Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 1/15 p. 21-23
  • Noong Dati ba’y Kasama Ka sa Organisasyon ni Jehova?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Noong Dati ba’y Kasama Ka sa Organisasyon ni Jehova?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ikaw ba ay Natisod?
  • Ikaw ba’y Hindi Sang-ayon sa Isang Turo?
  • Manumbalik Na Ngayon
  • Tulungan Silang Bumalik sa Kongregasyon sa Lalong Madaling Panahon!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • “Si Jehova, Isang Diyos na Maawain at Magandang-loob”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Manatiling Ligtas Bilang Bahagi ng Organisasyon ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • “Manumbalik Kayo sa Akin, at Ako ay Manunumbalik sa Inyo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 1/15 p. 21-23

Noong Dati ba’y Kasama Ka sa Organisasyon ni Jehova?

KAHIHIYAN at matinding kalumbayan ang nadama ng binata. Ang kaniyang damit, gula-gulanit at sira-sira, ay mapagkikilala pa na dati ay makisig na kasuotan. Ngayon ay hindi na mapag-aalinlanganan na siya’y nasa paghihikahos. Samantalang nagugunita niya ang kaniyang malayong bayang tinubuan, nadama niya ang matinding pagkasuklam sa walang habas na pamumuhay na naranasan niya at ang kaniyang inaksayang mana na pinilit niyang mapasa-kaniya nang maaga sa panahon. Ang kaniyang hungkag na sikmura ang lalong nagpalubha ng kaniyang paghihirap, at siya’y nakadama ng kalungkutan dahil sa kalayuan niya sa bayang tinubuan. Siyanga pala, maging ang mga utusan man ng kaniyang ama doon sa kanila ay nasa mas mabuting kalagayan kaysa kaniya! Oh, mas gusto niya na magpalit sila ng kalagayan!

Ngunit anong pagtanggap ang maaasahan niya sa kaniyang ama kung siya’y babalik ngayon sa kanila? Hindi niya inaasahan na siya’y tatanggapin nang buong sigla o papayagan man lamang na makapasok sa loob ng kanilang bahay pagkatapos ng kahiya-hiyang pang-aabuso niya sa kabaitan ng kaniyang ama. Gayunman, isang matinding damdamin ang nangibabaw sa kaniyang isip at puso: Kailangang umuwi na siya.

Anong pagkakiput-kipot ng unawa ng binatang ito sa pagtingin sa kaniya ng kaniyang ama! Anong laking sorpresa ang naghihintay sa kaniya habang palapit siya sa kaniyang dating tahanan! Ang totoo, “samantalang nasa malayo pa siya, natanawan na siya ng kaniyang ama at ito’y nagdalang-habag, at tumakbo at niyakap niya sa leeg at malumanay na hinagkan siya.”​—Lucas 15:20.

Tulad ng alibughang anak, nilisan mo ba ang iyong tahanan? Ikaw ba ay lumayo sa iyong Ama, si Jehova, at sa kaniyang organisasyon? Ibig mo na ba ngayong ‘umuwi sa inyo’?

Malimit, yaong mga napalayo sa organisasyon ni Jehova ay hindi naman katulad na katulad ng alibughang anak. Sa marami, iyon ay isa lamang unti-unti, halos di-nahahalata, na ang isa’y palayo nang palayo​—tulad ng isang munting bangka, na nakalutang at unti-unting napapalayo nang napapalayo sa katihan. Ang iba ay napabigatan nang husto ng mga paghihikahos sa pera o sa mga suliranin ng pamilya, ng sakit o pati yaong “pag-asenso” sa sanlibutan, kung kaya’t ang espirituwalidad nila ay napariwara. Ang iba naman ay napatisod sa mga ibang kaugnay sa kongregasyong Kristiyano o sila’y nagsialis dahil sa hindi sila sang-ayon sa ganoo’t ganitong pagkaunawa na taglay ng organisasyon ni Jehova sa isang punto sa Kasulatan. At mayroon din namang iba na pumayag na sila’y masiraan ng loob at nagsihinto na nang ang kasulukuyang sistema ng mga bagay ay hindi magwakas sa panahon na inaasahan nila.

Kung isa ka sa mga hindi na aktibong nakikiugnay sa organisasyon ni Jehova, malamang na isa o higit pa sa mga dahilang ito ang babagay sa iyong kalagayan. Subalit anuman ang dahilan, hindi baga panahon ngayon na pag-isipan ang pagbabalik?​—Mateo 18:12-14.

