Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/1 p. 25-29
  • Ang Daluyong ng Relihiyon—Ang Pangkatapusang Araw ng Pagtutuos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Daluyong ng Relihiyon—Ang Pangkatapusang Araw ng Pagtutuos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Binahaang Tanawin
  • Babalik ang Baha
  • Saan Ka ba Nakatayo?
  • Bahagi 17—1530 patuloy—Protestantismo—Isang Repormasyon?
    Gumising!—1989
  • Ang Pagsabog ng Tubig ng mga Daluyong ng Repormasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Ang Repormasyon—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Protestante Ba ang mga Saksi ni Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/1 p. 25-29

Ang Daluyong ng Relihiyon​—Ang Pangkatapusang Araw ng Pagtutuos

MARIRINIG ang kaluskos ng nagliliyab na sigâ, ng nagliliparan na mga alipato, ang mga kuwitis ay gumuguhit sa langit ng sarisaring kulay na pula, asul, dilaw, at berde. Mga patatas na may balat. Naghahari ang mga tawanan, ang tilian ng katuwaan. Gabi ng Pagsisigâ sa Inglatera.

SA DI-SINASADYA’Y natuklasan ng mga manggagawa ang 25 bangkay. Ang mga kalansay ay maingat na ibinaon, nakahalukipkip pa. Sa ganoo’y natalisod ng mga historyador ang isang landas ng kahiwagaan na umiral mga 200 taon na ngayon. Quebec, Canada.

Ang binanggit sa itaas ay dalawang di-magkaugnay na mga pangyayari na may iisang ugat​—ang Repormasyon.

ISANG artikulo sa aming labas noong Oktubre 1 ang nagpakita na nasaksihan sa Europa ang malaking kaguluhan sa relihiyon noong ika-16 na siglo. Ang mga ibinunga’y lumaganap sa mga iba pang panig ng daigdig. Maraming pitak ng pamumuhay sa ngayon ang wala kundi mga kanal na naiwan ng tubig ng Repormasyon. Marahil ang mga ito ay may impluwensiya sa iyong araw-araw na takbo ng gawain. Lalong higit na mahalaga, tayo’y nakatayo sa bingit ng isang pangkatapusang kapahamakan ng relihiyon na tiyakang may epekto sa iyong buhay. Alam mo ba kung paano?

Tuntunin ang mga bakas na dinaanan ng Repormasyon sa sumusunod na mga bansa:

Alemanya: Sinasabi ng iba na ang impluwensiya ni Luther sa kulturang Aleman ay hindi katumbas niyaong sa kaninuman na nasa daigdig ng mga taong Ingles ang wika. Ang kaniyang salin ng Kasulatan ang isa sa pinakamalaganap na tinatanggap na Bibliyang Aleman. Malaki ang nagawa ni Luther upang isaayos ang tono ng wika at ilatag ang balangkas para sa pambansang relasyon ng mga Aleman. Kaniyang pinapangyari na kilalanin ng Estado ang pangangailangan na pag-aralin ang lahat, anupa’t itinaas nito ang kalagayan ng propesyon ng pagtuturo.

Canada: Sa kasaysayang kolonyal ay nasaksihan ang pagbabaka ng magkaribal na Britaniya at Pransiya na nag-iwan ng marka sa isang probinsiya lalo na​—ang Quebec. Ang unang-unang nanirahan dito ay mga Pranses na dayuhang Katoliko, subalit ang Quebec ay sumailalim ng pamamahalang Britano noong 1763, at samakatuwid ay Protestante. Hindi pa nalalaunan bago noon na ang mga bangkay na binanggit sa pasimula ng artikulong ito ay lihim na ibinaon malapit sa nakukutaang mga pader ng siyudad. Bakit lihim? Sapagkat waring ang mga ito ay mga Protestante, na noong panahong iyon ay pinagkakaitan na ilibing sa mga sementeryong Katoliko. Ang Quebec ay isa pa ring isla ng Katolisismo na Pranses ang wika, at ito’y dahilan ng pagbangon ng modernong mga kilusang separatista.

