Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 8/1 p. 26-29
  • Ang Espiritu na Pinagpapala ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Espiritu na Pinagpapala ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tamang Espiritu ang Makikita sa mga Kristiyano
  • Ang Sinang-ayunang Espiritu ang Mahahalata sa Ngayon
  • Pagpapakita ng Tamang Espiritu sa mga Iba Pang Pitak ng Buhay
  • Kanilang ‘Inihandog na Kusa ang Sarili Nila’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kusang-Loob na Paghahandog ng Sarili Para sa Bawat Mabuting Gawa
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1995
  • Banal na Espiritu
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Isang Kusang-loob na Handog Upang Pasulungin ang Dalisay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 8/1 p. 26-29

Ang Espiritu na Pinagpapala ni Jehova

“ANG Panginoon nawa’y suma-inyong espiritu. Ang kaniyang di-sana-nararapat na awa ay suma-inyo nawa na mga tao.” Sa mga salitang ito, tinapos ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham kay Timoteo. (2 Timoteo 4:22) Anong laking kagalakan ang naidulot ng komendasyong ito kay Timoteo at sa mga kasamahan niya​—ang malaman na sila’y nagpakita ng espiritu na pinagpapala ni Jehova!

Subalit ano nga ba ang espiritu na pinagpapala ni Jehova? Anong talaga ang mga katangian niyaong mga mayroon ng espiritung ito? At paano tayo rin naman ay makapagpapakita ng espiritung ito at tatanggap ng mga pagpapala ni Jehova?

Upang masagot ang mga tanong na ito, balikan natin ang panahon ni Moises. Ang mga Israelita ay nasa ilang. Katatapos lamang ni Jehova na makipagtipan sa kanila ng tipan ng Kautusan, at ngayon kaniyang itinatagubilin sa kanila ang paraan na kanilang susundin sa pagsamba sa kaniya. Kasali na rito ang pagtatayo ng isang naililipat-lipat na tolda ng kapisanan na mangangailangan ng maraming ginto, mahalagang mga materyales, at dalubhasang mga manggagawa upang maitayo. Ang pagkakataon na kusang-loob na mag-abuloy ng kinakailangang mga materyales at trabaho ay iniharap sa bansa sa mga salitang ito: “Sinumang may kusang-loob ay magdala ng handog kay Jehova, samakatuwid baga’y, ginto at pilak at tanso at kayong bughaw at kulay ube . . . At pumarito ang bawat matalino sa inyo at gawin ang lahat ng iniutos ni Jehova, samakatuwid baga’y, ang tabernakulo, ang tolda niyaon at ang takip niyaon.”​—Exodo 35:5-19.

Paano tumugon ang bansa sa pagkakataong ito? Ang natitirang bahagi ng kabanata 35 ay naglalahad sa atin kung paanong yaong mga ‘ang puso’y nag-udyok sa kanila’ at ‘yaong ang espiritu’y pumukaw sa kanila’ ay nangag-abuloy at nagsimulang gumawa nang buong sigasig upang ipakita na minamahalaga nila ang pagkakataong ito na ibinigay sa kanila. (Exo 35 Talatang 21, 22, 26) Ganoon na lamang ang kanilang pagtugon kung kaya’t ang Exo kabanata 36, talatang 6, ay nagsasabi sa atin na “si Moises ay nagbigay-utos at itinanyag nila sa buong kampamento, na sinasabi: ‘Huwag nang gumawa ang lalaki o ang babae man ng anumang gawang handog sa santuwaryo.’ Anupa’t sinansala na ang bayan ng pagdadala.” Oo, kinailangan na sila’y sansalain! Si Jehova’y hindi gumamit ng pamimilit nang kaniyang ipasabi: “Sinumang may kusang-loob . . . ” Ang resulta ay na nagpakita ang bansa ng isang espiritu ng pagkukusa, at ito’y nagdulot ng mga pagpapala na malaking kagalakan, at proteksiyon at patnubay ni Jehova sa lahat ng kanilang ginawa.

