“Manumbalik Kayo sa Akin, at Ako ay Manunumbalik sa Inyo”
ANG pamilya ay nagkakasayahan noon sa isang nakalulugod na pagliliwaliw sa gubat. Walang anu-ano, si Peter, ang pinakabunso, ay napahiwalay, sa kaniyang paghabol sa isang ardilya patungo sa ibaba ng burol. Biglang-bigla, lumaganap ang ulap, at nagsimulang umulan. Iyon ay isa munang mahinang ambon, ngunit unti-unting naging isang malakas na pag-ulan. Mabilisang tinipon ng pamilya ang kanilang dala-dalahan at nagsitakbo sa kanilang sasakyan. At nagtaka ang bawat isa kung saan nagpunta si Peter.
Samantala, nagsisikap si Peter na makabalik sa kinaroroonan ng pamilya. Mahirap na tumanaw sa bandang unahan, at ang landas paitaas sa burol ay madulas dahil sa pag-ulan. Di-inaasahan, ang lupa ay waring naparam sa ilalim ng kaniyang mga paa nang siya’y matalisod sa isang malalim, nakakubling hukay. Kaniyang pinagsikapang makaakyat, subalit ang mga tabi ay napakadudulas.
Ang ulan ay patuloy na bumuhos sa burol at napupuno ng putik ang hukay. Si Peter ay talagang nanganganib na malunod. Subalit natagpuan siya kaagad ng kaniyang ama at binatak siya roon sa tulong ng isang lubid. Nang bandang huli, si Peter ay pinagalitan nang husto dahilan sa paggagala. Gayunman, samantalang nakabalot ng kumot at kalong ng kaniyang ina, hindi na bale kung pagalitan man siya.
Ang karanasang ito ay mainam na naglalarawan sa nangyayari sa iba na dating kabilang sa bayan ng Diyos. Sila ay nahulog sa malalim na hukay ng sistemang ito ng mga bagay at kahit pagapang ay nagsusumikap makaahon doon at makabalik sa kanlungang organisasyon ni Jehova. Totoong kalugud-lugod malaman na si Jehova ay maawain at handang ‘maglawit ng lubid’ at tulungan sila na makabalik tungo sa kaligtasan!
Ang Maawaing mga Pakikitungo ni Jehova
Kung babalik sa mga kaarawan ng Israel, sa pagtatapos ng pagtatayo ng templo, si Solomon ay naghandog ng isang panalangin ng pag-aalay na doon ay nagsumamo siya kay Jehova na pakinggan ang panalangin na may kinalaman sa templo. Sinabi niya pagkatapos: “Kung sila [ang mga Israelita] ay magkasala laban sa iyo (sapagkat walang tao na di-nagkakasala), at ikaw ay magalit sa kanila at ibigay mo sila sa kaaway, . . . at sila ay matauhan sa lupain na pinagdalhan sa kanila na bihag, at sila ay magbalik-loob at mamanhik sa iyo sa lupaing pinagdalhan sa kanila na bihag, . . . dinggin mo rin ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik buhat sa langit, na iyong tahanang dako.”—1 Hari 8:46-49.
Ang dalangin ni Solomon ay natupad sa maraming pagkakataon sa buong kasaysayan ng Israel. Muli’t muli, ang bayan ng Diyos ay naglilo at humiwalay sa kaniya. Pagkatapos ay nakilala nila ang kanilang pagkakamali at nanumbalik, hinanap siya. At sila’y pinatawad ni Jehova. (Deuteronomio 4:31; Isaias 44:21, 22; 2 Corinto 1:3; Santiago 5:11) Sa pamamagitan ni Malakias, bumanggit si Jehova ng isang libong taóng pakikitungo sa Kaniyang bayan nang Kaniyang sabihin: “Mula nang kaarawan ng inyong mga ninuno kayo’y nagpakaligaw sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod. Manumbalik kayo sa akin at ako ay manunumbalik sa inyo.”—Malakias 3:7.
Mga Dahilan ng Pagkatisod
Tulad sa mga Israelita, ang iba sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay lumihis at humiwalay sa organisasyon ni Jehova. Bakit? Ang ilan ay sumunod sa isang bagay na waring walang kaanu-anuman sa simula, tulad ni Peter sa paghagad sa isang ardilya. Ito ang nangyari kay Ada. Ganito ang kaniyang salaysay: “Nakaugalian na naming lahat na magkakasama sa trabaho na mananghaliang sama-sama sa isang karatig na restauran. Kaya nang ako’y anyayahan nila na magkape sa bandang hapon, mahirap tanggihan iyon. Nangatuwiran ako na hindi naman ako gumugugol ng panahon na dapat sanang gamitin sa pagdalo sa mga pulong o sa pangangaral. Hindi ko natanto na baka ito ay paglabag sa simulain ng 1 Corinto 15:33.
