“Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon—Huwag na Hindi Daluhan!
Tatlong buo, kasiya-siya na mga araw ng pagkatuto sa Bibliya at kapaki-pakinabang na pakikipagsamahang Kristiyano ang naghihintay sa inyo sa “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa Disyembre at Enero, 32 mga kombensiyon ang nakatakdang ganapin sa buong Pilipinas lamang, kaya magkakaroon ng isa na hindi kalayuan sa inyong tahanan. Magplano na naroroon na kayo sa pag-uumpisa pa lamang ng sesyon sa ganap na ika-9:10 n.u. ng Biyernes, at dumalo kayo hanggang sa katapusang sesyon sa Linggo ng hapon.
Sa pambungad na sesyon ay mapapakinggan ang nakapagtuturong pahayag na “Isang Bayan na Ibinukod sa Sanlibutan.” Sa hapon, isang tuwiran at mariing payo ang ididirekta sa mga magulang at pagkatapos ay sa mga kabataan. Ang mga kabataan ay tutulungan na mag-ingat laban sa pamumuhay na matatawag na isang doblehang pamumuhay. Pagkatapos ang bagay na ito ay itatampok sa isang nakababagbag-pusong drama sa modernong-panahon.
Sa umaga ng Sabado ay mapapakinggan ang pahayag tungkol sa pag-aalay at bautismo, at gayundin ng instruksiyon tungkol sa mga paraan ng pagpapakita natin ng ating pagtitiwala kay Jehova, upang maitampok ang tema ng kombensiyon. “Ang May Pananagutang Pag-aanak sa Panahong Ito ng Kawakasan” ang magiging isa sa mga pangunahing pahayag sa programa sa hapon, at ito’y magtatapos sa isang simposyum ng mga pahayag sa temang “Ang Salita ng Diyos ay Buháy.”
Sa programa sa Linggo ay mapapakinggan ang diskursong “Lubusang Masuklam sa Nakahihiyang Pamumuhay ng Sanlibutan,” at mapapanood din ang kontodo-kasuotan na drama sa Bibliya na nagpapakita ng pagkaapurahan ng ating panahon. Sa hapon, ang pahayag pangmadla na “Sa Ating Kakila-kilabot na Panahon, Sino Talaga ang Mapagkakatiwalaan Mo?” ang magiging isa pang tampok ng kombensiyon.
Makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong pook para alamin ang panahon at lugar ng kombensiyon na pinakamalapit sa inyo.