Makalipas ang mga taon, ang ganoon ding espiritu ang muling nakita. Ito’y nangyari nang si Haring Ezechias ay gumagawa upang isauli ang dalisay na pagsamba sa Israel. Ang ulat ay nagsasabi sa atin na, nang bigyan ng pagkakataon, “ang kongregasyon ay nagdala ng mga hain at mga hain ng pasasalamat, at bawat taong may pagkukusa, ng mga handog na sinusunog.” Ang resulta? “Kaya naman si Ezechias at lahat ng mga tao ay nagalak sa bagay na ang tunay na Diyos ay gumawa ng paghahanda para sa bayan, sapagkat biglang-bigla na nangyari ang bagay na iyon.”​—2 Cronica 29:31-36.

Ang Tamang Espiritu ang Makikita sa mga Kristiyano

Ang ganiyan ba ring espiritu ng kusang pagsasakripisyo-sa-sarili ang masasaksihan natin sa mga panahong Kristiyano? Pansinin kung ano ang isinulat ni Pablo tungkol sa mga Kristiyano sa Filipos sa Filipos 1:3-5: “Ako’y nagpapasalamat sa aking Diyos sa tuwing kayo’y aking naaalaala na parating sa bawat daing ko, ay masayang nananaing ako na patungkol sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng mabuting balita mula nang unang araw hanggang sa sandaling ito.” Sa anong mga paraan natatangi ang mga Kristiyano sa Filipos sa kanilang “pakikisama sa pagpapalaganap ng mabuting balita”? Ang susunod na mga talata ang nagpapakita na hindi lamang kusang iniaayon nila ang kanilang pamumuhay sa mga simulain ng Bibliya upang mapalaganap ang mabuting balita kundi sila rin naman ay masigasig sa kanilang pangangaral at pagtuturo sa iba ng mabuting balita.

Ang mga Kristiyano ay dapat kusang makibahagi sa gawaing pangangaral sa ganitong mga paraan na idiniriin sa Hebreo 13:15: “Sa pamamagitan niya tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” Kaya’t ang pangangaral ng mabuting balita ng bawat Kristiyano ay isang pangunahing paraan na dito’y maipakikita natin ang espiritu ng pagkukusa na siyang katangian ng mga tunay na sumasamba kay Jehova ngayon. Isa pa, ang mga Kristiyano ay pinaaalalahanan na “huwag nilang kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.”​—Hebreo 13:16.

Ang mga kapatid sa Filipos ay nagpakita ng espiritung ito ng pagkukusa sa isa pang paraan. Sa kabanata 4 binanggit ni Pablo ang mga ilang okasyon nang sila’y magbigay sa kaniya ng tulong na pera, kung kaya’t napalawak ang pangangaral ng mabuting balita. (Filipos 4:14-17) Sa ganoo’y tinularan nila ang maiinam na halimbawa ng mga sinaunang mga mananambang iyon kay Jehova. Maliwanag na kanilang pinarangalan “si Jehova ng [kanilang] mahahalagang bagay.” (Kawikaan 3:9) Ang ganiyan ba ring espiritu ang ipinakikita natin pagka tayo’y napaharap sa nakakatulad na mga pagkakataon?

Ang Sinang-ayunang Espiritu ang Mahahalata sa Ngayon

Ipinakikita ng Awit 110 na marami ang magpapakita ng ganiyan ding mainam na espiritu ng pagkukusa at pagsasakripisyo-sa-sarili sa mga huling araw ng kasalukuyang sistema na karamihan ng mga tao ay interesado lamang sa “ako.” Sinasabi sa atin sa Aw 110 talatang 3 na, pagkatapos maghawak ang Mesiyas ng kapangyarihan sa Kaharian noong 1914, ang bayan ng Diyos ay “maghahandog na kusa ng kanilang sarili” at na yaong mga gagawa nito ay kasindami ng “mga patak ng hamog.” Ito ba’y natupad?

Noong Abril 1881 naglathala ang The Watchtower ng isang panawagan para sa 1,000 mangangaral na lalahok sa buong-panahong pangangaral. Ang labas nito noong Mayo 1881 ay nagdiin na yaong mga lalahok sa gawaing ito ay mga tao na “gagawa para magkamit ng makalangit na kabayaran.” Sa loob ng apat na taon, mahigit na 300 ang tumugon​—na natatangi nga dahilan sa maliit na bilang ng nag-alay na mga Kristiyano na kaugnay ng Watch Tower Society noong panahong iyon.

