Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 10/1 p. 22-25
  • Ang Pagsabog ng Tubig ng mga Daluyong ng Repormasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagsabog ng Tubig ng mga Daluyong ng Repormasyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Lumalaking Daluyong
  • Nasira ang Prinsa
  • Ang Ligwak ay Nakarating sa mga Ibang Bansa
  • Ang Bagong Tanawin
  • Ang Repormasyon—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Ang Daluyong ng Relihiyon—Ang Pangkatapusang Araw ng Pagtutuos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Bahagi 17—1530 patuloy—Protestantismo—Isang Repormasyon?
    Gumising!—1989
  • Bahagi 16—ika-9–ika-16 na siglo C.E.—Isang Relihiyon na Lubhang Nangangailangan ng Pagbabago
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 10/1 p. 22-25

Ang Pagsabog ng Tubig ng mga Daluyong ng Repormasyon

BIGLANG-BIGLANG nakarinig ako ng isa pang hugong, para bagang ng kulog, na mabilis na papunta sa amin. Ang aming pamilya . . . ay nagsimulang magpanakbuhan nang walang lingon-likod sa isang kalapit na burol. Kami’y naabutan ng bumubulang tubig. Lumangoy kami nang paglangoy na noon lamang namin naranasan. Bagama’t kami’y nakainom ng maraming tubig-alat . . . , nakaligtas naman kami.”

Ganito ang pagkalahad ng isang Pilipino ng nakakakilabot na karanasan na bumago sa kaniyang daigdig. Marahil ay hindi ka pa dinaratnan ng isang likas na kalamidad​—ng tubig o ng anumang ibang uring kalamidad. Subalit ang pagmamasid sa kasaysayan ay nagsisiwalat na angaw-angaw na buhay ang nabago dahilan sa isang uri ng kapahamakan na sumapit sa kanila.

Ang relihiyon ay nakasaksi rin ng maraming malalaking kaligaligan, at binago nito ang araw-araw na pamumuhay ng napakaraming tao. Kasali na rito ang mga Hindu, Budhista, Muslim, Judio, at mga Kristiyano. Ang iyo bang buhay ay naapektuhan ng gayong mga kaligaligan? Tiyak na nagkagayon nga, saan ka man naninirahan. Ating ipaghalimbawa ito sa pamamagitan ng pag-atras natin ng mga 400 taon sa lumipas na panahon noong ika-16 na siglo. Una, ang ating pansin ay itutuon natin sa Europa, na noon ay nasa matinding pag-aaway-away, mistulang isang alimpuyo na pabilis nang pabilis.

Ang Lumalaking Daluyong

Sa loob ng daan-daang taon, na humantong sa tinatawag nating Repormasyon, ang Iglesya Katolika Romana at ang mga hari sa Europa ay may kompetisyon sa isa’t isa, bawat isa’y nag-aangkin ng awtoridad na nakahihigit doon sa isa at sa mga mamamayan. Isang kalipunan ng mga tao sa kontinente ang nagtaas ng kanilang tinig bilang pagtutol sa kanilang inaakalang mga pang-aabuso ng simbahan.

Anong uri ng mga pang-aabuso ang nakita nila? Kasakiman, tahasang imoralidad, at pakikialam sa pulitika. Ang karaniwang mga mamamayan ay naging mapusok ang galit sa mga lalaki at mga babae na umaangkin ng natatanging mga biyaya dahilan sa kanilang pamamanata ng karalitaan at kalinisang-puri ngunit lumalabag din sa kautusan sa kanilang lantarang kalikuan at ginagawang imoralidad. Ang mga uring maharlika sa Inglatera ay napukaw ang galit sa kakatwang situwasyon na pagbabayad ng buwis sa isang papa na noon ay naninirahan sa Pransiya at kaalyada pa nito, bagama’t ito’y kaaway ng Inglatera sa digmaan.