Ireland: Palibhasa’y hindi napadadala sa Repormasyon, ang Emerald Isle ay hindi nakialam. Nang sumapit ang panahon, ang impluwensiyang Protestante ay naitawid sa Irish Sea galing sa Inglatera patungo sa mga probinsiya sa hilaga. Ang naipamana nito sa ngayon ay isang Ireland na nahati sa dalawang bahagi. Ang taunang mga martsa kung tag-araw sa Ulster ay pag-aalaala sa mga tagumpay Protestante noong nakaraan. Karaniwan nang pagkatapos ng mga selebrasyon ay naiiwan ang sunud-sunod na mga barikada, mga bomba, at mga balang plastik. Sa Orange Day Parade noong Hulyo 1986 ay 160 ang nasaktan. Ito’y pag-aalaala sa isang araw may 300 taon na ang nakalipas nang ang huling haring Katoliko ng Inglatera, si James II, ay magapi ni King William of Orange, na siyang nagpatatag sa Protestantismo sa Britaniya.

Estados Unidos: “[Ang] iba’t ibang mga sekta na may iba’t ibang kasaysayan sa Europa ay isang matibay na batayan sa pagkakaroon ng kalayaan ng relihiyon sa Amerika,” ang isinulat ni A. P. Stokes sa Church and State in the United States. Nang ang Estados Unidos ay isang kolonya nasaksihan ang pangingibabaw roon ng Protestantismo. Mga pamantayang Calvinista ang sinusunod sa relihiyon, pulitika, at komersiyo. Ang pangunahing paniwala ay na bawat tao’y tuwirang mananagot sa kaniyang Maylikha nang hindi pari ang namamagitan. Ang mithiing ito ay nagsibol ng isang karakter na disididong nagsisikap na hubugin ang kaniyang sariling kapalaran, at anihin ang gantimpala ng kaniyang sariling pagsisikap.

Nagugunita ni T. H. White sa kaniyang aklat na In Search of History na nang may pasimula ng siglong ito, 13 porsiyento ng populasyon ng E.U. ay Katoliko. Ang persentaheng ito ay tumaas hanggang sa mahigit na 25 porsiyento nang sumapit ang 1960. Nagkagayon man, kakaunting Katoliko ang nakasapit sa gawing itaas ng larangan ng pulitika. Nagpatuloy pa si White: “Sa bandang itaas ng Senado, na kung saan pinagpapasiyahan ang digmaan at kapayapaan, kung saan pinagpapasiyahan ang mga kasunduan at mga patakarang panlabas, kung saan pinagtitibay ang pagkahirang sa mga mahistrado ng Korte Suprema, ang gusto pa rin ng mga Amerikano’y mga Protestante ng matandang tradisyon bilang mga tagapag-ingat ng pambansang patakaran.” Nasira ang kaugaliang iyan nang si John F. Kennedy ang maging unang pangulong Katoliko ng Estados Unidos.

Para sa iba pang mga halimbawa buhat sa mga ibang bansa, pakisuyong tingnan ang kahon sa pahina 29.

Isang Binahaang Tanawin

Sa ilalim ng Protestantismo, lumaganap ang teolohikong debate, at ang mga salin ng Bibliya at mga komentaryo ay lumutang-lutang sa baha ng kalayaan at indibiduwal na ekspresyon. Gayunman, habang lumalakad ang panahon, ang kalayaan ang nangibabaw sa kritisismo sa Bibliya. Tinanggap ang mga bagong ideya; nauso ang sariling-pagpapasiya. Ang kaunlaran ay hindi na yaong marahang gumugulong na mga alon kundi ang nakabibinging ugong ng dambuhalang mga alon. Ang malakas na agos ng reporma ang tumangay sa mismong mga pundasyon ng tradisyunal na doktrinang Kristiyano. Ang modernong mga mapagpipilian na gaya ng ebolusyon, kalayaan ng mga babae, at ang ‘bagong moralidad’ ay tinangay ng agos na gaya ng isang tuod ng kahoy, mga tahimik na patotoo na may nangyaring bagyo. Ang personalisadong relihiyon sa mga ilang bansang Protestante ay nag-iwan sa bawat indibiduwal na nakasadsad, nakabara sa kaniyang sariling malungkot na pulo ng pananampalataya.