Ang ganito ring espiritu ay nagpapatuloy at nahahalata sa ngayon. Halimbawa, noong 1986 ay mayroong 391,294 na mga payunir (buong-panahong mga ministro) na nag-uulat, sa katamtaman, bawat buwan. Iyon ay isang 21.2-porsiyentong pagsulong, o 68,473 higit kaysa naunang taon! Subalit, ang espiritung ito ng pagkukusa ay taglay hindi lamang niyaong mga nakagugugol ng kanilang buong panahon sa gawaing pangangaral.a

Marami na mayroon pang mga ibang pananagutang maka-Kasulatan​—tulad baga ng pag-aasikaso sa isang pamilya, sa mga magulang na may kapansanan o matatanda na​—​at silang ang kalusugan ay hindi magpapahintulot sa kanila na makibahagi sa buong-panahong ministeryong Kristiyano ang nagpapakita rin ng ganitong espiritu ng pagkukusa at pagsasakripisyo-sa-sarili na totoong nakalulugod kay Jehova. Ito’y nahahalata pagka natalos ng isa na ang kalakhang bahagi ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa karamihan ng bansa ay aktuwal na ginagawa ng mga ministro na gumugugol ng malaking bahagi ng kanilang panahon sa paghahanapbuhay o sa pag-aasikaso ng mga obligasyon sa pamilya o ng iba pang maka-Kasulatang mga pananagutan. Tunay na isang kapuri-puring pagpapamalas ng espiritu na pinagpapala ni Jehova.

Pagpapakita ng Tamang Espiritu sa mga Iba Pang Pitak ng Buhay

Gaya rin noong kaarawan ni Moises at ni Ezechias, sa ngayon ay napapaharap ang mga pagkakataon para sa pagpapakita ng espiritu ng pagkukusa pagka ang lokal na mga kongregasyon ay nagtayo ng isang Kingdom Hall o iba pang katulad na mga pasilidad. Ang ganiyan bang espiritu ay mahahalata sa ganiyang mga kaso? Oo, tunay na nakikita ito!

Ito’y lalong higit na nakikita sa kasalukuyang paraan ng pagtatayo ng Kingdom Hall na malimit tinatawag na mga proyektong quickly built Kingdom Hall. Daan-daang mga Saksi ang nagtitipon at nagtutulung-tulong mula sa Sabado ng umaga tuluy-tuloy hanggang sa Linggo ng gabi​—ang iba’y nagtatrabaho nang magdamag​—​upang matapos ang tinatawag ng mga pahayagan na isang “milagro sa dulo ng sanlinggo.” Sa isang lugar na wala kundi isang tipak ng kongkreto ang nasa isang lote kung Biyernes, kung Linggo ng gabi ay naroon na ang isang natapos na Kingdom Hall na ginagamit sa pagpupulong!b

Mayroon lalong malalaking pagkakataon na maipakita ang espiritu ng pagkukusa may kaugnayan sa pagtatayo ng mga pasilidad ng sangay sa iba’t ibang bansa. Ang laki ng boluntaryong trabaho na iniaabuloy sa paggawa ng sarisaring mga proyektong ito ay di-maubos maisip. Bukod sa abuloy na trabaho, nariyan din ang abuloy na salapi para sa pagbili ng kinakailangang materyales. Kadalasan, ang mga Saksi ay kusang nag-aabuloy ng kinakailangang mga bagay-bagay na nakababawas nang malaki sa gastos na ginugol sa pagtatayo.

Ang isang halimbawa nito ay naganap noong itayo ang bagong sangay sa Sydney, Australia. Doon, ang mga kapatid na naninirahan sa dulong hilaga ng Queensland ay naghanda at nagpadala sa lugar ng konstruksiyon ng apat na semitrailer na kargadang tabla na ang tinatayang halaga’y mula sa $60,000 hanggang $70,000! Sa panahon ng pagtatayo ng sangay, mga bus na punô ng mga Saksi ang nagbiyahe hanggang sinlayo ng Kanlurang Australia, 2,500 milya (4,000 km) ang layo, upang magboluntaryo na magtrabaho ng apat na linggo na hali-halili. Ang mga ilan sa dalubhasang mga manggagawa ay kusang nagtrabaho sa konstruksiyon sa loob ng mga buwan at mayroon pang nagtrabaho nang hanggang sa isang taon o higit pa. Tunay na ito’y isang pagpapakita ng ganoon ding espiritu na saganang pinagpala ni Jehova sa buong lumipas na daan-daang taon at sa ngayon ay malimit na nauulit sa mga ibang lupain.