Ang kabulukan sa loob ng Iglesya Katolika Romana ay galing sa itaas pababa. Sa isinulat ni Barbara W. Tuchman sa kaniyang aklat na The March of Folly sinabi niya na ang anim na papa na nanungkulan mula 1471 at patuloy ay nagkasala ng “labis-labis na pagtanggap ng suhol, amoralidad, kasakiman, at pambihirang pamumulitika.” Inilarawan pa ni Barbara Tuchman kung paanong si Papa Sixtus IV, upang maitaas at mapayaman ang kaniyang noo’y dukhang pamilya, ay humirang ng limang pamangkin at isang apo sa pamangkin bilang mga kardinal, ng isa pang apo sa pamangkin bilang obispo, at ang anim sa kaniyang iba pang mga kamag-anak ay tinulungan niya na makapag-asawa ng mga pamilyang namumuno noon. Si Alexander VI, nang maging papa na, ay nahayag na maraming kerida at mayroon siyang pitong anak. Sa kaniyang determinasyon na mahalal sa tungkulin, kaniyang sinuhulan ang kaniyang dalawang pangunahing karibal, ang isa sa kanila ay tumanggap ng “ginto’t pilak na kargada ng apat na mula,” ang isinulat ni Barbara Tuchman. Nang malaunan ay nanguna siya sa isang bangkete sa Vaticano na “napatanyag sa kasaysayan ng pornograpya.” Ang aklat ding iyan pagkatapos ang bumabalangkas ng kung papaanong ang tanyag na iskultor na si Michelangelo ay pinagawa ni Papa Julius II ng isang istatuwa niya. Nang tanungin ng manlililok kung ang kaniyang istatuwa’y kailangang maghawak ng isang aklat, ang mandirigmang papa ay tumugon: “Ang ilagay mo’y isang tabak. Wala akong nalalamang anuman tungkol sa pagsulat.”

Nasira ang Prinsa

Ang ordinaryong mga Europeo ay naghahangad pa rin ng espirituwal na patnubay. Nang makita nila na ang mga nasa sarisaring antas ng kapangyarihan ay nahihibang sa pagbibigay-kabusugan sa kanilang sarili, yaong mga mapagpakumbaba ay bumaling sa ibang pinagmumulan ng awtoridad, na kanilang itinuturing na nakatataas sa lahat ng iba pa​—ang Bibliya. Sang-ayon sa awtor na si Joel Hurstfield, ang Repormasyon ang “sa pinakamahalagang diwa ay isang krisis ng awtoridad.” Palibhasa’y nahihintakutan dahil sa kalikuan na nagaganap sa simbahan, ang mga predikador at mga prayle sa Italya ay nangagsalita nang hayagan tungkol sa pangangailangan ng reporma. Subalit ang daluyong ng pagkadiskontento ay doon sa Alemanya nagpapahiwatig ng salagimsim ng darating.

Noong mga panahong pagano, ang mga tribo sa Alemanya ay may tradisyon na sa pamamagitan niyaon maaaring magbayad ng salapi upang ang kriminal ay malibre sa parusa. Nang lumaganap na ang relihiyong Romano, ang kaugaliang iyan ay inangkin ng simbahan bilang mga indulhensiya. Sa pamamagitan nito ang isang makasalanan ay makabibili sa papa ng katumbas na halaga ng merito ng patay nang “mga santo” at magagamit ito upang makaiwas sa temporal na mga parusa ukol sa mga kasalanan. Dahilan sa mga kagipitan sa pananalapi, na likha ng pakikidigma sa Pransiya at dahil sa malawak na proyektong pagtatayo sa Roma, si Papa Leo X ay nagpahintulot ng pagbibili ng mga indulhensiya, na lubusang nagpapatawad sa temporal na mga parusa sa kasalanan. Isang napukaw ang galit na Martin Luther ang naglabas ng kaniyang ngayo’y tanyag nang 95 theses tungkol sa mga kasinungalingang turo ng simbahan. Ang kilusang pagrireporma, na nagsimula na gaya ng isang maliit na patak ng tubig mga ilang salinlahi na ang nakalipas, ay naging isang malakas na agos habang parami nang paraming mga tao ang tumatangkilik.