“Hindi nagtagal, ako’y kasama na nila sa pangangabayo kung Sabado. Pagkatapos ako ay kasama na nila na pumapasok sa sine at teatro. Kaya naman pumalya ako sa mga ibang pulong. Sa katapus-tapusan, hindi na ako dumadalo sa anumang pulong ni nakikibahagi sa pangangaral. Nang matanto ko ang nangyayari sa akin, ako’y napahiwalay na sa organisasyon.”
Sa mga ibang kaso naman ang dahilan ay baka isang nakukubling kasalanan na nagpapadama sa isang tao na siya’y di-karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. (Awit 32:3-5) O ang isang tao ay baka natisod sa isang bagay na sinabi o ginawa ng mga kasamahang Kristiyano, hindi nauunawaan, gaya ng sinabi ni Solomon, na “walang tao na hindi nagkakasala.”—1 Hari 8:46; Santiago 3:2.
Ang iba naman ay nasisiraan ng loob pagka sila’y tumanggap ng disiplina. (Hebreo 12:7, 11) Ang pagkaakit sa materyalistikong istilo ng pammumuhay ay umakay sa marami na huminto ng paglilingkod sa Diyos. Kalimitan, sa paghahanap ng makasanlibutang tagumpay, sila’y napalulong na nang lubusan sa paghahanapbuhay na anupat wala nang dako sa kanilang buhay ang paglilingkod sa Diyos. (Mateo 13:4-9; 1 Timoteo 6:9, 10) Ang katayuan ba ng ganiyang mga tao ay wala nang pag-asa?
Tutugon Ka ba sa Paanyaya ni Jehova?
Noong minsan ay may sinabi si Jesus na mahirap maunawaan, at ang iba ay natisod. Sinasabi ng ulat: “Marami sa kaniyang mga alagad ang nagsitalikod at hindi na nagsisama sa kaniya.” Subalit hindi lahat ay natisod. Ang Bibliya ay nagpapatuloy: “Sinabi ni Jesus sa labindalawa: ‘Ibig ba ninyong magsialis din?’ Sinagot siya ni Simon Pedro: ‘Panginoon, kanino pa kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan.’ ” (Juan 6:66-68) Natanto nang may karunungang mga apostol ni Jesus na kapahamakan ang idudulot ng paghiwalay kay Jesus.
Ang iba na napahiwalay ay sa bandang huli sumasapit sa ganiyang panghihinuha. Kanilang natatalos na ang pag-alis sa organisasyon ng Diyos ay hahantong sa kapahamakan at tanging kay Jehova at kay Kristo lamang nila masusumpungan ang mga salita na umaakay tungo sa buhay. Kapag natanto nila na gayon, dapat na matanto rin nila na hindi pa huli na pag-isipan iyan, humingi ng kapatawaran kay Jehova, at manumbalik sa kaniya. Si Jehova na rin ang nagbigay ng paanyaya: “Manumbalik kayo sa akin at ako ay manunumbalik sa inyo.”—Malakias 3:7.
Tunay, saan pa nga makatatagpo ng kaligayahan ang isang tunay na Kristiyano kung hindi sa paglilingkod kay Jehova? Kung ang isang tao ay mapahiwalay pagkatapos na maging isang bahagi ng organisasyon ng Diyos nang kaunting panahon, ano ang mangyayari sa kaniya sa sanlibutan sa labas? Agad niyang matatanto na siya ngayon ay bahagi ng isang sanlibutan na patuloy na nagiging marahas. Siya’y mapapasangkot sa isang sistema ng mga bagay na punô ng pagpapaimbabaw, kabulaanan, pandaraya, at imoralidad, isang sanlibutan na napakapanganib at di-kaaya-aya gaya ng hukay na napuno ng tubig at nagsapanganib sa buhay ng batang si Peter. Pagka siya ay natauhan at natalos niya na nasa panganib ang kaniyang buhay na walang-hanggan, hindi siya dapat mag-aksaya ng panahon sa paghahanap ng tulong upang makaahon sa gayong situwasyon. Gayumpaman, ang pagbabalik ay baka hindi madali.