Sa mga lupaing Protestante ay uso naman ang hilig na kuwestiyunin ang tatag na mga pamantayan. Ang mga tao ay pinasusunod sa isang paniniwala sa progreso, kalayaan, at mga karapatan ng tao. Si Max Weber, sosyologo at ekonomistang Aleman, ay naglathala ng isang sanaysay noong 1904 tungkol sa Protestantismo at kapitalismo. Sinabi niya na ang kapitalismo ay hindi lamang basta isang resulta ng Repormasyon. Subalit kaniyang natuklasan na sa matagumpay na mga lugar ng kapitalismo na may haluang relihiyon, pangunahin na ang mga Protestante ang siyang may-ari, mga lider, mga dalubhasa, at mga sinanay. Sang-ayon sa Der Fischer Weltalmanach, sa 540 Nobel prizes na naipagkaloob hanggang noong 1985, dalawang-katlo ang tinanggap ng mga mamamayan buhat sa mga kulturang Protestante. Ang mga naninirahan sa mga kapaligirang Katoliko ay nagkamit ng 20 porsiyento lamang. Sa nangungunang 20 bansa, kung ang pag-uusapa’y gross national product sa bawat tao, siyam ang Protestante, dalawa ang Katoliko. Sa kabilang panig, sa sampung nakatalang nagpapaunlad na mga bansang may pagkakautang, lima ang Katoliko, walang isa man na Protestante.

Sa pahayagang Aleman na Der Spiegel ay may sumulat na ang mga mithiing Calvinista ang nag-udyok sa mga Britano na maging isang pangunahing kapangyarihan ng daigdig. Mula noong ika-19 na siglo, ang tumitinding lakas sa pulitika ng Estados Unidos, Alemanya, at Gran Britaniya ay naging isang puwersa para sa panibagong lakas sa lipunan. Idiniin ang pagiging magkakapantay sa pagkakataon para sa lahat. Ang mistulang mga uli-uli sa daluyong ng Repormasyon ay itinuturing ng iba na pasimula ng modernong sosyalismo. Ang pulitikal na pagkadama ng pananagutang panlipunan ang nagbukas ng daan para sa welfare state. Lalung-lalo na sa mga bansang Protestante, ang mga awtoridad na sibilyan ang unti-unting humalili sa paghawak ng kapangyarihan sa legal na mga aspekto ng kapanganakan, kamatayan, pag-aasawa, diborsiyo, at pagmamana. Kung tungkol sa diborsiyo at sa legal na aborsiyon sa mga bansang Katoliko kalimitan ay may malaking pagkakaiba ito sa mga bansang Protestante.

Dalawang moog ng Protestantismo, ang Estados Unidos at ang Gran Britaniya, ay nabuo na magkasama upang maging ang dalawang-sungay na mabangis na hayop na hula sa Bibliya. (Apocalipsis 13:11) Isang ika-20-siglong dambuhala sa pulitika, ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, unang tinaguriang ang Liga ng mga Bansa, ay nabuo sa pangunguna ng mga Protestante.

Babalik ang Baha

Ang kumating tubig ay nag-iiwan ng palatandaan sa tabing-dagat na nagpapagunita sa atin ng napipintong pagbabalik niyaon. Sa katulad na paraan, ang Repormasyon noong ika-16 na siglo ay nag-iwan ng nakikitang mga bakas na ating nasasaksihan sa ngayon. May matibay na ebidensiya na tayo’y nakatayo sa pintuan ng isang pang-ultimong daluyong ng relihiyosong pagbabago na makahihigit sa lahat ng nangyari nang mga kaguluhan, na papalis magpakailanman sa huwad na relihiyon, at may epekto sa lahat ng nabubuhay. Ikaw kaya ay makaligtas? Sa buong daigdig, malaganap ang kawalang-kasiyahan sa organisadong relihiyon, buhat sa mga indibiduwal at mga pamahalaan. Bakit may gayong kawalang-kasiyahan?

Malimit na ang relihiyon ay lumalampas sa kaniyang espirituwal na katungkulan, pinaghahalo ang pulitikal na tungkulin at ang relihiyosong katungkulan, ang korona at ang mitra, ang setro at ang krus. Mga ilang taon na ngayon nang ibinangon ng pahayagang pang-Linggo na Observer ang tanong na kung ang mga pulitiko sa Ireland ay handang tanggapin buhat sa mga pari ang pamamahala sa bansa. Ang dating chancellor Helmut Schmidt ng Kanlurang Alemanya ay bumanggit ng tungkol sa pakikialam ng relihiyon sa pulitika sa pamamagitan ng pagsasabi, “Hindi ako naniniwalang ito’y maaaring pahintulutan hanggang magpakailanman.” At inakusahan ng Le Figaro ng Paris ang simbahan sa “pakikialam sa pulitika” hanggang sa punto na “ito’y nanganganib na masaksihang nakikialam naman ang pulitika sa relihiyon.” Buhat sa India hanggang Ehipto hanggang sa Estados Unidos, buhat sa Poland hanggang sa Nicaragua, buhat sa Malaysia hanggang sa Chile, patuloy na nagaganap ang nakahahapong pagsasagupaan ng pulitika at relihiyon.