Noong ika-16 na siglo, mga indibiduwal na tulad ni Luther sa Alemanya, ni Zwingli at ni Calvin sa Switzerland, at ni Knox sa Scotland ang nagsilbing mga lider para sa pagtitipon sa marami na nakakita ng pagkakataon na dalisayin ang Kristiyanismo at bumalik sa sinaunang mga alituntunin at pamantayan ng Bibliya. Isang termino ang binuo sa Alemanya upang tumukoy sa mga taong tumatangging kilalanin ang mga restriksiyon na ipinataw sa pananampalataya ng mga prinsipeng Romano Katoliko, at sila’y nanumpa ng katapatan sa Diyos higit sa kaninuman. Nang maglaon ay nakasali sa terminong ito ang lahat ng sumusuporta sa kilusang Repormasyon. Ang termino ay “Protestante.”

Ang Protestantismo ay lumaganap sa Europa nang napakabilis, binago nito ang paisahe ng relihiyon, nilagyan ng mga bagong teolohikong hangganan. Ang Alemanya at Switzerland ang nanguna, at mabilis na sinundan ng Scotland, Sweden, Norway, at Denmark. Nagkaroon ng mga kilusan sa pagreporma sa Austria, Bohemia, Poland, Transylvania, ang Netherlands, at Pransiya.

Sa Inglatera mahigit nang isang siglo na laganap ang pagkadiskontento, sapol noong mga kaarawan ni John Wycliffe at ng mga Lollards. Subalit nang dumating sa wakas ang paghiwalay sa Iglesya Katolika, iyon ay sa higit na makamundong mga kadahilanan. Ang hari ay nagpasiyang baguhin hindi ang kaniyang relihiyon kundi ang kaniyang asawa. Noong 1534 ipinahayag ni Henry VIII na siya’y pangulo ng bagong Iglesya ng Inglatera. Ang kaniyang mga motibo ay naiiba sa mga kabilang sa mga nagsihiwalay na taga-kontinente, subalit ang kaniyang ikinilos gayumpaman ay nagbukas ng daan upang ang daluyong ng tubig ng relihiyosong pagbabago ay sumabog hanggang sa makaabot sa Britaniya. Sa buong Europa, ang tubig na ito ay mabilis na pinapula ng dugo ng libu-libo na napasubo na sa gayong kilusang relihiyoso.

Pagka sa isang lugar ay bumangon ang kilusan sa reporma, ang pinagpapakuan ng pansin ay mga ari-arian ng simbahan at pati mga lupain nito. Sa loob lamang ng apat na taon, kinumpiska ng Pamahalaan ng Inglatera ang 560 mga monasteryo, ang iba nito’y may pagkalalaking kinikita. Sa mga ibang bansa ang mga lupain ng simbahan ay kinuha ng mga hari at gayundin ng mga mamamayan. Nang ang Roma’y dahasin ng mga mandarambong, walang patumangga ang ginawang kalupitan dito. “Ang kabagsikan at pagkauhaw sa dugo ng mga mandarambong ‘ay maaaring nakapukaw kahit pa sa isang bato upang mahabag,’” ang sabi ni Barbara Tuchman sa kaniyang paglalarawan doon. “Tilian at mga daing ang maririnig sa lahat ng sulok; sa Tiber ay makikita ang lulutang-lutang na mga bangkay.” Ang mga nasa minoridad, kapuwa Katoliko at Protestante, ay malupit na pinag-usig. Sa Bohemia, ang mga Protestante ay sinamsaman ng mga ari-arian, samantalang sa Ireland naman ay naging turno iyon ng mga Katoliko. Ang mga Protestanteng Pranses na Huguenot ay ginawan ng panliligalig, gayundin ang Scottish Presbyterian at Ingles na mga Puritan. Wari ngang isang walang patumanggang patu-patuloy na pagpapatayan ang nagaganap noon, at ang relihiyon ang pangunahing sanhi. Hindi na kaya hihinto ang mga kabuhungang iyon?

