Makasusumpong Ka ng Walang-Kasinghalagang Kayamanan!
“MAY nakikita ka bang anuman?” ang tanong ng mayamang Ingles. “Opo, kagila-gilalas na mga bagay,” ang tugon ng Ehiptologo. Noon ay 1922, at kasisilip lamang ni Howard Carter sa nitso ni Faraon Tutankhamen sa Ehipto sa Libis ng mga Hari. Nakagagalak ang mga salita ni Carter:
“Habang ang aking mga mata’y nabibihasa sa liwanag, ang anyo ng silid ay unti-unting makikita nang mahawi ang mistulang ulap, na punô ng kakatuwang hayop, mga estatuwa at ginto—sa magkabi-kabila’y ang kislap ng ginto. Sa sandaling iyon—waring sa mga ibang nangakatayo roon ay nabuksan ang walang-hanggan—ako’y natulala sa laki ng panggigilalas . . . Kailanma’y hindi namin napangarap ito, isang buong silid—waring isang buong museo na punung-puno—ng mga bagay na mahalaga.” Inamin ni Carter na nadama niya “ang maigting na pananabik . . . ng isang naghahanap ng kayamanan.”
Ang pagkatuklas na iyon ay nagbilad ng isang di-kapani-paniwalang bunton ng kayamanan na napatago sa loob ng mahigit na 3,000 taóng lumipas. Subalit nais ng Diyos na tayo’y gumawa ng isang lalung malawak na paghahanap ng kayamanan. Ito’y isang pagsasaliksik na lalung higit na nakagagalak kaysa sa anumang pagsasaliksik ng paghahanap ng mga hiyas, ginto, o pilak. Layunin nito na matagpuan ang maka-Diyos na karunungan, at isa sa gantimpala nito ay ang buhay na walang-hanggan.—Juan 17:3.
Kailangan ang Pagsusumikap
Malaking pagsusumikap ang kailangan upang makahukay sa isang lugar na ibig hukayin ng mga arkeologo. Hindi naman madali na maghukay sa isang baku-bakong lugar o sumisid kaya sa mapanganib na karagatan sa paghahanap sa natatago, nababaon, o lumubog na kayamanan. Subalit ang taimtim na mga naghahanap ng kayamanan ay nagagalak na gumugol ng gayung pagpapagal. Kadalasa’y tinitiis nila ang matitinding hirap at napagtatagumpayan ang waring imposibleng pagtagumpayang balakid. Bueno, hindi baga ang paghahanap ng maka-Diyos na karunungan ay karapatdapat sa lalo pang malaking pagpapagal?
Tayo’y makasusumpong ng walang-kasinghalagang kayamanan kung tayo’y gugugol ng kinakailangang pagsisikap upang mag-aral ng Bibliya at ng tunay na Kristiyanong lathalain na nilayong tumulong sa atin upang masumpungan ang mga hiyas ng karunungan na taglay ng mga ito. Kailangan ang patuloy na pagsusumikap. Tayo’y hindi yayaman kung tayo ay magsisimulang maghukay para makatagpo ng materyal na kayamanan subalit hihinto na pagkatapos na ibabaw lamang ang mahukay natin. Ganiyan din kung magsisimula tayong humukay para makatagpo ng espirituwal na kayamanan at walang anu-ano’y hihinto tayo dahil sa naisip natin na totoong nakahahapo na magpatuloy. “Ang karunungan mula sa itaas” ay para sa mga taong nagpapagal upang makamit ito. (Santiago 3:17) Hindi ba dapat kang magsumikap upang masumpungan ang walang-kasinghalagang kayamanan, ang maka-Diyos na karunungan?
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover and page 3 photo: K. Scholz/H. Armstrong Roberts