Ito’y hindi kataka-taka, hindi na bago. Ang Apocalipsis kabanata 17 ay naglalarawan sa buong huwad na relihiyon bilang isang patutot, ang “Babilonyang Dakila,” na nakikiapid sa mga pulitiko sa lupa. Sa talatang 4 ay inilalarawan siya bilang “nagagayakan ng ginto at mamahaling bato at mga perlas.” Ang imperyo ng relihiyon ay walang kabusugan, nakalubalob sa luho, anupa’t dumadaloy sa kaniya ang kayamanan. Noong ika-16 na siglo, ang kumikislap na kaban-yaman ng Iglesya Katolika ay nakaakit ng nabighaning mga sulyap. Ganiyan din ang gagawin ng kumikislap na mga mamahaling alahas ng lahat ng relihiyon sa ating ika-20 siglo.

Ang ganiyang kayamanan ay sinusulyapan na ng mapaghangad na mga mata ng mga pamahalaan. Nasaksihan sa Albanya ang mahigit na 2,000 mga mosque, simbahan, at iba pang mga gusali ng relihiyon, at inilit ang mga ito o dili kaya’y sinunog. Iniulat ng Sunday Times noong 1984 na “pinasimulang sulyapan ang kayamanan ng simbahan” ng gobyerno ng Malta, at pinutol sa mga paaralan ng simbahan ang ibinibigay ng gobyerno na tulong na salapi. Nang tanungin kung paano matatakpan ng simbahan ang nawala sa kaniya, isang ministro ng gobyerno ang tumugon: “Kung kailangan, puwede nilang tunawin ang kanilang mga gintong krus at mga dambanang pilak.” Ang Greek Orthodox Church ay puspusang lumaban sa mga panukalang batas na pinagtibay maaga ng taóng ito ng Parlamento ng Gresya na nagbibigay-karapatan sa gobyerno na kunin ang malalawak na lupain ng simbahan (mga 10 porsiyento ng laki ng bansa).

Sa buong daigdig, ang relihiyon ay isang napakalaking kabiguan. Sa halip na magdala ito ng pagkakaisa, pagkakabaha-bahagi ang dala nito. Isang araw-araw na pahayagang Aleman ang bumanggit sa “alitan ng magkaribal na mga Katoliko at mga Protestante na pagkakapootan ang kinauuwian.” Sa Frankfurter Allgemeine Zeitung ay may sumulat na maging ang mga kilusang ekumenikal man, na nilayong magsilbing tagapagkaisa, ay nagsimula na “walang pagtitiwala, may di mapagkakasundong pag-aalitan ng mga Katoliko at Protestante.” Bilang nanalo noong 1986 ng Nobel Peace Prize, si Elie Wiesel ay sinipi sa isa pang pang-araw-araw na pahayagang Aleman: “Kadalasa’y naiisip ko na tayo’y nabigo. Kung mayroong sinuman na nagsabi sa atin noong 1945 na muli na naman nating masasaksihan ang ganyak-relihiyong mga digmaan na nagaganap sa halos lahat ng kontinente . . . marahil ay hindi natin paniniwalaan iyon.” Ang relihiyon na pinagmumulan ng gulo, nagsusulsol o nagkikibit-balikat sa digmaan, ay huwad na relihiyon. At noon pa mang una ay ipinasiya ng Maylikha na ito’y alisin.

Sa kabanata 17 ng Apocalipsis ay tiyakang sinasabi ang sasapitin ng lahat ng huwad na relihiyon. Sa talatang 16 ay mababasa natin: “Ang sampung sungay [mga gobyerno sa loob ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa] na nakita mo, at ang mabangis na hayop [Nagkakaisang mga Bansa], ang mga ito ay mapopoot sa patutot [huwad na relihiyon] at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakainin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya ng apoy.”

Saan Ka ba Nakatayo?

Bagaman waring mahirap mangyari, tapós na ang araw para sa huwad na relihiyon. Ang mga gawain nito, mga kaugalian, tradisyon, at mga kinamit na biyaya ay hindi na magtatagal at papanaw. Baka para sa iyo iyan ay waring imposibleng mangyari gaya ng ginawa ng mga tao sa Iglesya Katolika noong ika-16 na siglo. Subalit ang tubig ng mga daluyong ng Repormasyon ay nanalanta. Ang mga kayamanan ng simbahan ay napapunta sa mga tao, ang kapangyarihan nito ay napatungo naman sa mga hari. Gayundin sa ating kaarawan, ang mga bansa ang makikialam upang sa wakas ay magkaluray-luray hanggang sa maparam ang huwad na relihiyon.