Ang simbahan ay walang maihandog na lunas upang magkaroon ng kapayapaan. Subalit ang mga monarka, na sawa na sa giyera sibil, ay nangagkasundo upang mailagay sa pormalang kasunduan ang mga hangganan sa pagitan ng nagkakasalungatang mga relihiyon. Ang kasunduan na Kapayapaan ng Augsburg noong 1555 at ang kasunduan ng Kapayapaan ng Westphalia noong 1648 ang naglagay sa ayos ng mga hangganang relihiyoso at pambansa, na kung saan ang lokal na prinsipe ay pinayagan na magpasiya kung aling relihiyon ang susundin ng kaniyang mga mamamayan. Ang Europa nang magkagayon ay pumasok sa isang bagong kapanahunan, na tatagal pala ng mga 300 taon. Hindi nangyari kundi nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II lubusang nabago na naman ang impluwensiya ng relihiyon sa Europa nang noo’y nagtagumpay na mga Alyado.

Ang pagnanasa ng relihiyosong kalayaan at reporma ay tumindi sa likod ng prinsa ng kapangyarihan ng simbahan. Pagkaraan ng daan-daang taon ng pagpigil, ang tubig sa wakas ay sumabog, umagos at nakarating ang daluyong sa mga libis ng Europa, at nag-iwan ng giba-gibang mga lupain. Nang huminto na ang daluyong ng tubig, ang patnubay sa mga bagay ng pananampalataya sa mga bansang Protestante ay inagaw sa mga kamay ng mga klerigo at napalipat sa mga may kapangyarihang pulitikal. Gayunman ang Europa ay hindi pa rin masasabing may relihiyosong kalayaan at ang mga pinag-uusig ay tumatakas sa bansa at bansa. Hindi na mapigil ng kontinente ang rumaragasang mga daluyong. Hindi nagtagal at nagsimulang lumigwak ito patungo sa mga ibang bansa. Ang ika-17 siglo ang nagsilbing alulod para sa pagbahang iyon. Ang Bagong Daigdig ay dumaraan noon sa pagiging isang kolonya.

Ang Ligwak ay Nakarating sa mga Ibang Bansa

“Isa sa mga pangunahing sanhi ng maagang pandarayuhan sa Amerika,” ang isinulat ni A. P. Stokes sa Church and State in the United States, “ay ang paghahangad ng kalayaan sa relihiyon.” Ang mga tao ay sawa na sa kaligaligan. Ang mga Baptist, Quakers, Romano Katoliko, Huguenots, Puritans, Mennonites, at iba pa ay pawang handang magtiis ng hirap sa pagbibiyahe at lumusong sa isang bagay na wala silang anumang kaalaman. Sinipi ni Stokes ang sinabi ng isa: “Ako’y nananabik sa isang bansa na kung saan ako ay magiging malaya nang sumamba sa Diyos ayon sa itinuro sa akin ng Bibliya.” Ang tindi ng panatisismo na iniwan ng mga dayuhang ito ay masasabing gayon dahil sa mga hirap na handa silang pagtiisan. Sang-ayon sa historyador na si David Hawke sa The Colonial Experience, ang isang nakababagbag-damdaming paglisan sa bayang tinubuan ay malamang na sundan ng “dalawa, tatlo, o apat na buwang araw-araw na paghihintay na sila’y lamunin ng malalaking alon at salakayin ng malulupit na mga pirata.” Pagkatapos nito, ang manlalakbay na sumalunga sa masungit na panahon ay “lulunsad upang ang makasalunga naman ay mga barbarong Indian, na bantog na bantog sa kalupitan . . . [at sila’y mananatiling] gutom nang matagal.”

Ang isahang mga indibiduwal ay kalayaan ang hangarin, ang mga bansang kolonyal ay kayamanan ang hanap. Anuman ang motibo nila, dala ng mga nandayuhang ito ang kanilang sariling relihiyon. Ang Alemanya, Holland, at Britaniya ay nagsikap na gawing isang moog Protestante ang Hilagang Amerika. Ang gobyernong Britaniko lalo na ang may ibig na “hadlangan ang Katolisismong Romano . . . nang pamamayani sa Hilagang Amerika.” Ang Canada ay sumailalim ng impluwensiya ng kapuwa Pransiya at Britaniya. Ang patakaran ng gobyernong Pranses ay na “panatilihing Romano Katoliko ang Bagong Pransiya,” anupa’t tumanggi pa ito na payagan ang mga Huguenot na mandayuhan sa Quebec. Ang Timog Aprika at ang mga bahagi ng Kanlurang Aprika ay sumailalim ng impluwensiyang Protestante. Ang impluwensiyang ito ay tumindi habang lumilipas ang panahon samantalang ang Australia, New Zealand, at marami pang mga isla sa Pasipiko ay napaparagdag sa mga bansang Protestante.

