paglaban sa pananalansang. Ang mga taong interesado samakatuwid ay kailangang patunayan sa kanilang sariling ikasisiya na ang mga turong Kristiyano ay siyang katotohanan. Sa pamamagitan lamang niyan makapaninindigan silang matatag.
Nang si Pablo at si Bernabe ay dumalaw sa Antioquia sa Asia Minor, maraming tao ang nakinig nang may matinding interes sa kanilang mensahe. Ang Bibliya ay nag-uulat: “Ngayon nang sila’y papaalis na, ang mga tao ay namanhik na salitain sa kanila ang mga bagay na ito sa sabbath na susunod. Nang sumunod na sabbath halos buong lunsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ni Jehova.” (Gawa 13:42, 44) Subalit ang unang-unang interes na ito ay naglaho sa maraming tao nang kanilang mapakinggan ang mahigpit na mga mananalansang na nagsasalita laban sa mga apostol.
Ang talatang 45 ng Gawa kabanatang 13 ay nagsasabi: “Nang makita ng mga Judio ang mga karamihan ng tao, sila’y napuno ng inggit at nagsimulang mamusong at salungatin ang mga bagay na sinasalita ni Pablo.” Pagkatapos ay nagsabi naman ang Gawa 13 talatang 50: “Datapuwat inudyukan ng mga Judio ang kilalang mga babae na sumasamba sa Diyos at ang mahal na mga tao ng lunsod, at sila’y nagbangon ng pag-uusig laban kay Pablo at kay Bernabe at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga hangganan.” Ang mga taong interesado ay kailangan noon na magpasiya kung sila’y patuloy na makikinig sa mga tagasunod ni Jesus sa kabila ng pananalansang. Alin sa tatanggapin nila ang kanilang napakinggan bilang katotohanan o pagsasarhan nila iyon ng kanilang tainga.
Ang Pananalansang Ngayon
Tulad din ng mga Kristiyano na sinalansang noong unang siglo C.E., mayroon din ngayon ng mga mananalansang na nagsisikap udyukan ang mga taong interesado na huwag makinig sa maka-Kasulatang mga katotohanan na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova. Mga kaibigan, kamag-anak, at mga pinunong relihiyoso ang malimit na nagsisikap na sirain ang loob ng mga interesado upang huwag makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Bagama’t walang patotoo sa Kasulatan, ang mga mananalansang ay sumasalungat sa itinuturo at gumagawa ng walang katotohanang mga paratang.
Ano ang dapat gawin ng mga taong interesado? Dapat ba nilang payagan na ang mga salita ng mga mananalansang ang magsara ng kanilang mga isip at tainga gaya ng ginawa ng iba sa Antioquia noon? O dapat ba nilang patunayan sa kanilang sarili buhat sa Bibliya kung ang kanilang pinag-aaralan ay katotohanan o hindi?
Binigyan ng komendasyon ang nagsitanggap na mga tao sa lunsod ng Berea sapagkat kanilang sinuri ang Kasulatan upang makita kung ang sinabi sa kanila ni Pablo ay siyang katotohanan. Nang kanilang mapatunayan na katotohanan ang sinalita niya, sila’y nanindigang matatag ukol doon. Sa atin ay sinasabi: “Lalong naging mararangal ang mga [taga-Berea] kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang Kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.”—Gawa 17:10, 11.
Ang mga taga-Berea ay hindi nagtulot na dahil sa mga sabi-sabi ng mga mananalansang ay masarhan ang kanilang mga isip sa pagtanggap ng mabuting balita. Bagkus, kanilang siniyasat ang Kasulatan araw-araw upang patunayan ang mga bagay na kanilang napapakinggan ay katotohanan. Sila’y nakasumpong ng mahalagang kayamanan at hindi nila tutulutan na mailayo sila roon ng mga mananalansang. Hindi baga ito ang makatuwirang dapat gawin kung tungkol sa ganoon ding mabuting balita na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ngayon?