Ikaw ba ay isang taong nagsikap na manumbalik kay Jehova ngunit napatunayan mo na iyan ay mahirap? Kung gayon ay alamin mo na nangangailangan ka ng tulong. At maniwala ka na ang iyong mga kapatid sa organisasyon ng Diyos ay handang-handa na tumulong sa iyo. Subalit kailangang magsikap ka na ipakita kay Jehova ang iyong hangarin. Panahon na upang ‘matauhan’ at ‘manumbalik kay Jehova.’—1 Hari 8:47.
Tinulungan Upang Makabalik
Inilahad ni Ada ang tumulong sa kaniya upang manumbalik kay Jehova: “Sa tamang-tamang panahon, ang sister na nakipag-aral sa akin ang nag-anyaya sa akin na dumalo sa isang pansirkitong asamblea kasama niya. Siya’y napakabait! At hindi niya ako pinagwikaan! Kaniyang pinagpakitaan ako ng napakalaking pag-ibig. Isang taon na ang lumipas buhat nang huling dumalo ako sa pulong, ngunit binubulay-bulay ko ang kawalang-kabuluhan ng sanlibutan at ang bagay na, sa kabila ng artipisyal na kaningningan, wala kundi kalungkutan, kabiguan, at imoralidad ang umiiral. Kaya ipinasiya kong dumalo sa asamblea. Nang dumating ako sa teatro na pinagdarausan, pumunta ako sa huling hilera ng mga upuan at nagkubli sa isang madilim na sulok. Ayaw kong makita ako ng mga kapatid at tanungin ako.
“Gayumpaman, sa programa ay may payo na lubhang kailangan ko. Nang ito ay matapos, desidido na akong hindi lamang manumbalik sa bayan ni Jehova kundi italaga ang aking sarili sa kaniya nang buong puso. Buong init na tinanggap ako ng mga kapatid at ang ‘alibugha’ ay bumalik.” (Lucas 15:11-24) Matagal nang nangyari ang lahat ng iyan, at si Ada ngayon ay mahigit nang 25 taon na nasa buong-panahong paglilingkuran.
Isa pang napahiwalay ang may nahahawig na masayang kinahinatnan. Ang ilang matatanda ay nagbigay ng payo kay José na higit na nagbabadya ng kanilang sariling kaisipan kaysa sa simulain ng Bibliya. Palibhasa’y nasiraan ng loob at nayamot, si José, sa wakas ay naging di-aktibo. May walong taon siyang napahiwalay sa bayan ng Diyos, at sa panahong iyan siya’y nakapangasawa ng di-kapananampalataya at nagkaanak, na isa roon ay kaniyang pinayagang mabautismuhan sa Simbahang Katoliko.
Sa wakas, siya’y natulungan nang ang tagapangasiwa ng sirkito ay dumalaw sa kaniya at hinimok nito ang matatanda ng gumawa rin ng gayon. Siya’y naibalik at natutuwa na makita na ang kaniyang maybahay ay interesado sa katotohanan. Sa kasalukuyan si José ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Gaya ng ipinakikita ng dalawang karanasang ito, si Jehova ay hindi nagkakait ng mga pagpapala sa mga taong tumutugon sa kaniyang maibiging paanyaya na magbalik.
Subalit, upang tamasahin ang gayong mga pagpapala ay kailangan munang pahalagahan ng isa ang tulong na iniaalok at saka tumugon doon. Sa karamihan ng kongregasyon natatandaan ng mga kapatid yaong mga naging di-aktibo at sila’y dinadalaw paminsan-minsan, sinisikap na matulungan sila. Ang pagtugon sa ganiyang tulong ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa awa ni Jehova.—Santiago 5:19, 20.
Oo, ito na ang panahon ng pagtugon sa paanyaya ni Jehova: “Manumbalik kayo sa akin.” (Malakias 3:7; Isaias 1:18) Huwag nang maghintay pa. Ang mga pangyayari sa daigdig ay nagaganap nang may pambihirang kabilisan. Ang pinakamagaling na dakong kalagyan sa maunos na mga panahong napipinto na ay sa loob ng organisasyon ni Jehova, ligtas sa ilalim ng kaniyang proteksiyon. Tangi lamang yaong mga nanganganlong kay Jehova ang may matatag na pag-asa na maligtas sa kaniyang poot sa dakilang araw ng kaniyang galit.—Zefanias 2:2, 3.
[Larawan sa pahina 30]
Ikaw ba ay tutugon sa paanyaya ni Jehova, “Manumbalik kayo sa akin”?