Ang Espanya at Portugal ay nagdadala na noon ng impluwensiyang Katoliko sa Timog at Sentral Amerika. Itinaas ng mga Pranses at Portuges ang bandilang Katoliko sa Sentral Aprika. Sa India, ang Goa ay nasa ilalim ng impluwensiyang Portuges, kaya Katolisismo ang nag-ugat doon.

Ang Society of Jesus (mga Jesuita) ay itinatag noong ika-16 na siglo upang palaganapin ang kapakanang Katoliko. Sa pagsapit ng kalagitnaan ng ika-18 siglo, mayroon nang mahigit na 22,000 Jesuita na gumagawa sa buong globo, at pinatatag pa man din nila ang impluwensiyang Katoliko sa Tsina at Hapón.

Ang Bagong Tanawin

May matinding lakas ang sumabog na mga daluyong ng tubig, gaya ng patotoo ng saksing sinipi sa pasimula ng artikulong ito. Pinapatag nito ang baku-bakong lupain, lumilikha ng mga bagong libis at mga bangin, dinudurog ang anumang maraanan nito. Ang isang nagngangalit na dumadagsang agos ay walang nakikilala. Hindi maaaring mapigil o maipatungo ninuman sa kung saanman. Ganoong-ganoon sa mistulang delubyo, ang Repormasyon.

“Ang nangyari . . . ay, samakatuwid, hindi gaanong masasabing tagumpay ng isang bagong pananampalataya na humihiwalay,” ang sabi ni G. R. Elton sa The Reformation Crisis, “bilang ang pangkalahatan at baitang-baitang na pagtanggap ng isang baha-bahaging Sangkakristiyanuhan na hindi ibig ninuman.” Ang Sangkakristiyanuhan ay baha-bahagi, hinahambalos ng bagyo, nanlulupaypay. Ang panunumpa ng katapatan ay higit na napaugnay sa lokal na mga monarka at sa mas maliliit na mga iglesyang pambansa. Ang malaon nang itinatag ng Roma na alituntunin ay nasira. Ang Nasyonalismo ay nagkaugat sa babad na babad na paisahe ng Protestantismo. Ang Britaniya at ang Estados Unidos, na matibay ang pagkapigil ng sekular na mga lider ng Protestantismo, ay nagsama upang bumuo ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig na tinutukoy ng kasaysayan sa Bibliya, anupa’t kanilang inuugitan ito sapol noong ika-18 siglo.

Gayunman, hindi ginawa ng kilusan ng Repormasyon ang mismong bagay na inaasahang gagawin niyaon. Ano iyon? Sa kalaunan, ang mga saligang doktrina ng mga relihiyong Protestante, maging yaon mang pambansang mga relihiyon o mga iba pa, ay naging kaayon na rin niyaong sa Roma. Ang mga sinaunang repormista ay nangarap na makababalik sa mga pamantayan ng Bibliya, sa dalisay na Kristiyanismo. Habang ang daluyong ng mga tagatangkilik ay lumalaki at bumibilis, dahil sa magulong pangangasiwa ay naglaho ang mga pangarap na iyon.

Ang dumagsang tubig ng repormasyon ay nag-iwan ng mistulang mga trinsera maging sa ating ika-20 siglo. Makikilala mo kaya ang ilan sa mga ito? Lalong mahalaga, tayo’y nakatayo sa bingit ng isang pangkatapusang pambuong daigdig na kaligaligan sa relihiyon. Inaani na ng relihiyong ang kaniyang inihasik. Kung magkagayo’y makaligtas ka kaya upang magmasid sa bagong tanawin na naaabot ng iyong pananaw? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa isang labas ng magasing ito sa Nobyembre.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share