Karagdagang mga pagkakataon upang makapagpakita ng espiritu ng pagkukusa ang napapaharap pagka ang mga Saksi’y nagtitipun-tipon sa mga asamblea at mga kombensiyon. Bawat gayong asamblea ay nangangailangan ng maraming boluntaryo, kalimitan ay mga buwan patiuna ng gayong mga pagtitipon upang masiguro na lahat ay mapapasaayos at maoorganisa nang mahusay. At minsang mapasimulan, kung minsan ay hanggang isa sa apat na mga Saksing dumadalo ang nagbuboluntaryo upang tumulong sa pagsasagawa ng maraming kinakailangang trabaho para sa isang kaaya-aya at matagumpay na kombensiyon. Baka sa trabaho ay kasali ang pagsisilbi ng pagkain o paglilinis. Baka iyon ay isang trabaho na hindi napapansin ng karamihan ng mga nagsisidalo. Subalit iyon ay napapansin ni Jehova! Kaniyang ginagantimpalaan ang mga taong kusang naghahandog ng kanilang sarili upang gawin ang kinakailangan. Iyo ba ring tinatamo ang kagantihan na resulta pagka ang mga Kristiyano “nang dahil sa pag-ibig ay nagpapaalipin sa isa’t isa” sa pamamagitan ng kusang paghahandog ng iyong paglilingkod kung panahon ng asamblea? Naisip mo bang gawin iyon bilang isang pamilya?​—Galacia 5:13.

Samantalang ang pantanging mga proyektong ito’y nagbibigay sa atin ng maiinam na pagkakataon na ihandog ang ating sarili na taglay ang espiritung ito ng pagkukusa, mayroon pang mga ibang pagkakataon na maipamalas ang ganiyan ding espiritu araw-araw at linggu-linggo. Halimbawa, minsang maitayo na ang Kingdom Hall, ikaw ba ay nakikibahaging lubusan sa paglilinis at sa pagmamantener nito? Sinusuportahan mo ba ang mga gawain dito sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng salapi ayon sa materyal na pagpapalang ibinibigay sa iyo ni Jehova? Iyo bang sinusuportahan ang pangangaral sa iyong bansa sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa lokal na tanggapang sangay? At lalong mahalaga, ikaw ba ay regular na nakikibahagi sa gawain na pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad sa mga tao sa inyong lugar? Walang anuman na talagang maihahalili sa ating personal na bahagi sa gawaing ito na sinabi ni Jesus na siyang pinakamahalagang gawain sa kasalukuyang panahon, bago sumapit ang wakas ng sistemang ito.​—Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 1:8.

Lahat ng nagpapaunlad ng ganitong espiritu na saganang pinagpapala ni Jehova ay nagpapatunay na si Jehova’y “hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo alang-alang sa kaniyang pangalan.” Sa pagpapakita ng ganitong espiritu ng pagkukusa at pagsasakripisyo-sa-sarili, kayo man ay makapagpapatotoo na “ang pagpapala ni Jehova​—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag dito ang kapanglawan.”​—​Hebreo 6:10; Kawikaan 10:22.

[Mga talababa]

a Para sa mga ilang nakagagalak-puso at nagbibigay-inspirasyong mga halimbawa ng mga taong gumugol ng kanilang sarili nang may pagkukusa sa buong-panahong pangangaral, tingnan ang mga artikulo sa Watchtower ng 5/15/55, pahina 317-8; 6/15/62, pahina 375-9; 7/15/63, pahina 437-42; 11/1/70, pahina 666-70; 3/15/71, pahina 186-90; 8/15/76, pahina 485-90; 6/15/80, pahina 24-7. Tingnan ang Watch Tower Publications Index 1930-1985, sa ilalim ng titulong “Life Stories of Jehovah’s Witnesses” para sa karagdagan pang mga halimbawa.

b Tingnan ang The Watchtower 8/1/82, pahina 8-11 at Awake! 7/8/81, pahina 16-19.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share