Ikaw ba ay Natisod?

Sa pagsasaalang-alang kung gaano na kalayo sa kasakdalan ang sangkatauhan, maaasahan ng isa na magkakaroon ng pagbabanggaan dahil sa kaniya-kaniyang personalidad. Ito’y humantong sa pagkatisod ng ilan. Ang iba naman ay natisod nang ang isang taong lubhang iginagalang nila ay biglang kumilos nang padalus-dalos o sa paraan na di maka-Kristiyano o siya’y napasangkot sa gawang masama.

Ito ba ay nangyari sa iyo? Anuman ang nagpatisod sa iyo, tiyak na hindi si Jehova ang sanhi ng pagkatisod. (Ihambing ang Galacia 5:7, 8.) Kaya mayroon nga bang anumang maidadahilan upang putulin ang ating relasyon sa kaniya dahilan sa ginawa ng sinuman? Bagkus, hindi baga dapat na tayo’y magpatuloy ng paglilingkod sa kaniya nang may katapatan, nagtitiwala na alam ni Jehova ang mga bagay na nangyayari at tayo’y pakikitunguhan niya nang may pag-ibig?​—Colosas 3:23-25.

Sa paglipas ng panahon, natuklasan ng iba na ang nakatisod sa kanila noong una pa ay waring hindi naman kasinghalaga ngayon o baka pa nga wala na iyon ngayon. O sa matahimik na pagsasaalang-alang sa bagay na iyon, baka ngayon pa nga ay maisip nila na sila pala ang talagang nagkamali. Ito kadalasan na ay nangyayari pagka ang isang tao ay hindi sumang-ayon at natisod sa kung anumang payo o disiplina na ibinigay sa kaniya. Kung gugunitain, baka matanto niya na ang gayong pagdisiplina ay ginawa taglay ang tunay na pag-ibig at para rin sa kaniyang kabutihan. (Hebreo 12:5-11) Kung gayon, anong pagkaangkup-angkop nga na kumilos dahil sa payo ni apostol Pablo! Siya’y sumulat: “Iunat ninyo ang inyong mga bisig na nanghihina at ang nangangatog na mga tuhod, at huwag kayong mag-urong-sulong. Kung magkagayon ay hindi manghihina ang bisig na may kapansanan, kundi manunumbalik sa dating lakas.”​—Hebreo 12:12, 13, The New English Bible.

Ikaw ba’y Hindi Sang-ayon sa Isang Turo?

Baka umalis ka sa organisasyon ni Jehova dahilan sa ikaw ay mayroong naiibang pagkaunawa sa ilang punto sa Kasulatan. Kung paano ngang ang mga Israelita na iniligtas buhat sa Ehipto ay dagling “nakalimot sa mga gawa [ng Diyos]” may kinalaman sa kanila at “hindi hinintay ang kaniyang payo,” baka ikaw rin naman ay padalus-dalos na nanghinuha na yamang hindi itinaguyod ng organisasyon ang punto-de-vista na inaakala mong tama, puputulin mo na ang iyong kaugnayan dito. (Awit 106:13) Baka naman ang punto ay nilinaw na, alinman sa iyon ay binago o ginawang maliwanag sa pamamagitan ng higit pang pagsasaliksik sa Kasulatan sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos. Hindi kaya lalong magaling kung ikaw ay nanatili na lamang na kasama ng organisasyon, naghihintay kay Jehova?

Mabuting tandaan na sa tuwina’y kumikilos si Jehova sa pamamagitan ng iisa lamang organisasyon. Sa ating kaarawan, “ang tapat at maingat na alipin” ang namamahagi ng espirituwal na pagkain sa “tamang panahon.” Pansinin na ang aliping ito ay ‘masusumpungang gumagawa ng gayon pagdating ng Panginoon.’ (Mateo 24:45-47) Oo, sino sa ngayon ang nakatatalos na ang Panginoon ay dumating na? At sino ang abala sa gawain na ipinagagawa? Sila lamang na kaugnay sa organisasyon ni Jehova ng mga saksing Kristiyano!

