Natatandaan Mo Ba?
Maingat na pinag-isipan mo ba ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon, marahil ay maaalaala mo ang sumusunod:
◻ Sa anong diwa ginamit ni Pablo ang terminong “tagapamagitan” nang kaniyang tukuyin si Jesus sa 1 Timoteo 2:5, 6?
Sa tekstong ito, ginagamit ni Pablo ang salitang Griego na me·siʹtes para sa “tagapamagitan,” na isang terminong may legal na kahulugan, kaya’t hindi niya ginagamit ang salitang ito sa malawak na diwang karaniwan sa maraming wika. Samakatuwid, hindi sinasabi ni Pablo na si Jesus ay Tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng buong sangkatauhan. Bagkus, kaniyang tinutukoy si Kristo bilang legal na Tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsilbing saligan upang ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo ay makibahagi sa kaniya sa kaniyang makalangit na Kaharian. (2 Corinto 5:1, 5; Efeso 1:13, 14; Hebreo 8:7-13)—8/15, pahina 30, 31.
◻ Sa Mateo 25:34, ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang tukuyin sa mga tulad-tupa: “Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan”?
Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang tulad-tupang mga ito ay maghaharing kasama niya sa langit. Sa halip, ang mga tupa ay magmamana ng makalupang sakop ng Kaharian na inihahanda para sa kanila “mula sa pagkatatag ng sanlibutan” ng mga taong sakop ng pantubos. Sa ganitong paraan sila’y nagiging ang makalupang mga anak ng kanilang “Walang-Hanggang Ama,” ang Hari, si Kristo Jesus. (Isaias 9:6, 7)—9/1, pahina 20.
◻ Kakailanganin ba na ang pinahirang nalabi ay maging buháy sa lupa upang tanggapin sa kanilang pagbabalik ang bubuhaying mga tapat na nangamatay bago sumapit ang 33 C.E.?
Hindi, hindi na kakailanganin ito. Marami sa mga nasa malaking pulutong na makaliligtas sa malaking kapighatian ay sinasanay na ngayon upang mangalaga sa pang-organisasyong pananagutan. Samakatuwid, kanilang magagawang asikasuhin ang kalagayang iyon at turuan ang binuhay-muling mga tao ng kaalaman tungkol sa “bagong lupa” sa ilalim ng “mga bagong langit.” (2 Pedro 3:13)—9/1, pahina 20, 21.
◻ Anong mga bagay ang kasangkot sa “pagkaligtas”? (Gawa 16:30)
Ang pangunahing kahilingan ay: “Manampalataya sa Panginoong Jesus at ikaw ay maliligtas.” (Gawa 16:31) Kasali na rito ang pagkuha ng tumpak na kaalaman sa mga layunin ng Diyos at sa kaniyang daan ng kaligtasan. Pagkatapos ay kailangang manampalataya kay Jesu-Kristo bilang ang Punong Ahente ng kaligtasan. (Juan 3:16; Tito 2:14) Sa ganito’y nalalagay ang Kristiyano sa isang ligtas na kalagayan, subalit kailangang siya ngayon ay magtiyaga sa paggawa ng kalooban ng Diyos at patuloy na sumunod sa lahat ng mga kahilingan ng Diyos sa nalabing bahagi ng kaniyang buhay. Sa ganiyan lamang maliligtas siya tungo sa buhay na walang-hanggan. (Mateo 24:13)—9/15, pahina 7.
◻ Papaanong dahil sa pananampalataya ni Noe ay hinatulan ang sanlibutan? (Hebreo 11:7)
Ang pagkamasunurin ni Noe at ang kaniyang matuwid na mga gawa ay nagpakita na ang mga iba bukod sa kaniya at sa kaniyang pamilya ay maaaring naligtas sana sa Baha kung sila’y kusang nagbago ng kanilang istilo ng pamumuhay. Sa kabila ng mga panggigipit buhat sa kaniyang sariling di-sakdal na laman, sa sanlibutang nakapalibot sa kaniya, at sa Diyablo, pinatunayan ni Noe na posibleng makapamuhay ng isang buhay na nakalulugod sa Diyos.—10/1, pahina 11.
◻ Bakit tayo dapat mag-ingat laban sa walang kabuluhang tsismis?
Baka tayo’y makapagsalita na wala namang layuning saktan ang sinuman, subalit ang waring inosenteng tsismis na ito ay baka makasakit pagka ito’y pinaulit-ulit, nilagyan ng kaunting palabok, o pinilipit, na anupa’t sinisira nito ang marangal na pangalan ng taong pinag-uusap-usapan, at dinudungisan ang kaniyang mabuting pangalan. (Kawikaan 20:19)—10/15, pahina 13.
◻ Ano ba ang mga kapakinabangan pagka ang mag-asawa ay nasa ilalim ng iisang pamatok?
Ang mag-asawa’y nasa katayuan na magpatibayan sa isa’t isa sa pagsamba sa kanilang Diyos. At, sila’y makatitingin sa Kasulatan para magsilbing patnubay sa paglutas ng kanilang di-pagkakaunawaan.—11/1, pahina 20.
◻ Papaano tayo matutulungan sa ngayon ng Sampung Utos?
Ang mga ito’y nagsisiwalat ng pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay at nagsisilbing tagapagpaalaala ng ating obligasyon na ibigin ang Diyos at ang ating kapuwa. (Mateo 22:37-39; 2 Timoteo 3:16, 17)—11/15, pahina 5, 6.
◻ Sa anong tatlong pagkakataon nagsalita ang Diyos samantalang naririnig ni Jesus at ng ibang mga tao?
Ang unang pagkakataon ay nang mga sandaling bautismuhan si Jesus ni Juan Bautista (Mateo 3:17); ang ikalawa ay nang magbagong-anyo si Jesus sa harap nina Santiago, Juan, at Pedro (Mateo 17:5); at ang ikatlo ay noong Nisan 10, apat na araw bago mamatay si Jesus, nang marinig ang tinig ng Diyos ng karamihan ng mga taong nakatayo sa templo. (Juan 12:28)—12/1, pahina 8.