Ang Relihiyon ba ay Isang Lakas sa Ikabubuti ng Asal?
BILANG sagot sa tanong na ito, angaw-angaw ang sasang-ayon kay George Bernard Shaw, na sumulat: “Ang relihiyon ay isang dakilang lakas—ang tanging tunay na nagpapakilos na lakas sa daigdig.” Sa kabaligtaran naman, ang awtor na Ingles noong ika-19 na siglo na si John Ruskin, nang sumulat tungkol sa pagkamatapat, ay nang-uyam: “Ang relihiyon ng isang magdaraya ang sa tuwina ay kabuluk-bulukang bagay tungkol sa kaniya.” Aling paniwala ang sa palagay mo’y mas malapit sa katotohanan?
Bilang katunayan ng lakas ng relihiyon na bumago ng asal, baka ituro ng sinuman ang tungkol sa isang “taong tuluyang nagbago” nang kaniyang ‘ialay kay Jesu-Kristo ang kaniyang buhay.’ Ganiyan ang pagkasabi ng isang pandaigdig na magasin nang banggitin ang “kombersiyon” ni Charles Colson, na isa sa mga kasangkot sa iskandalo ng Watergate. Marahil ay ituturo rin ninuman yaong mga taong nagsasabing ang kanilang relihiyon ang nagligtas sa kanila buhat sa isang buhay ng pagpapatutot o ng alkoholismo. Sa mga lupaing di-Kristiyano, angaw-angaw na mga Bibliya ang ipinamahagi, na tiyak naman na nakatulong sa maraming mga tao na mapahusay ang kanilang asal. Maliwanag, ang relihiyon ay nakabuti sa gayong mga tao.
Ang Negatibong Panig
Sa kabilang banda, ang relihiyon ni Hitler ay hindi nakapigil sa kaniya sa paggawa ng masama. Ito’y umakay sa taimtim na mga tao na mag-isip kung bakit hindi sinagot ang isang ginawang pakiusap kay Papa Pio XII upang itiwalag si Hitler. Ang Catholic Telegraph-Register ng Cincinnati, Ohio, sa ilalim ng pamagat na “Reared as Catholic but Violates Faith Says Cable to Pope,” ay nag-ulat: “Dumulog kay Pio XII upang itiwalag si Reichsfuehrer Adolph Hitler.” Kung ginawa ito, hindi kaya maaapektuhan nito ang kinalabasan ng digmaan at nakatulong upang makaiwas ang sangkatauhan sa ganitong pagdurusa? Nakalulungkot sabihin, hindi tumugon kailanman ang papa.
Ang pangangalunya ay karaniwang-karaniwan sa mga ilang bansang Katoliko sa Timog Amerika. At sa Hilagang Amerika isang monsinyor ang sumulat ng editoryal: “Gawing Legal ang Pagpapatutot—Ito’y Siyang Banal na Solusyon.” (Philadelphia Daily News) Pagmasdan din ang mga kalagayan sa mga ilang bansang Protestante na kung saan uso ang pagpapalitan ng asawang babae, ang pagtatalik na bago pa pakasal, at ang pagtatalik ng hindi mag-asawa. Tayo’y makakasumpong ng dahilan para dito na iminungkahi ng paulo sa isang pahayagan: “Walang Imik ang mga Pastor Tungkol sa Pagtatalik Bago Pa Pakasal.” Sinabi ng artikulo: “Ang mga pastor sa Amerika ay may kasalanan sa pananahimik sa pangangaral ng tungkol sa pagtatalik bago pa pakasal . . . Sila’y nangangamba na mawawalan sila ng mga ibang parokyano.” (Telegraph, North Platte, Nebraska) Kaya lahat ba ng relihiyon ay isang lakas sa ikabubuti ng asal?
Sa Sangkakristiyanuhan, ang kawalang-lakas ng relihiyon na baguhin ang asal ay halatang-halata kung panahon ng digmaan. Tingnan natin kung ano ang iyong palagay tungkol sa mga pag-aangking ito na magandang pakinggan. Noong 1934 si Walter W. Van Kirk, kalihim noon ng isang kagawaran ng Federal Council of the Churches of Christ in America, ay sumulat: “Ang mga predikador at mga lego ay gumawa ng mahalagang paninindigan laban sa digmaan . . . Ang krusadang ito sa kapayapaan ng mga simbahan ay galing sa matibay na paniniwalang ang digmaan ay kontrang-kontra sa pangangaral at gawain ni Jesus.” (Religion Renounces War) Pagkatapos na banggitin ang mga ilang simbahan at mga klerigo, ang aklat ay nagtapos: “Ang mga simbahan, sa kalakhang bahagi, ay malinaw na nagsabi na sila’y hindi na dapat ituring na mga kaalyada sa gawain na pagpatay at pamiminsala sa mga tao. Ang mga predikador ay . . . naghuhugas ng kanilang mga kamay upang huwag ipataw sa kanila ang dugo ng kanilang kapuwa, sila’y humihiwalay na kay Cesar.”
Gayunman, ang optimistikong mga pahayag na ito ay nakalulungkot na hindi natupad. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, walang isa man sa mga pangunahing relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang nanindigang matatag upang ‘itakwil ang digmaan.’ Ganiyan ba ang ginawa ng simbahan sa inyong lugar?
Nagibang mga Bakod ng Asal
Pagkatapos na isaalang-alang ang ilang mga katibayan ng kapuwa panig, hindi ka ba sasang-ayon na sa napakaraming kaso, ang popular na mga relihiyon ng daigdig ay hindi naging isang matibay na lakas para sa ikabubuti ng asal? Ang magasing Look ay nagsabi: “Ang mga simbahan . . . ay bigo ng pangunguna tungkol sa asal, at dahil sa sila ang may pinakamalaking pananagutan, ang kanilang kabiguan ang pinakamalaki.” Ang The Courier-Mail ng Brisbane, Australia, ay nagkomento tungkol sa pagkabigo ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na humadlang sa seksuwal na imoralidad: “Kung tungkol na sa mga Obispo at mga Canon . . . ang pagsulat tungkol sa pagtatalik ng mga di mag-asawa ay maaaring isang pagkakawanggawa pa nga na ‘naghahayag ng Kaluwalhatian ng Diyos,’ . . . na ang pakikiapid ay hindi naman masama sa ganang sarili ni ang pangangalunya man ay laging isang pagkakamali; kung magkagayon, ang karaniwang lalaki at babae, at lalung-lalo na ang mga nagbibinata at mga nagdadalaga, ay nalilito kung alin baga ang tama at alin ang mali. Ang resulta ng lahat ng propagandang ito para sa Bagong Moralidad ay ang pagkagiba ng mga bakod ng asal.”
Hindi, sa kalakhang bahagi, ang mga relihiyon ng sanlibutan ay hindi isang tunay na lakas sa ikabubuti ng asal. Bagkus pa nga, sila’y mayroong bahagi sa pananagutan sa nakalulungkot na kalagayan ng asal ngayon. Gayunman, yamang ang dapat na maging kahulugan ng relihiyon ay “paglilingkod at pagsamba sa Diyos o sa kahima-himala,” hindi baga dapat na ito’y maging isang lakas sa ikabubuti sa lahat ng bansa na kung saan mayroon nito? Ano ba ang pagkukulang? Paanong ang iyong relihiyon ay magkakaroon ng gayong lakas sa ngayon?