Ano nga ba ang kahulugan niyan para sa iyong sarili? Suriin ang kinabibilangan mong organisasyon ng relihiyon. Iyon ba ay kasuwato ng Bibliya sa lahat ng kaparaanan? Kung hindi, ang inyo ngang organisasyon ay bahagi ng “Babilonyang Dakila,” o ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sundin ang utos na nasa Apocalipsis 18:4, na nagsasabi: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, . . . kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”

Tandaan, ang daluyong na nagdadala ng lubusang pagkapuksa sa huwad na relihiyon ay patungo na roon. Ito’y makikita na sa abot-tanaw. Saan ka kaya nakatayo pagka ito’y nagdala na ng naghuhumugong na kapuksaan? Sa libis ng pagwawalang-bahala? Sa burol ng ilang sekular na awtoridad? O sa bundok ni Jehova? Iisa lamang ang dako ng kaligtasan.

[Blurb sa pahina 27]

Isang malakas na agos ng reporma ang tumangay sa mismong mga pundasyon ng tradisyunal na doktrina. Mga mapagpipilian na gaya ng ebolusyon, kalayaan ng mga babae, at ang ‘bagong moralidad’ ay natangay na gaya ng tuod ng kahoy

[Blurb sa pahina 28]

May matibay na ebidensiya na tayo ay nakatayo sa pintuan ng isang pangkatapusang daluyong ng pagbabago sa relihiyon. Ikaw kaya’y makaligtas?

[Blurb sa pahina 29]

Kung mayroong sinuman na nagsabi sa atin noong 1945 na muli nating masasaksihan ang ganyak-relihiyong mga digmaan na nagaganap sa halos lahat ng kontinente, marahil ay hindi natin paniniwalaan iyon

[Kahon sa pahina 29]

Timog Aprika: Ang paniwalang Calvinista sa predistinasyon ay nagbigay sa pagtatangi ng lahi ng isang teolohikong pundasyon. Sang-ayon sa pang-araw-araw na pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung ang mga teologo ng Nederduitse Gereformeerde Kerk (na tawag sa Dutch Reformed Church sa Timog Aprika) ay “mga arkitekto ng pulitika ng pagtatangi ng lahi.”

Switzerland: Bilang sentro ng kilusang Calvinista, naakit sa Geneva ang libu-libong mga takas, na may dalang mga kayamanan at kaalaman. Kaya naman, ito ay isa pa ring pangunahing siyudad ng mga bangko at may maunlad na industriya ng paggawa ng mga relos at orasan.

India: Ang Society of Jesus (mga Jesuita) ay lumago bilang bahagi ng Contra-Repormasyon, isang kilusan upang muling ibangon ang Katolisismo pagkatapos ng mga kabiguan ng Repormasyon. Ang mga Jesuita ay naparoon sa mga lalawigan ng Goa noong ika-16 na siglo, hindi pa nagtatagal pagkatapos na ito’y gawing kolonya ng Portugal. Ang impluwensiya ng simbahan ay mababanaag sa populasyon sa ngayon: Sa Goa, 3 katao sa 10 ang Katoliko, samantalang sa India lahat-lahat, 1 katao lamang sa 25 ang nag-aangking isang Kristiyano.

Inglatera: Noong taóng 1605 si James I, isang Protestante, ang lumuklok sa trono. Habang tumitindi ang paniniil sa mga Katoliko sa bansa, bumuo ng isang pakana na pasabugin ang Parlamento, karamay na rito ang Hari at lahat. Ang mga nagpakana nito, isang grupo ng mga Katoliko na pinangunahan ni Guy Fawkes, ay natuklasan at pinatay. Kung Nobyembre 5 ay nagdiriwang ng Gabi ng Pagsisigâ. Ang mga pami-pamilya at mga magkakaibigan ay nagtitipon pa rin upang sa namamasa-masang gabi’y magpaputok ng mga kuwitis at silaban ang isang “guy,” o modelo, ng maypakana.

[Mga larawan sa pahina 26]

Si Martin Luther at si John Calvin​—mga lider sa Repormasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share