Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Isang Kusang-loob na Handog Upang Pasulungin ang Dalisay na Pagsamba
PERSONAL na nasaksihan ng mga Israelita ang kapangyarihan ni Jehova na magligtas. Nakita nila nang makahimalang nahati ang mga tubig ng Dagat na Pula, na nagpangyari sa kanilang makatawid sa tuyong lupa at matakasan ang hukbo ng Ehipto. Sa kabilang pampang, kanilang pinanood mula sa isang ligtas na layo ang pagbagsak ng mismong mga tubig na iyon sa mga tumutugis sa kanila. Iniligtas ni Jehova ang kanilang buhay!—Exodo 14:21-31.
Subalit nakalulungkot, hindi pinahalagahan ng ilang mga Israelita ang ginawa ng kanilang Diyos. Samantalang si Moises ay nasa Bundok Sinai, kanilang ibinigay ang mga ginto nilang alahas kay Aaron at nagpumilit silang gumawa siya ng idolo para kanilang sambahin. Sa kaniyang pagbalik, nasumpungan ni Moises ang pulutong ng mga rebeldeng ito na kumakain, umiinom, sumasayaw, at yumuyukod sa isang gintong guya! Sa patnubay ni Jehova, mga 3,000—malamang ang mga pasimuno ng paghihimagsik—ang pinatay. Sa araw na iyon, natutuhan ng bayan ng Diyos ang isang mahalagang aral hinggil sa pangangailangang mag-ukol sila kay Jehova ng bukod-tanging debosyon.—Exodo 32:1-6, 19-29.
Di-nagtagal matapos ang pangyayaring ito, naghanda si Moises na tuparin ang utos ng Diyos na magtayo ng isang tabernakulo, isang naililipat-lipat na tolda sa pagsamba. Ang proyektong ito ng pagtatayo ay mangangailangan ng mamahaling mga materyales at bihasang mga manggagawa. Saan kaya manggagaling ang mga ito? At ano ang matututuhan natin mula sa ulat na ito ng Bibliya?
Pag-aabuloy ng mga Materyales at ng Kakayahan
Sa pamamagitan ni Moises, inutusan ni Jehova ang mga Israelita: “Lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova. Dalhin iyon ng bawat isa na nagkukusang-loob bilang abuloy kay Jehova.” Anong uri ng abuloy? Kabilang sa mga bagay na binanggit ni Moises ay ang ginto, pilak, tanso, mga sinulid, mga tela, mga balat, kahoy, at mahahalagang bato.—Exodo 35:5-9.
Labis-labis ang kayamanang taglay ng mga Israelita upang gumawa ng gayon kalaking abuloy. Alalahanin, nang lisanin nila ang Ehipto, kinuha nila ang kagamitang ginto at pilak, pati na ang maraming pananamit. Oo, “sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo.”a (Exodo 12:35, 36) Noon, kusang-loob na hinubad ng mga Israelita ang kanilang mga alahas upang gumawa ng isang idolo ukol sa huwad na pagsamba. Patutunayan kaya nila ngayon ang kanilang mga sarili na gayon kasabik na maghandog upang pasulungin ang tunay na pagsamba?
Pansinin na hindi nagtakda si Moises ng isang tiyak na halaga na dapat ibigay ng isa, ni kinonsensiya man niya o ipinahiya sila upang mapakilos silang magbigay. Sa halip, sa simpleng paraan ay nakiusap siya sa “bawat isa na nagkukusang-loob.” Maliwanag na hindi nakadama si Moises na kailangan niyang pilitin ang bayan ng Diyos. May tiwala siyang magbibigay ang bawat isa ng lahat ng kaniyang makakaya.—Ihambing ang 2 Corinto 8:10-12.
Gayunman, ang proyekto sa pagtatayo ay mangangailangan ng higit pa kaysa sa pag-aabuloy lamang ng mga materyales. Sinabi rin ni Jehova sa mga Israelita: “Pumarito ang lahat ng may pusong marunong at gawin nila ang lahat ng iniutos ni Jehova.” Oo, kailangan ang may-kakayahang mga manggagawa para sa proyektong ito ng pagtatayo. Sa katunayan, “lahat ng uri ng gawaing-kamay”—kasali ang paggawa sa kahoy, sa metal, at sa mamahaling mga bato—ay kailangan upang matapos ang proyektong ito. Mangyari pa, papatnubayan ni Jehova ang kakayahan ng mga manggagawa, at ang karangalan sa tagumpay ng proyekto ay angkop na mapupunta sa kaniya.—Exodo 35:10, 30-35; 36:1, 2.
May pananabik na tumugon ang mga Israelita sa paanyaya na magbigay ng kanilang mga tinatangkilik at ng kanilang mga kakayahan. Binabanggit ng ulat sa Bibliya: “Lumapit sila, ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso, at nagdala sila, ang bawat isang napakilos ng kaniyang espiritu, ng abuloy kay Jehova para sa paggawa ng tolda ng kapisanan at para sa lahat ng paglilingkod dito at para sa mga banal na kasuutan. At sila ay nagdatingan, ang mga lalaki kasama ang mga babae, ang bawat isa na may pusong nagkukusang-loob.”—Exodo 35:21, 22.
Isang Aral Para sa Atin
Sa ngayon, ang malawakan na gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay naisasagawa sa pamamagitan ng kusang-loob na mga abuloy. Kadalasan, ito ay salapi. Sa ibang mga kaso, ginagamit ng Kristiyanong mga lalaki at babae ang malawak nilang karanasan sa pagtulong na maitayo ang mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay. At nariyan din ang gawain sa mahigit na isang daan na tahanang Bethel sa palibot ng daigdig, gawaing nangangailangan ng iba’t ibang kasanayan. Ang lahat ng may pusong nagkukusang-loob na nag-alay ng gayong mga handog ay makatitiyak na hindi kalilimutan ni Jehova ang kanilang pagpapagal!—Hebreo 6:10.
Ito’y kapit din sa bahagi na mayroon ang bawat isa sa atin sa Kristiyanong ministeryo. Ang lahat ay hinihimok na bilhin ang panahon upang magkaroon ng masigasig na pakikibahagi sa pangangaral. (Mateo 24:14; Efeso 5:15-17) Ginagawa ito ng ilan bilang mga buong-panahong ebanghelisador, o mga payunir. Dahil sa mga kalagayan, hindi makagugol ang ilan ng gayon karaming panahon sa ministeryo bilang mga payunir. Gayunman, sila rin ay kalugud-lugod kay Jehova. Tulad ng mga abuloy para sa tabernakulo, hindi nagtatakda si Jehova ng tiyak na halaga na dapat ibigay ng isa. Subalit kaniyang hinihiling na paglingkuran siya ng bawat isa sa atin ng ating buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Marcos 12:30) Kung ating ginagawa iyon, makatitiyak tayo na gagantimpalaan niya tayo dahil sa kusang-loob na mga handog na ating inialay upang pasulungin ang tunay na pagsamba.—Hebreo 11:6.
[Talababa]
a Hindi ito pagnanakaw. Humingi ang mga Israelita ng abuloy mula sa mga Ehipsiyo, at maluwag-sa-loob na ibinigay ang mga ito. Isa pa, yamang walang karapatan ang mga Ehipsiyo na gawing alipin ang Israel noong una pa man, utang nila sa bayan ng Diyos ang kabayaran para sa maraming taon ng pagpapagal ng mga ito.