Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Isang Limang-Taóng-Gulang ang Pumukaw ng Interes
KABILANG sa 40,000 Saksi ni Jehova sa Venezuela ay isang limang-taóng-gulang na bata na nagkaroon ng isang kaaya-ayang karanasan. Siya’y matamáng nakinig sa pangmadlang mga pahayag batay sa aklat na Life—How Did It Get Here?—By Evolution or by Creation? at nang bandang huli ay sa pagtalakay ng pamilya sa aklat na ito. Ang limang-taóng-gulang na bata, na miyembro ng isang teokratikong pamilya, kung gayon ay nakaunawa ng turo ng ebolusyon na nanggaling ang tao sa isang “soup.” Sopas, sapagkat sa isang bahagi ng aklat ay tinatalakay ang turo ng ebolusyon na ang buhay ay nanggaling sa isang organikong sopas.
Sa loob ng 14 na taon, isang pamilya na nasa karatig-pinto (mag-asawa, dalawang anak na lalaking tinedyer, at isang pitong-taóng-gulang na anak na babae) ang nagwawalang-bahala sa paanyaya ng pamilyang Saksi na sila’y magsuri ng Bibliya at sumama sa kanila sa pagdalo sa Kingdom Hall.
Isang araw samantalang ang asawang babaing Saksi ay naghuhugas ng mga pinggan, siya’y nakarinig ng isang interesanteng usapan ng kaniyang anak na lalaki at ng munting batang babae na kapitbahay nila, malapit sa bakod na nasa pagitan nila. Ang batang lalaki ay sumagot: “Ano ang alam mo! Ang makasanlibutang mga tao ay nagsasabi na ang tao ay nanggaling sa isang sopas!” Ang batang babae naman ay sumagot, gaya ng karaniwang ginagawa niya: “Ikaw ba’y nasisiraan ng ulo?” Ang batang lalaki’y nagsabi uli: “Hindi, hindi ako nasisiraan ng ulo. Ang sabi ng mga taong makasanlibutan ay na sa isang sopas daw nanggaling ang tao; ngunit si Jehova ang gumawa ng tao.” Nilibak ng batang lalaki ang ideyang iyon, sa pag-aakala niyang iyon ay isang karaniwang sopas na kinakain, na hindi niya gusto. Pagkatapos ay sinabi naman niya sa batang babae: “Dapat sanang ibigay ng aking itay sa iyong itay ang librong Creation upang kaniyang makita na nilalang ng Diyos ang tao.” Gayunman, sinabi ng batang babae na sila ay mga Katoliko, at diyan natapos ang pag-uusap.
Nang ang asawa ng sister na iyon, na isang elder, ay umuwi galing sa trabaho, ikinuwento ng sister ang usapan na kaniyang naulinigan. Bagaman pinatawa sila ng insidente tungkol sa pag-uusap ng dalawang bata, naisip ng brother na marahil ibig ni Jehova na siya’y minsan pang magpatotoo sa kapitbahay na lalaking ito. Kaya makalipas ang mga ilang araw, kaniyang nilapitan ang kapitbahay at ikinuwento ang usapan ng mga bata. Sinabi niya na dahil sa kaniyang anak na lalaki, ibig niyang bigyan siya ng isang kopya ng aklat na Creation. Iminungkahi ng Saksi na basahin iyon ng kapitbahay nang walang maling akala, sapagkat ipakikita niyaon ang pinagmulan ng buhay.
Sa pagtataka ng brother, mga ilang araw ang nakalipas at ang mag-asawang ito, na matagal ding nagwalang-bahala sa katotohanan, ay naparoon sa tahanan ng brother at kanilang inihingi ng paumanhin ang kanilang iginawi sa loob ng maraming taon. Sila raw ay nanggilalas sa kahanga-hangang katangian ng aklat na Creation.
Kaya nakapagpasimula ng isang pag-aaral ng Bibliya sa pamilyang ito. Sila’y nagsimulang palagiang dumalo sa mga pulong at di-nagtagal ay naging mga mamamahayag ng mabuting balita. Ang lalaki, ang kaniyang maybahay at ang dalawang anak na lalaking tinedyer ay nabautismuhan sa isang pandistritong kombensiyon, at ang batang babae ay isa ring mamamahayag ng Kaharian. Ang maybahay ay nagsimulang regular na mag-auxiliary payunir karakaraka pagkatapos ng kaniyang bautismo.
Batid ni Jesu-Kristo yaong mga taong may mabubuting puso, at maaari niyang gamitin ang mga bata at ginagamit na nga niya pati ang mga ito upang marating ang mga taong may ganoong mabubuting puso.—Juan 10:14.