Nang iwan ng iba si Jesus, si apostol Pedro ay nagsabi: “Panginoon, kanino pa kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan.” Batid ni Pedro nang walang bahagya mang pag-aalinlangan na si Jesus ang Mesiyas. Kaya nang marami sa mga alagad ang magitla dahil sa mga salita ni Jesus, natalos ni Pedro na hindi isang katalinuhan na umalis sa pinagmumulan ng “mga salita ng buhay na walang-hanggan.” Pagsapit ng panahon ay magliliwanag din ang anumang pag-aalinlangan o maling pagkaunawa. (Juan 6:51-68; ihambing ang Lucas 24:27, 32.) Ganiyan din naman ang nangyayari sa ngayon, samantalang pasulong na inaakay ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa daan ng katotohanan.​—Kawikaan 4:18.

Manumbalik Na Ngayon

“Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at lubusang manumbalik tayo kay Jehova,” ang pakiusap ni propeta Jeremias. (Panaghoy 3:40) Subalit, ang iba ay baka nag-aatubili pa rin, marahil nangangamba sila na hindi gaanong mabuting pagtanggap ang ibibigay sa kanila ng nasa kongregasyon. Subalit ano nga ba ang ginawang pagtanggap sa alibughang anak noong siya’y umuwi na? “Kami ay . . . nangagsaya,” ang sabi ng ama, “sapagkat namatay ang kapatid mong ito at muling nabuhay at siya’y nawala at nasumpungan uli.” (Lucas 15:32) Isang katulad na mainit na pagtanggap ang naghihintay sa mga taong ‘manunumbalik kay Jehova’ na taglay ang taimtim na pagnanasang gawin ang kaniyang kalooban.​—Ihambing ang Lucas 15:7.

Subalit ang kongregasyong Kristiyano ay hindi lamang basta nakaupo at naghihintay na lumapit ang gayong mga tao kung sakaling sila’y magpasiya na ‘magsiuwi.’ Sa paghahalimbawa na inilahad ni Jesus, ang ama ay nagtatakbo upang salubungin ang kaniyang anak “samantalang ito’y malayo pa.” Sa katulad na paraan, itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na isang personal na obligasyon ang hanapin nila yaong mga dati’y kaugnay ng organisasyon ni Jehova at tulungan silang makabalik.

Subalit kumusta naman kung ang isang tao’y nakagawa ng malubhang kasalanan samantalang nakahiwalay sa organisasyon ni Jehova? O ano kung ang isa’y inihiwalay sa bayan ng Diyos dahilan sa malubhang pagkakasala ngunit magmula na noon ay huminto sa pamumuhay na labag sa pagka-Kristiyano? Mababatid ng matatanda kung paano tutulungan siya sa isang paraang may kabaitan at pag-ibig upang ang kaniyang pamumuhay ay maituwid niya sa harap ni Jehova. Kaya sinuman ngayon na nagnanais na manumbalik at mamuhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos ay dapat ipaalam sa matatanda ang pagnanais nito. “‘Magsiparito kayo ngayon, kayong mga tao, at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,’ sabi ni Jehova. ‘Bagaman ang inyong mga kasalanan ay mapatunayang matingkad na pula, yao’y magiging kasimputi ng niyebe.’”​—Isaias 1:18.

Anong bait, masigla, at mapagmahal ang ating makalangit na Ama! At anong laki ng kaniyang pagtitiis at ng kaniyang interes sa bawat isa sa atin! Tiyak, hindi niya ibig na tayo’y mapuksang kasama ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (2 Pedro 3:9) Si Jehova ang nakiusap pa nga sa kaniyang sinaunang bayan: “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.” Nariyan pa rin ang ganiyang imbitasyon sa ngayon.​—Malakias 3:7.

Ang panahon ay nauubos, kaya huwag magpaliban. Kasama ng bayan ni Jehova, muling tamasahin ang ‘saganang kapayapaan ng mga umiibig sa kautusan ng Diyos.’ “Sila’y walang kadahilanang ikatitisod,” ang sabi ng salmista. (Awit 119:165) Sa kaibuturan ng iyong puso, iniibig mo ba ang kautusan ni Jehova? Kung ikaw ay isang nag-alay na lingkod ng Diyos, ito ang dahilan kung bakit ka gumawa ng pag-aalay sa kaniya. Wala​—oo, talagang wala​—ang maaaring maging higit na mahalaga pa kaysa pagsasauli ng iyong kaugnayan kay Jehova. Huwag mo siyang talikuran. Maingat at may kasamang panalangin na pag-isipan ang bagay na iyan. Kung naputol ang tinatamasa mong ligaya sa pagkakaisa at sigla ng bayan ni Jehova, hindi naman lubhang napakahuli pa na manumbalik sa organisasyon ni Jehova. Gawin mo iyan nang walang pagpapaliban.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share