Kung Bakit ang Iba ay Sumasalansang
Kung minsan ang mga mananalansang ay mga kamag-anak na wala namang masamang motibo at minamahal mo at iginagalang, at mayroon ka ng lahat ng dahilan na maniwala na sila’y taimtim na interesado sa iyong kapakanan. Subalit kailangang isaalang-alang mo kung bakit sila salungat sa iyong pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sila ba’y may matibay na patotoo sa Kasulatan na ang iyong natututuhan ay hindi siyang katotohanan? O ang kanila bang pananalansang ay dahil sa sabi-sabi sa kanila ng mga ibang tao? Sila ba’y kulang ng tumpak na kaalaman tungkol sa itinuturo ng mga Saksi? Marami sa sumalansang kay Jesus ang gumawa ng gayon dahilan sa kawalang-alam nila sa kaniyang itinuturo at sila’y naniwala sa walang katotohanang mga paratang ng mga mananalansang.
Nang si Jesus ay nakabitin sa pahirapang tulos, ang mga taong dumaraan ay “nagsasalita ng mga pang-aabuso sa kaniya, umiiling at nagsisipagsabi: ‘Ba! Ikaw na magbabagsak sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagbaba riyan sa pahirapang tulos.’ Ganoon din naman ang mga pangulong saserdote ay nakikipagkatuwaan sa mga eskriba at nagsasabi: ‘Ang mga iba’y kaniyang iniligtas; ang kaniyang sarili ay hindi niya mailigtas! Bumaba ngayon buhat sa pahirapang tulos ang Kristo na Hari ng Israel, upang aming makita at kami’y sumampalataya.’ ” (Marcos 15:29-32) Ano ba ang dahilan ng kanilang masamang saloobing ito?
Hinayaan ng mga tao na ang kanilang opinyon tungkol kay Jesus ay mahubog ng mga pinunong relihiyoso na napopoot sa kaniya sapagkat kaniyang ibinilad sila bilang mga huwad na guro na ang mga ginagawa ay hindi kasuwato ng kanilang pag-aangkin na pagiging mga kinatawan ng tunay na Diyos. Tahasang sinabi sa kanila ni Jesus: “Bakit naman kayo nagsisilabag sa utos ng Diyos dahil sa inyong sali’t saling sabi? Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi, datapuwat ang kanilang puso ay malayo sa akin. Walang kabuluhan ang kanilang patuloy na pagsamba sa akin, sapagkat sila’y nagtuturo ng mga utos ng mga tao bilang pinakaaral.’ ”—Mateo 15:3, 7-9.
Ganiyan na lang katindi ang poot ng mga pinunong relihiyoso kay Jesus at sa katotohanan na kaniyang itinuturo kung kaya’t sila’y nagsabwatan upang patayin siya at ginawa nila ang lahat ng pagsisikap upang maibaling ang mga tao laban sa kaniya. Sa ngayon, maraming mga pinunong relihiyoso ang sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova nang gayundin katindi. At gaya ng mga sinaunang Kristiyano, ang mga Saksi ay “pinagsasalitaan ng laban” sa kanila sa lahat ng dako. Subalit matalino ba na payagang ang kanilang popular na pananalansang ang humubog sa iyong kaisipan?
Ang ganoon ding mga katotohanan sa Kasulatan tungkol sa Kaharian ng Diyos na ipinangaral ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ay ipinangangaral ngayon ng mga Saksi ni Jehova. Daan-daang libong mga tao sa buong daigdig ang tumatanggap sa mabuting balitang ito sa kabila ng matinding pananalansang ng mga kaibigan, kamag-anak, at mga pinunong relihiyoso. Napatunayan ng mga taong tumatanggap sa mensahe ng Kaharian sa kanilang ikasisiya na ito ang katotohanan, at sila’y disidido na kumapit nang mahigpit dito.
Kaya naman bakit tutularan yaong mga tao noong unang siglo na nagtulot na mailayo sila ng iba buhat sa nagbibigay-buhay na mga katotohanan ng Kasulatan na sumapit sa kanila sa pamamagitan ng di-popular na mga tagasunod ni Jesu-Kristo? Sa halip, patuloy na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at gamitin ang nasusulat na Salita ng Diyos upang patunayan sa iyong sariling ikasisiya na ang iyong natututuhan ay siyang katotohanan. (Juan 8:32) At sa tulong ng Diyos kumapit kang mahigpit sa katotohanan.