Ang Pagkamatapat ang Siyang Pinakamagaling na Patakaran
ANG pagkamatapat ay lubhang pinapupurihan sa Bibliya at isang kahilingan sa mga tunay na Kristiyano. (Mateo 22:39; 2 Corinto 8:21) Kung gayon, ang pagkamatapat ay tunay nga na pinakamagaling na patakaran, gaya ng ipinakikita ng buhay ng marami sa ngayon na ang mga isip at puso ay binago ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. Ang halimbawa nito ay nanggaling sa Liberia.
Pagkatapos ng pagsasaalang-alang na may kasamang panalangin, isang Kristiyanong matanda at ang kaniyang maybahay ang nagsara ng kanilang sastrerya. Bakit? Sapagkat kinuha niyon ang malaking bahagi ng kanilang panahon at nakahadlang sa kanilang ministeryo at personal na pag-aaral. Sila’y nagkasundo na masiyahan na sa isang katamtamang kita na galing sa pagbibili ng mga pangkulay ng tela. Karakaraka pagkatapos na gumawa sila ng ganitong hakbang, sa lokal na pamilihan ay bumaba naman ang halaga ng gayong mga pangkulay. Ang kanilang kita ngayon ay hindi makatustos sa gastos ng pamilya. Ano kaya ang dapat nilang gawin?
Kanilang hiniling sa kompanyang nagrarasyon sa kanila ng pangkulay na babaan ang kanilang mga presyo, upang sa gayon ay magkaroon naman sila ng malaki-laking tubo. Ito’y tinanggihan. Gayunman, ang kompanya ay nagmungkahi na sila’y magpapadala ng dalawang resibo, isa’y nagpapakita ng aktuwal na presyo at ang isa naman ay isang binabaang presyo na maaari nilang iprisinta sa Adwana upang maliit lamang na buwis ang kanilang ibayad. Kaya ang matanda (elder) ay makapagbubulsa ng $2,000 na ilegal na tubo sa bawat angkat na produkto.
Ang kapatid ay tumangging maging bahagi ng isang kilusan sa pagdaraya at pagnanakaw sa gobyerno. Ang mga opisyales ng kompanya ay nangagtaka at sila’y sumulat: “Aming iginagalang ang iyong budhi,” at kanilang inilagay ang elder bilang tanging ahente para sa kanilang produkto sa Liberia. Ngayon ay natutustusan na nang sapat-sapat ang materyal na pangangailangan ng pamilya, kaya naman ang elder at ang kaniyang maybahay ay nakapag-a-auxiliary payunir, gumagawang kasama ng kanilang mga kapatid sa pagpapatibay sa kongregasyon. Tunay naman, ang kanilang pagkamatapat ay napatunayang isang pagpapala para sa kanila.
Sa Espanya, napatunayan din ni Alfonso na ang pagkamatapat ang siyang pinakamagaling na patakaran. Ang binatilyong ito ay naglayas sa edad na 12 anyos, at hindi nagtagal siya ay nagbebenta ng mga bawal na gamot, nagnanakaw sa mga kotse, tahanan, at mga tindahan. Kung minsan kaniyang nananakawan ang hanggang sampung tindahan sa isang araw. Sa edad na 21 anyos, apat sa kaniyang mga kasamahan ang gumulpi sa kaniya nang todu-todo, kanilang ninakawan siya ng lahat ng kaniyang bawal na gamot, at siya’y pinagbantaan na papatayin kung irereport niya sila sa pulisya. Palibhasa’y kilalang-kilala siya ng pulisya, natatakot pa man din siya na pumaroon sa ospital para pagamot.
Samantalang unti-unting gumagaling sa kaniyang tinamong mga sugat, puspusang pinag-isipan ni Alfonso ang kaniyang pamumuhay. Kaniyang naalaala ang mga bagay tungkol sa Bibliya at sa mga simulaing Kristiyano na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina nang siya’y isang bata. Noon, kaniyang ipinagwalang-bahala ang mga salita ng kaniyang ina, ngunit ngayon siya’y humiling ng pakikipag-aral sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng anim na buwan ay kaniyang lubusang nabago ang kaniyang ugali at pagkatao at naging kuwalipikado sa bautismo.
Gayunman, nang araw bago siya bautismuhan, siya’y tumanggap ng isang sitasyon na humarap sa hukuman sa kargong siya’y nagkasala ng armadong pagnanakaw. Iyon ay isang krimen na nagawa niya noong nakalipas na panahon. Gayumpaman, hayagang inamin ni Alfonso ang kasalanang iyon at siya’y ipiniit samantalang naghihintay ng paglilitis. Pinayuhan siya ng kaniyang abogadong tagapagtanggol na sabihin na wala siyang ninakaw na anuman at na wala naman siyang dalang baril. Ngunit iginiit ni Alfonso ang pagsasabi ng katotohanan. Dahilan sa pagkakasalang nagawa at sa kaniyang masamang rekord sa pulisya, hiniling ng tagausig na siya’y bigyan ng sintensiyang 13 taon. Ngunit dahilan sa kaniyang mabuting inasal at pagkamatapat, siya’y binigyan ng anim na buwan, na panahong kaniyang ipinagdusa na habang naghihintay ng paglilitis.
Ngayon si Alfonso at ang kaniyang maybahay ay naglilingkod kay Jehova nang may katapatan, naliligayahan sapagkat kanilang nasumpungan ang isang tunay na layunin sa buhay at napatunayan sa pamamagitan ng kanilang sariling karanasan na ang pagkamatapat ang pinakamagaling na patakaran.